CHAPTER 2

1142 Words
CHAPTER 2 KINABUKASAN maaga siyang nagising para magluto. Kahit buhay prinsesa siya, may alam siya sa gawaing bahay o pagluluto sa kusina sa tulong na rin ng kanyang Nana Linda. Dahil hindi raw sa lahat ng pagkakataon may kasama siya o may magsisilbi sa kanya. Pero noong natuto at lumalaki na siya ayaw na siyang payagan pang tumulong kung magkakasama sila sa bahay. “Larah, anak, bakit nagluto ka? Ikaw na bata ka pinakialaman mo na naman ang kusina ko!” nakapamewang na sambit ng Nana Linda niya. Medyo nagulat siya sa biglaang pagsulpot nito. Nakataas pa ang isang kilay habang nakatingin sa kanya. “Ka-Kasi Nana, nami-miss ko magluto, eh,” kinakabahan niyang sagot rito. Magulang ang turing niya rito kaya natutuwa siyang masermunan nito na parang anak. Biglang umaliwalas naman ang mukha nito matapos marinig ang sagot niya. “Ganoon ba, anak? Hala, sige! Pagbibigyan kita ngayon. Mukhang patapos ka na naman, maiwan muna kita at didiligan ko muna mga halaman ko,” saad nito sa kanya bago tumalikod. Nakahinga siya nang maluwag nang mawala sa paningin niya. Takot kasi siya rito. Hindi dahil masama ang ugali kundi ang sakit mangurot sa kanyang tagiliran. Kahit nga malaki na siya kinukurot pa rin siya nito sa tuwing may nagagawa siyang mali. Matapos niyang magluto kaagad niyang niyaya ang kanyang Nana at si Mang Lucas para mag-agahan. Isa sa mga natutuhan niya sa Lola niya ay ang sama-samang kumain. At pantay na pagtingin sa kapwa kahit ano pa man ang katayuan nito sa buhay. Matapos nilang mag-agahan, nagpaalam siya sa kanyang Nana na aalis siyang muli. Ayaw man siya nitong payagan pero kalaunan pumayag na rin ito. Naligo muna siya bago naglagay ng konting gamit sa kanyang travelling bag. Pagkababa niya, malungkot na hitsura ang nadatnan niya mula sa kaniyang Nana. Alam niyang nag-alala ito sa tuwing umaalis siya dahil hindi ito sana’y na nasa labas siya. Yumakap muna siya nang mahigpit dito bago pumasok sa loob ng sasakyan. “Lucas! Dahan-dahan lang sa pagmamaneho, ha! Alalahanin mong nasa loob ang anak ko!” rinig niyang bilin ng Nana niya kay Mang Lucas. Napangiti na lang siya habang nakatingin dito. May pagkamasungit kasi ito sa iba. Sa isang condo building sa Mandaluyong lang siya nagpapahatid kay Mang Lucas kung saan naroon ang unit niya. Nasa loob na raw kasi ang kailangan niyang mga papeles para sa university na papasukan niya. Pagpasok niya sa loob may kakaiba siyang napapansin. Napatingin siya sa mga gamit. Wala namang nawawala o nabago. Tanging isang brown envelope na nasa ibabaw ng mesa sa living room ang kumuha ng atensyon niya. Agad niyang nilapitan at sinimulang buksan. Babasahin na sana niya ang nakasulat doon nang maramdaman niyang may tao sa kaniyang likuran. Mabilis ang naging pagkilos niya. Umikot siya rito sabay kuha sa maliit niyang punyal mula sa kanyang hita. Mabilis niyang naisandal sa pader ang bulto sabay diin ng patalim sa leeg ng pangahas na pumasok sa pag-aari niya. “Wooh! Ba-Baby! Relax! It’s me! Patrick!” Bigla niya itong nabitawan dahil sa narinig. “What are you doing here?” malamig na tanong niya rito. “Just checking on you, baby,” malambing nitong tugon. “I’m not baby anymore. I can take care myself," sagot niya rito sabay tungo sa kaniyang silid para kumuha ng ibang gamit. Napatigil siya nang bigla itong yumakap sa kanya mula sa likuran. “Please go home, baby. We miss you so much,” bulong nito sa kanyang tainga. Hindi na lang niya ito pinansin. Matapos niyang maipasok sa bag ang iba niyang gamit, naglalakad na siya palabas. Hindi na rin niya binasa ang laman ng envelope. Itinupi niya lamang iyon bago itinago sa loob ng bag. Narinig niyang may tumawag sa pangalan niya pero hindi na siya lumingon pa rito. Alam niyang nag-alala ang mga itinuturing niyang kapatid sa kanya. Hindi rin madali sa kanya ang malamig na pakikitungo niya sa mga ito sa tuwing magkikita sila. Pero hindi siya matututo kung palagi siyang nakadikit sa mga ito. Hihingi na lang siya ng tulong mula sa mga ito kung kinakailangan na. Habang papunta siya sa kaniyang sasakyan kinuha niya ang kanyang cellphone mula sa kaniyang bag at mabilis na tinawagan ang pakay. Agad namang sumagot ang taong gusto niyang makausap. “Hello, Ma'am, may kailangan po kayo?” “Ikaw na muna ang bahala riyan,” pagputol niya sa sasabihin nito. “Sige po, Ma’am,” rinig niyang sagot mula sa kabilang linya. Pumasok na siya sa kaniyang sasakyan matapos ang tawag. Paniguradong naghihintay na sa kanya ang maghahatid sa kanya patungong unibersidad. Mahigit kalahating oras ang magiging biyahe niya bago makarating sa lugar. Malayo pa lang ay nakita niya na agad ang itim na sasakyan. Mabilis siyang naglakad palapit dito. Bumaba naman ang driver nito para kunin ang dala niyang gamit. Habang nasa daan napasulyap siya sa driver. Pansin niyang naka-focus lang ito sa daan. Pinakiramdaman rin niya ang presensiya nito pero wala namang kakaiba. Isa sa mga natutuhan niya noon ay ang maging matalas ang pakiramdam sa paligid lalo na sa mga taong nakakasama niya. Nasa labas lang ang mga mata niya. Sinusuri niyang mabuti ang bawat dinaraanan nila. Pinilit niyang hindi makatulog kahit antok na antok na siya. Apat na oras ang inabot ng biyahe nila bago narating sa lugar. Naunang bumaba ang driver para pagbuksan siya ng pinto. Naging malikot ang mga mata niya sa paligid. Marami nga ang cctv, lalong-lalo na sa bandang harapan. Nagbigay galang muna ang naghatid sa kanya bago ito umalis. Kinuha niya ang maliit na maletang dala bago naglakad palapit sa malaking pader. “RF University,” basa niya sa nakasulat sa pader. Tumingala siya para makita niya kung gaano ito kataas. Kung may gusto mang lumabas dito hindi madaling makaaakyat at makababa dahil sa taas nito. Sobrang tahimik ang paligid. Tanging hangin lang at huni ng mga ibon ang naririnig niya. Biglang tumunog ang pader na nasa kaniyang harapan. Dahan-dahan itong bumukas nang kusa. Bumuntonghininga muna siya bago naglakad papasok. May isang mistisong lalaki ang papalapit sa kanya. Sa tiyantya niya ay nasa 5 feet at 9 inches ang taas nito. Katamtaman lang din ang pangangatawan. Ngumiti ito sa kanya kaya kita niya ang mapuputi nitong ngipin. “Ms. Samantha Kim?” tanong nito sa kanya. Ngumiti lang siya rito sabay pakita ng pekeng I.D. Inihanda niya na kanina sa loob ng sasakyan ang mga papel na kailangan. Sinamahan siya nito patungo sa Dean Office. Nagpasalamat naman siya rito bago ito umalis. Nilibot niya ng paningin sng paligid. Kita niya ang dalawang malaking building sa hindi kalayuan. Napapagitnaan ito ng isang mahabang garden na puno ng mga mga halaman. Akala niya sa telebisyon lang niya makikita ang ganitong unibersidad. Isang tagong lugar na iilan lang ang nakakaalam. Muli siyang humarap sa pinto kung saan ang dean office para pumasok.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD