Sa narinig ay sandaling huminto ang pag-inog ng mundo ko, para akong tinarakan ng kutsilyo sa puso kaya ramdam na ramdam ko roon ang unti-unting pagkamatay ng pagtibok nito. Tila pa nagdilim ang paningin ko, hindi mawari kung anong marapat na gagawin gayong para akong naestatwa sa mismong kinatatayuan. Kalaunan nang mapakurap-kurap ako at nilunok ang nakabara sa lalamunan. Dahan-dahan ay nilingon ko si Topher, gulat ang bumalatay sa mukha niya. Halos hindi maipinta ang emosyong mayroon ito ngayon, animo'y tinakasan ng kaluluwa at natulala sa kawalan. Kung uulitin ko ang sinabi ni Ina, bali-balitang sila na raw ni Carmen? Karamihan sa sabi-sabi ay kalahating totoo at kalahating hindi. Wala akong pakialam sa mga tsismosa ngunit sa pagkakataong iyon, ngayon lang ako naapektuhan. Muli ak

