NAPATAYO si Kasandra ng makitang tumayo din si Liam. Matapos nitong ngitian ng matamis ang kausap nitong babae ay tumayo ito. Hindi na niya nagawang magpaalam kay Eymi dahil nagmamadali siyang makasunod dito. Nang muli niya itong tingnan ay palabas na ito sa tagong bahagi na iyon ng kuweba. Ang bilis talaga nitong kumilos. Mas pinabilis niya ang paglalakad upang makasunod dito. Hindi niya alam kung saan ito pupunta at hindi niya alam kung bakit niya ito sinusundan. Basta gusto lang niya itong sundan.
Ang totoo, nitong mga nakaraang araw ay hindi iilang beses niya itong sinusundan. May isang hinala kasing nabuo sa utak niya simula ng lumitaw ang mga bandidong lumulusob sa buong Sitio Tres. Ang mga bandidong ito ay lumitaw simula ng paalisin ni Kanor ang mga taong nakikitira sa lupain ng hasyenda at manirahan sa loob ng kuweba kung saan naroon sila. Iyon ang napansin niya.
Isang araw ay sumabog ang balita sa buong Sitio na patay na si Senyor Esmundo – ang nagmamay-ari ng isang malaking hasyenda sa Sitio at nagmamay-ari ng pinakamalawak na lupain doon. Naaksidente ito kasama ang nag-iisa nitong anak pauwi ng Sitio galing Maynila. Si Kanor ay ang kanang kamay ni Senyor Esmundo at itinuring na kapamilya.
Ayon sa kuwento ay nakilala ng matanda ang lalaki ilang taon na ang nakakalipas ng mapunta ang lalaki sa Sitio at kinupkop ito ng matanda. Nakitaan ng kabaitan ni Senyor Esmundo si Kanor kaya ginawa itong kanang kamay. Sa mga naririnig niya ay mabait daw ito at patas kagaya ng Senyor. Nagbago ang lahat ng pananaw ng mga tao ng mamatay ang matanda.
Ayon sa abogado ay kay Kanor nito ipinamahala ang pangangasiwa sa buong hasyenda dahil patay na din ang nag-iisang anak ni Senyor Esmundo. Kay Kanor napunta ang lahat. Sa di inaasahang pangyayari ay lumitaw ang tunay na kulay ng lalaki. Hindi pala ito mabait tulad ng pagkilala dito ng mga tao at ni Esmundo. Sinimulan nitong paalisin ang mga taong nakikitira sa lupain ng hasyenda. Kasama doon ang pamilya ni Eymi. Ang lahat ng mga napaalis sa kani-kanilang tahanan ay nagtungo sa simbahan ng Sitio pero hindi iyon kalakihan upang maging tahanan ng mga tao kaya sa kuweba dinala ni Father Anton ang mga taong ito. Ilang araw nang nakatigil doon ang mga tao ng magsimulang magkasakit ang iba sa mga ito. Saka sumulpot ang mga tulong na ibinibigay ni Father Anton. Walang nakakaalam kung kanino nanggagaling ang mga tulong na iyon.
Hindi niya sinasadya pero nahuli niya isang araw na kausap ng isang bandido si Father Anton at narinig niya ang usapan ng mga ito. Nalaman niyang bandido ang kausap ng pari ng silipin niya ang kinaroronan ng mga ito. Nakilala niya ito dahil sa mga larawang nakakalat ngayon sa bayan na itsura ng mga nakamaskarang bandido. Doon niya nalaman na ang lahat ng tulong na ibinibigay ni Father Anton sa mga tao sa kuweba ay galing sa mga bandidong iyon.
Pero dahil nakamaskara ang kausap ng pari ay hindi pa rin niya iyon namukhaan. Hindi na siya nag-atubiling kausapin ang pari dahil sa natuklasan. Hindi naman ito naglihim. Sinabi nitong mabuti ang hangarin ng mga bandidong tumutulong sa mga tao at kaya lang nagawa ng mga ito iyon ay upang tumulong sa mga mahihirap. Sa isang banda ay sumang-ayon siya dito. Nang tanungin niya kung kilala ng pari ang mga bandidong iyon dahil sa totoo lang ay walang nakakakilala sa mga ito dahil sa maskarang nakatakip sa mukha ng mga ito ay tumanggi ang pari. Mananatiling lihim daw ang pagkatao ng mga ito dahil iyon ang hiling ng mga bandido kapalit ng pagtulong ng mga ito.
Hindi natapos doon ang kuryosidad niya. Ilang araw na siyang pabalik-balik sa kuweba upang magbigay ng tulong dahil hindi naman talaga siya tumigil sa kuweba at sa simbahan pa rin siya nananatili. Hindi niya alam kung imahinasyon lang niya iyon pero sa tuwing maibabalita ang paglusob ng mga bandido sa sentro ng Sitio kung saan naroon ang ilang establisyimento gaya ng maliit na bangko, sanglaan, talipapa at iba pa ay palaging nawawala sa paligid ang tatlong magkakapatid na Bernardo. Hindi din niya alam kung napapansin iyon ng ibang mga tao sa kuweba. Siguro ay hindi na dahil abala ang mga ito sa pagpapagaling sa kani-kanilang mga sarili at sa paghahanap ng maaring ikabubuhay sa paligid ng kuweba.
Minsan naman ay madalas niyang napapansin na nag-uusap ang tatlong magkakapatid pagkatapos ay bigla nalang mawawala. Hindi din iilang beses na biglang umaalis si Liam kapag 'nag-aasaran' sila. Hindi niya alam kung masyado lang siyang nag-iisip kaya napapanaginipan na niyang ang mga ito nga ang mga bandidong iyon dahil nakita niya ang mukha ng tatlong magkakapatid ng tanggalin ng mga bandido ang maskara ng mga ito - siyempre sa panaginip lang niya iyon. Simula noon ay palagi na siyang naghihinala sa tatlo. Kaya kapag may pagkakataon na gusto niyang hulihin ang mga ito lalo na si Liam ay ginagawa talaga niya.
Naitanong na din niya sa sarili kung ano ang gagawin niya sakaling totoo ang hinala niya. Wala. Ang sagot ng utak niya. Wala siyang gagawin dahil alam niyang mabuti ang intensiyon ng mga ito. Mababait ang tatlong magkakapatid. At naniniwala siyang ginagawa lang ng mga ito ang bagay na iyon upang makatulong. Curious lang talaga siya. Siyempre ay ayaw din niyang mapahamak si Liam. Wala sa listahan niya ang ipahamak ito kahit kailan.
Nanumbalik sa kasalukuyan ang isip ni Kasandra ng mamalayan niyang napapalayo na ang nilalakad niya. Masyadong naabala ang atensiyon niya sa pagsunod kay Liam. Nang tumingin siya sa dinaanan niya ay mukhang naliligaw na siya dahil hindi na niya alam kung saan siyang bahagi nanggaling. Nang ilibot niya ang paningin sa paligid ay hindi naging pamilyar iyon sa kanya. Kinalma niya ang sarili at pinilit na huwag matakot. Maaring nasa paligid lang si Liam.
And speaking of Liam, lalo siyang nakaramdam ng kaba ng hindi na niya makita ang bulto nitong sinusundan lang niya kanina. Nawala ito sa paningin niya. Ni isang paggalaw na nagsasabing may ibang tao sa paligid o may kasama siya ay wala siyang nakikita. Napakatahimik ng lugar bukod sa mga ingay ng kulisap at mga kuliglig na nagkukubli sa makakapal na dahon.
"Liam." pabulong niyang tawag. Kahit papaano ay ayaw niyang ipaalam ang presensiya niya. Kapag nakita siya nito ay siguradong malalaman nitong sinusundan niya ito. Pero sa ganoong tagpo ay wala na siyang pakialam kung makita man siya nito. Basta makabalik lang siya sa kuweba ng maayos at ligtas.
Walang sumagot sa tawag niya.
"Liam!" nilakasan na niya ang boses pero umecho lang iyon sa paligid. May kumilos sa likuran niya at mabilis siyang pumihit pero walang anumang naroon. "Liam, huwag ngayon. Lumabas ka na diyan dahil hindi nakakatuwang makipagtaguan dito." aniyang pilit kinakalma ang sarili. Nasaan na ba ang lalaking iyon? Bakit ba kasi nagsuot siya sa gubat na ito? Pero siya din ang sumuway sa paninisi sa lalaki. Masyado ka kasing curious kaya hayan ang napapala mo!
Napatingin siya sa itaas ng mga puno. Nag-uumpisa ng dumilim. At hindi niya gugustuhing abutan doon ng dilim. Hindi sa bahaging iyon ng gubat. Huwag lang may maligaw na ahas sa paligid dahil talagang mamamatay siya.