Chapter 8

2671 Words
KB4 C8 Chapter 8 NAGPATULOY nga ang laro sa pagitan ng koponan nina Leviste at Hidalgo. Nagpaalam na rin kay Ricky ang isa sa mga kasali sa freshmen team at medyo nabigla rin siya sa inasal ng isang estudyanteng naroon. Ito ay ang binatang si Kenneth na nagsabi pa sa kanya na gusto raw nitong maglaro. Timing din naman ang pag-alis ng isa sa mga kasamahan niya sa grupo. Ang iniisip nga lang ni Ricky ay kung paano makakapagpakitang-gilas ang batang iyon kung buwaya ang kasamahan nito? Sumilbato na nga si Ricky at sa grupo ni Leviste ang bola. Dalawang minuto na lamang ang natitira at tabla sa 8 points ang magkalabang koponan. Gaya nga ng inaasahan, si Ceejay ang may hawak na naman sa bola at makikita na naman ang seryosong pagbantay sa kanya ni Hidalgo. Mukhang ang laban na naman daw ng dalawa ang mapapanood niya. Gusto nga niyang sabihin sa mga kasamahan nila na magpakitang-gilas din, kaso, gusto niyang ang mga ito mismo ang makaramdam sa kanilang mga sarili kung gusto ba talaga nilang mapili sa try-out na ito. “Kung pagbabasehan ko ang laro ng mga kakampi nila, mukha namang hindi sila interesadong sumali,” sabi na nga lang ni Ricky sa sarili at napa-wow na naman ang mga manonood nang malampasan ni Leviste ang defender nito sa pamamagitan ng isang cross-over. “Naiwanan ka na naman Hidalgo,” bulalas ni Ceejay sa napaseryosong si Richard na dala siguro ng pagod kaya siya bumagal. Tumalon na nga si Ceejay para sa isa na namang libreng lay-up, subalit nakaramdam siya na may binanggaan siya sa kanyang ibaba. Pagtingin niya ay may kalaban pala ang nakatayo sa kanyang harapan at naging dahilan ito upang pareho silang bumagsak. “A-ano’ng ginagawa ng isang ito rito?” naibulalas ni Ceejay na napaupo sa sahig ng court. Mabuti raw at nakaalalay siya sa pagbagsak. Kasunod nga rin nito ay ang pagtunog ng silbato ng kanilang referee na si Mendez. Offensive foul ang itinawag sa kanya nito na ikinaseryoso niya. “Pa-paanong offensive foul iyon?” bulalas ni Ceejay na seryosong pinagmasdan ni Ricky. Tila natauhan naman si Leviste sa tingin na iyon. Nag-expect kasi siya ng sure score kaya siya napatanong, pero alam naman niyang tama ang tawag na foul na iyon dahil naunahan siya sa pwesto. Biglaan din ang mga nangyari at hindi niya inaasahan na may maglalakas pa ng loob na pigilan siya… at sa ganoon pang paraan. Makikita namang nakahiga si Kenneth na seryoso ring pinagmasdan ni Ricky Mendez. Ramdam nga ng freshman ang sakit sa kanyang katawan dahil sa pagtama ng kanyang hinarangang kalaban. Medyo napangiwi pa nga siya nang susubukang tumayo. Isang kamay nga ang nakita ni Kenneth sa kanyang harapan, at mukhang ito ay para alalayan siyang tumayo. Si Ricky Mendez ito na binigyan din ng simpleng ngiti ang batang iyon. Nang makatayo si Kenneth ay ngiting-ngiti siya na tumakbo papunta sa side nila. Sumilbato naman muli si Ricky at ibinigay na kina Hidalgo ang possession ng bola. Sa iba, ay normal lang ang play na iyon, pero para kay Mendez… isang magandang depensa iyon. Isa pa, may napansin siya sa batang iyon nang tumayo ito sa harapan ng tumalon na si Leviste. Dala na nga muli ni Hidalgo ang bola at makikitang binabantayan na naman siya ni Leviste na kanyang nginisian. “Akala ko rin ay sure score ka na kanina… Mabuti na lang at malakas ang loob ni totoy na tauhan ka sa lugar na iyon,” sabi nga ni Hidalgo na bumigla ng abante pagkatapos. Nilampasan niya si Leviste matapos pagsalitaan, kaso, hindi niya inaasahang dumulas sa kanyang kamay ang bola. Hinabol nga ito ng isang kakampi ni Leviste para kuhanin, kaso napaseryoso ito nang may lumitaw na player sa kanya harapan. Kinuha ng freshman na si Kenneth ang bola at mabilis na pinatalbog. “Ipasa mo sa akin! Para hindi masayang!” bulalas naman ng kapwa freshmen na si Harvey na mabilis na lumapit sa hindi kalayuan, kasama ang defender nito. Napaatras nga si Kenneth at parang kinabahan dahil ang tindi ng pagbabantay sa kanya ng katapat niya. Parang hindi raw siya nito palulusutin. Pinagpatuloy nga niya ang pagpapatalbog kaso, napangisi ang kanyang defender dahil napakadali raw basahin ng galaw nito. Na-steal kay Kenneth ang bola na ikinailing na nga lang ng kakamping si Harvey. “Sabing ipasa sa akin! Pinatagal mo pa!” bulalas nito at napangiti na nga lang nang pilit si Kenneth na tumakbo na lang patungo sa side ng kalaban dahil sa ibinato na ng kanyang defender ang bola papunta sa nasa gitna ng si Leviste. Mukhang mabilis mapagod si Hidalgo at na-obserbahan din ito ni Ricky. Bumagal kasi ito, kung ikukumpara sa kalaban nitong si Ceejay. Pagkasambot nga ni Ceejay sa bola ay napangisi siya at tumingin sa basket. Dumiretso na nga siya at nang gagawa na siya ng fastbreak points ay napaseryoso siya nang may lumitaw na namang player sa kanyang harapan. “P-paanong nandito ka na?” bulalas niya. Ito rin ang player na humarang sa lay-up niya kanina. Si Ricky naman ay pasimpleng napangiti. Nakita niya na ang bilis kumilos ng batang iyon at ngayon nga ay lakas-loob nitong binabantayan si Leviste. “Defender ka kaya?” tanong niya sa kanyang sarili at nakita nga niya ang pagbilis ng dribbling ni Ceejay. Napa-upo sa sahig ng court ang batang si Kenneth nang magkamali siya ng huli sa bolang pinapatalbog ni Leviste na nagpa-cheer sa crowd. Napangiti naman si Leviste na mabilis na inilagay sa basket ang bola. “Marami ka pang kakaining bigas,” sabi nga ni Leviste sa bumantay sa kanyang freshmen at pagkatapos noon ay bumalik na siya sa side ng kalaban para abangan ang possession ng mga ito. “Para namang kaya mong pigilan si Ceejay Leviste? Umaasa ka pa rin bang mapipili sa try-out na ito? Nakakatawa ang ginawa mo Kenneth,” wika naman ni Harvey na lumapit para sa inbound pass. Tumayo naman si Kenneth at pinagpagan ang kanyang pwetan. Tumakbo na siya para sa kanilang possession at alam naman niyang hindi siya papasahan ng kanyang mga kasamahan. Pasimple nga rin siyang napatingin kay Coach Mendez at napakuyom ng kamao. “Huwag ka nang umasang magiging kagaya ka ng kuya mo sa basketball. Iba ang galawan noon, at mukhang hindi mo iyon nakuha.” Isang boses ang biglang sumagi sa isip ng freshman. Bumutong hininga na nga lang siya at sumeryoso. Nasa mga kamay na nga muli ni Hidalgo ang bola at binabantayan na naman siya ni Leviste na naging mas agresibo ang depensa ngayon. Napapaatras tuloy ang ball handler na si Richard dahil baka raw siya maagawan. “Mukhang mabilis kang mapagod? Payabang ka pa ah,” wika ni Ceejay na sinusubukang masungkit ang bola mula sa kanyang kalaban. Napaseryoso naman si Hidalgo at tama ang mga sinabi nito. Matagal na kasi siyang hindi nakakapaglaro at alam naman niyang may talento siya sa paglalaro, kaso, ito nga ang kanyang problema. “Huwag kang papakampante,” wika ni Richard na bumigla ng talon at nagpakawala ng isang tres. Hindi ito nasabayan ni Ceejay pero alam din naman ng gumawa nito na magmimintis iyon. Tumakbo nga si Hidalgo para kuhanin ang rebound at si Leviste naman ay nakuha rin ito na mabilis ding humabol. Gaya ng inaasahan, nauna si Ceejay at buong-lakas na tumalon para sa nagmintis na bola. Siya rin ang nakakuha ng rebound at sa paglapag niya ay nabigla ang lahat nang maglaho mula sa palad nito ang kanyang hawak. Isang biglaang steal ang ginawa ng batang si Kenneth na ikinaseryoso ni Hidalgo. Si Leviste naman ay napaseryoso nang makitang tatalon na muli ang umagaw sa kanya ng bola. Titira ito at dahil malapit ito sa basket ay malaki ang tsansa nitong makapuntos. “Ikaw na naman?” bulalas niya at tumalon siya para i-block ang tira ng batang iyon na makikitang may ngiti sa labi na pinatalbog ang bola papunta sa kanyang likuran. Isang extra pass ang binitawan nito at sinambot ito ni Hidalgo na libreng ibinuslo ang bola sa loob ng ring. Naging dahilan ito upang ang iskor ay tumabla sa sampo at isang minuto na lamang ang natitira sa oras. “Nice steal at nice pass!” bulalas ni Hidalgo matapos huminga nang malalim. Napangiti siya habang napatingin kay Kenneth na nabigla sa kanyang sinabi. Bahagya namang napayuko si Kenneth sa narinig niya. Hindi siya sigurado kung papuri ba iyon o hindi. Ni minsan kasi ay wala sa kanyang nagsasabi na maganda ang kanyang ginawa sa loob ng court. Kung sabagay, napakabihira rin naman siyang palaruin ng kanyang team dati noong elementary. “Buti ipinasa mo Kenneth? Akala ko, ititira mo talaga,” may pagtawa namang wika ni Harvey na lumapit sa binata. Napaseryoso naman si Richard Hidalgo nang marinig iyon. “Tama na iyan, depensa na! May isang minuto pa…” sabi ni Richard at agad nga silang tumakbo sa side nila. Ngayon ay naiisip niyang matatalo sila rito kung makikipag-one-on-one pa rin siya kay Leviste. Isa pa, gusto na rin niyang matapos ito dahil pagod na siya. “Kailangang magawan ko ng paraan ang mabilis kong pagkapagod sa laro,” nasabi na nga lang niya sa kanyang sarili at napaseryoso siya nang nasa harapan na niya si Leviste na pinapatalbog ang bola. Mukhang hindi ito natuwa sa nangyari kanina na nagpatahimik dito. Inis na inis nga si Ceejay sa mga nangyari, lalo na sa freshman na bigla na lang lumilitaw sa bawat play na gagawin niya. “Kalma lang… Talo ko na itong si Hidalgo… Kami na ang mananalo rito. Tsamba lang iyon,” sabi na nga lang niya sa kanyang sarili. Isang pagsugod sa basket ang kanyang ginawa at nalampasan na niya ang kanyang defender. Libre na naman siya at sa pagkakataong ito ay hinanap na niya kung nasaan ang freshman na iyon. Inaasahan niyang lilitaw na naman ito at ilalampaso niya raw ito para panghinaan ng loob. “Kailangang mabigyan ko siya ng isang magandang play… Para mas maganda ang pagkapanalo namin,” sabi ni Ceejay sa isip na sumeryoso nang makitang narito na nga ang kanyang inaabangan. Napangisi siya at bumilis ang dribbling, kaso, napahinto siya nang humarang din sa kanya si Hidalgo at ngayon nga ay isang double team ang kanyang kinaharap. Napaseryoso nga ang mga manonood sa kanilang nakita. Si Richard naman ay napangiti sa kasama niyang freshman. Napaatras nga si Ceejay at mukhang hindi siya makakalusot sa mga ito, at baka raw matapikan pa siya ni Hidalgo ng bola. Kaso, sa kanyang pag-atras ay iyon na nga ang nangyari. Natapik ni Hidalgo ang hawak niya at mabilis na tumalbog iyon palayo. Kasunod nga noon ay ang pagdidilim ng paningin ng nag-steal sa bola dahil nakita niya ang mabilis na pagtakbo ng kanyang isang kakampi. “Hahabulin niya ang bola?” sambit naman ni Ricky na napatingin kay Kenneth at sa mga paa nito para tingnan ang tatapakan nito. Tumapon na nga sa labas ng court ang bola at kasabay nito ay ang pagtalon ng batang iyon na hindi alintana ang mangyayari sa kanya. Tinapik nga nito pabalik sa loob ang bola at kasunod nito ay ang pagbulagta nito sa harapan ng mga manonood. Napakuyom na nga lang si Ricky ng kamao at hindi maiwasang may maalala. Sigurado na siya sa kanyang sarili, kukuhanin niya ang batang ito sa varsity team ng school. Tumakbo na nga siya para sundan ang pupuntahan ng bola. Si Hidalgo naman ang nakakuha noon at bumigla ito ng paghinto sa tapat ng three-point area. “Hindi ko alam kung ano ang nangyari, pero pakiramdam ko ay hindi ko ito dapat sayangin,” sabi niya sa kanyang sarili at pinakawalan na niya ang bola mula sa mga kamay niya. Isang magandang tunog nga ng paghalit sa basket ang narinig ng mga manonood nang pumasok ang tres na iyon. 10-13 ang naging score at tatlumpu’t limang segundo na lamang ang natitira. Napakuyom pa ng kamao si Hidalgo at mabilis na tumakbo papunta sa kakampi niya na nagligtas sa bola. Naroon nga si Kenneth na nakaupo at may galos sa braso na agad na nagdugo. “Ano? Kaya mo pa ba?” seryosong tanong ni Richard Hidalgo at makikita ang pagngiti ni Kenneth sa kanya. “Kaya ko pa po… Hindi pa naman tapos ang game,” sabi ng freshman na kaagad na inalalayan ni Hidalgo sa pagtayo. Natahimik naman ang mga kakampi nilang mga freshmen sa nakita. “Harvey… Parang may mali sa mga sinabi mo sa akin kanina tungkol sa isang ito…” wika nga ni Richard sa kanyang kakilalang freshman sa kanilang team. “Sa tingin ko, mas magaling maglaro sa iyo ang isang ito. Pasensya ka na kung nasabi ko ito,” dagdag pa ni Richard na inakbayan pa si Kenneth na katabi nito. “H-huh? H-hindi! Hindi po ako kuya magaling!” bulalas naman kaagad ni Kenneth na hindi paniwalaan ang mga narinig niya mula sa kasama nilang senior. “Tapusin na natin ang game na ito. Tayo ang mananalo rito!” sabi nga ni Richard na huminga pa nang malalim. Ibubuhos na raw niya ang natitira niyang lakas sa natitirang ilang segundo ng larong ito. Samantala, nasa mga kamay na nga muli ni Leviste ang bola at nawala ang kanyang angas dahil sa mga nangyari. Napansin din naman ito ni Ricky at sa oras daw na mapunta ito sa team ay kailangan niyang maturuan ito kung paano ma-o-overcome ito. Masakit kasi ito para sa isang manlalaro, lalo na kung masyadong mataas ang bilib sa sarili. Natapos nga ang unang laro ng try-out, at ang nagwagi ay ang koponan nina Hidalgo, ng mga freshmen. Dahil kasi sa nangyari ay nawala sa focus si Leviste na naagawan muli ng bola sa huli nitong possession. Inubos naman nina Hidalgo ang oras at hindi na pina-agaw sa kalaban ang bola. Hindi tuloy maiwasang magulat ng mga manonood sa naging resulta. Pinagkamay pa nga ni Ricky ang magkalabang team pagkatapos at makikita sa mukha ng mga fourth year ang pagkadismaya. “Hindi naman importante kung sino ang panalo o talo… Wala iyon sa basehan sa pagpili ko,” sabi nga ni Ricky sa mga ito at pasimple siyang napatingin kay Kenneth Sanchez na masayang-masaya ang mga mata dahil sa nangyari. “Kenneth…” bigla ngang tawag ni Ricky sa batang iyon na ikinahinto ng mga ito. “B-bakit po coach?” tanong ng batang estudyante na katabi ni Richard Hidalgo. “Masaya bang maglaro ng basketball?” tanong ni Ricky na ikinabigla ng mga nakarinig. Narinig din ito ni Ceejay at napakuyom na lang siya ng kamao habang nakatingin sa freshman na sumira sa kanyang game. Isa ring dahilan kung bakit siya nainis dito ay dahil kahit mas magaling siya rito ay hindi ito sumuko at lalong nakikita pa rin niya ang kakaibang sigla sa mga mata nito. “Masaya po coach!” wika ni Kenneth at si Richard ay napangiti rin dahil ito ang kanyang naramdaman sa batang ito kaya nagbago ang kanyang laro kanina sa loob ng court. Bibihira lang siyang makatagpo ng ganitong manlalaro at sana raw ay pareho silang mapili sa team. “Nakalimutan ko na yata ang pakiramdam na iyon…” sabi naman ni Ricky sa sarili na napangiti na lang. Masaya naman siyang nakikita ito sa mga kabataang ito pero para sa kanya, parang hindi na niya alam kung magiging ganito pa ba siya. Hindi nga rin niya alam kung makakapaglaro pa ba siya o hindi. “Maglalaro ka ba uli ng basketball Ricky? If yes… I will watch you again, kagaya noon…” Napailing na nga rin lang din siya nang maalala ang mga sinabing ito ni Andrea sa kanya noong nagpunta ito sa kanila kahapon. “Marami na ang nangyari. Nagbago na ang lahat Andrea… Sana alam mo iyon.” Ito naman ang kanyang sagot sa dalaga at ipinaalam niya rito nang sandaling iyon na naka-move-on na siya… na wala na siyang pakialam pa sa paglalaro muli ng basketball sa isang liga o sa kahit ano pa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD