Franco
"Give this to Lydia and ask her if she had called Mr. Socorro for our meeting tomorrow," utos ni Dianne na tila wala pakialam kahit nasilipan niya ito nang bahagya. Tumayo naman siya at kinuha ang dalawang cheke na inabot nito.
Mr. Socorro. Iyon ang lalaking ikinakabit sa pangalan ng kasintahan niya na kalaguyo nito. Gusto niyang makilala ang lalaking 'yun.
Paglabas niya'y nagmi-makeup na si Lydia na halatang pauwi. Ang bango-bango pa dahil nag-spray ito ng pabango. Nang matapunan niya ng tingin ang mesa ay nakita niya ang mamahaling pabango nito at napansin niya rin ang Louis Vuitton nitong bag na palagay niya'y orihinal.
"Pauwi na rin kayo ni Ma'am Dianne?" tanong nito na nailigpit na ang gamit. Napatitig siya sa kwintas nito na iba na naman ang disenyo. Gusto niyang magtanong pero alam niyang wala namang aaminin si Lydia sa kanya.
"Mamaya pa siguro, marami pang tambak sa table niya. Ikaw, pauwi ka na ba?"
"Oo." Inilagay nito sa drawer ang dalawang cheke saka ini-lock iyon. Tumayo na rin ito at isinukbit ang bag sa balikat. "Malayo pa ang biyahe ko aabutin na naman ako ng traffic sa daan."
"Mag-iingat ka. Pasensya ka na, hindi kita maihahatid."
"Okay lang, Franco, sanay naman ako na wala ka." Tila naman nabigla ito sa sinabi kaya binawi nito kaagad. "I mean, nasanay din ako kahit pano na hindi mo 'ko hinahatid noong nasa Jeddah ka pa."
"Pero sana'y hindi ka nasanay na wala ako, babe," pabulong niyang wika na pinisil ang pisngi nito. "Syempre ako ang boyfriend mo."
"H-hindi naman... A-aalis na 'ko," paalam nito. Pero bago ito humakbang ay nagawa pa niyang angkinin ang mga labi nito.
Agad namang inilayo ni Lydia ang mukha pagkatapos tumugon sa halik niya. Pero ramdam niyang malayo na ang loob nito.
"Wala naman nang tao."
"May mga supervisor pa sa ibang department ang nand'yan, Franco."
"Miss na miss talaga kita." Pinisil niya ang baywang nito para magpanggap na nasasabik siya. Marami pa siyang gustong matuklasan.
"B-baka hinahanap ka na ni Ma'am Dianne..."
"Hayaan mo lang 'yun. Gusto sana talaga kitang ihatid."
"Hindi nga puwede!" pabulong nitong sagot pero may diin. "I mean, may trabaho ka pa. Alangan namang iwanan mo si Ma'am Dianne?"
"Puwede bang magpunta sa apartment mo mamaya? Magpapaalam ako sa kanya na dadalaw ako sa 'yo. Papayagan naman siguro ako ni Ma'am Dianne."
"Sige, pero mag-text ka muna sa 'kin kung pupunta ka talaga. Baka kasi makatulog ako hindi ka rin makakapasok. Alam mo naman, mantika akong matulog kapag pagod na pagod."
"Okay, sige. I love you, babe."
"I love you too," sagot naman nito sa pahayaga niya bagama't hindi ito tumingin sa mata niya. Abala itong inaalis ang saksakan ng laptop bago tumalikod din kaagad. Wala na talaga ang dating Lydia na kasintahan niya. Pakiramdam niya'y ilang araw na lang ang itatagal nila bago sila tuluyang maghiwalay.
Pero hindi siya papayag nang ganun lang. Pagkatapos niyang magsumikap sa ibang bansa at kalimutan ang pangarap na maging guro para ibigay ang buhay na gusto ni Lydia, hindi puwedeng ganito lang siya nito itapon.
"Kaya pala hindi ka na bumalik, nakipagtukaan ka na sa syota mo. Natanong mo ba ang pinapatanong ko?"
Nakalimutan niya nga palang itanong kung nasabi ba ni Lydia sa Mr. Socorro na 'yun na may meeting ito bukas kasama si Dianne. Napako na kasi ang mga mata niya kanina sa mga mamahaling gamit ng kasintahan. Hindi sa kanya galing ang mga iyon at duda siya kung kayang bilhin iyon ni Lydia kahit pa ilang taon na itong nagtatrabaho dito.
"I'm sorry, nawala ho sa isip ko."
"Now, you tell me I can depend on you, Mr. Villamor. Bukas ay makakatanggap ka ng warning sa HR dahil sa dalawang violation na nagawa mo hindi ka pa man nakakatapos ng isang araw sa opisina ko. Hindi ka muna papasok bukas at hintayin mo ang abiso ng HR sa 'yo."
"At anong violation?" Kaagad siyang sumunod kay Dianne sa pagpasok sa silid nito. "Puwede ko siyang tawagan ngayon para itanong ang nakalimutan kong tanong."
"Paano kung hindi ko ipinaalala sa 'yo? Do I need to remind you everytime I ask you to do something? That's not my definition of an efficient employee, Franco. At ilang beses ko bang sasabihin sa 'yo na bawal sa kompanyang ito ang PDA? Kaya nga ba ayaw kong tumatanggap ng magkakilala dito eh. I will find someone to replace you."
"Please, Miss Romano, bigyan mo pa 'ko ng isang pagkakataon. Hindi na ho mauulit ang paglapit ko kay Lydia dito sa loob ng opisina," pakiusap niya. Hindi siya puwedeng matanggal. Hindi siya pwedeng bumalik sa Jeddah nang hindi sila nagtutuos ni Lydia.
"Parang narinig ko na 'yan. I'm sorry, Mr. Villamor, but a company's policy is a company's policy. You are no exemption to that."
"Kailangang kailangan ko ho ang trabahong ito. May balak na kaming magpakasal ni Lydia, naghihintay lang ho akong makaipon. Nakikiusap ho ako."
"Magpakasal?" Isang sarkastikong ngiti ang pinakawalan nito habang nakatukod ang kamay niya sa mesa nito. Sumandal ito sa swivel chair at dumekwatro na naman. Pero hindi siya puwedeng ma-distract sa mga hita nito dahil lalo lang siyang masisisante.
Hindi siya puwedeng matanggal sa trabaho dahil may misyon pa siya kay Lydia. Gusto niyang pagsisihan nito kung paano siyang itinatapong parang basura.
"Balak ko na ho siyang yayain na magpakasal. Pero gusto niyang may malaking bahay at lupa muna kami dito sa siyudad. Gusto niya ring bumili ng mamahaling kotse."
"Hmmm... Matayog na ambisyon. Hindi dapat driver ang pinasukan mo, Mr. Villamor. Saan aabot ang trenta mil na sahod mo kung gusto mong bilhan ang girlfriend mo ng bahay at lupa?"
"I have savings. Hindi pa nga lang sapat sa ngayon. I promise, Miss Romano, I will not disappoint you again."
"Seryoso ka ba na gusto mong pakasalan si Lydia? Do you know her well to offer marriage?" Kahit ito ay parang hindi makapaniwala na pakakasalan niya ang kasintahan. Pakiramdam niya'y may nalalaman din itong sikreto ni Lydia.
"Matagal na ho kaming magkasintahan. Siya ho ang babaeng pinangarap kong iharap sa altar noon pa."
Sandali itong nag-isip na hindi niya tiyak kung para saan. Pagkatapos ay tumango na ikinaluwag ng dibdib niya.
"Fine. You have one last chance to prove your efficiency. Pero sa oras na makita kong nakipaglandian ka na naman kay Lydia, hindi ka na ulit makakatapak sa building na 'to. Naiintindihan mo?"
"Yes, Miss Romano, I promise. At tungkol naman ho sa meeting niyo with Mr. Socorro---"
"Never mind. I will call Mr. Socorro myself. Maghanda ka na rin dahil uuwi na tayo."
Kulang na lang ay lapitan niya yakapin niya si Dianne sa sobrang tuwa. Akala talaga niya kanina ay itutuloy nito ang pagtanggal sa kanya sa trabaho. Simula ngayon ay pagbubutihin niya na talaga ang pagiging driver-s***h-assistant nito.
Kinabukasan ay excited siyang naligo at nag-ayos ng sarili. Nilabhan niya kagabi ang mga damit na pinamili nila ni Dianne at plinantsa pagkagising niya. Kapag nakadaan sila ulit sa mall ay bibili siya nang mas mahal na pabango. Iyong mapapalingon ang lahat ng babaeng makakasalubong niya.
Habang nakaharap siya sa salamin ay may pagmamalaki siyang naramdaman. Mabuti na lang na naipilit niyang siya ang magbayad ng mga damit na bente mil ang inabot sa tatlong pares lang na 'yun. Kung si Dianne ang bumili niyon ay baka sabihin nito balang-araw na binihisan lang siya nito.
Dalawa ang kailangan niyang mapa-impress; si Lydia na kasintahan niyang manloloko at si Dianne na amo niyang mataray.
Paglabas niya sa silid niya ay napahanga kahit ang mga katulong. Tipid lang siyang ngumiti na kaagad hinanap ang amo niyang dalaga.
"Tulog pa siguro, hindi pa bumababa eh. Magkape ka na lang muna at mag-almusal. Mamayang gabi dadating na sila Sir Darius kaya busy kaming maglinis sa hardin."
Nagtungo naman siya sa kusina para maghanap ng makakain. Ang sabi ng mga katulong ay hindi madamot ang mga ito pagdating sa pagkain. Hangga't walang nasasayang ay puwede nilang kainin kahit pa pinakamahal na steak na nasa ref.
"Wala pa hong nalutong almusal?"
"Naku, wala pa nga. Hindi ko alam kung anong gustong kainin ni Ma'am Dianne hindi pa kasi nagtatawag sa 'min."
"Ano ho ba ang kalimitang kinakain niya sa almusal?"
"Grilled salmon ang paborito niyan tapos steamed na kung ano-anong gulay."
"Sige ho, tulungan ko kayong magluto."
"Naku, huwag na at nakabihis ka na."
"Okay lang ho, puwede namang hubarin ko muna 'tong polo para hindi magusot. Kailangan ko hong magpa-impress kay Ma'am Dianne nang hindi ako tanggalin sa trabaho."
"Ay sige, ikaw ang bahala. Babalikan kita dito, itatapon ko lang muna itong mga basura at dadaan na ang trak. Pipilay-pilay na naman si Simon sa rayuma. Kain kasi nang kain ng ma-kolesterol."
Kumuha siya ng dalawang slice ng salmon saka tinimplahan. Kahit paano ay may natutunan siyang luto sa naging amo niya sa Jeddah noon. Kahit steak ay alam niyang timplahin at kung paano lutuin nang hindi kukunat ang karne.
Nag-steam siya ng brocolli at carrots na lagi niyang nakikita sa mga restaurant na kapares ng grilled salmon. Halos isang oras lang ay tapos na siya sa pagluluto. Nagtimpla siya ng kape na walang cream at asukal. Iyon kasi ang nakita niyang ipinadala ng katulong kagabi.
"I need coffee, manang---" Napalingon siya kay Dianne na natigil din sa sasabihin dahil nagulat sa kanya. Kung sa katawan niyang nakalantad o sa niluto niyang nangingibabaw ang aroma sa buong kusina ay hindi niya tiyak.
"Good morning, Miss Romano. Your breakfast is ready." Isang matamis na ngiti ang pinakawalan niya. Mabuti rin at sanay siyang magsalita ng englis dahil English ang major niya noong college.
"Bakit ikaw ang nagluluto?" Irap ang iginanti nito pero lumakad pa rin patungo sa kitchen table at inusisa ang nakahain na grilled salmon. Ilalagay pa lang sana niya iyon sa tray at iaakyat sa silid nito.
"Nagtapon yata ng basura si Manang. Injury daw kasi si Mang Simon. Sabi ko naman sa 'yo babawi ako, hindi ba?"
"I don't remember. At ang kailangan ko ay ayusin mo ang trabaho mo, hindi mo kailangang bumawi. Anyway, I'm not hungry. Ipakain mo na lang sa katulong 'yan."
"Breakfast is the most important meal of the day, Miss Romano. Try it first." Alam niya nang tatanggihan nito ang niluto niya pero kumuha pa rin siya ng tinidor at nag-slice ng tuna saka isinawsay sa mayonnaise.
"Are you sure walang lason 'yan?"
"Why would I do that? May makukuha ba akong yaman kapag nilason kita? Baka tumanda na 'ko sa kulungan hindi pa 'ko tinantanan ng angkan mo. Walang lason 'yan."
Tinanggap naman nito ang isinubo niya. At sinadya niya talagang may mayonnaise na maiwan sa gilid ng labi nito para may dahilan siyang punasan iyon ng kamay niya.
Sandali. Bakit ba parang gusto niya itong akitin?
"How does it taste?" Hindi ito nakakilos nang ilapat niya ang daliri sa gilid ng labi nito. Halos isang dangkal lang ang pagitan nilang dalawa at amoy na amoy niya ang mabango nitong balat. Parang ang sarap nitong halikan.
"Hmmm... Okay naman. Masarap ka naman palang magtimpla ng asin at paminta."
"May olive oil 'yan at lemon juice. Now, would you like to have your breakfast?"
"Naliligo muna ako bago kumain. I suppose this is my coffee?"
"Yes. Be careful though, mainit pa 'yan." Kumindat siya bagama't inaasahan niya nang iirapan lang siya nito.
"Huwag mo nang iakyat ang pagkain, si manang na lang," utos nito. "At huwag ang laging nakahubad dahil maiilang ang mga katulong sa 'yo."
Kinuha naman niya kaagad ang polo na nakasabit sa silya at isinuot. Pero hindi pa rin niya isinara ang butones para makita pa ni Dianne ang mga masel niya sa tiyan. Natutuwa siyang nawala ang katarayan nito at tinanggap din ang kapeng inihanda niya.