Chapter XI

2215 Words
Nahati ang desisyon ni Rainsleth sa kung ano ang dapat gawin sa hawak niyang impormasyon. Wala siyang matibay na ebidensiya para patotohanan na isa nga si Casimir sa mga bumaboy at kumitil sa buhay ni Xena.  Hindi siya dapat magpadalos-dalos at baka akalain pa ng mga pulis na nasisiraan na siya dahil sa pagpapaniwala sa isang panaginip na wala namang basehan. Pansamantala niya munang isinantabi ang bagay na iyon. Wala rin siyang ideya kung totoong hindi nagsampa ng kaso ang mga Villania para maimbistigahan ang nangyari sa babae. Mag-isa siyang pumasok nang umaga ng Lunes dahil nauna na sa kanya ang kaibigang si Araselah. Maraming mata ang harap-harapang tumitig sa kanya na ikinakunot ng noo niya. Hindi rin nakaligtas sa kaniya ang kinikilos ng mga ito at ang pagbubulong-bulungan. Ano'ng meron? "Bes!" Sumalubong sa kanya ang humahangos na si Selah at biglang kinuha ang kanyang kamay. "Sumunod ka sa akin." Hinila siya nito sa kung saan kahit hindi pa man ito tuluyang kumalma. "Bakit, ano ba iyon?" naguguluhan niyang tanong habang pinapantayan ang bilis ng lakad nito. Hindi ito nag-abalang sumagot at binitiwan lang siya nang tuluyang maiharap sa bulletin board, matapos nilang makipagsiksikan para mapunta sa harapan. Nagpalipat-lipat ang kanyang tingin sa kaibigan at sa papel na nakapaskil. Nagtatanong ang mga matang ipinukol niya rito. "Basahin mo," utos nito nang hindi makatiis at inilapat ang hintuturo sa hulihang bahagi ng papel. "Bakit ako? Pa'no ako nasali riyan, eh, hindi naman ako nagpalista?" sunod-sunod niyang tanong matapos mabasa kung para saan iyon. Hindi na nagawang itikom ang nakaawang na mga labi. "Handpicked daw, bes. Ikaw ang napaili para maging representative ng department natin." Nginitian siya ni Selah na nauwi rin sa ngiwi. Halatang nabasa nito sa kanyang mukha na hindi siya excited sa ibinalita nito. "Paano na? Wala naman akong alam sa ganito." Napako na roon ang kanyang paningin kaya hindi na niya napansin ang biglaang paglisan ng mga estudyante, maging ang bultong tumabi sa kanya. "You joined?" Napaayos siya ng tayo at naitikom ang bibig. Katamtaman lang ang lakas ng boses nito na siya lang ang makaririnig. Kahit hindi niya ito lingunin nang todo, nakikita naman niya ito sa gilid ng kanyang mata. Katulad niya kanina, nasa harapan lang din ang tingin nito habang nakapamulsa. Lutang na lutang ang kaputian dahil sa suot na itim na V-neck T-shirt na pinarisan ng slim fit jeans at sneakers na may kaparehong kulay. "Handpicked daw," paggaya niya sa sagot ni Selah. "You want to back out?" muling tanong nito. Doon na siya tuluyang napalingon kay Koen. Hindi niya akalaing mababasa nito ang kanyang hinaing nang ganoon kadali. "Pwede kaya? Sa susunod na linggo na iyan, eh," nagawa niyang itanong matapos mag-alinlangan. "Let's talk about that later. I'll handle this." Saglit siya nitong tinapunan ng tingin saka tinalikuran. Noon lang niya sinuyod ng tingin ang paligid. Tumaas ang isang kilay niya nang mapansing siya na lang ang natira sa harapan ng bulletin board. Pumasok na sa kani-kanilang klase ang iba habang ang ilan naman ay nakamasid lang sa isang tabi... nakaawang ang mga labi . Sumasalamin ang pagtataka sa kanilang mga mata, at tila hindi makapaniwala. "Bakit?" hindi niya napigilang itanong. Pero walang naglakas-loob na sumagot. "T-tara na, bes. Late na tayo," agaw ni Selah sa atensiyon niya. Hindi niya alam kung saan ito nagpunta't bigla siyang iniwan tulad ng iba. Hindi rin nakaligtas sa kanya ang biglaang pagkailang nito nang tuluyang makalapit. Nagdalawang-isip pa muna ito bago siya nagawang hawakan ulit at hilahin palayo roon. "May problema ba? Bakit ganoon sila makatingin?" Isang sulyap pa ang ginawad niya sa kanilang pinanggalingan habang akay-akay siya ni Selah. Umabot sa tainga niya ang buntong-hininga nito. Sandaling nagtagpo ang kanilang paningin bago ito bumaling sa nilalakaran. "Ahm..." Kumalas ang kamay nito sa pagkakahawak sa braso niya at lumipat iyon sa hawakan ng sling bag nito. "Hindi ko akalain na ganoon na pala kayo ka-close ni Someroux?" "Ow..." Naghugis bilog ang mga labi ni Rain habang nangangapa ng tamang isagot. "May problema ba kung maging malapit kami sa isa't isa?" Ngumiti siya rito para hindi nito masamain ang tanong. Kung ibang tao lang ito, baka tinarayan na niya ang kaibigan. "Hindi naman sa ganoon, bes. Medyo nagulat lang ako. Dati naman, hindi ka makapagsalita kapag kaharap siya," dire-diretso nitong saad.  Natigil si Rain sa paghakbang papasok sa classroom nila. "Ah, I mean..." Biglang nangapa si Selah. Huli na nang mapansin nito ang mali sa sinabi. "Kung ganoon, totoo nga? Nakalimutan mo kasing banggitin na suitor ko pala siya." Nakalimutan mo nga ba? Hindi na nagawang isatinig ni Rainsleth ang huli at pumasok na lamang. "Sorry," iyon lang at tuluyan na itong umupo sa katabing silya ng sa kanya. Buong araw silang nagkailangan ni Selah dahil sa nangyari. Hindi siya galit sa kaibigan pero ayaw naman niyang maunang magsalita lalo na't hindi pa rin ganoon kalapit ang loob niya rito. Kahit pa sa katotohanang ipinaparamdam nito kung gaano sila ka-close bago siya mawalan ng memorya. Pinauna niya si Selah na umuwi at idinahilang kakausapin niya muna ang organizers ng pageant para sa pag-atras niya sana. Kung wala lang sigurong bakod na nakapagitan sa kanila mula pa kanina, baka nagpumilit na ito na samahan siya. Nang mawala ito sa paningin niya, saka pa lamang siya naglakad patungo sa likuran ng UDS. Papaliko na sana siya sa gilid ng gusali nang may tumawag sa kanya. Nabitin ang isang paa niya sa ere. "Where's Arselah?" tanong ni Jhenvick nang makalapit. "Araselah," pagtatama niya. "Whatever." Magsasalita na sana itong muli nang may umagaw sa atensiyon niya. "Hi!" si Jace iyon na papalapit sa kanila. Pinigilan niyang irapan ang dalawa. Tipid na ngiti lang ang itinugon niya rito at pinagbalingan ang maliliit na bato sa may paanan. Pinagsisipa niya iyon nang malamya. Wrong timing talaga ang dalawang 'to. "Saan ang punta mo?" tanong nito nang mapansing wala na siya sa sementadong parte ng campus. "And where's Selah?" "And why are you looking for my girlfriend?" biglang sabat ni Jhenvick. Binaliwala niya ito at sinagot ang tanong ni Jace. "Nauna nang umuwi." "And ikaw?" Kunot-noo itong bumaling sa gawi kung saan siya papunta. "Ah, wala. Akala ko kasi may wild animal akong nakita roon. Guni-guni ko lang pala," palusot niya. Kusang gumalaw ang kaliwang kamay ni Rain para himasin ang sariling kilay. "Arats. Ihahatid na kita." Kumilos ito para kunin ang nakasukbit niyang bag na agad niyang ikinaatras. Natigilan si Jace sa ginawa niya. "Wag na. May kakausapin pa kasi ako tungkol sa balak kong pag-atras sa gaganaping pageant," paliwanag niya. "Samahan na kita," halos magkasabay na sabi ng dalawang lalaking kaharap ni Rain. Nagkatinginan pa ang dalawa. Sumama ang tingin ni Jace kay Jhenvick na ipinagkibit lang ng balikat ng huli. "Hindi na," mariing tanggi ni Rain. "Mauna na kayo, baka kasi matagalan pa ako." "Eh, di mas dapat na samahan kita. Baka gabihin ka't kung ano pa ang mangyari sa 'yo," pamimilit pa ni Jace at hindi na siya binigyan pa ng pagkakataong makatanggi. "Alam mo naman siguro na may pinatay malapit dito kamakailan lang." Mabilis nitong naagaw sa kanya ang bag at ang ibang hawak niya. Bumagsak ang mga balik ni Rainsleth sa kawalan ng masabi. "Not on my watch." Rumagasa ang pag-asa sa kanya nang marinig ang mga katagang iyon. Nalingunan niya si Koen sa gilid at mukhang kagagaling lang sa likurang parte ng paaralan. Ang isang kamay ay nakakapit sa single strap backpack nito habang naglalakad palapit sa kanila. "Ako na ang maghahatid sa kanya pagkatapos naming pumunta roon." Sinadya pa nitong lagyan ng diin ang salitang "namin". "No way!" Mabilis na humarang sa harapan niya si Jace na agad ding ginaya ni Jhenvick. "Sasamahan namin siya kung ikaw rin lang ang kasama niya," segunda ng isa. Napangiwi siya habang nagpalipat-lipat ang tingin sa likod ng dalawang lalaki. Dismayado siya sa pagiging over protective ng mga ito sa kanya. "Magpapasama ka talaga sa dalawang tipaklong na 'to?" rinig niyang tanong sa kanya ni Koen kahit hindi siya nito makita. Kinailangan pa niyang sumilip sa kabilang gilid ni Jace dahil kinulang siya sa height. 'Tipaklong?' piping tanong niya rito na agad ding nahulaan ni Koen. "Peste," kaswal na wika nito kasunod ang mapang-asar na ngiti. Gusto niyang matawa sa sinabi ni Koen pero mas nangibabaw sa kanya ang awatin ang mga ito lalo na nang umamba si Jace na sugurin si Koen. "Tumigil na nga kayo! Para kayong mga bata." Hinila ni Rainsleth ang manggas ng damit ni Jace saka siya humarang sa harap nang nakapamaywang. "Please lang, nauubos ang oras ko sa inyo. Kapag hindi ako pinayagang mag-back out, talagang kayo ang rarampa sa stage bilang kapalit ko," banta niya kina Jace at Jhenvick. Gumuhit ang pagsuko sa kanilang mukha. "Fine. I'll just wait for you then." Napipilitang ibinalik ni Jace ang mga gamit niya. "Gusto ko lang makasiguro kung ihahatid ka niya nang walang galos," dagdag pa nito. "Me too. Baka magalit si Selah kapag may mangyari sa iyo. Dito lang ako..." Tumalikod na si Jhenvick at naglakad papunta sa pinakamalapit na bench. Tinanguan niya ang dalawa at nagpaalam na. Hinintay niya munang makalapit si Koen saka siya sumabay rito. "Dumarami yata ang bodyguards mo," puna nito at pangusong itinuro ang dalawa nang di lumilingon. "Tadyakan kita diyan, eh." Inirapan niya ito at nauna nang maglakad. "Saan ka ba pupunta?" mayamaya'y tanong nito. Nakakaloko ang ngisi ni Koen nang malingunan niya. "Eh, 'di sa faculty!" singhal niya. "Why? What did I tell you earlier?" "Na..." Natigil siya sa paghakbang at inalala ang sinabi nito. "And by the way, hindi riyan ang papuntang faculty." Tinuktukan siya nito sa sentido. Uminit ang pisngi niya sa narinig. Hindi siya sigurado kung pinaglalaruan lang siya ni Koen o kung talagang hindi iyon ang daan. Makakalimutin kasi siya sa direksyon lalo na kung isang beses niya lang napuntahan. "I already warned them not to force you, but you may still join the pageant of your own free will." Seryoso ang mukha nito nang lingunin niya. "Iyon na iyon?" halos 'di makapaniwalang tanong ni Rain na agad sinagot ni Koen ng tango at ngisi. "Kung ganoon, bakit hindi mo na lang sinabi kanina? Dinala-dala mo pa ako rito," maktol niya at padabog na naglakad pabalik. "Obvious ba? Para masolo kita." Tatawa-tawa itong umakbay sa kanya. Mabilis niyang hinawi ang kamay ni Koen at siniringan ito. "Uwi na 'ko." "I was just kidding. Tinulungan lang talaga kita para makatakas sa dalawang iyon. Mukha ka kasing na-sandwich sa dalawa," tudyo pa nito. "Sus! Ang sabihin mo takot ka lang maagaw ako," taas-noong ganti niya. "Darn that confidence!" Umigkas ang kamay nito at ginulo ang nakalugay niyang buhok. "Hindi naman ako katulad ng manliligaw mong possessive kahit walang kayo." Sabay silang natawa sa huling sinabi nito. Namayani ang kapayapaan sa loob niya habang kasama itong naglalakad pabalik. Hindi na sila nagkibuan pa pero hindi niya maramdamang inilalayo sila sa isa't isa ng katahimikan sa pagitan nila. Hindi na siya nagpahatid nino man sa tatlo nang hapon na iyon. Mabilis lumipas ang mga araw. Naging busy ang buong UDS sa paghahanda para sa Foundation Day. Aktibo ang lahat sa pagpaplano ng booth sa bawat departamento habang nag-eensayo naman ang ilan para sa physical activities. At may short film na ipapalabas sa mismong araw ng foundation day kasabay ng pageant. Excited ang lahat sa pagdating ng araw na iyon, ngunit kabaliktaran niyon ang nararamdaman ni Rainsleth. Pagkabahala ang namumuhay ngayon sa dibdib niya habang minamasdan ang mga palamuting nagbibigay kulay at sigla sa paligid. Unti-unti niyang tinahak ang landas papunta sa likuran ng building. Gusto niyang lumayo at ihiwalay ang sarili sa masayang tanawin na hindi niya maramdaman sa kanyang puso. "A penny for your thoughts?" Muntik na siyang matisod dahil sa biglaang pagsalita ni Koen sa gilid niya. Nakasandal ito sa likurang pader ng building at magkakrus ang mga braso. "Ba't ba bigla kang sumusulpot kung saan-saan? Mukha ka nang kabute." Bahagyang tumaas ang boses niya sa gulat. Pumalatak naman ito sa sinabi niya. "Ang gwapo ko namang kabute. At saka pansin mo ba?" Ininguso nito ang sariling kinatatayuan maging ang sa kanya. "Nauna ako rito," ani Koen nang hindi niya makuha ang ipinupunto nito. Malalim na buntong hininga ang itinugon niya sa kaharap. "Ano ba kasi ang iniisip mo?" Nagsimula itong humakbang palapit sa kanya. "Iniisip ko lang kung ano ang posibleng mangyari sa araw na iyon." Malayo ang narating ng kanyang paningin. Nagliwaliw iyon sa kawalan. "Mm..." Sandaling napaisip si Koen kasabay ng pag-ungos ng nguso nito. "Bukod sa mga activities, darating lang din naman ang alumni committees," pahayag nito. "Alumni committees?" naguguluhang tanong ni Rain. Walang nakapagkwento sa kanya ng tungkol doon at wala siyang alam kung sino-sino sila. Hindi niya mawari pero biglang sumibol ang excitement sa kaloob-looban niya. May alam kaya si Selah? "Yep. Isa na roon ang lolo ko at ang mayor natin dito," muling imporma nito. Inagaw ng huling binangggit nito ang buong atensiyon niya. "Sino ba 'yong mayor?" "Akala ko pa naman kilala mo na siya." Napapalatak ito sa kawalan niya ng alam. "Siya ang ama ni Casimir Estrella. Kasali rin doon ang parents ng bestfriend mo at ang mga Villania. 'Di mo ba alam iyon?" Nahulog ang panga niya sa nalaman. Kasunod niyon ang malalakas na kalabog sa dibdib.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD