Chapter 9

2224 Words
KB4 C9 Chapter 9 ANG SUNOD na laro naman ay sa pagitan ng limang 3rd years at grupo ng 2nd years na may isang kasamang 4th year. Kung ikukumpara ni Ricky ang maglalaban ngayon sa nauna, ay parang hindi ganoon kabigat ang tensyon na nagmumula sa mga ito. Parang walang Leviste-Hidalgo aura para sa kanya. Nakita nga niyang nakahanda na ang bawat isa at pinatalbog na niya ang bola na sinundan ng pagtungo sa gitna para sa jumpball. Isang 6-footer na fourth year ang tatalon para sa second year team at medyo may laman ang katawan nito kung ikukumpara sa mga kapwa nito seniors kanina. Naisip tuloy ni Ricky na baka batak ito sa mabibigat na gawain, lalo na’t napansin niya ang pagkamoreno nito. Ibinato na nga niya pataas ang bola, kasabay ng kanyang pagsilbato. Ang ikalawang laban nga sa pagitan ng mga try-outees ay naganap na! Mabilis siyang umatras at nakita niya na panalo sa jumpball ang fourth year na tiningnan niya ang apelyido sa suot na jersey. “Cueto,” sabi ni Ricky sa sarili na napatakbo nang masambot na ng isa sa mga kakampi nito ang bola. Kasunod nga noon ay ang pagtakbo ng mga ito papunta sa kanilang side. Napatingin muli siya kay Cueto at nakita niyang nakapwesto kaagad ito sa ilalim ng basket na agad na hiningi ang bola sa kasamahan na nagdadala nito. Pagkasambot ni Cueto sa bola ay agad siyang sumandal sa kanyang defender na halos kasing-taas lang din niya. “Namomoste?” sabi ni Ricky sa sarili. Nakita nga niya ang pag-atras ng defender dahil mukhang may lakas na taglay si Cueto na mabilis na iginalaw ang paa para tumalon paharap sa basket. Hindi na nga rin nakatalon ang kanyang defender at agad nga niyang naipasok sa basket ang bola. Pagkatapos din noon ay agad nitong isinigaw sa mga kasamahan na bumaba na kaagad sila sa side ng kanilang kalaban. Agad ngang nakababa ang team ng second years at sa third years naman ang bola sa pagkakataong ito. “Ang lakas pomoste ni Cueto,” sabi nga ng isang manlalaro sa kakampi niyang nagdadala ng bola na medyo gwapings at singkitin ang mata. “Pumwesto na kayo…” sabi naman ng player na iyon na may apelyidong Bacay sa likod ng jersey. Napatingin naman si Ricky sa isang iyon na napansin niyang parang ino-obserbahan ang galaw ng mga kalaban at ng mga kakampi nito habang maingat na nagpapatalbog ng bola. “Mukhang okay ang isang ito ah,” sabi na nga lang niya sa sarili at nakita niya ang mabilis na pag-drive ni Bacay sa bola na sinabayan din naman ng defender nito. “Hindi kita palulusutin,” sabi ng second year na defender kay Bacay, kaso hindi niya namalayang wala na pala ang bola sa kamay ng kanyang binabantayan. “Wala na sa akin ang bola tol,” sabi naman ni Bacay na mabilis na tinalikuran ang kanyang defender para postehan. Sa harapan nga nila ay naroon ang isa sa kakampi ni Bacay, na mabilis na bumitaw ng two-point jumper na ikinalunok ng mga manonood. Sa pagbitaw ng manlalarong iyon sa bola ay siya namang pagpalo ng isang malapad na palad dito. Naroon na nga ang manlalaro na si Cueto na nagawang ma-block ang jumpshot na iyon. Ang bola nga ay dumiretso sa likuran na kaagad na nakuha ng isa sa kakampi nitong second year. May humabol din doong kalaban, kaso, huli na ang mga ito at isang libreng lay-up ang nagawa ng nagdadala sa bola na hindi na lumingon pa sa likuran para magawa iyon. 4-0 na kaagad ang score at pabor ito sa koponan ng mga second year. Wala namang reaksyong nakita si Ricky kay Cueto na kaagad na sinabihan ang mga kasamahan na humanda na para sa depensa. Gusto pa ngang magyabang ng kakampi nitong naka-lay-up, kaso, hindi na nito nagawa at agad na sinunod ang sinabi ng kakampi nilang matangkad. Napaseryoso naman si Bacay sa nangyaring iyon. Pasimple siyang napatingin sa tumatayong sentro ng kalaban nila. Alam niyang may mga magagaling pang manlalaro sa paaralang ito ang hindi kasali sa varsity team, hindi nga lang niya inaasahan na isa rito ang lalaking iyon. Sa pagkakatanda kasi niya ay nagtitinda ito ng gulay sa bayan kapag walang pasok at madalas niyang nakikita sa palengke na nagbubuhat. “Hindi ko akalaing basketbolista ka pala? Hindi ko matandaang nag-try-out ka dati,” sabi nga ni Bacay sa sarili na bumigla ng atras nang subukan siyang agawan ng bola ng kanyang defender. Sa pag-abante nga ng kanyang bantay ay sinabayan naman niya ito ng biglaan ding pag-abante. Pinasimplehan pa nga niya ng hawi ang kanyang defender at pagkatapos ay tumalon na siya para magbitaw ng jumpshot sa perimeter. Nagdilim nga ang kanyang paningin nang lumitaw sa harapan niya si Cueto. Pipigilan siya nito, at alam na raw niyang mangyayari ito. Mabilis nga niyang ibinaba ang kanyang kamay na may hawak sa bola habang nasa ere at ipinasa sa naiwang katapat ng player na humarang sa kanya. Nasambot ito ng kanyang kasama na mabilis na tumalon para ibuslo ang bola sa basket at pumasok iyon. Paglapag nga niya at ni Cueto ay pasimple pa silang nagkatinginan. Nakita rin iyon ni Ricky at mukhang may munting tensyon na mabubuo raw sa dalawang iyon. “Mga lima o anim siguro ang kukunin kong players para sa varsity…” sabi nga ni Mendez sa sarili at sa pagpapatuloy ng laro ay naging dikit din ang laban ng magkalabang team na iyon. Marurunong din naman ang mga kakamping second years ni Cueto, kaso, napansin niya na iba ang kalaban ng mga ito. Dahil kay Bacay, kaya ang mga third years ay nakalamang sa papatapos ng minuto ng laro at ito ay dahil sa playmaking ability nito. Hindi nga maiwasang mapaisip ni Ricky, dahil itong mga nakikita niyang mga marurunong na maglaro, ay dapat noon pa raw kasali sa varsity team ng paaralan. Magiging malakas daw ang team ng Balugo kung mapapasama ang mga napipisil niya sa mga try-outees. Isa pa ngang bagay, ay hindi pa niya alam kung ano ang kakayahan ng mga current players dahil sa Sabado pa raw sila magsisimula ng practice. Napakuyom tuloy siya nga kamao dahil parang may maliit na excitement siyang naramdaman sa mga mangyayari. Natapos nga ang ikalawang laro at ang nagwagi ay ang team ng third years na tuwang-tuwa dahil pito ang lamang nila. Makikita naman si Cueto sa kabilang koponan na humihingi ng sorry sa mga kakampi niya dahil marami rin siyang mga mali kahit pa maganda ang kanyang depensa sa ilang plays. Tinanggap naman ito ng mga kakampi niyang second year na napangiti dahil ang bait daw pala nito. Nakangiti pa ngang nagkamayan ang dalawang grupo pagkatapos. Dito na nga rin sinabi ni Ricky na ngayon na rin niya sasabihin ang mga napili niya. “Sa mga hindi mapipili ay huwag pa rin kayong titigil, lalo na ang mga nasa lower years. Kung pwede lang sanang maraming players ay pinili ko na kayong lahat… Kaso, talagang limitado lang ang kailangan ng team. Isa pa, alam ko namang mga basketbolista lahat kayo, sadya lang talagang may nakita ako na mas magandang bigyan ng oportunidad para maging players ng ating school,” wika ni Ricky sa mga nakatayong try-outees sa kanyang harapan. “Wala po iyan coach! May next year pa naman po!” sabi naman ng ilang mga nasa lower years. Pagkatapos nga noon ay sinimulan na ni Ricky ang pagpunta sa mga magiging bago niyang players. Bago niya ito gawin ay nagkausap na rin sila ni Sir Tuazon kanina nang tumigil sila ng ilang minuto pagkatapos ng ikalawang laro. Una nga ni Ricky na nilapitan ay ang mga fourth years. Tinapik niya sa balikat sina Cueto, Hidalgo at Leviste. “Last year na ninyo, kaya galingan ninyo para sa ating team,” nakangiting wika ni Ricky at sabay-sabay namang nagsabi ng salamat ang tatlo na may ngiti sa labi. “Humanda ka ngayon Salome!” sabay namang bulalas sa isip nina Hidalgo at Leviste na nagkatinginan pa pagkatapos. Napili rin ni Ricky ang third year na si Bacay na ngiting-ngiti nang sabihan niya. Isa ring second year ang kanyang pinili at pagdating niya sa mga freshmen ay napalunok na ang mga ito, na may kasamang kaba. “Kayo ang pinakabata sa mga nag-try-out. Ibig-sabihin, marami pa kayong paraan para gumaling kung talagang hilig ninyo ang basketball. May sunod na taon pa at magkakaroon uli ng try-out… Hindi porket hindi ko kayo napili para sa varsity ay hindi na kayo pwede. Sadyang may mga players lang na mas nakita ko ang potensyal sa ngayon,” nakangiting wika ni Ricky sa anim na freshmen na napatango sa mga sinabi niya. “Pero may isa ako sa inyong napili para sa varsity,” dagdag pa ni Ricky at doon na lalong kinabahan ang anim. Si Harvey nga ay pasimple pang napatingin sa mga kasama niya. Nakapuntos din daw siya kanina sa laro nila at posibleng siya raw ang piliin ni Coach. “Tandaan ninyo, ang basketball ay hindi lang tungkol sa pagpuntos… Hindi palaging opensa, huwag din ninyong kakalimutan ang tungkol sa depensa…” “Noong nag-try-out nga ako dati, hindi ako magaling pumuntos at lalong hindi ako magaling sa dribbling… Pero, napili pa rin ako,” nakangiting kwento pa ni Ricky na ikinaseryoso ng mga freshmen at ng mga naroon din na nag-try-out. Nabibilang lang din naman ang nakakaalam na taga-Balugo NHS tungkol sa pagiging basketball player niya noong college sa Calapan. “Basta ang tatandaan ninyo, kung hindi pa kayo magaling sa opensa… Subukan din ninyo ang depensa!” Tinapik na nga ni Ricky ang balikat ng batang si Kenneth na parang maiiyak habang nakatingin sa kanya. “Ikaw ang pinakabatang member ng varsity, kaya sana, marami ka pang matutunan sa larong basketball… Iyon ay kung gusto mo talaga ang larong ito?” nakangiting wika ni Ricky at ang mga kasamahan ni Kenneth ay nabigla dahil dito. Si Harvey naman ay napayuko na lang at nasaktan dahil nag-expect siya. Alam din naman ni Ricky na mararamdaman ito nito. Napaseryoso na nga lang ang freshman na iyon nang tapikin din ni Coach ang balikat nito. “Harvey? Tama?” Tumango naman si Harvey na napalunok ng laway. “O-opo Coach…” tugon nito. “Mag-try-out ka uli next year… Alam ko, magaling ka rin… Pero huwag mong kalimutan na sa pagpasok mo sa loob ng court, kahit sino ay pwedeng maging magaling o mas magaling sa iyo. Sa pagpuntos man o hindi. Isa pa, ang tunay na magaling na basketball player ay hindi minamaliit ang sinumang naglalaro rin ng sports na ito… Ito naman ay para lang sa akin,” kalmadong wika ni Ricky at si Harvey ay pasimpleng napatingin kay Kenneth na napayuko na rin lang. Ang totoo, idol ni Harvey ang kuya nito sa pagba-basketball at nainis siya sa kapatid nitong si Kenneth dahil sa hindi ito kasing-galing noon. “Ayusin mo Kenneth ang paglalaro mo sa Balugo ngayong July kapag pinaglaro ka ni Coach. Hindi ako magpapatalo sa iyo! Mapipili na ako sa sunod na taon! Tandaan mo iyan!” bulalas ni Harvey kay Kenneth na napangiti na lang nang pasimple sa kanyang mga narinig. Si Ricky naman ay napangiti rin at narinig niya ang pagpapasalamat ng mga freshmen sa kanya. Nakapili na nga si Ricky ng mga dagdag na players sa kanyang team at ang inisip naman niya ay ang pagkakaroon ng chemistry at team work ng mga ito. Lalo pa nga’t ang ilan sa mga ito ay alam niyang hindi gusto si Andrew Salome, o ang grupo nito. Ito naman ang kailangan niyang magawan ng paraan, kung paano mapagkakasundo ang mga ito sa paglalaro ng basketball bilang isang team. Natapos nga ang try-out at dala na nga ni Ricky ang pangalan ng mga players niya at pati ang mga nilalaruang position. Kung iisipin ay mukhang malakas ang team nila, pero syempre, hindi rin naman niya alam kung gaano kalakas ang sa ibang paaralan lalo pa’t hindi naman nagka-kampeon ang Balugo NHS nitong mga huling taon. Napahikab na nga lang siya sa kanyang pag-uwi. Kasabay nga niya si Kath na binabasa rin ang mga pangalan na nasa papel. Napatingin pa nga nang pasimple ang dalaga kay Ricky na tila bumalik na sa dati. Hindi kasi mawala sa isip niya ang pagiging kakaiba ng binata noong nasa loob ito ng court kanina. Kahit daw hindi ito naglalaro ay nakita niya na seryoso ito sa paglalaro ng mga estudyante. Mas seryoso pa raw ito kung ikukumpara niya kapag ito ay nagtuturo ng subject nito sa klase. “Ricky, tumigil ka na ba sa paglalaro ng basketball?” “Kailan ka ba huling naglaro? Iyong parang kagaya noong sa try-out kanina?” naisipang itanong ng dalaga at medyo napaseryoso naman si Ricky nang marinig iyon. “Bakit mo naitanong?” wika naman ni Ricky na may lalim ang ngiti sa dalaga nang sulyapan niya ito. “H-huh? E, wala lang…” natatawang wika na nga lang ni Kath na medyo kinabahan at nahiya. Napangiti na nga lang si Ricky sa reaksyon ng dalaga. “College pa ako noong huli akong naglaro… Oo, tumigil na ako sa paglalaro ng basketball para mag-focus dito… Sa career na tinahak ko, ang maging teacher,” nakangiting wika ni Ricky at si Kath naman ay ganoon din.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD