Chapter XII–1

1159 Words
Dumating na ang araw na pinakahinihintay ng mga UDSians—ang Foundation Day. Alas syete pa lang, abala na ang lahat sa tasks na naka-assign sa kanila. Nakahilera sa labas ng kanilang indoor court ang mga booths na nagtitida ng kung ano-anong pagkain at gamit. Ang mga booths naman tulad ng Dedication Booth, Marriage Booth, Jail Booth, at Horror Booth ay naka-setup malapit sa open court. Agad sinimulan ang kanilang selebrasyon matapos ang Thanksgiving Mass. Sa isang bench malapit sa pond, natatawang pinagmasdan nina Rainsleth at Araselah ang Dedication Booth at Marriage Booth na agad pinilahan ng mga estudyante roon. Siniko niya nang marahan si Selah at tinudyo ito. "Hanapin mo na siya at pumila na rin kayo." Tumawa lang ito at umiling. "Mamaya na." Gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Rain habang pinagmamasdan ang kaibigan na aliw na aliw sa kaganapan sa paligid nila. Napaiwas lang siya ng tingin rito nang unti-unting bumigat ang dibdib niya. Ilang araw na niyang nararamdaman iyon sa tuwing nakikita niya itong nakangiti. At kapag ganoon na, unti-unti na namang lalayo ang pakikitungo niya rito.  "Wala pa ba ang parents mo?" pag-iiba niya sa usapan. Hindi niya pa nakita ang mga ito magmula nang mawalan siya ng alaala kaya 'di siya sigurado kung paano niya pakikitunguhan ang mga ito kapag nagkrus ang kanilang landas. "Wala pa. Pero sabi naman ni ate pupunta sila rito bago pa magtanghalian." Matamis ang ngiti nito nang lingunin siya. "Sama ka sa 'min mag-lunch mamaya." Umurong ang dila niya sa sinabi ng kaibigan. Sa isang iglap, dumapo ang kamay nito sa magkadaop niyang palad nang mapansin ang pag-aalinlangan sa kanyang mukha. "Don't worry, alam na nila ang nangyari sa 'yo."  Wala na siyang nagawa kundi ang tumango sa paanyaya ni Selah. Nagpalipas na muna sila ng ilang minuto roon saka sila naglibot-libot sa booths ng mga pagkain at gamit. Walang pagsidlan ng tuwa ang dalawa habang namimili ng bibilhin nang bigla na lang may humarang sa kanila na dalawang lalaki na nakasuot ng uniporme pampulis. Nahuhulaan na ni Rain kung ano ang mangyayari pero di niya mahulaan kung sino sa kanila ni Selah ang ikukulong ng mga ito. "Sino sa inyo si Rainsleth Lavares?" tanong ng isa sa kanila. Tumaas ang kilay niya at napasinghap naman si Selah. Nagkatinginan silang dalawa. Gusto niyang itanggi na hindi siya iyon pero naunahan na siya ng dalawang lalaki. Nawala sa isip niya na may suot nga pala siyang name tag. "May warrant of arrest po kami para sa inyo. Ang mabuti pa'y sumama na lang kayo nang mahinahon." Kinuha ng dalawa ang magkabilang kamay niya at ikinulong gamit ang pekeng posas. "Teka, sasama ako kahit hanggang labas lang," awat ni Selah. "Sino ba ang nag-file ng case?" Malilintikan ko talaga kung sino iyon. "Malalaman ninyo iyan pagdating natin doon," sagot ng pangalawa. "Bailable ba?" muling tanong ni Selah na inilingan agad ng dalawang lalaki. Hindi maipinta ang hitsura ni Rainsleth habang napapagitnaan. Mas nadaragdagan pa ang inis niya nang pinagtitinginan na sila ng mga estudyante roon. Pagkarating nila, tinanggalan na siya ng posas at iginiya ng warden papasok sa kulungan na may mga pandalawahang mesa at upuan. "Nandoon po siya." Itinuro nito ang mesang kinaroroonan ng lalaking nakaupo patalikod sa kanya, at umiinom ng kung ano. Hindi na siya sinamahan ng warden palapit doon. Nang makalapit na sa likuran ng lalaki, bumwelo na siya at tinadyakan ang kinauupuan nito. "Holy sh*t!" Tumayo agad ito at pinagpag ang pantalon na natapunan ng iced tea. Namilog ang mga mata ni Rain nang mapagsino ito. "Ikaw!?" Naestatwa ito sandali at nakangisi na nang bumaling sa kanya. "Nagulat ba kita, hon?" "Akala ko kung sino na. Ikaw lang pala." Tiningnan niya ito nang pasiring saka padabog na umupo sa upuan sa kabilang mesa. Sumunod naman ito sa kanya. "Ano ba ang gusto mong drink? Iced tea o kape?" "Ilang minuto ba tayo rito?" diretsahan niyang tanong kay Ison Jaxx matapos balewalain ang alok nito. "Depende kung masasagot mo nang maaga lahat ng tanong ko." Humalukipkip ito habang ang isang kamay ay nilaro-laro ang ibabang labi. "Magtanong ka na kung ganoon." Inilapat niya ang isang siko sa ibabaw ng mesa at pumalumbaba. "Magkaano-ano kayo ni Rue?" Nagsalubong agad ang mga kilay niya sa tanong. Hinintay niya munang kompletuhin nito ang pangalan ng tinutukoy nito saka siya sumagot. "Kapatid ko siya." Tumango-tango ito. Ilang tanong pa ang ibinato nito na pawang mga karaniwan lang naman, gaya ng kung ano-ano ang paborito niya. Magsasampung minuto na yata silang nakaupo roon nang may humawak sa palapulsuhan ng kamay niyang nakatukod at hinila iyon nang marahan. Tumaas agad ang paningin niya rito. "I'll bail her out. Magkano ba?" tinig iyon ni Jhenvick na ang kausap ay ang warden na kasunod nito. "Ah, kasi..." Nagpalipat-lipat ang tingin nito kina Ison at Jhenvick. Hindi nito maituloy ang sasabihin at nagsimulang mamasa ang noo. "It's okay. Tapos na rin naman kami." Tumayo na si Ison Jaxx at kumindat pa bago nagpaalam. "See you, hon." Nagpasalamat naman siya kay Jhenvick at sabay na silang lumabas. Sumalubong agad sa kanila si Selah na kababakasan ng pag-aalala ang mukha. Naghanap na muna sila ng mauupuan at doon nagsimulang magtanong ang dalawa. Hindi na siya nagdalawang-isip na ikuwento ang kung ano ang mga napag-usapan nila ni Ison Jaxx. Natigil lang sila nang may umagaw sa atensiyon ng mga estudyanteng naroon malapit sa kanila. Magkapanabay silang lumingon sa tinitingnan ng mga ito. Isang babae at isang lalaki ang namataan ni Rain na nagpaling-linga sa di kalayuan. Parehong naka-formal attire ang mga ito. Puting tux ang suot ng lalaki at asul na gown naman ang suot ng babaeng nakaangkla rito. Napabaling siya kay Selah nang kumaway ito sa mga bagong dating. Ngingiti na sana siya nang makalapit ang mag-asawa sa pag-aakalang mga magulang iyon ni Selah pero nabitin iyon nang iba ang itawag ng kaibigan niya sa dalawa. "Hinahanap n'yo po ba si Zam?" "Yes, hija. Do you know where she is?" nakangiting tanong ng babaeng tinawag ni Selah ng Mrs. Villania. Sopistikada ang dating nito at may natural na ganda. Medyo kulot ang maikli nitong buhok at katamtaman lang ang taas. Makinis at maputi naman ang balat. Kung titingnan, parang nasa late 30's pa rin ito. "Ah, opo. Nasa theater room po sila ni ate Ainsley," sagot naman ng kaibigan niya. Nagpasalamat naman ang babae at naglakbay ang tingin nito sa kanila ni Jhenvick. "Your friends?" "Opo. Siya po si Jhenvick, boyfriend ko. At ito naman ang bestfriend kong si Rainsleth," pakilala ni Selah sa kanila. Nakipagkamay ang babae sa kanila at ganoon din ang ginawa ni Mr. Villania. "I'm pleased to meet you." Bumundol ang kaba sa dibdib ni Rain nang magkadaop ang mga palad nila ng lalaki. Matamis ang ngiting iginawad nito sa kanya na sinuklian niya ng pagkatulala. Hindi na naalis ang tingin niya rito hanggang sa magpaalam na ang dalawa. Ni hindi niya namalayan na wala na pala sa harapan nila ang mga ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD