Chapter 2

1550 Words
"Bakit hindi ka nagpasabi na uuwi ka?" tanong ni Lydia sa kanya nang makarating sila sa parking lot. Hindi niya inaasahan na isang tanong ang isasalubong ng kasintahan sa halip na isang halik. Pilit na ngiti ang pinakawalan ni Franco. Marami siyang gustong itanong sa kasintahan pero wala sila sa tamang lugar para komprontahin ito. "Gusto ko talagang sorpresahin ka, mahal. Kakain tayo sa masarap na restaurant. Hindi mo ba 'ko na-miss?" Sumampa siya sa motor na dala niya at hinintay na sumakay din si Lydia. Pilit niya munang inalis ang galit sa dibdib niya para makapagmaneho siya nang maayos. Hindi pa naman niya nakompirma kung totoo ang balitang umaabot sa kanya na may ibang lalaking lumalandi sa kasintahan niya. Pero alas singco y media pa siya nakatayo sa harap ng lobby ng pinapasukan nitong kompanya na dumagdag sa init ng ulo niya. Ang sabi ng hindi nagpakilalang babae ay puntahan niya ito mismo sa mesa nito kung gusto niyang makita ang totoong milagro. Pero hindi siya pinaakyat ng lady guard at ng receptionist doon. Hintayin na lang daw niyang bumaba si Lydia dahil pauwi naman na ang kasintahan. Gayunman ay isang oras pa siyang naghintay dahil kahit telepono nito ay hindi nito nasasagot. At ang sabi ng guard na naglilibot sa building ay kausap ito ng isang supervisor. Ang lalaking hinihinalang siyang kalaguyo ni Lydia. Hindi nagpakilala ang nagsumbong na iyon sa kanya kaya't nahihirapan siyang kompirmahin ang katotohanan. Isa lang iyong anonymous sender sa kanyang messenger app na puwedeng gusto lang sirain ang magandang samahan nila ng kasintahan. Gayunman ay hindi siya mapakali. Napauwi tuloy siya sa sa halip na pipirma ulit ng kontrata. Ang usapan nila ni Lydia ay mag-i-extend siya ng isang taon sa Jeddah para makaipon pa sila para sa pinapangarap nilang buhay na magkasama. Apat na taon na siya sa Jeddah. Tapos siya ng kursong education pero hindi na siya nakapag-take ng exam dahil nagkaroon na siya ng opurtunidad na makapag-abroad. Gusto niya lang sanang maging simpleng guro noon sa bayan nila sa Sto. Tomas, Batangas. Pero nang maging kasintahan niya si Lydia ay nangarap siya nang mas mataas na sahod dahil mataas ang pangarap nito at gusto niyang ibigay ang masarap na buhay na pangarap nito. Pumasok siyang isang construction worker. Nang matuto siyang mag-drive doon ay nakuha siyang driver sa isang kompanya. Doon na umikot ang mundo niya dahil kahit mababang uri ng trabaho, sumasahod siya nang higit sa sinasahod ng isang guro sa Sto. Tomas. Naipagawa pa nga niya nang maayos ang munting bahay ng Inay at Itay niya. At ang balak niya sanang pag-extend sa Jeddah ay para makapagpatayo naman siya ng bahay nila ni Lydia bago man lang sila ikasal. Sa apat na taon niya sa ibang bansa ay minsan lang siyang nakauwi. Hindi naman siya pumapalya na tumawag sa kasintahan kapag may libreng oras siya. Pero dahil pumapasok na rin si Lydia sa opisina, dalawang beses sa isang linggo na lang sila minsan nakakapag-usap. Madalas ay mensahe na lang sa messenger app ang araw-araw nilang pag-uusap. Mahal na mahal niya ang kasintahan. College pa lang siya ay nililigawan niya na ito. Magkapitbahay sila sa Sto. Tomas at malapit na magkaibigan ang pamilya nila. Naging mas malapit pa nga noong naging magkasintahan na sila. Umaasa ang lahat na sila na nga ang magkakatuluyan. At ayaw niyang masayang ang magandang samahan na iyon. Kung may dumidiskarte sa girlfriend niya ngayon, hindi naman siya magtataka. Isa si Lydia sa magagandang dalaga sa bayan nila. Kaya nga nagsusumikap siya na makaipon dahil kung gandang lalaki lang ang pag-uusapan, maraming magagandang lalaki ang karibal niya noon pa. At gusto niyang ipagmalaki na hindi siya magandang lalaki lang. May pera siya at kaya niyang buhayin si Lydia at ang magiging anak nila. Trenta anyos na siya sa susunod na birthday niya. Isang buwan na 'yun mula ngayon. Naisip niya nang mag-propose kung hindi lang sa sunod-sunod na mensaheng hindi niya makompirma kung totoo. Kapag napatunayan niya na gawa-gawa lang iyon ng makakating dila sa paligid nila ni Lydia, yayayain niya nang magpakasal ang kasintahan nang tuluyan nang maging kanya ang babaeng minamahal. Nang makahanap siya ng isang chinese restaurant ay inihinto niya ang motor. Inalis niya ang helmet nilang dalawa dahil gusto niyang mag-dinner sila bago niya ito ihatid sa apartment nito. "Ibig sabihin ay nasa Batangas ka na? Kailan ka dumating?" tanong ni Lydia. Hawak niya ang kamay ng kasintahan pagpasok nila sa restaurant. "Kanina lang. Pagkalapag ko sa mga maleta ko, kinuha ko na kaagad ang motor para mapuntahan kita kaagad. Baka kasi makauwi ka ng alas sinco y media. Hindi tuloy ako nakabili ng bulaklak sa kamamadali. 'Yun pala halos alas syete ka na lalabas sa trabaho mo." "Wala kasi si Ma'am Dianne maghapon tapos nang dumating naman ang daming utos. Kaya ayun, late na akong nakalabas. Hindi mo sinagot ang tanong ko kanina, bakit ka nag-apply na driver kay Ma'am Dianne? Hindi ka ba babalik sa Jeddah?" Sumagi sa isip niya ang magandang mukha ng amo ni Lydia na hindi niya inaasahang bata pa. Iyon pala ang babaeng bumaba sa isang mamahaling sasakyan kanina. Habang nakatayo siya sa labas ng building kanina ay bahagya niya na itong nasulyapan. Mula pa nga sa sulok ng mata niya ay nakita niya ang indayog ng balakang nito. Pero abala siya sa kahihintay na sagutin ni Lydia ang telepono. Natitigan niya lang ang mukha nito nang makaharap niya dahil kasabay ito ni Lydia na bumaba. At parang inaadya ng pagkakataon na kailangan nito ng personal driver. Hindi siya nagdalawang-isip na mag-apply dahil iyon kaagad ang paraang nakita niya para malaman kung totoong may ibang lalaking pinaglalaanan ng atensyon ang mahal niyang kasintahan. "Kapag nagkasundo kami sa hihingiin kong sahod ay baka hindi na, mahal. Yun naman ang plano natin, hindi ba? Apat na taon lang tayo sa Jeddah para makapag-ipon ako sa future natin. May ipon na tayo kaya puwede na tayong magpakasal." "P-pero... wala pa nga tayong bahay. Saan tayo titira pagkatapos?" katwiran ng kasintahan. Noon pa siya itinutulak na mag-extend dahil bukod sa mahal ang gastos sa pagpapakasal sa Batangas, kailangan din na makita ng buong kamag-anak nito na may bahay na sila at sariling kotse. Hindi nito gusto na lagi silang naka-motor kapag mamamasyal. At sa ngayon ay One point Five Million Pesos pa lang ang laman ng savings account niya para sa kanila ni Lydia. Kung matatagalan siyang makahanap ng trabaho sa Pilipinas na mataas ang sahod, mauubos kaagad iyon sa kasal pa lang nila. "Nandito naman tayo sa Maynila eh, e di mangupahan tayo ng maganda-gandang apartment. Kaya nga kakausapin ko ang amo mo kung kaya niyang ibigay ang sahod na gusto ko para hindi na ako bumalik sa Saudi. Mahirap ang malayo sa pamilya, Mahal. Napakalungkot." "Isang taon na lang sana eh. Kahit isang taon lang. Ayoko ng wala tayong sariling bahay." "Sige, magpapatayo tayo ng bahay bago tayo ikasal, puwede na ba 'yun? Pero hindi ako aalis sa Pilipinas. Gusto ko palagi na tayong magkasama. Miss na miss na kita." "Bahala ka nga. Ang kulit mo talaga." Nagsimula na silang kumain nang i-serve ng waiter ang order nila. Palihim niyang tinititigan ang kasintahan habang ito ay abala sa telepono nito dahil marami pa raw utos si Dianne Romano kahit wala na sa oras ng trabaho. Lalong gumanda ang kasintahan niya. Mas kumapal nga lang ang makeup nito ngayon kaysa sa dati. Sumagi sa isip niya ang boss nito na isa ring masarap titigan kahit walang makeup. Palagay niya'y natural ang pagkapula ng labi ng Dianne Romano na 'yun dahil likas itong maputi at makinis ang balat. Ipinilig niya ang ulo bago itinuon din ang atensyon sa pagkain. Hindi niya alam kung bakit palaging sumasagi sa isip niya ang babaeng 'yun. Ang dapat niyang pagtuunan ng pansin ay ang kasintahan dahil ito rin ang dahilan kung bakit siya napauwi nang wala sa plano. Hindi nakaligtas sa kanya ang mga alahas na suot ni Lydia. Hindi iyon ang kwintas at relo na iniuwi niya noon. Kunsabagay ay dalawang taon na ang nakalipas, baka pinagsawaan na nito at itinabi nang makabili ng bago. Ang alam niya'y malaki rin ang sinasahod ni Lydia bilang sekretarya ng isang malaking kompanya. Pero hindi niya pinakikialaman ang pera nito dahil gusto niyang mag-enjoy muna ito sa pagkadalaga bago niya itali sa kasal nila. Pagkatapos nilang kumain ay nagyaya siya sa isang motel. Miss na miss niya na ito at gusto niyang maramdaman kung ganoon pa rin ang pagtugon nito sa kanya katulad noong bago siya umalis. "Pwede bang sa ibang araw na lang, Franco? Pagod ako sa trabaho at maaga pa akong pinapapasok ni Ma'am Dianne bukas." Hindi siya nakasagot sa pagtanggi na iyon. Gayunman ay pinalis niya muna ang pagdududa sa isip niya. Maaaring totoo naman ang mga dahilan nito. "Sige, ihahatid na muna kita sa apartment," mahina niyang wika na hindi pa rin naitago ang pagkadismaya. "W-wala naman na akong kasama sa apartment ngayon. Doon ka na lang matulog kaysa uuwi ka ng ganitong oras sa Batangas," yaya naman nito na tila nabasa ang lungkot sa mukha niya. "Wala kang kasama sa apartment?" Bumalik ang ngiti sa labi niya. Lumapit siya kay Lydia at doon pa lang niya ito hinagkan. Halik na mapusok dahil miss na miss na talaga niya ang kasintahan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD