Ilang minuto marahil ang lumipas at katahimikan ang bumalot sa paligid naming dalawa, pilit ko pa rin kasing iniisip kung tama bang magtiwala ako sa kaniya? Gayong bago lang ito sa paningin ko.
Sinipat ko ng tingin ang kaninang pinanggalingan niyang daan— galing ba siya ng rancho? Bago ba ito sa mga trabahador nina Ina at Ama? Ang bata pa niya kung ganoon nga.
"Ano ka rito?" Hindi ko na napigilan at naitanong ko na ang bagay na gumugulo sa utak ko.
Sandali siyang ngumiti, iyong tipid na ngiti na para bang may naalala siya. Kalaunan nang marahas nitong pinunasan ang dalawang kamay gamit ang magkabilaang gilid ng kaniyang pantalon.
Muli niyang inilahad sa akin iyon kaya napatingin ako rito, paninitig lang ang naibigay ko sa kamay niya dahilan para tumikhim ito, saka pa nagkamot ng batok na parang nahihiya sa akin.
"Anak ako ni Mang Fidel, isa sa trabahador ninyo," panimula nito bago nag-iwas ng tingin. "Hmm, nandito lang naman ako kasi tinutulungan ko siya. Kako ay ako ang papalit sa pwesto niya dahil masyado na siyang matanda para magtrabaho."
Mang Fidel? Hindi ko ganoon kakilala ang mga trabahador dito pero pamilyar ang pangalang iyon, baka siya iyong lalaki na pinag-uusapan nina Ina at Ama na aalis na dala ng katandaan.
Napag-alaman ko kasing kalahati ng buhay niya ay iginugol nito sa pagtatrabaho sa amin bilang isa sa trabahador ng rancho. Dinig ko ay mabuting tao ang matanda kaya ayaw ding bitawan nila Ina.
Maganda kasi ito magtrabaho, wala raw palya at laging nasa tama ang mga ginagawa. Ito na nga raw ang nagsilbing tagaturo sa mga bagong salta bilang trabahador ng mga Mercedes.
"Ganoon ba?" sa mahinang tugon ko.
"Oo, hindi ko nga akalain na mahirap ang trabaho rito. Buti ay nakakayanan iyon ni Tatay, nakakapagod."
Huminga siya nang malalim. Sinipat pa nito ng tingin ang dalawa niyang kamay bago natawa sa sariling naisip.
"Pero ayos lang, para sa nagkukumahog naming pamilya ay kakayanin," dugtong nito saka pa tumango-tango sa kawalan.
"Ah, ganoon ba?" lutang na banggit ko.
Iyon na lamang din ang nasabi ko dahil hindi ko naman mawari kung ano ang dapat na sabihin. Mayamaya pa nang walang alinlangan na naupo ito sa unang baitang ng hagdan kaya likod na nito ang nakikita ko.
Ilan taon na kaya ito? Dalawampu? O mas higit pa? Kung siya ang papalit sa kaniyang ama ay posibleng araw-araw ko na itong makikita rito sa rancho. Nakagat ko ang pang-ibabang labi saka marahang nailing.
Sandali ko pang tinitigan ang likuran nito. Matikas iyon, samantala ay makisig ang magkabilaang braso niya na para bang babad ito sa pagtatrabaho ng mga mabibigat na bagay.
Nakakapagtaka, hindi rin ba siya tinuruan ni Mang Fidel kung ano ang mga bawal dito? Wala man lang bang nagsabi sa kaniya na hindi pwedeng pumasok ang mga trabahador sa kinalulugaran ng mansyon namin?
Bumuntong hininga ako, hindi ko naman magawang magsalita o sabihin dito dahil nahihiya ako. Ewan ko, para lang akong tuod na nag-ugat sa kinauupuan at hindi na nagawang kumilos pa.
"Ikaw si Karla, hindi ba?" aniya, kalaunan nang mamutawi ang katahimikan sa amin.
"Oo," simpleng sagot.
"Ikaw pala iyong anak ng pamilyang Mercedes. Totoo nga na maganda ka, lalo na sa malapitan," pahayag nito saka pa ako nilingon mula sa pagitan ng leeg at balikat niya.
Ako naman ay halos mabali ang leeg sa biglaan kong pag-iwas ng tingin, itinuon ko na lamang ang atensyon sa taas kung saan malapit nang magwagi ang kadiliman sa kalangitan.
Marami ang nagsasabi na maganda ako, ngunit sabi-sabi lang iyon dahil hindi naman lahat sila ay nakikita ako. Katulad nga ng nabanggit ko ay tila preso ako rito sa mansyon na bawal lumabas.
Kaunti lang ang talagang nakakakilala sa akin, na para bang pinagdadamot ako nina Ina at Ama sa karamihan. Minsan nga ay iniisip ko na lang na baka kinakahiya nila ako kaya ganoon sila katakot na malantad ako.
Ano pa man iyon ay sadyang mali para sa akin, pinalaki nila akong ilag sa mga tao. Kinalakihan ko na lahat ng tao sa paligid ko ay pawang masama ang pakay sa akin, pati sa pamilya ko.
Ngunit hindi sa ngayon, hindi itong si Felix— pakiramdam ko kasi ay mabuti siyang tao at wala itong hangarin na ipahamak ako. Sana nga ay ganoon dahil hindi ko naman kayang isipin na masama ito.
Hindi ko na nadugtungan ang sinabi nito, nawala na ako huwisyo dahil ramdam ko ang pag-iinit ng batok ko sa kaninang narinig. Kaya sa buong oras na naroon siya sa gilid ko ay pareho kaming tahimik.
Animo'y sinusulit ang bawat minutong lumilipas, nakakatuwa lang sa parte ko na nagawa niya akong samahan dito gayong wala siyang kamalay-malay na masamang napapalapit sa akin.
Hanggang sa sumapit ang kadiliman sa paligid, isa-isang nagkaroon ng ilaw ang mga posteng naroon. Pati ang pang-gabing lamig ay nanuot sa balat ko dahilan para yakapin ko ang sarili.
"Karla!" sigaw mula sa loob ng mansyon kaya halos mataranta ako.
Kamuntikan pa akong mahulog sa biglaan kong pagtayo. Mabuti ay maagap akong napahawak kay Felix na ngayon ay nakatayo na at nakaharap sa akin habang nakahawak sa kamay ko, inaalalayan ang pagkakatayo ko.
Biglaan ko itong naitulak bago pa man kami maabutan ni Ina sa ganoong sitwasyon kaya hindi sinasadya na siya naman ang nahulog at napaupo sa lupa. Wala sa sariling natutop ko ang bibig sa sobrang gulat.
Nangati ang mga paa kong lapitan ito, gustuhin ko man sana na tulungan siya ngunit hindi ko na nagawa dahil sa pagdating ng presensya ni Ina sa likuran ko. Malakas kong narinig ang pagtikhim nito.
"Anong ginagawa mo rito?" matigas niyang sambit, ni hindi ko malaman kung para kanino ang tanong na iyon.
Hindi ako nakagalaw habang bumabaha sa dibdib ko ang labis na pagkatakot— hindi para sa akin, bagkus ay para kay Felix na siyang nakatingala sa gawi ni Ina. Marahan itong tumayo bago pinagpagan ang nadumihang pantalon.
"Magandang gabi po sa inyo, Donya Nieves—" tila bulong sa hangin na usal niya dahil natabunan na iyon ng pagsigaw ni Ina.
"Thomas!" pagtawag nito sa isa sa mga tagabantay dito sa mansyon, saka naman lumabas si Kuya Thomas. "Kunin mo ang batang iyan at huwag nang hayaang makalapit pa rito, lalo na sa anak ko!"
"Ina!" suway ko rito nang makitang marahas na hinila ni Kuya Thomas ang braso ni Felix.
Samantala ay walang imik ito, nagawa pa nga niyang yumuko bilang pagpapaumanhin kay Ina bago ako binalingan saka tipid na ngumiti, tila ba hindi ito nagalit sa ginawa kong pagtulak sa kaniya kanina.
"Hindi siya masamang tao, Ina. Hayaan niyong makaalis siya rito nang hindi kinakaladkad," pahayag ko ngunit naging bingi ito sa sinabi ko.
"Hala at ilayo mo iyan dito!" muling utos niya dahilan para walang kagatol-gatol na hinatak siya ni Kuya Thomas palayo sa amin.
"Ina naman!" angil ko at hindi makapaniwalang binalingan siya.
Napansin ko ang galit na namamayani sa parehong mata nito. Ano bang masama sa paglapit sa akin? May nakakahawa ba akong sakit at kailangan na ilayo sa mga tao? Hindi lang sila ang kailangan ko.
Bukod sa kanila ay gusto ko ng maraming kaibigan, ng mga nakakausap, ng mga nakakasalamuha. Ayokong magmukmok dahil nalulungkot lang ako sa sitwasyong mayroon ako.
Mayamaya pa nang tuluyan nang nawala sa paningin ko sina Felix at Kuya Thomas, bagsak ang balikat na nilingon ko siya, pinapakita ko talagang hindi ako sang-ayon sa ginawa niya. Bahala na kung mapagalitan.
Sa paninitig ko rito ay nakita ko ang pag-arko ng kaniyang kilay. Iniharap nito ang sarili sa akin, itinutuon ang buong atensyon sa 'kin. Humalukipkip pa siya habang ang isang paa ay mahinang tumatapik sa sahig dahilan para maglikha iyon ng kakaibang takot sa puso ko.
"Kailan ka pa natuto na sigawan ako, ha?" aniya sa mababa ngunit mariing boses.
Kinakabahan man ay hindi ko pinahalatang nanlalambot ang dalawang tuhod ko, tumindig ako kagaya kung paano ko paninindigan ang emosyong nararamdaman ko ngayon.
"Mali po ang ginawa ninyo, hindi niyo siya kailangan ipakaladkad. Namamahinga lang iyong tao—" Inawat nito ang nais kong sabihin nang lapitan niya ako saka hinaklit ang braso ko.
"Huwag ka nang magpaliwanag, pumasok ka na sa loob! Maligo ka, saka kita pangangaralan kung bakit ganiyan ang pag-uugali mo ngayon," turan nito habang kinakaladkad ako.
Huminga ako nang malalim, wala na rin akong naging imik at pinapantayan na lamang ang malalaking hakbang ni Ina para hindi ako lalong masaktan dahil hawak-hawak niya ang braso ko.
Nang makatungtong sa ikalawang palapag ng mansyon ay deretso niyang tinungo ang kwarto ko sa dulong bahagi, saka pa padarag akong binitawan sa loob dahilan para mapaatras ako.
"Dito ka lang. Simula ngayon ay hindi na kita pinapayagang umalis o lumabas man lang sa mansyon na 'to," matigas niyang pahayag habang nanggagalaiti akong pinagmamasdan.
Hindi na rin ako nito binigyan pa nang pagkakataon na makapagsalita dahil maagap niyang hinila ang pinto upang isarado. Pagak akong natawa at tanging pagbuntong hininga na lamang ang nagawa.
Mariin akong pumikit, pilit na ibinabalik sa puso ko ang nararamdamang galit. Ginawa ko ang sinabi ni Ina na maligo at ngayon nga ay nasa ilalim ako ng shower room habang kinakalma pa rin ang sarili.
Ang mga magulang dapat ang nagsisilbing daan para sa kaligayahan ng kanilang anak pero bakit ganito? Nakakainggit lang sina Carmen at Topher na malayang nakakapaglibot sa isla.
Kung ako ang tatanungin, kung mabubuhay man ako sa ibang pagkakataon at panahon— hindi ko na pipiliin pa ang buhay na mayroon ako ngayon, kahit sina Ina at Ama ay hindi ko pipiliin.
Mas maigi pa kung maghirap ako, kung lumaki ako na isang kahig at isang tuka, wala akong pakialam. Aanhin ko ang kayamanang mayroon ako gayong ang karapatan kong mamuhay sa gusto ko ang siyang kapalit?
Lutang ako nang makalabas ng banyo, napansin ko pa ang oras na pasado alas siete na ng gabi saka pa dumako ang atensyon ko sa center table kung saan naroon ang isang tray na naglalamang pagkain.
Nakagat ko ang pang-ibabang labi bago nilapitan iyon at pabagsak na naupo sa tapat nito. Nakakabaliw naman ito— hanggang kailan ako magiging ganito? Hanggang kailan nila ako ituturing na ganito?
Sa kawalan ng huwisyo ay sandali kong naisip si Felix, mabuti pa siya ay nagagawa lahat ng gusto na walang umaawat. Mabuti pa ito ay nagagawa akong kausapin at samahan nang matagal.
Mabuti pa siya...