Chapter 4

1992 Words
Kinakabahan man sa isiping iyon ay isinawalang bahala ko ito, naging kibit ang balikat ko at ipinagpatuloy na lamang ang paglalakad pabalik sa mansyon habang nasa likod ko ang tatlong bantay. Malakas ang pagtibok ng puso ko, hindi ko mawari kung dahil ba iyon sa nakita kong presensya ni Felix. Sa totoo lang ay ngayon ko na lang ulit ito nakita makalipas ang ilang araw. Panigurado naman ako na sinabihan na siya nila Ina o ng mga tauhan ni Ama na layuan ako, kaya ganoon na lamang din ito magtago kanina sa likod ng damuhan. Nakakaawa lang din kung tutuusin. Sa totoo lang ay marami akong gustong maging kaibigan, tingin ko rin ay marami ang gustong makipagkaibigan sa akin ngunit sa tuwing may lalapit naman sa akin ay kaagad na palalayuin. Sila ba ang nakakaawa o ako? Mapait akong napangiti sa kawalan sabay iling. Marahil ay ako nga. Nang makapasok sa bahay ay busangot ang mukha ko, nakita ko pa si Ama na naroon sa pahabang upuan at nagbabasa na hindi ko alam kung para saan, o tama bang patungkol iyon sa trabaho niya? Bukod kasi na ito ang personal na tumitingin sa rancho ay mayroon din itong trabaho sa Maynila, paminsan-minsan lang ang uwi niya rito, siguro ay dalawang beses sa isang buwan. Ngayon lang siya naglagi nang matagal dito dahil na rin sa paghahanda sa nalalapit kong kaarawan. Ang totoo niyan ay mas ayos nang wala siya rito at hindi ko nararamdaman ang presensya niya. Hindi ko na kinakaya ang patakaran ni Ina, paano pa kung nagsama silang dalawa? Para akong may lubid sa leeg na kapag hindi nila nagustuhan ang ginagawa ko ay hahatakin na lang nila ako. "Hija..." Dinig kong pagtawag sa akin ni Ama dahilan nang paghinto ko sa paglalakad. Wala na sa likuran ko ang tatlong lalaki na nakatokang bantay ko, naroon na sila sa hamba ng pintuan at nagmistulang security guard sa isang mall. Napangiwi ako bago nilingon si Ama. Matamang nakatitig ito sa akin, bahagya pang nakababa ang salamin nito sa mata. Patago akong napalunok bago siya tuluyang hinarap, ibinibigay ng buo ang atensyon ko. Napansin kong sinipat nito ng tingin ang pang-isahang upuan na naroon sa harapan niya, hudyat na gusto ako nitong paupuin doon. Alanganin man ay tinungo ko ito at tahimik na naupo. Hanggang ngayon kasi ay nanginginig pa rin ang dalawang kamay ko sa nangyari kanina, maaaring galit pa ito sa akin ngayon kaya baka pagagalitan na naman niya ako. "Bakit po?" lakas-loob na pagtatanong ko. Isang beses itong tumikhim bago nagsalita, "Masaya ka ba?" "Saan po?" maagap kong sambit, nalilito kung saan patungo ang usapang ito. "Sa nalalapit mong kaarawan," simpleng tugon niya. Siguro? Pwedeng oo, pwede ring hindi. Oo kasi nasa wasto na akong gulang ngunit mas matimbang ang dahilan kung bakit hindi— una na roon, labingwalong taong gulang na ako pero tila sanggol pa rin nila ako kung ituring. Pangalawa, tama ngang nasa tamang gulang na ako ngunit hindi ang karanasan ko, para lang akong iminulat kahapon at nangangapa pa rin sa paligid kagaya nang kaninang sinabi ni Carmen. Maraming dahilan, hindi ko na kailangang isa-isahin at baka umabot lang ako ng isang taon sa pagpapaliwanag. Sigurado naman ako na alam nila ang kanilang ginagawa ngunit bulag-bulagan ang mga ito. "Kung may isang bagay ka man na hihilingin, gusto kong malaman kung ano iyon?" aniya na tinatansya pa ang emosyon ko. Samantala ay gulat na napatigalgal ako rito. Napakurap-kurap pa ako, nagbabakasakali na mali lang ang pagkakarinig ko ngunit hindi. Maliwanag pa sa sikat ng araw ang sinabi nito sa pandinig ko. "Gusto ko po ng kalayaan—" Hindi ko na natuloy ang nais na sasabihin nang sumabat ito. "Dahil nasa tamang edad ka naman na, panahon na rin siguro para ipagkasundo kita." Ang mumunting saya na naramdaman ko kanina ay nalusaw. Laglag ang panga na pinakatitigan ko si Ama habang hindi makapaniwalang pinagmamasdan ang kabuuan niya. "A—ano ho?" Nahihibang na ba siya? "Walang ibang magmamana ng kayamanan natin kung 'di ang magiging apo ko, kaya marapat lang na maipakasakal ka sa madaling panahon," pormal na pahayag nito na parang wala lang sa kaniya na ipinamimigay niya ako. Pagak akong natawa, umawang ang labi ko sa kagustuhang umalma ngunit tila hangin lang ang lumalabas sa bibig ko. Kalaunan nang itikom ko iyon at animo'y bangkay na nanlamig. Kapag ba ikinasal ako ay magkakaroon ako ng laya? Hindi. Alam kong hindi dahil mas lalo lang akong matatali, mas lalo akong mawawalan ng karapatang mamuhay sa paraang gusto ko. At hindi ito ang hinahangad kong buhay. Hindi ito! Bakit ba kailangan nilang kontrolin ang buhay ko? Pinanganak lang ba nila ako para may mahawakan sa leeg? Gusto kong magmura at sumigaw. Ngunit nananatili akong walang imik, halos malukot pa ang suot kong duster dahil nilalamukos na iyon ng dalawang kamao ko. Doon ko na lamang itinutuon ang namamayaning galit sa puso ko. "Alam kong hindi mo ito maiitindihan sa ngayon, pero alam ko na balang-araw ay oo— para rin sa 'yo ito lahat, hija," dugtong nito nang hindi ako magsalita. Totoo ba? Saan banda iyong para sa akin ang lahat? O baka naman para sa kaniya— sa kanila ni Ina? Para mas lumago ang kayamanan nila na siyang nagpapasaya sa kanila. Hindi na nila ako inisip, iyong nararamdaman ko, iyong kapakanan ko bilang anak nila basta ay masaya sila sa katotohanang dodoble ang kayamanang mayroon sila ngayon. Wala na akong lakas para magsalita, kahit ang tanungin man lang kung sino ba ang lalaking ipagkakasundo sa akin dahil masyado na akong nanghihina sa reyalisasyong nangyayari. Tila lutang sa kawalan nang makatayo ako, hindi ko na namalayan kung paano nagtapos ang usapan namin ni Ama, napansin ko na lang na wala na ito sa harapan ko. Nang makaakyat ay deretso kong tinungo ang sariling kwarto, kay aga-aga ngunit ang bigat kaagad ng dibdib ko. Hindi ko na kinakaya ito, pakiwari ko ay gusto ko na talagang maglaho. Pabagsak na inihiga ko ang katawan sa malambot na kama, umikot ako upang dumapa saka niyakap ang unan. Pilit kong ibinabaon ang mukha ko roon upang pigilan ang nagbabadyang luha. Masaya pa sana ako kung si Topher ang ipapakasal sa akin, kung sakali na ganoon ang mangyayari ay baka pumayag ako kaagad, baka hindi mabigat sa puso ko itong nangyayari. Kung may lakas lang din ako ng loob na magsalita ay sinabi ko na ang relasyong mayroon kami ni Topher, baka sakali rin ay hindi matuloy ang binabalak ni Ama na ipagkasundo ako sa iba. Malakas akong bumuntong hininga. Nasaan na ba si Topher? Kalaunan nang mapangiwi ako. Oo nga pala, kasama niya si Carmen ngayon sa sapa— nang silang dalawa lang. Sana ay hindi mangyaring biguin ako ni Topher, umaasam ako sa pangakong kami lang hanggang dulo, na ipaglalaban niya ako kahit anong mangyari kaya labis ko itong minamahal. Sa pag-iisip ay nakatulog ako, baliwala na sa akin ang gutom sa araw na iyon. Nagising na lang ako na madilim na ang paligid rason para ngali-ngali kong inabot ang bed side table upang buksan ang lampshade. Nasipat pa ng atensyon ko ang orasan na naroon nakapatong, pasado alas nuebe na pala ng gabi kaya ganoon na lamang din kung kumalam ang tiyan ko. Dahan-dahan ay tumayo ako. Saka ko naman nakita ang isang tray na nakapatong sa study table ko. Sandali kong binuksan ang ilaw sa kabuuan ng kwarto bago iyon tinungo upang lantakan dahil nagugutom na rin ako. Kahit papaano pala ay may respeto sila sa kagustuhan kong mapag-isa rito sa kwarto. Kung sabagay, baka nasanay na lang ang mga ito na hindi ko sila sinasabayan sa hapag at mas pinipiling dito na lang kumain sa silid. Kadalasan talaga ay mag-isa ako, mas gusto ko ito kaysa makasama o makaharap ang isa sa kanila. Kahit ang mga bantay o katulong ay naiinis ako— gusto kong magalit sa lahat. Nang matapos kumain ay napagpasyahan kong maligo, sa banyo ay nagtagal ako ng ilang oras sa pagbababad sa bathtub. Kamuntikan pa akong makatulog doon kaya paglabas ko ay alas onse na ng gabi. Nagsuot lamang ako ng pajama at malaking t'shirt na halos magmukha akong sampayan pero kibit ang balikat ko. Nagtungo ako sa balkonahe upang doon magpatuyo ng basang buhok. Maliit lang naman ang espasyo roon, sakto lang para magkasya ang isang pabilog na lamesita dahil madalas ay dito ako nakatambay. Nang makalabas ay halos mapatigil ako sa paglalakad. "Ahh—" tangkang sigaw ko nang maging impit iyon dahil sa malaking kamay na tumakip sa bibig ko. Hinila ako nito sa gilid at dahil nakatalikod siya ay hindi ko magawang makita ito, o kahit ang masilayan man lang dala na rin na madilim sa parte rito. Pinakalikod kasi ito ng mansyon. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa akin, pati sa braso ko kaya hindi maiwasan na umalpas ang kaba sa dibdib ko. Isa ba ito sa mga taong gusto akong gawan ng masama? Sa isiping iyon ay malakas kong inapakan ang isang paa nito dahilan nang pagkakagitla niya, nabitawan ako nito kaya maagap ko siyang nilingon na ngayon ay halos mapayuko sa sakit. "Si—sino ka?" Nanginig ang boses ko at makailang beses pang umatras. Nasa bandang gilid ito ng pinto mula sa kwarto ko kaya halos magliwanag ang pigura niya sa paningin ko, rason para hirap ko siyang maaninagan. Mas lalo lang lumakas ang pagtibok ng puso ko. Mabilis kong inabot ang maliit na vase na nakapatong sa gilid, ambang ipupukpok ko ito sa ulo niya nang bahagya siyang mag-angat ng tingin sa akin. Sabay pang nanlaki ang mata naming dalawa. "Ang sakit..." daing nito na hawak pa rin ang kaniyang paa. Nangunot ang noo kong pinasadahan ng tingin ang kabuuan nito. Nakasuot ito ng pantalon na itinupi niya hanggang tuhod, terno ng itim at malaking t'shirt saka simpleng tsinelas. "Felix?" alanganing banggit ko sa unang lalaking naisip ko. "I—Ikaw ba 'yan?" Kalaunan nang tumigil ito sa pagdaing, unti-unti ay lumapit siya dahilan para mas maliwanag kong makita ang mukha niya. Hindi napigilan ay wala sa sariling napatakip ako ng bibig. Anong ginagawa niya rito? Halos dumoble ang panlalaki ng mga mata ko sa natantong inakyat nito ang pangalawang palapag ng mansyon. Mabilis kong nilingon ang likuran kung saan may isang puno sa gilid. Sa ibaba naman ay purong damo at dahil pinakadulo na ito ng mansyon at matataas na talahib na ang nakikita ko sa hindi kalayuan, ngunit may malaking bakod naman sa kabuuan ng rancho. "Oo, ako nga," sambit niya sa mababang boses rason para balingan ko siya. "Ba—bakit ka nandito?" pagtatanong ko at hindi makapaniwalang pinagmasdan ang mukha niya. Tipid itong ngumiti saka pa sumandal sa sementadong balkonahe, ipinatong nito ang dalawang siko sa magkabilaan niyang gilid bago ako pinagtuunan ng pansin. "Wala lang... ilang araw na rin kasi kitang hindi nakikita," panimula nito. Ang kaninang nananahimik kong puso ay muli na namang humataw dahil sa sinabi niya. Nananatiling kunot ang noo ko, ayaw ipakitang kahit papaano ay masaya ako na nakita ko siya. "Okay?" Tumaas ang kilay ko sa sinabi nito. Anong konek? Anong mayroon? "Baka kako ay wala kang makausap o mapagsasabihan ng problema," aniya saka pa ngumiti kaya halos manginig ang kaluluwa ko. "Kaya nandito ako, handang makinig sa 'yo." Umawang ang labi ko, nahahabag sa katotohanang iyon ang ipinunta niya rito. Nakagat ko ang pang-ibabang labi habang hindi pa rin makapaniwalang pinagmamasdan ito. "Bawal ka kasing lapitan kaya ito lang ang naisip kong paraan," pahayag nito at mahinang natawa. "Patago na lang kitang bibisitahin, dito rin mismo sa silid mo." "Hi—hindi ka ba hinahanap sa inyo?" biglang turan ko dahil masyado na akong natutunaw. Sa uri pa lang ng paninitig nito ay nanginginig na ang mga kamay ko, mataman at puno ng sinseridad kung tingnan niya ako kaya nakakaengganyo itong titigan ngunit hindi ko magawa. Kinakabahan ako. Kibit ang kaniyang balikat. "Ikaw ba, hindi mo ba ako hinahanap?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD