CHAPTER SIX

1991 Words
Lucas Ian Anderson (Lucien) “ANO BA, MISS! AYUSIN MO ’YAN! GINUGULO MO LANG ’YAN—MUKHA KA NAMANG WALANG PAMBILI!” Nanlaki ang mga mata ko sa narinig kong sigaw. Hindi lang basta sigaw iyon—may halong pangmamaliit, may yabang, at may tunog ng kahihiyan na pilit tinatago. Agad akong napatayo mula sa kinauupuan ko, ramdam ang biglang pag-igting ng buong katawan ko. Kilala ko ang boses na ’yon. Hindi ako nagkamali—si Ysabelle ’yon. Kahit pa may halong panginginig, kabisado ko na ang tono niya kapag napapahiya o nasasaktan. Mabilis akong naglakad patungo sa pinanggalingan ng sigaw, halos hindi ko na alintana ang mga taong nadaanan ko. May ilang napatingin, may iba pang lumingon, pero wala akong pakialam. Sa bawat hakbang, lalo lang umiinit ang dugo ko. At nang makita ko ang eksena, tuluyan nang nagtagis ang bagang ko. Isang saleslady ang nakatayo sa harap ni Ysabelle, nakataas ang baba at may mapangmata na tingin, parang siya ang may-ari ng buong boutique. Samantalang si Ysabelle—ang babaeng kasama ko—ay nakaupo sa malamig na tiles ng boutique, hawak ang laylayan ng damit niya, halatang nagulat, na-out of balance, at naiilang. Kitang-kita ko ang pamumula ng pisngi niya, hindi lang sa hiya kundi pati sa inis. Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Mabilis akong lumapit, hinawakan ang braso ni Ysabelle, at marahang itinayo siya. Ramdam ko ang panginginig ng katawan niya at ang bahagyang pag-igting ng balikat niya, parang pinipilit niyang hindi umiyak. Pagkatapos, hinarap ko ang saleslady—diretsong titig, malamig, at walang bahid ng pag-aalinlangan. “Where’s your manager?” mariin kong tanong. “S-s-sir, I—I’m s-so—” nauutal niyang sagot, halatang natataranta. Pwede siyang humingi ng tawad, pero hindi iyon ang kailangan ko sa kanya ngayon. “Where’s. Your. Manager.” Dinidiinan ko ang bawat salita, bawat pantig parang babala. Hindi pa rin siya makasagot. Kita ko kung paano kumakabog ang lalamunan niya sa bawat lunok. Kaya ibinaling ko ang tingin ko sa isa pang saleslady na kakarating lang, mukhang nagulat sa eksena at hindi alam kung lalapit ba o lalayo. “Call your manager. Now.” Napako siya sa kinatatayuan niya, at sa tingin ko pa lang, alam niyang wala akong oras para sa kahit anong palusot. Nanlaki ang mga mata ko nang biglang may humawak sa polo ko. Bago ko pa tuluyang mailabas ang galit ko, naramdaman ko ang biglang pagdampi ng labi ni Ysabelle sa labi ko. Isang mabilis ngunit malinaw na halik, walang pasabi, walang babala. Napatingin ako sa kanya, gulat—at sa isang iglap, parang may humila pababa sa init ng ulo ko. Parang pinatay ang apoy na kanina lang ay nagbabanta nang manunog ng lahat sa paligid. “’Wag ka nang magalit, Mister,” mahina niyang sabi, nakayuko, mahigpit na nakahawak sa polo ko na para bang iyon lang ang sandalan niya. “Natatakot ako…” Huminga ako nang malalim, pinilit ibalik sa tamang ritmo ang paghinga ko. Ayokong lalo siyang matakot, kahit gusto ko pa sanang ilubog sa sahig ’tong babaeng nanghamak sa kanya. Saka ko muling hinarap ang saleslady na unang sumigaw. “Get out of my fvcking sight, dumbass,” malamig kong sabi. Hindi na kailangang lakasan ang boses ko; sapat na ang tono ko para maintindihan niya. Parang nabuhusan ng malamig na tubig ang babae—agad siyang umatras, hindi makatingin nang diretso. Alam niyang lumampas siya sa linya. “At ikaw,” turo ko sa isa pang saleslady na maayos ang kilos at hindi sumabay sa pangmamata, “sumunod ka sa ’min.” Hindi na siya umimik. Tumango lang siya at sumunod sa distansya. Hinawakan ko ang kamay ni Ysabelle at dinala siya sa isang bahagi ng boutique kung saan naka-display ang mga luxury shoes at heels. Mas tahimik sa bahaging iyon, mas konti ang tao, at mas malamig ang hangin mula sa aircon. Inupo ko siya sa isang stool at kumuha ng isang pares ng pulang heels na agad na tumawag ng pansin ko. Tiningnan ko siya. “What’s your size?” Napatingin siya sa akin, halatang naguguluhan, parang nabitin sa tanong ko. Doon ko lang naalala—hindi pala siya sanay sa English, lalo na kapag hindi siya nakapaghanda. “Anong sukat ng paa mo?” ulit ko, mas mabagal. “Thirty-eight, Mister,” sagot niya. “Give me size 38 of this. And that. That one. This too. And that.” Sunod-sunod ang turo ko sa iba’t ibang designs—flats, heels, sandals. Hindi ko na tiningnan ang tags; hindi iyon ang concern ko. Mabilis namang umalis ang saleslady. Dahil marami akong itinuro, ilang sandali pa kaming naghintay. Kita ko kung paano nawala at bumalik ang staff, kasama na ang isang salesboy na halatang pinatawag para magbuhat. Maya-maya, bumalik siya na may tatlong kahon na magkakapatong, kasunod ang salesboy na may dala pang limang kahon. “Sir, ito na po,” sabi niya, maingat na inilapag ang mga kahon sa mesa. “Sukatin mo,” sabi ko kay Ysabelle. Mukha siyang naiilang hawakan ang mga kahon kaya sinenyasan ko ang saleslady. Agad niya itong naintindihan, at halos mauna pa siyang lumapit kay Ysa. “Ma’am, ito po muna,” sabi niya habang binubuksan ang isang kahon. Inilabas niya ang creamy white flat shoes na simple pero halatang mamahalin. “Maupo po kayo rito,” dagdag niya, sabay turo sa mas komportableng upuan. Sumunod naman si Ysabelle. Nakaupo lang ako sa bench, nakasandal, tahimik na pinagmamasdan ang lahat. Tinulungan ng saleslady si Ysabelle hubarin ang luma niyang wedge. Wala akong nakitang bakas ng pandidiri o pag-aatubili sa kilos nito—maingat pa nga siya, parang sanay na sanay sa trabaho. Doon ko lang bahagyang ibinaba ang galit ko. Ganoon dapat ang nagta-trabaho: walang pangmamata, walang sobra-sobrang arte. “Ayan po, Ma’am,” sabi ng saleslady. “Bagay po sa inyo.” Tama siya. Bagay nga. Mas lalo pang luminaw ang linya ng binti ni Ysabelle at mas bumagay sa kanya ang ayos ng damit niya. Isa-isang nasukat ni Ysabelle ang mga sapatos—flat shoes, sandals, at heels. Minsan napapangiti siya, minsan napapangiwi kapag hindi komportable. Mabilis lumipas ang oras habang nagpapalit siya ng pares, at sa bawat tingin ko, mas nakikita ko kung gaano kalayo ang layo niya sa imaheng gustong ipahiwatig noong unang saleslady. Huli na ang pulang heels, at halata kong hirap siyang maglakad. “Kyahhh!” napasigaw siya nang muntik nang matumba. Mabuti na lang at maagap ang saleslady at agad siyang nasalo, bago pa siya tuluyang sumubsub sa sahig. “Ayaw ko nito, Mister,” sabi ni Ysabelle, halatang natatakot at humihigpit ang kapit sa braso ng saleslady. “Mamamatay ako nang maaga rito.” “Kukunin ko ’yan,” sabi ko sa saleslady. Hindi ibig sabihin hindi niya kaya isuot, hindi na namin bibilhin. Kung gusto kong may option siya, magkakaroon siya. Agad na hinubad ni Ysabelle ang heels, para bang tinatanggal niya ang mismong panganib sa paa niya. “Ito na lang suotin mo,” sabi ko sabay abot ng flat shoes na naunang nasukat. “Okay lang po ba kahit ’di pa bayad?” mahina niyang tanong, kita sa boses niya ang pag-aalangan. “Opo, Ma’am,” sagot ng saleslady, may magaan nang ngiti sa labi. Hinila ko na si Ysabelle papunta sa section ng mga damit, hindi na siya binigyan ng pagkakataong umatras. “Pumili ka na,” sabi ko. Ngunit nagbago ang isip ko nang makita kong ang unang dinampot niya ay simpleng puting t-shirt—’yung tipong kayang bilhin kahit saan at kahit kailan, tipong hindi bagay sa lugar na kinaroroonan namin ngayon. “Tsk.” Lumapit ako sa racks at kumuha ng apat na dress nang hindi man lang tinitingnan ang presyo. Sa bawat hilang ginagawa ko, alam kong may manghihimatay kung makikita ang total, pero wala akong pakialam. “Sir, yung mga nasa mannequin po namin—terno po ’yon at limited stock,” paliwanag ng saleslady na nakasunod sa akin. Tiningnan ko ang lima o pitong mannequin sa paligid. Maayos ang mga suot, may estilo, at hindi mukhang basta lang tinapon sa katawan. “Lahat ’yan. Isukat niyo sa kanya. Kukunin ko,” sabi ko bago muling maupo. Lumapit si Ysabelle sa akin, halatang nai-stress sa nakikita niya. “Mister, baka naman wala na akong swelduhin niyan,” alanganin niyang sabi, halos pabulong. Ngumisi lang ako at hindi sumagot. Hindi niya kailangang malaman lahat. “Ma’am, dito po,” aya ng saleslady. “Para masukat na po natin.” Matagal silang nawala sa fitting room. Naririnig ko pa minsan ang mahihinang tawa at iilang “Ay, ang ganda niyo po, Ma’am,” mula sa staff. Isa-isang lumabas si Ysabelle suot ang bawat damit—may floral, may pastel, may simple pero elegante. Sa bawat labas niya, lalo kong napagtanto kung gaano bagay sa kanya ang mga iyon, kahit paulit-ulit pa siyang nag-aalangan. Sa huli, lumabas siya suot ang isang simple ngunit elegante na kombinasyon—pang-itaas na nagpalutang sa kaputian ng balat niya, at isang full lace knee-length pencil skirt na akmang-akma sa kanya. Hindi masyadong maikli, hindi rin masyadong mahaba, sakto lang para magmukha siyang maayos, disente, at… hindi na tulad ng babaeng pinagtawanan kanina. “Mister?” mahina niyang tanong. “Bagay ba? Hindi ba masyadong fit?” Natulala ako. Ilang segundo akong walang nasabi, tinitingnan lang siya. “MISTER!” Napabalik ako sa realidad. Tss. Gandang babae pero mason. Hindi bagay ang boses niya sa itsura niya minsan. “Ang ganda niyo po kasi, Ma’am,” biro ng saleslady. “Kaya natutulala si Sir.” Sinamaan ko siya ng tingin, ngunit ngumiti lang siya sa akin, halatang hindi natatakot. Tangina. “Huwag mo nang hubarin,” sabi ko. “Pakibalot na lang. And here.” Inabot ko ang credit card ko. “This is my car’s parking number. Pakidala na lang doon lahat,” dagdag ko bago tumalikod. Wala na akong balak manatili pa sa loob ng boutique na ’to. “Thank you, sir. Please come again,” sabi ng saleslady. “Ang bait niya, ’no?” bulong ni Ysabelle, halatang referring sa saleslady na tumulong sa kanya. Tumango lang ako. At least may isang tao rito na marunong rumespeto nang hindi tumitingin sa suot o itsura. “Teka, paano ’yung mga gamit ko kanina?” tanong niya, biglang naalala ang luma niyang sapatos at suot na halos pinagmulan ng lahat. “Pinatapon ko na,” sagot ko, diretso. Wala na akong planong ipabalik ang mga iyon. Bumunot ako ng cash at inabot ang limang libo sa saleslady. “Here’s your tip.” Nagulat siya. “N-no po, sir. Nakakahiya po.” “Naku ate,” singit ni Ysabelle, “kung ako ’yan tatanggapin ko agad. Mahirap kumita ng pera ngayon.” Kinuha niya ang pera at inilagay sa kamay ng saleslady, parang siya pa ang nag-aabot. “Keep that,” sabi ko bago ko hinila si Ysabelle palabas. “SALAMAT PO, SIR! MA’AM!” sigaw ng babae, halatang tuwang-tuwa. Ngiting-ngiti si Ysabelle paglabas namin ng boutique, para bang siya ang nagbigay ng tip gamit ang sarili niyang pera. “Ang saya mo yata,” sabi ko, tinatabingan ng kamay ko ang ilaw sa mata niya habang naglalakad kami. “Magaan sa pakiramdam ang nagbibigay,” sagot niya, simple lang pero diretso. Napakunot ang noo ko. “May pera rin ako,” dagdag niya. “Bigay ni Linda. Siguro masaya rin siya noon.” “Magkano?” tanong ko, walang paligoy. “Fifteen thousand,” sagot niya. “Pero alam kong ’di magtatagal, kaya naghanap ako ng trabaho.” Tumango lang ako. Hindi na ako nagkomento pa. Napatingin ako sa mga babaeng nakatingin sa amin—’yung iba pasimpleng sumisilip, ’yung iba halatang nagtsi-tsismisan na. Napailing na lang ako. Hindi nila alam kung gaano kalayo na ang narating ng babaeng hawak ko ngayon—at kung gaano pa siya lalayo mula sa mga tingin nilang puro husga lang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD