CHAPTER 1

1264 Words
CHAPTER 1 Inayos niya muna ang kanyang suot na sombrero at mask bago lumabas ng airport. Nakita niya kaagad ang driver ng kanyang Nana Linda. Hindi na niya hinintay pa na pagbuksan siya nito ng sasakyan, siya na mismo ang kusang nagbukas at pumasok sa loob. “Maligayang pagbabalik po, Ma’am Larah,” nakangiting bati ng driver sa kanya. Tinanguan niya lamang ito. Hindi dahil sa wala siyang galang pero napagod siya sa biyahe at gusto niya munang pumikit saglit. Nagsimulang magmaneho ang driver at hindi na siya inistorbo nito. Mabilis siyang nakatulog dala ng pagod. Nasa tapat na sila ng kanilang bahay nang magmulat siya ng mata. Ang bahay na dapat sana’y kinalakhan niya. Pero dahil sa pagtatangka sa kanyang buhay noong baby pa siya, kinailangan siyang itago at manirahan sa Italy sa piling ng kanyang lola sa mother side at yaya. Palihim at halos hindi batid ng mga nasa paligid ang kanyang presensya sa tuwing pumapasyal siya rito. Pagkababa niya ng sasakyan agad siyang niyakap nang mahigpit ng kaniyang Nana Linda. Ito ang nag-aalaga sa kanya sa Italy hanggang magkaisip. Napilitang umuwi rito sa Pilipinas ang Nana Linda niya upang may mangangalaga sa mansyon ng kanyang lolo. “Nagugutom ka na ba, anak? Ipinagluto kita ng paborito mo.” Mahigpit na yakap ang itinugon ni Larah bago nagsalita, “Puwede po bang mamaya na lang, Nana, magpapahinga lang po muna ako.” “Oo naman. Alam kong pagod ka sa biyahe. Dadalhan na lang kita ng pagkain sa kuwarto mo mamaya.” Niyakap niyang muli ang matanda bago nagpunta sa kanyang silid. Pabagsak niyang inihiga ang sarili sa kama. Pagod na pagod ang kanyang katawan sa biyahe. Matapos kasi ang business trip sa London dumiretso na siya sa airport para umuwi. Hindi na namalayan ni Larah kung gaano siya katagal nakatulog. Nagising siya sa sobrang lamig. Painat-inat pa siyang bumangon. Awtomatikong napatingin siya sa nakabukas na aircon. Hindi niya matandaan kung binuhay niya ang aircon kanina. Nahiga muli siya upang matulog pero hindi na niya magawang makatulog muli. Napatingin siya sa mesa, may pagkain ng nakalagay rito. Baka ang Nana niya ang nagbukas ng aircon kanina habang tulog siya. Tumingin siya sa kanyang suot na relo. Halos tatlong oras din ang tulog niya. Bumaba siya sa kama at bahagyang inayos ang hinigaan bago pumasok sa banyo. Nagbabad muna siya ng ilang minuto sa bathtub bago nag-shower. Matapos niyang maihanda ang sarili bumaba siyang nakalugay ang buhok habang bitbit ang tray ng pagkain. Paborito niya ang inihandang pagkain sa kanya, sinigang na hipon. Sa baba na lang niya naisipang kumain para mapainit niya ang pagkain. Hindi na kasi ito masarap sa panlasa niya kapag malamig na. Wala ng tao sa kusina pagbaba niya. Paniguradong tulog na ang Nana niya dahil mag aala-syete na ng gabi. Maaga kasi itong natutulog. Sinimulan niya agad ang pagkain matapos mapainit. Nakailang subo pa lang siya nang mag-vibrate ang kanyang cellphone sa bulsa. Hindi niya muna ito pinansin hanggang matapos siya sa pagkain. Nakailang tunog pa ito bago niya sinagot. “May nahanap kami pero hindi sigurado kung si Don Fernan ang may-ari,” wika ng taong nasa kabilang linya. “Let me see first the details,” sagot niya bago pinatay ang tawag. Hindi siya nawawalan ng pag-asang may makuhang impormasyon. Ilang buwan na rin niyang pinapahalungkat ang lahat ng pagmamay-ari ng Lolo Fernan niya at pati sa mga magulang niya. Pero magpahanggang ngayon ay wala pa rin siyang nalalaman. Hindi siya naniniwalang namatay sa sakit ang kanyang lolo dahil malakas pa ito noong huling kita nila. Buwan pa lang ang nakalilipas bago nabalitaang wala na itong buhay. Malakas ang kutob niyang konektado ito sa car accident na ikinamatay din ng parents niya. Noong nabubuhay pa ang Lola niya sinasabi nitong maraming pagmamay-aari ang kaniyang Lolo sa father side niya. Pero hindi sinabi sa kanya kung ano ang mga ito. At hindi rin kabilang ang pangalan ng Lolo niya at ang ama niya sa businesslist sa bansa o kahit sa ibang bansa. Kaya nagtataka siya kung bakit ganoon ang nangyari. Matapos niyang hugasan ang pinagkainan agad siyang umakyat sa taas para tingnan sa laptop niya ang detalyeng gusto niyang malaman. Kunot-noong tinitigan niya ang larawan na nasa screen. Isang malawak na universidad sa Quezon Province na may sampung ektaryang lupang sakop nito. At isang babae ang namamahala nito ngayon. Kinuha niya ang kaniyang cellphone mula sa bulsa. Agad namang sumagot ang taong tinawagan niya. “Ano’ng kinalaman ng university na ito?” tanong niya sa kabilang linya. “May kaibigan akong may kilala mula sa university na iyan. Isang nagngangalang Mr. Fernando Fernandez ang nagmamay-ari sa eskuwelahan na iyan noon. Pero sa ngayon hindi na niya alam kung sino ang bagong nagmamay-ari. Sinubukan rin naming pasukin ang lugar na iyan. Pero sobrang secure ang buong paligid. Maraming CCTV ang nakakalat. At tuwing school break lang puwedeng lumabas ang mga estudyante.” Tinitigan niyang muli ang larawan. Ibig sabihin isang pribadong eskuwelahan na hindi basta-basta napapasok. At kung tama ang hinala niya puro may kaya o may impluwensiya lang ang nakapapasok sa loob. “Alam mo na ang dapat gawin para makapasok ako bukas na bukas din,” saad niya rito bago ibinaba ang cellphone mula sa tainga. Ilang buwan din niyang hinintay na may malalaman siya. Hindi niya sasayangin ang pagkatataon. At kung wala siyang makuhang sagot sa lugar na iyon, wala namang mawawala sa kanya. Kung sa Lolo nga niya iyon, bakit iba na ang nagmamay-ari nito ngayon. Kailangan niyang makapasok sa universidad agad-agad para malaman ang totoo. Mula sa screen ng kaniyang laptop nabaling ang tingin niya sa isang frame na nasa gilid. Masayang nakangiti ang tatlong tao na nasa litrato. Kuha niya iyon kasama ang mga magulang sa Italy. Tuwing binibisita siya ng kaniyang mga magulang doon, lumalabas sila para mag-bonding. Pero ’di niya lubos maisip na iyon na pala ang huling pagkikita nila. Sobrang miss na miss na niya ang mga magulang. Araw-araw siyang umiiyak noon dahil sa sakit na kaniyang nararamdaman. Mahigit isang taon na ang lumipas pero sariwa pa rin sa utak niya ang nangyari. Hanggang ngayon hindi pa rin niya matanggap ang biglaang pagkawala ng mga ito. Hindi siya titigil hangga’t hindi niya nabibigyan ng hustisya ang pagkawala ng kanyang mga mahal sa buhay. Napatigil siya sa pag-iisip nang biglang nawala ang ilaw. Kinuha niya ang kanyang baril sa ilalim ng kama. Dahan-dahan siyang lumabas sa kanyang silid. Pinakiramdaman niya ang madilim na paligid. Buti na lang sanay na siya sa dilim kaya hindi na mahirap para sa kanya. Wala naman siyang naramdamang kakaiba. Maliban lang sa may naririnig siyang ingay na nagmumula sa baba. Maingat siyang bumaba sa bandang kusina kung saan nagmumula ang ingay. Dahan-dahan siyang lumapit doon. Sa paglapit niya may naaninag siyang tao. Nakatalikod ito na may parang may hinahanap sa loob ng kabinet. Palapit na siya nang biglaang bumalik ang ilaw kaya napaharap ang bulto sa kanya. “Santisima!” gulat nitong sambit nang makita siya. Hawak-hawak ng matanda ang dibdib habang nakatitig sa hawak niyang baril. “Mang Lucas? Ano po ang hinahanap n’yo riyan?” Pasimpleng ikinubli niya sa likuran ang baril. “Pa-pasensiya na kayo, Ma’am. Naghahanap kasi ako ng puwedeng ibukas sa generator. May sira po yata iyon kaya hindi umandar kanina maatapos mag-brown out,” paliwanag ng matanda. “Palitan n’yo na lang po iyon bukas, Manong,” suhestiyon niya sa kaharap. “Si-sige po.” Tumalikod na siya rito. Alam niyang natatakot ito sa kanya. Umakyat siya pabalik sa kaniyang kuwarto para mapag-aralan ng mabuti ang nakatakdang niyang plano.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD