IV. HAPAG-KAINAN

2702 Words
“Ate Cathy!” Awtomatiko akong napalingon sa gate nang marinig ang boses na iyon. Pati si Nanay ay napalingon din. “Bebe!” tawag ko kay Daryl. Nagmadali itong buksan ang gate. Ako naman ay mabagal na naglakad papunta sa kanya. Nang mabuksan niya ang gate, dali-dali siyang tumakbo papunta sa akin, at ako naman ay nanatili sa gitna, sa tapat ng puno ng balete sa gilid. “Ate!” muling sigaw ni Daryl at agad akong niyakap; medyo napaatras pa ako kaya naman natawa na lang ako. “Hindi naman halata na na-miss mo ako, ano?” natatawang sabi ko habang nakayakap na siya sa akin. Imbis na sumagot, namalayan ko na lang na basa na ang damit ko, kaya naman napangiti ako. Umiiyak na siya. Hay nako, manang-mana talaga kay Nanay. Tinapik-tapik ko na lang ang kanyang likod para tumahan na. Nang mapalingon ako sa likod ko, nandoon na si Nanay na naglalakad papalapit sa amin. Nang makalapit ito sa amin, hinawakan niya sa ulo si Daryl at hinagod-hagod ito. “Masaya ako at nakabalik ka na, anak; akala ko sa susunod na buwan pa,” sabi naman nito kay Daryl. Kumalas ng yakap sa akin si Daryl. “Na-miss ko po kayo, Mama,” sabi niya, at niyakap niya si Nanay, kaya naman napangiti ako. “Halina kayo sa loob para makakain na tayo.” At iginaya niya na nga si Daryl papasok. Kasunod lang nila akong naglalakad, pero habang naglalakad kami papunta sa bahay, nahagip ng paningin ko ang isang bagay, kaya naman hindi ko maiwasang pangunutan ang aking noo. Ipinilig ko na lamang ang ulo ko dahil baka dala lang ito ng kalagayan ko. Siguro ay nai-stress lang ako. Sumunod na lang ako sa kanila papasok. Nang makapasok ako, hindi ko na naman maiwasang alalahanin ang panaginip ko nung nakasakay ako sa taxi kanina. Isang buntong-hininga na lang ang pinakawalan ko. ‘Panaginip lang iyon, Cathy,’ sabi ko na lang sa isip ko. “Iaakyat ko lang muna itong gamit ko, Mama,” paalam ni Daryl kay Nanay. Hindi pa man nakakasagot si Nanay ay nagtatakbo na agad si Daryl paakyat sa hagdanan. Naiiling na lang kaming dalawa dahil hindi pa rin nagbabago ang bunso namin; makulit pa rin ito, pero hindi maipagkakaila na mas bagay sa kapatid ko ang salitang maganda. Para kasing anghel ang mukha nito; pusong babae rin kasi siya, at pati ang katawan nito ay maihahambing na sa isang babae. Sa katunayan, habulin rin ito ng mga lalaki sa school nila noon. Ewan ko kung may boyfriend na ito, pero ang usapan namin ay ipaalam niya muna sa akin, kaya sigurado naman akong wala pa. Pumunta naman kami agad ni Nanay sa kaliwang bahagi; may pinto doon papunta sa kusina, at katabi ng pinto ng kusina ay hagdanan papunta sa second floor. Nakita ko agad si Melody doon na naghahanda na ng hapunan sa mahabang lamesa sa gitna. Nakitulong naman si Nanay pati na rin ako para ihatid ang mga pagkain sa sala. Dumaan kami sa kabilang pintuan, yun yung papuntang sala. Pagkapasok namin, nakita naming agad si Kuya Ricky na nakaupo na doon sa may dulong kanan. Mahaba ang lamesa; labing-dalawang silya ang nakapalibot dito—lima sa kanan at lima din sa kaliwa, tapos sa magkabilang dulo naman ay tig-isang silya. Maingat naming inilapag ang mga pagkain. “Sino yung sumigaw kanina, Nay?” tanong ni Kuya Ricky nang makaupo na kami. Si Nanay ay doon sa dulo, katabi ni Kuya Ricky, at ako naman ay umupo sa silyang katapat ni Kuya. “Si Daryl,” sagot ni Nanay. At sa saktong pagkasabi ni Nanay non, saktong lumabas si Daryl sa pintuan na nasa likod ko. Dalawa kasi ang pwedeng pasukan dito sa sala—doon sa papuntang kusina, which is kabilang dulo, at dito sa likod ko na papunta naman sa living room nitong bahay. Imbis na batiin, nakasimangot na umupo si Daryl sa katabing upuan ko. Magtatanong na sana ako kung bakit, pero saktong nagsilabasan na rin ang iba kong kapatid pati na rin ang mga pamangkin ko. Si Kuya Ryan ay umupo doon sa kabilang dulo, katapat ni Nanay, at nang makaupo ito, hindi nakaligtas sa paningin ko ang pag-irap nito habang nakatingin sa gawi ni Daryl. Kaya naman alam ko na agad ang dahilan kung bakit nakasimangot si Daryl; siguro ay sinungitan ito ni Kuya Ryan. Si Kristel naman ay umupo sa isang upuan katabi ni Kuya Ricky, magkatapat sila ni Daryl. Ang tatlong pamangkin ko naman ay magkakatabi na umupo kasunod ni Daryl, si Grace at si Melody naman ay sa silya kasunod kay Kristel. Nang mahagip ng paningin ko si Melody, agad siyang nag-iwas ng tingin sa akin. Actually, nung unang pasok ko pa lang ay pansin ko nang ilag ito sa akin. Nang madako naman ang paningin ko kay Grace, may naalala akong mukha at kahawig niya ito. Nabasag lang ang pag-iisip ko dahil naramdaman kong lumapit sa akin si Daryl. “Ate, nasaan yung mga pasalubong ko?” tanong ng bunso namin, pero pabulong. Oo nga pala, ito rin pala ang isa sa mga side ng kapatid ko. Makapal ang mukha niya pagdating sa akin. “Nasa bag ko; pagkatapos natin kumain, samahan mo ako sa kwarto ko,” sagot ko dito, pero pabulong din. Tumango-tango ito at ngumiti nang pagkalaki-laki, dahilan para magilag ako. Bumalik si Daryl sa ayos ng pagkaupo niya kanina. Akmang kukuha na si Daryl ng kanin nang suwayin siya ni Nanay. “Dasal muna, Daryl; iyang kamay mo talaga!” suway ni Nanay sa kanya, kaya naman napatawa ako nang tahimik nang bumalik si Daryl sa pagkakaupo nang maayos at nakabusangot na naman. Akala ko ay magdadasal na, pero para naman akong nabilaukan sa biglaang tanong ni Nanay. “Sabi ng kuya Rey mo, nagkaroon ka daw ng boyfriend sa Baguio; anong pangalan ng maswerteng lalaking iyon, anak?” tanong ni Nanay, dahilan para mahiya ako at mag-iwas ng tingin. “Si Kuya Rey talaga!” naibulong ko na lang sa hangin dahil madaldal din pala si Kuya Rey. Sasabihin ko naman dapat talaga ang tungkol doon, kaso hindi na pala kailangan. Hindi naman nakaligtas sa paningin ko ang pagyuko ni Daryl at pagtawa nang tahimik. Mamaya talaga sa akin ang pangit na ito. “Cathy?” rinig kong tanong muli ni Nanay at agad na akong sumagot dahil iba na ang Nanay pag tinawag na kami sa totoo naming mga pangalan. “R-raiko po,” medyo nautal pa ako sa pagbanggit ng pangalan na iyon. “Apelyido?” Nay, wala na kami ng pangit na yon! Gusto ko sanang isagot iyon, kaso ayoko naman makurot. “S-sanchez po.” “Trabaho?” “Nay, wala na po kami nung lalaking iyon, kaya hindi niyo na kailangan pang mag-usisa,” paliwanag ko kay Nanay. Isang buntong-hininga muna ang pinakawalan niya bago muling nagsalita. “Naninigurado lang, anak; alam mo namang mahirap na maghanap ng matinong lalaki ngayon,” sabi muli ni Nanay. “Grabe ka naman, Nay; nandito pa ako,” sabat ni Kuya Ricky. “Aysus! Isa ka pa!” sabi naman ni Nanay dito, kaya naman natawa na lang kami bago kami nagdasal. Sabay-sabay kaming pumikit at yumuko. “Amang Diyos na makapangyarihan sa lahat…” “Pssst!” agad akong napadilat ng mga mata sa sitsit na iyon. Tinignan ko sila, pero lahat sila ay nakayuko at nagdadasal din. “…Diyos na tapat, Diyos na Dakila…” Pumikit na lang ulit ako at yumuko. “…ama, salamat sa pagkain na nasa harapan namin ngayon…” “Mamamatay ka!” Pero muli akong napadilat ng mga mata dahil sa boses na iyon. Tinignan ko silang lahat, pero taimtim talaga silang nagdadasal. Ano ba nangyayari sa akin? “…pati na rin ang pag-uwi ni Cathy ng ligtas…” Yumuko na lang ako, pero hindi na ako pumikit pa. Pinapakiramdaman ko yung boses kanina. “…naway maging masagana po ang pagkain namin ngayong gabi, Ama; sa pangalan ni Jesus…” “Amen!” sabay-sabay naming bigkas at nagsandok na ng kanya-kanyang pagkain. Natuwa naman ako dahil hindi nila masyadong tinuturing na katulong ang dalawang anak ng pinsan ko. Para rin silang parte ng pamilya namin. Nabaling ang tingin ko kay Kuya Ryan, kasunod kay Grace, kay Melody, kay Kristel, kay Kuya R— Oh my god! Nanlaki ang mga mata at napatayo ako, napaatras habang nakatingin sa kanya. Tinignan ko si Nanay at bumalik ulit ang tingin ko kay Kuya Ricky, pero hindi gaya kanina; nakatingin na siya sa akin ng may pagtataka. Lahat din sila ay napatingin sa akin. “May problema ba, anak?” “Bakit, Ate?” Magkasabay na tanong ni Daryl at Nanay. “W-wala! Kain na tayo!” sabi ko na lang at ipinilig ang ulo ko. Bakit ganoon si Kuya Ricky kanina? Pagod at gutom lang siguro ako kaya kung ano-ano na ang nakikita ko. Umupo na ulit ako, inayos ang sarili ko, at nagsandok na rin ng pagkain. *** "Kyahh! Ang gaganda!" sigaw ni Daryl nang mabuklat niya ang brown paper bag na galing sa bag ko. May kabigatan iyon dahil puro libro ang laman nito. Napangiti na lang ako habang nakatitig sa kanya habang iniisa-isa niya ang mga horror books na binili ko para sa kanya. Ewan ko ba kay Daryl at bakit puro horror books ang laging binabasa niya. Though extrovert kasi siya, hilig niya talaga ang pagbabasa, lalo na yung mga may p*****n, zombie, o kaya mga horror. Noong hindi pa ako umaalis papuntang Baguio, lagi niyang kinukwento sa akin ang mga nababasa niyang nagbigti at pinatay, kaya nga halos takpan ko na ang tainga ko noon dahil hindi talaga siya tumitigil sa kakakwento. "Thank you, Ate!" sabi niya at bigla na lang tumayo at niyakap ako. Niyakap ko na lang siya pabalik. Habang magkayakap kami, nakarinig kami ng sigawan sa labas. "Konting halaga lang, ang damot mo naman!" Parehas kaming napatingin ni Daryl doon sa nakasaradong pinto ng kwarto ko. "Konting halaga!? Eh hindi mo pa nga nababayaran yung utang mo nung nakaraan!" Kilala ko kung kaninong boses iyon—kay Kuya Ryan. "Babayaran ko rin naman yon, ah! Uso namang maghintay!" si Kuya Ricky. Hindi na ako nakapagpigil at akmang lalabas na ako nang pigilan ako ni Daryl sa pulso ko, dahilan para mapatingin ako sa kanya. Umiling siya sabay pilit na ngumiti. "Masanay ka na sa dalawang yan. Simula nung nagtrabaho si Kuya Ryan, lagi na silang nagbabangayan tuwing gabi. Hintayin mo na lang si Mama, titigil din yang dalawang yan," sagot niya kahit na hindi pa man ako nagtatanong. Naglakad siya muli papunta sa kama at tinignan muli ang mga libro na pasalubong ko sa kanya. Yung pasalubong ko rin kina Kuya at Nanay ay nasa kanila na rin. Muli akong tumingin sa pinto dahil nagbabangayan pa rin yung dalawa kong kapatid. Isang buntong hininga ang pinakawalan ko bago ako nagdesisyon na ayusin na lang ang mga gamit ko. Nilagay ko lahat ng damit na dala ko sa wardrobe. Nakapwesto ang wardrobe ko sa paanan ng kama. Nang mailagay ko na lahat, sinarado ko iyon at sumalubong sa akin ang salamin. Nabaling ang tingin ko sa lumalaki kong tiyan. Hindi ito napansin ni Inay dahil naka-shorts ako na pinarisan ng malaking pulang t-shirt. Napahawak ako sa tiyan ko at hinimas-himas iyon. Napansin kong tahimik na sa labas dahil wala na akong naririnig na ingay. Siguro ay dumating na si Inay o baka napagod na sila kakatalak. Hindi naman kasi sila ganyan dati. Masaya pa kami noon. Nabaling naman ang tingin ko sa kapatid kong nakahiga na sa kama ko. Halatang nakatulog na siya dahil bagsak na sa mukha niya ang librong binabasa niya. Nailing na lang ako dito sa bunso namin. Sa katapat kong kwarto kasi ang kwarto nito, na minsang tinatambayan ni Kuya Ricky. Hindi naman kasi nakatira dito si Kuya. May biniling condo ang panganay namin, at doon siya nakatira. Tungkol naman sa panganay naming, hindi na namin siya ma-contact; ang sabi ni Inay, TNT na daw siya sa ibang bansa kaya minsan lang ito magkaroon ng koneksyon sa kanya. Muling sumagi sa isip ko ang panaginip ko nung nasa taxi ako. Hindi ako pwedeng magkamali dahil ang boses sa panaginip ko ay boses ni Kuya Ricky. Ang tanong ko ay, bakit ganoon ang mukha niya nung makita ko siya sa banyo? May pinapahiwatig ba talaga yung panaginip kong iyon? Tulungan ko sila? Sinong sila? Ipinilig ko na lang ang ulo ko at inalis sa isip ko iyon. Nagdesisyon na lang akong bumaba dahil nanunuyot ang lalamunan ko. Habang pababa ako ng hagdanan, naririnig ko ang TV namin; nakabukas ito at may nanonood yata. Pagbaba kasi ng hagdanan, may malaking espasyo sa gitna; sa kasunod noon, may dalawang pinto—pababa sa basement at yung isa naman ay sa living room. Nang maaninag ko kung sino ang nakaupo doon, hindi ko na lang pinansin at diretsong naglakad papuntang kusina, sa pinto sa gilid kasunod ng hagdanan. Si Kuya Ryan ang nanonood ng TV. Siguro ay umuwi na si Kuya Ricky. Mabilis akong pumunta sa ref at kumuha ng tubig. Nang makainom ako, nilagyan ko ulit ng tubig yung tumbler na pinag-inuman ko para hindi na ako bababa kung sakaling mauhaw man ulit ako. Saktong naglalagay ako muli ng tubig nang makarinig ako ng mga yabag paakyat; hindi ko na rin narinig ang TV. Umakyat na si Kuya Ryan. Matapos akong kumuha ng tubig, umakyat na rin ako pero sinigurado kong nakalock ang main door namin. Habang paakyat ako ng hagdanan, napatigil ako nang may kung anong humaplos sa batok ko. Nanigas ako sa kinatatayuan ko at napaangat ang nuo ko. Nang lingunin ko ang pinto, nakasarado naman iyon kaya nangunot ang aking nuo. Saan galing yung hangin na iyon? Imposibleng sa bintana dahil wala namang bintana dito sa baba. Imbes na bigyan ng pansin, dire-diretso na lang akong naglakad papunta sa kwarto ko. Namataan ko ulit si Daryl at kayakap na niya ang stuff toy niya na lagi niyang niyayakap tuwing gabi. Muli akong napangiti sa ayos niya. Kahit bente anyos na siya, para pa rin siyang bata. Agad kong ipinatong ang tumbler ko doon sa maliit kong lamesa katabi ng kama ko at inayos ang pagkakahiga ni Daryl. Humiga na rin ako at yumakap sa kapatid ko hanggang sa dalawin ako ng antok. *** "Kyahhhhh!!!" Agad akong nagmulat ng mga mata nang marinig ko ang sigaw na iyon. Kinusot-kusot ko pa ang mga mata ko dahil tila madilim pa sa labas. Nagising rin si Daryl at kinusot din ang mga mata niya. "Ate, ano yon?" tanong niya sa akin. "Hindi ko rin alam eh—" Pero hindi ko na natapos ang sasabihin dahil nakarinig muli kami ng malakas na sigaw. "Kyahhhhhh!" Nanlaki ang mga mata namin ni Daryl nang marinig namin ang boses ni Nanay. Agad kaming napabalikwas at nagmadali kaming lumabas. Pagkabukas pa lang ng pinto, sinalubong kami ni Kristel at ang tatlo kong pamangkin, nagtatanong rin ang kanilang mga tingin. Imbis na magtanungan, mabilis pa sa alas-kuwatro kaming nagsibabaan. Nakasalubong namin si Melody sa baba ng hagdan. "Melody, anong nangyari?!" hysterical kong tanong sa kanya. "H-hindi ko rin po alam, Tita Cathy. Pupunta—" Hindi ko na siya pinatapos at ako na ang naunang lumabas. Nang makalabas ako, tama ang hinala ko; madilim pa nga ang langit. Pero hindi iyon ang nakapukaw ng pansin ko, kundi ang Nanay, na ngayon ay umiiyak at nakaluhod sa harap ng puno ng balete. Maging si Grace ay nakaluhod din, umiiyak at nakatingala sa puno. Kumunot ang noo ko dahil hindi ko makita kung ano ang iniiyakan nila mula sa veranda. Mabilis na bumaba si Daryl para alamin kung anong mayroon doon, pero napaatras siya at nanlaki ang mga mata. Tumingin siya sa akin na parang hindi makapaniwala. Mas lalo akong naguluhan kaya ako na ang naglakad pababa ng veranda. Nang tumingala ako, napaatras ako, nanlaki ang mga mata ko, at kusa na lang dumaloy ang mga luha ko. Agad kong tinakpan ang bibig ko habang nakatingin sa nakasabit sa puno ng balete... isang katawan... nakabigti at tumutulo ang dugo. Bakit... sino ang gumawa nito? Nakabigti si Kuya Ricky ko!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD