“Babe, may good news ako sa ’yo,” untag ng kapatid niyang si Blythe sa fiance nito na umiinom ng tubig. Kumapit pa ang dalaga sa braso ng binata saka inihilig ang ulo.
“What is it, babe?” tanong naman ni Bryce matapos ibaba ang baso.
“Area Manager na ako. Na-promote ako sa trabaho kahapon,” excited na pahayag ni Alexa.
Panaka-naka niyang tinatapunan ng tingin ang mga kasamahan. Patapos na silang kumain pero halos ang tatlo niyang kasama lang ang nag-uusap usap. Kung isali man siya ng kaniyang ina sa usapan ay agad ding ibabaling sa kapatid niya ang atensiyon kahit hindi pa siya tapos magsalita.
“Talaga? Congratulations, babe!” Kumislap ang mga mata ng binata na nakatitig sa kaniyang kapatid.
“Thank you! At dahil diyan, kailangan nating mag-celebrate. Sagot ko. Kasi ikaw na lang lagi, eh,” maarteng sambit ng dalaga saka ngumuso.
“Ang galing naman talaga ng anak ko. Mahigit isang taon ka pa lang sa trabaho pero tumaas na kaagad ang posisyon mo. Area Manager ka na kaagad dito sa buong Dasmariñas. Kaya proud na proud ako sa ’yo, anak,” taas-noo namang wika ni Bernice. Sinadya nitong lakasan ang boses na para bang may gustong iparating sa kaniya.
“Thanks, ’My!” Nagpakawala ng isang matamis na ngiti ang kaniyang kapatid saka bumaling sa kaniyang direksiyon. “Ate, hindi mo man lang po ba ako babatiin?” anito.
Dumaan ang sandaling katahimikan. Parehong nakatingin sa kaniya ang dalawang babae, naghihintay sa kaniyang sasabihin. Habang si Bryce naman ay bahagya lang siyang tinapunan ng tingin.
“Ang galing mo naman, bunso! Puwede mo ba akong ipasok diyan sa trabaho mo? Malay mo, makabingwit ako diyan ng customer na matandang mayaman at madaling mamatay.”
Biglang napalingon sa kaniya ang binata. Bakas sa mukha nito ang pagkadismaya. Habang ang ina at kapatid naman ay pagkapahiya ang mababanaag sa mukha. Marahil ay nahihiya sila sa kanilang bisita dahil sa pinagsasabi niya.
“Pagpasensiyahan mo na itong panganay ko, Iho. Ganiyan talaga ’yan. Masiyadong palabiro,” ani ng kaniyang ina. Pinandilatan siya nito ng mga mata saka nahihiyang tumingin sa binata.
“Kung gusto mo, puwede kitang ipasok na dish washer, Ate. Tumatanggap naman sila ng high school graduate kaya for sure na makakapasok ka kahit hindi kita i-rekomenda,” mahinahong sabi ng kapatid niya pero alam niya na sa likod ng tinig na iyon ay naroroon ang pangungutya.
Walang ideya ang pamilya niya na nagtapos siya ng pag-aaral sa kursong Bachelor of Science in Business Administration major in Entrepreneurship. Sa katunayan ay c*m Laude pa siya. Pero inilihim niya iyon sa pamilya.
“Mukhang hindi ako kaagad makakakilala ng mayamang lalaki niyan. What if ipakilala mo na lang ako sa may-ari mismo ng resto? Sabi nila matandang binata daw ’yon? ’Di ba noong nakaraan isinama ka niya sa Baguio kasi naghahanap siya ng magandang puwesto?” sabi pa niya.
Nabura ang ngiti sa mga labi ng kaniyang kapatid. Nagkulay papel ang mukha nito at naging mailap ang mga mata.
“You went to Baguio?” sabat naman ni Bryce, nakakunot ang noo.
Napangisi siya sa naging reaksiyon ng kapatid. Hindi nito magawang salubungin ang tingin ng fiance na naghihintay sa sagot nito.
“Y-Yes. ’Y-Yun ’yung time na hindi mo ako ma-contact. Naiwan kasi dito sa bahay ’yung cellphone ko. I-I’m sorry kung hindi na ako nakapagpaalam sa ’yo. Biglaan kasi,” nauutal na paliwanag ni Alexa na panay ang tingin sa kanilang ina, tila nagpapasaklolo.
Tumikhim si Bernice upang kunin ang atensiyon ng binata. “D-Dumaan lang kasi dito si Mister Tiongco. Ura-urada siyang isinama kaya naiwan ni Alexa ang cellphone niya sa pagmamadali,” segunda pa ni Bernice.
May pagbabanta sa mga matang tinapunan siya nito ng tingin nang ibaling ni Bryce ang atensiyon sa kapatid niya. Tila ba sinasabi ng mga mata ng ina niya, “humanda ka mamaya sa akin”.
Pero sa halip na makaramdam ng kaba ay mas lalo pa siyang natuwa. Matagal siyang nagtiis sa hindi magandang trato sa kaniya ng ina at kapatid.
Minsan kahit may mga bisita ay pinalalabas ng mga ito na isa siyang babaeng walang pangarap sa buhay at walang mararating dahil lang sa isang beses na pagkakamali.
“BLAIRE! Buksan mo ’tong pinto!” Sigaw ni Bernice sa labas ng kaniyang kuwarto. Kulang na lang ay gibain nito ang pinto sa lakas ng pagkatok.
Sa paraan ng pagtawag sa kaniya ng kaniyang ina ay nasisiguro niyang nanggagalaiti na naman ito sa galit. Tinungo niya ang pinto, inihanda niya ang sarili sa galit ng ina bago ito pinagbuksan.
“Bw*sit ka talaga!”
Napaling pakaliwa ang pisngi ni Blaire matapos siyang sampalin ng kaniyang ina. Bumakat ang palad nito sa lakas ng pagkakasampal sa kaniya. Pakiramdam niya ay naalog ang kaniyang utak.
“Bakit kailangan mo pang banggitin kay Bryce ang tungkol sa pagpunta ng kapatid mo sa Baguio? Gusto mo bang sirain ang relasyon nila?” nanlilisik ang mga matang tanong nito. Tumaas-baba ang d*bdib nito dala ng matinding galit.
Dahan-dahan niyang ibinalik ang tingin sa kaniyang ina, pigil ang sariling mapaluha. “Bakit naman masisira ang relasyon nila dahil lang sa pagsama niya sa Baguio? Trabaho naman ang ipinunta niya doon, hindi po ba? Maliban na lang kung may iba pa silang ginawa ni Mister Tiongco?” makahulugang tanong niya.
Tumaas ang sulok ng labi ni Blaire. Tinapunan niya ng malisyosang tingin ang kapatid niyang nasa likod ng kanilang ina. Mangiyak-ngiyak at para bang aping-api.
“A-Ate, hindi ko akalaing pinag-iisipan mo pala ako ng masama sa pagsama ko kay Sir Tiongco.” Pinahid ni Alexa ang luhang pumatak sa kaniyang pisngi.
Naitirik niya ang mga mata. Pinagkrus niya ang mga braso sa kaniyang d*bdib at tamad na sumandal sa hamba ng pinto.
“Hindi kita pinag-iisipan ng masama. Wala naman akong masamang sinabi sa fiance mo tungkol sa pagpunta ninyo ni Mister Tiongco sa Baguio. Malay ko bang hindi pala alam ni Bryce na sumama ka doon sa matanda?” Depensa niya sa sarili.
“Bakit kailangan mo pang ipaalam kay Bryce? Sa susunod na umeksena ka sa usapan namin, hindi lang sampal ang aabutin mo! Huwag kang basta-basta nagbubukas ng topic tuwing may bisita, ha? Panira ka ng araw!” singhal pa ni Bernice sa kaniya sa nandidilat na mga mata.
“Mommy, tama na po. Ako na po ang bahalang kumausap kay Ate. Magpahinga na po kayo.” Awat ng kapatid sa kanilang ina. Hinawakan nito sa braso si Bernice at bahagyang hinila palayo sa kaniya.
“Hindi ko talaga alam kung anong klaseng utak mayroon ka. Matanda ka na pero wala ka pa ring silbi sa pamilyang ’to. Wala ka talaga sa kalingkingan ng kapatid mo.” Pahabol pa ni Bernice, umismid pa ito at tinapunan siya ng nakakainsultong tingin bago tumalikod.
“Ate, ako na po ang humihingi ng dispensa sa mga pinagsasabi sa ’yo ni Mommy. Pasensiya ka na sa kaniya, marami lang siyang iniisip nitong mga nakaraan kaya siya nagkakaganiyan. Dala lang siguro ng stress kaya mabilis uminit ang ulo niya,” mahabang paliwanag ni Alexa.
Pinagmasdan niyang maigi ang maamo nitong mukha saka bumunghalit ng tawa. Bumakas ang pinaghalong yamot at pagtataka sa itsura nito. Halos mag-isang linya na ang mga kilay nito na perpekto ang pagkakaguhit.
“Ano ang nakakatawa, Ate? May mali ba sa sinabi ko?”
“Bakit ba kasi takot na takot si Mommy na malaman ng fiance mo ang tungkol sa pagpunta ninyo sa Baguio ng matandang binata mong amo? Wala naman siguro kayong ginawang masama para mabahala siya ng gano’n?” aniya sa nanunukat na tingin.
Hindi kaagad nakahuma ang kapatid niya. Ngunit maya-maya lang ay biglang tumalim ang mga nito. “Mahal na mahal ko si Bryce, hindi ako gagawa ng ikasisira ng aming relasyon,” mariing sabi nito.
“Sige, sabi mo, eh.” Tumikwas ang dulo ng kilay niya. Ngumisi siya saka nagkibit-balikat.
Walang salita na tinalikuran niya ang kapatid. Kahit anong tanggi at pagpapanggap nito, hindi na siya maloloko.