"Nay, nandito na po ako!" sigaw ko habang naglalakad papuntang bahay. Hindi naman kasi nakalock ang gate namin. Bukas na bukas nga, kaya pumasok na agad ako. Habang naglalakad ako, napansin kong parang ang tahimik yata sa loob. Wala akong naririnig ni kahit anong ingay.
"Nay! Kuya Ricky! Kristel! Nandito na ako!" sigaw ko ulit habang naglalakad pa rin. Malapit na ako sa may veranda ng bahay namin, pero katulad kanina, wala pa rin akong nakuhang sagot mula sa loob. Nasaan ba ang mga iyon?
"Nanay, nandito na po ako!" sigaw ko ulit nang makaakyat na ako sa veranda dahil baka hindi nila ako narinig.
Kinatok ko pa ang pintuan dahil baka hindi talaga ako marinig mula sa loob, pero katulad kanina—
—wala pa rin akong nakuhang sagot. Kaya naman, sa inis ko, nilakasan ko ang pagkatok sa pintuan.
"Nay, nandito na po ako!" sigaw ko ulit habang kumakatok, pero makalipas ang ilang segundo, wala talagang sumasagot. Napabuntong-hininga ako.
Nasaan ba sila? Paano ko bubuksan itong pintuan eh wala naman akong susi?
"Hayst, sabi inaantay daw ako," naibulong ko na lang sa hangin at tumalikod muli sa pinto at naglakad sa gilid. Pinagmasdan ko na lang muna ang paligid. Ang bakuran na ito ang saksi sa childhood ko noong nag-abroad si Nanay. Nagpunta siya sa Spain para magtrabaho kaya naiwan kaming magkakapatid. Ang kuya Rico at Ricky ko ang nag-asikaso sa amin noong wala ang Inay. Si Kuya Rico ang nagpundar para mabili ang bahay na ito. Si Kuya Ricky naman ang nag-alaga sa amin ng mga kapatid ko habang wala ang Nanay at ang panganay namin. Sa buong buhay ko, kaunting aruga lang ang naranasan ko sa piling ng Inay dahil nang makapunta siya sa Spain, hindi na siya nagparamdam. Doon nagalit ang dalawang kuya ko sa kanya. Anim kaming magkakapatid: Si Kuya Rico, Kuya Ricky, Kuya Ryan, Kristel, si Daryl, at ako. Ngunit si Daryl ay nakilala lang namin nung umuwi na ang Inay dahil iba nga ang tatay nito. At itong bakuran na ito ang saksi dahil dito kami sa labas minsang nagba-bonding noong bumalik na ang Inay. Nahagip ng paningin ko ang puno ng balete sa may gilid. Ewan ko, pero nandito na 'yan nung nakatira na kami dito, kaso maliit lang 'yan dati, hindi gaya ngayon na parang kasing taas na ng bahay at ang dami pang baging kaya nagmumukhang nakakatakot.
*creakkkkkkk...
Muli akong napalingon sa pinto nang marinig ang tunog na iyon at nakita kong nagbukas na iyon nang kaunti. Muli akong naglakad papasok sabay buntong-hininga.
"Bubuksan niyo din pala, pinaghintay—" Natigil ako sa pagsasalita dahil nang makapasok ako—
—ibang silid ang napuntahan ko.
Hindi. Hindi silid ito.
Nang mailibot ko ang aking paningin, parang pamilyar ang lugar. Agad akong napalingon muli sa pintong pinasukan ko, pero ganoon na lang ang pagkunot ng aking noo nang makompirma kong pamilyar ang lugar.
Mula sa gilid kung saan nandoon ang banyo, ang counter ng kusina na kitang-kita ko mula dito sa kinatatayuan ko, at ang pinto ng nag-iisang kwarto ng condo na ito.
Ang condo ng kuya ko.
Paano ako napunta dito?
Nagsimulang bumilis ang t***k ng puso ko dahil sa kaba. Bakit ako nandito? Paano ako napunta dito eh nasa bahay lang ako kanina? Tanong ko sa isipan ko pero hindi ko rin masagot.
Pero natigilan ako nang makarinig ako ng mga tawa. Agad akong napatingin doon sa pintuan ng nag-iisang kwarto sa condo na ito. Lumapit pa ako ng bahagya para marinig iyon at nakumpirma kong mga lalaki ito.
Teka, akala ko ba si kuya lang ang nakatira dito? Bakit parang ang dami nila? Nananagi—
"Hmmm! Hmmm!" Napakunot ang noo ko at lumikot agad ang aking mata papunta sa kinaroroonan ng tunog na iyon.
Ano 'yon?
"Oh, pano ba 'yan baby? Ako naman ang titikim sayo!" Agad akong napatakip sa bibig ko nang marinig ko iyon.
"Tirahin mo na pre, ang dami mo pang sinasabi eh!"
Agad akong napatakip sa aking bibig at nanlalaki ang mga mata kong nakatingin lang sa pinto kung saan nagmumula ang mga boses na naririnig ko.
Hindi kaya... huwag mong sabihing...
"Lumabas muna kayo, tanginang 'yan. Oras ko 'to eh. Pinagbigyan na nga kayo kanina eh, labas na!" Narinig ko mula sa loob dahilan para mapaatras ako.
Agad akong napalingon sa likod kung nasaan ang pinto, pero kung lalabas ako, mahahalata nilang may nakakita sa ginagawa nila. Napatingin naman ako sa gilid sa may pinto ng banyo. Kung papasok ako dito, posibleng mahuli naman ako ng mga ito.
Sino ba kasi 'yung mga iyon?!
Pero nang mapalingon ako doon sa pintuan ng kwarto, tumunog na ang doorknob kaya sa taranta ko, sa banyo ako pumasok nang tahimik at sinarado ko rin iyon ng tahimik. Ni-lock ko nang maigi.
Nanginginig ang mga kamay ko habang nanatili ang kaliwang kamay ko na nakahawak sa doorknob. Labis ang kaba na nararamdaman ko at sunod-sunod ang paghina ng aking katawan.
Sino 'yung mga iyon? Bakit sila nandito? Bakit ba kasi ako nandito?!
Pero napansin kong madilim dito sa banyo. Wala akong makita kundi purong itim, kaya naman minabuti kong gamitin ang kanang kamay ko para kapain ang switch ng ilaw dito sa loob. Bakit ang tahimik na yata sa labas?
Sakto namang nakapa ko na ang switch ng ilaw at agad na pinindot iyon, pero ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata ko at tila natuod ako sa kinatatayuan ko habang nakaharap ako sa pinto dahil sa may kaliwang balikat ko—
—may kung anong malamig na bagay na nakapatong sa balikat ko!
Bumalik na naman 'yung kabang nararamdaman ko at mas lalo pa akong hindi nakagalaw sa kinatatayuan ko kasi...
"Tulungan mo ako." Rinig kong boses ng kung sino man mula sa likuran ko na nagbigay sa akin ng matinding takot dahil—
—may tao sa likuran ko!
"S-sino 'yan?" nanginginig na tanong ko dito at parang hindi ko yata kaya itong lingunin.
"Tulungan mo ako, Cathy." Nang marinig ko ang pangalan ko—
"Paano mo ako—" Hindi ko na natuloy ang tatanungin ko dito dahil nang paglingon ko sa kanya—
"Kyaahhhhhh!!!" Agad kong inalis ang kamay niya sa balikat ko at nandidiri ko siyang tinulak dahil 'yung katawan niya—
—naaagnas na! 'Yung mukha niya, basag-basag na!
"Lumayo ka sa akin! Kyahh!" sigaw ko muli ng lumapit siya sa akin, kaya naman sinipa ko siya, pero napausad ako sa pinto at nalaglag ako sa sahig nang magbukas ang pinto.
Nanginginig na nakatingin pa rin ako sa taong tumatawag sa akin sa pangalan ko. Patuloy lang ako sa pagtili habang patuloy itong lumalapit sa akin, pero mas lalong nanlaki ang mga mata ko dahil... sa gilid ko... may naaaninag ako—
—may nakatayo sa gilid ko!
Unti-unti akong napalingon...
"Tulong!"
"Kyaahhhh!!!" Todo na naman ang pagsigaw at pagtili ko dahil katulad doon sa banyo—
—may tao din sa gilid ko at ganoon din ang mukha!
"Kyahhhhh! Huwag kayong lumapit! Kyahhhh!!" Patuloy ako sa pagwawala at pagtili habang nakapikit, pero umuurong na rin ang katawan ko papuntang pinto palabas.
"Tulungan mo kami, Cathy!" Pero ganoon na naman muli ang pagtili ko nang maramdaman ko ang malamig na kamay na iyon. Parang galing sa ilalim ng lupa 'yung boses nila at paulit-ulit silang nanghihingi ng tulong.
"Tulong!"
"Huwag!" sigaw ko muli, pero napatigil ako sa pagwawala dahil...
"Tulungan mo kami, Cathy!"
Ang boses na iyon... kilala ko kung kanino ang boses na iyon!