2016
“Saan ka na naman galing, Francesca?” Dumagundong ang boses ni Mr. Alexander Quijano, ang daddy ni Chesca, sa buong kabahayan. Nakaupo ito sa sala sa parting ’di gaanong nasisinagan ng ilaw.
Napatigil si Francesca sa pag-akyat sa kwarto niya. Kauuwi lang niya galing sa birthday party ng isang kaibigan. Malalim na ang gabi at nakapagtatakang nag-aabang ang ama sa kaniya.
“Did you know what time it is right now?” dagdag tanong pa nito. Tumayo ito at nilapitan siya.
Wala akong pakialam kung anong oras na! sigaw ng isip ni Francesca, pero iba ang lumabas sa bibig, “I’m tired, Dad. Kung may sasabihin kayo, puwede bang bukas na lang?”
Alam ni Francesca na isang mahabang sermon na naman ang aabutin niya sa ama, kaya inunahan na niya ito. Hindi na bago iyon. Simula’t sapul nang magkaisip siya ay hindi na naging maganda ang relasyon nilang dalawa. Palagi itong galit sa kaniya at tila walang pakialam. Mas tumindi iyon nang mamatay ang kaniyang ina. Nawalan siya ng kakampi, at alam niyang siya ang sinisisi nito sa pagkamatay ng mommy niya.
“I don’t really know what to do with you,” ang nahahapong wika ng kaniyang ama. Biglang may dumaang pag-aalala sa mga mata nito.
Natigilan si Francesca , pero sandali lang iyon. “Then stop acting like you care!” padabog na turan niya at mabilis na nagmartsa patungo sa kaniyang kwarto.
Deretso siya roon at sumalampak sa gitna ng kama. Hindi na siya nag-abala pang magpalit ng damit. Iniisip niya ang inaktong kaniyang ama kanina. Ngayon lang nangyaring inabangan siya nito sa pag-uwi. Hindi kasi nito dating ginagawa iyon, dahil wala naman itong pakialam sa mga pinaggagawa niya. Para ngang hindi siya nag-e-exist sa harap nito. Ni hindi sila nagkaroon nang maayos na pag-uusap sa mga nakalipas na taon. Kapag pinagsasabihan siya nito, alin man sa nilalayasan niya ito o hindi na lang ito pinakikinggan. Pasok sa kabilang tainga, labas sa kabila.
Nasa huling taon na siya sa kolehiyo. At kahit papaano, hindi naman siya pinakikialaman ng daddy niya sa kursong kinuha. Alam niyang gusto ng kaniyang ama na maging engineer siya na gaya nito. At sa totoo lang, iyon din naman ang gusto niya. Pero dahil nagrerebelde siya, at ayaw niyang paluguran ito, kumuha siya ng fine arts. Hindi man iyon ang kaniyang hilig, nag-e-enjoy naman siya.
Tanging pagpasok sa eskwela ang kaniyang kalayaan. Tuwing nasa loob siya ng kanilang bahay, pakiramdam niya na-s-suffocate siya. Isang dahilan kung bakit siya madalas lumabas. Kung wala sa mall, sa mga barkada. Gusto niyang makawala sa kaniyang amang ni minsan ay hindi nagpakita ng pagmamahal sa kaniya.
“Soon, I will be free from this cage-like-house,” ani Francesca sa sarili bago nakatulog.
“FRANCESCA . . . Francesca . . . Gising na.” Boses ng kaniyang Yaya Lomeng ang pumukaw sa diwa ni Francesca kinaumagahan.
Hindi siya nagmulat ng mga mata. Alam niyang Linggo at walang pasok. Wala rin siyang balak bumangon nang maaga. Makikita niya lang ang daddy niya ’pag lumabas siya.
Isa pa uling tapik sa balikat ang ginawa ni Yaya Lomeng nang hindi siya tumitinag sa kaniyang pagkakahiga. “Francesca, hinihintay ka ng daddy mo sa ibaba. Pinapagising ka niyang talaga sa akin,” sabi pa nito.
Doon na siya tuluyang nagmulat ng mga mata. Nawalang bigla ang antok niya nang marinig ang sinabi nito.
Kunot-noo niyang nilingon ang kaniyang yaya. “Bakit daw?” tanong niya rito.
“Ewan ko rin. Wala naman siyang sinabing dahilan. Basta ang sabi niya gisingin ka na,” anito habang nililigpit ang mga maruruming damit niya na nagkalalat sa sahig. “Ikaw na bata ka. Maano bang ilagay mo naman ito sa basket. ’Ke lapit-lapit na nga, hindi mo pa makuhang ilagay,” panenermon nito.
Hindi iyon pinansin ni Francesca. Tumayo siya at nagtungo sa banyo at naghilamos. Pagkatapos, bumaba na siya. Hindi niya alam kung bakit siya ipinapatawag ng ama nang gaanoon kaaga. May pakiramdam siyang hindi maganda ang sasabihin nito sa kaniya.
Deretso siya sa hapagkainan at basta na lang naupo. Ni hindi niya binati o nilingon man lang ang amang kumakain at nagbabasa ng dyaryo.
Ibinaba ng daddy niya ang binabasa nito at tinitigan siya nang mataman, habang padarag niyang hinahati ang tocino sa kaniyang plato. Lumikha iyon ng nakabibinging ingay.
“You haven’t changed your clothes?” puna nitong nakakunot-noo.
Isinubo niya muna ang tocino bago sumagot, “Why? Does it matter to you?” Hindi niya alintana kung puno ang bibig.
Nakita niya sa sulok ng kaniyang mga mata ang pagtitimpi nito ng galit. Napangiti siya sa sarili. Nagtagumpay siyang asarin ito. Tutal, nauna naman ito sa pang-aasar sa kaniya nang ipagising siya kanina, ngayon patas na sila.
Itinuloy niya ang pagkain at paghati ng tocino sa maingay na paraan. Narinig niyang bumuntonghininga ang kaniyang ama.
“Will you stop doing that?”
“What?” patay-malisyang tanong niya sabay lingon dito. Napagmasdan niyang maigi ang ama. Parang may nabago rito. Parang hindi talaga ito galit.
“I want you to go to the US,” anito nang hindi siya hinihiwalayan ng tingin.
Nasa Amerika ang lola niya sa side ng kaniyang mommy. Si Lola Amelia. Alam niyang doon siya pinapupunta nito.
Napatawa si Francesca. “Ang aga niyo namang mag-joke.” Umiling-iling siya at hindi pinansin ang sinabing iyon ng ama.
Ilang beses na ba niyang narinig iyon dito? Hindi lang sampung beses. Hindi rin naman iyon natutuloy. Panakot lang nito para tumigil siya sa pagrerebelde.
“Hindi ako nagbibiro, Francesca,” seryosong sambit nito. Tinitigan din siya nito nang mariin.
Napatigil si Francesca sa pagsubo ng kanin. Kita niya sa mga mata ng ama na hindi nga ito nagbibiro sa mga oras na iyon.
Nagpakalawa ng isang malalim na paghinga si Francesca . “Bakit, Dad? Ayaw mo na bang makita ang pagmumukha ko at itinataboy mo na ako?” tanong niyang hindi napigilan ang paglabas ng sarkasmo sa tinig.
“Francesca!” sigaw nito. Halos maglagutukan ang mga ngipin nito sa pagkakasabi niyon. “Hindi ba tama naman ako?” Pagak siyang tumawa. “I know, hinihiling mong sanay ako na lang ang namatay at hindi si Mommy. Ni hindi mo nga ako makuhang tingnan noon sa mga mata. At kailan mo ba ako pinakitaan ng kahit konting pag-aalala? Wala naman `di ba? Ni hindi ko nga naramdamang minahal mo ako at—”
Isang malakas na sampal ang nagpatigil kay Francesca sa kaniyang pagsasalita. Hindi man lamang niya napansin ang mabilis na paglapit ng ama sa kaniya. For the first time in her life, ngayon lang siya pinagbuhatan nito ng kamay. Tumaas-baba ang dibdib ng kaniyang ama sa matinding galit na nadarama.
Sapo ang nasaktang pisngi, tiningnan niya ito. Nangingilid sa luha ang kaniyang mga mata. Larawan doon ang matinding sama ng loob.
BIGLA namang natigilan si Mr. Quijano. Hindi niya sinasadyang masampal ang anak. Pero naubos na nito ang kaniyang pasensya.
Akma niyang hahawakan ito, ngunit nagmamadaling tumakbo paakyat sa kaniyang kwarto si Francesca. Iniwan nito ang nagsisising ama sa harap ng hapagkainan.
NAGMAMADALING kinuha ni Francesca ang kaniyang bagpack pagdating sa sariling silid. Kumuha rin siya ng mga damit at basta na lang inilagay sa loob niyon—kung anuman ang magkasya. Kinuha niya rin ang kaniyang cell phone at lalabas na sana nang may makalimutang kunin. Bumalik siya sa kaniyang tokador at kinuha roon ang kuwentas na ibinigay sa kaniya ng ina bago ito namatay.
Determinado ang bawat mga hakbang na bumaba siya ng hagdan. Deretso siya sa garahe at hindi alintana ang ginagawang pagtawag sa kaniya ng ama. Nagmamadali siyang sumakay sa kaniyang scooter, at mabilis iyong pinaandar paalis sa lugar na iyon.
Hindi niya napigilang pumatak ang mga luha habang nililisan ang bahay nila. Hinding-hindi na siya babalik pa roon. Hindi na kahit kailan magiging maayos ang lahat sa pagitan nila ng kaniyang ama lalo na ngayon at nakuha na siya nitong saktan.
Walang direksyon ang ginawa niyang pagmamaneho. Hindi niya alam kung saan siya pupunta nang mga sandaling iyon. Nang mapadaan sa club house ng kanilang subdivision ay tumigil muna siya roon. Mabilis siyang nag-text sa mga kaibigan. Ngunit ni isa sa mga ito ay walang nag-reply sa kaniya.
Natawa siya sa sarili. Akalain mo nga naman, wala ni isang may gustong magpatuloy sa kaniya? Paano nga ba niya natawag na kaibigan ang mga iyon?
Nang walang makuhang kasagutan ay nagmaneho siyang muli. Bahala na kung saan man siya makarating. May kaunting ipon naman siya. Kahit sabihin pang nagrerebelde sa ama, hindi siya naging magasta at maluho. Natutunan niya iyon sa kaniyang mommy noong maliit pa lamang siya. Lagi kasi siyang may piggybank at doon inilalagay nito ang natitira niyang allowance.
Mas nag-uunahan sa pagpatak ang kaniyang mga luha pagkaalala sa ina. Miss na miss na niya ito. Kung sana magkasama pa sila, sigurado na hindi nito hahayaang masaktan siya ng sinuman.
Dahil walang mapuntahan, sa mall siya nagtungo. Doon muna siya mag-iisip. Ngayong lumayas siya sa kanila, kailangan niyang tumayo sa sariling mga paa. Dahil kahit makatikim siya ng hirap, hinding-hindi na talaga siya babalik sa kanila.