Hindi ako nakapagsalita, hindi alam kung ang sagot ba ay hindi? Masaya naman ako na makita siya ngayon, pero hindi ko lang gusto ang kakaibang pakiramdam na namumutawi sa puso ko.
Mayroon na akong Topher, sa kaniya lang dapat tumitibok nang ganito kabilis at kalakas ang puso ko. Ngunit bakit ganito? Mabilis akong nailing upang iwala ang nasa isip, baka saan pa ito mapunta.
Marahil nga ay kaibigan lang ang habol sa akin ni Felix, baka nga ganoon kaya kailangan kong ikalma itong nagwawala at nagtataksil kong puso. Huminga ako nang malalim upang ibsan ang nararamdaman.
"Dis oras na ng gabi, masyadong delikado sa labas lalo pa kapag may nakakita sa 'yo rito," pahayag ko.
Ako kasi ang kinakabahan para rito. Kung nasabihan na pala siya nila Ina, paniguradong mas titindi ang galit nila sa kaniya gayong pagsuway sa utos ang nilabag nito.
Tumango si Felix at bahagyang lumabi, umahon pa siya mula sa kaninang pagkakasandal at lumipat ng pwesto malapit sa gilid ng pintuan. Doon ay padausdos siyang naupo sa sahig.
"Dito na lang, hindi naman na siguro nila ako makikita," aniya kasabay nang pagsandal nito sa malamig na pader.
Itinukod pa niya ang dalawang braso sa kaniyang tuhod, samantala ay namamangha ko itong pinagmamasdan. Hindi siya ganoon kaayos manamit pero malakas ang karisma niya.
Hindi na nakakapagtaka kung habulin man siya ng kababaihan dito sa isla— simple itong tingnan at hindi maipagkakaakilang galing siya sa hirap ngunit ganoon na lamang mag-umapaw ang kagwapuhan niya.
Malalim kasi ang parehong mata nito, nagmistulang espanyol ang itsura. Idamay pa na mayayabong ang pilik mata dahilan para mas madepina ang emosyong namumutawi sa kaniya.
Ang kaniyang ilong naman ay walang pasisidlan sa tangos, habang ang labi ay bahagya pang namumula dahil panay niya iyong kinakagat-kagat. Tumigil lang nang mapansin ang paninitig ko rito.
"Hindi ka pa ba inaantok?" Pukaw niya sa atensyon kong nilipad na ng hangin.
Mahina akong natawa sa sarili bago sumagot, "Sa totoo lang ay kagigising ko lang."
Umawang ang kaniyang labi, kalaunan nang matawa rin siya saka nailing. Samantala ay patago kong pinisil ang hita nang sumikdo ang puso ko, hindi napigilang mamangha sa kagwapuhan nito.
"Katatapos ko lang din kumain at balak na sanang matulog," dagdag ko— ako na rin mismo ang pumutol sa pagpapantasya ko rito.
"Ganiyang buhay na ba ang kinalakihan mo? Kung tutuusin ay ang sarap pala ng buhay mo. Sabi ni Itay ay isa kayo sa pinakamayamang pamilya rito sa Pilipinas. Kung ako ang nasa kalagayan mo ay baka magpatayo ako ng maraming charity center, pati ng libreng eskwelahan para sa mga batang hindi kayang mag-aral."
"Mabait ka pala." Pagpuna ko dahil masyado akong namamangha sa mga pinagsasabi niya.
Nag-angat ito ng tingin sa akin dahil nananatili akong nakatayo sa kabilang dulo kaya minabuti kong maupo katapat ng lamesa na naroon sa balkonahe habang sinusundan nito ng tingin ang galaw ko.
Hindi tuloy maiwasan na makagat ko ang pang-ibabang labi nang makaramdam ako ng ilang, lalo pa nang bahagyang umangat ang isang sulok ng kaniyang labi habang sinisipat ng tingin ang kabuuan ko.
Bakit ba kasi pajama at malaking t'shirt ang naisuot ko? Tsk, hindi ko malaman kung kaaya-aya ba ang itsura ko ngayon. Pakiwari ko ay gusto kong tumakbo patungo sa salamin upang tingnan ang sarili.
"Mabait sa mabait," wika niya sabay kibit ng kaniyang balikat. "Ikaw? Mabuti at hindi mo namana ang ugaling mayroon ang iyong magulang."
Halos bumalanghit ako sa tawa, hindi man niya deretsong sinabi ay nasa isip nitong masama ang ugali nina Ina at Ama ngunit wala naman akong angal doon dahil totoo naman iyon at walang halong biro.
"Sabagay, ganoon nga siguro kapag lumaki sa yaman. Baka lumalaki na rin ang ulo at nagiging matapobre," dagdag pa niya.
Tumango ako, marahil ay ganoon nga. Tunay na mayaman ang pinanggalingan ng apelyidong Mercedes, mula pa sa ninu-ninuan namin. Kaya hindi na bago sa mga Mercedes ang pagiging malupit.
Ako nga lang yata ang namumukod tanging kakaiba— mahiyain, tahimik at walang confidence sa sarili. O baka depende na lang din siguro kung paano ka pinalaki ng magulang mo.
"Mas maganda ka pala kapag tumatawa," anang Felix na nagpatigil sa mahinang paghagikgik ko.
Napanguso na lamang ako sa kawalan ng masasabi. Lalo lang dumoble ang pagkabog sa dibdib ko, bulgar ding nangamatis ang pisngi ko dahilan para bahagya akong mapayuko.
Nagtagal ang pananahimik naming dalawa, tila pa pinapakiramdaman ang paligid o kung sino man ang gustong bumasag sa katahimikang namamayani sa amin. Gayunpaman ay ayaw akong tantanan ng nagririgodon kong puso.
Sa totoo lang ay mas napanatag ako sa ganoong sitwasyon namin, kinatagalan nang pagsasama namin sa oras na 'yon ay masasabi kong ibang tao si Felix. Kagaya nga ng sabi ko ay mabait siya.
Malayong-malayo sa iminulat sa akin ni Ina na ang lahat ng lalapit sa akin ay gusto akong gawan ng masama. Hindi na nakakapagtaka kung isa ring mabuti ang mga magulang ni Felix.
"Kamusta ka naman dito?" tanong nito matapos ang ilang minutong pananahimik.
Kumunot ang noo ko sa pagtataka ngunit maagap din naman itong nagsalita.
"Ibig kong sabihin ay kamusta ka, hindi ba't lagi kang mag-isa? Palagi kang nakakulong rito sa mansyon niyo."
"Ah... oo," sambit ko saka marahang tumango bilang pagsang-ayon.
Paano ko ba ito sisimulan? Kahit siguro na hindi ko na ipaliwanag sa kaniya ay malamang na alam na nito. Kalat naman na sa isla kung paano ako itrato nila Ina at Ama bilang nag-iisang anak nila.
"Malungkot pero ayos lang," pahayag ko sabay pagak na natawa. "Sanay na ako pero nakakatuwa lang na nariyan ka para kausapin ako sa dis oras ng gabi."
Siya pa lang ang nakagagawa nito, iyong akyatin ako sa kwarto para lang kausapin dahil alam niyang wala akong makausap, palaging mag-isa at nagmumukmok sa sariling kwarto.
At dahil narito naman na siya ay susulitin ko na ang nalalabing oras bago pa man may makakita sa amin dito. Totoong masaya ako na may isang taong handang ipilit ang bawal para lang kamustahin ako.
"Dalawa lang ang kaibigan na maituturing ko, sila lang kasi ang napahintulan nina Ama na lumapit sa akin pero may limitasyon lang din. Bawal akong lumabas, sumama kahit kanino o makipag-usap man lang sa hindi kakilala— kahit pala sa mga kakilala, bilin ni Ina." Bumuntong hininga ako. "Maraming bawal pagdating sa akin."
Malungkot itong napangiti, hindi maitatangging dismayado ito sa sinabi ko. Mayamaya pa nang mabilis ding nagbago ang emosyon niya, muling tumaas ang sulok ng labi nito, animo'y may naalala.
"Pero nagtangka kang pumasok sa isang relasyon?"
Halos masamid ako sa sariling laway sa narinig, lumikot pa ang dalawang mata ko, hindi malaman kung saan titingin. Sa kaniya ba na ngayon ay titig na titig sa mukha ko habang matiyagang naghihintay ng sagot.
Sinasabi ko na nga ba at narinig niya ang usapan namin kanina ni Topher!
Tila pa natutuwa ito sa naging reaksyon ko dahilan para mag-init ang batok ko kaya mabilis kong sinapo iyon hanggang sa mauwi na lang sa pagkamot. Napangiwi ako, para akong nahuli sa sariling bibig.
"Ayos lang naman iyon, hangga't masaya ka ay bakit hindi?" dagdag nito, tila iniibsan ang nararamdaman kong pagkapahiya.
Maagap ko siyang nilingon nang dahan-dahan ay tumayo ito mula sa pagkakaupo niya sa sahig. Marahan lang nitong pinagpagan ang suot na pantalon bago ako binalingan.
Malamlam man ang parehong mata nito kung titigan ako ay tiim naman ang bagang niya, nasilayan ko pa ang hirap niyang paglunok sa sariling laway rason para umalpas ang kaba sa puso ko.
"Pu—pwede ba na sa atin lang 'to? Huwag mong ipagsasabi ang napag-usapan natin o itong nalaman mo—"
"Kahit hindi mo sabihin ay gagawin ko." Pag-awat niya sa akin.
Mayamaya pa nang sakupin nito ang ilang espasyo na nakapagitan sa amin hanggang sa naroon na ito sa harapan ko rason para tumingala ako dahil nananatili pa rin akong nakaupo.
Kaagad din naman akong nagbaba ng tingin nang ilahad nito ang kaniyang palad, tinitigan ko iyon habang iniisip kung ano ang nais niyang mangyari hanggang sa matauhan na lang ako nang tumikhim siya.
"Friends?" anang Felix kaya muling bumalik ang atensyon ko sa mukha nito. "Pwede mo ako maging kaibigan, pwedeng masandalan kapag nalulungkot ka, pwedeng makausap kapag mag-isa ka."
Sa narinig ay kamuntikan ko pang masapo ang dibdib upang patigilin ang nagririgodon kong puso, ayaw paawat sa malakas nitong pagtibok.
Minabuti kong tumayo upang mapantayan ang mukha niya ngunit nabigo ako dahil hanggang dibdib lang naman ako nito. Tipid akong ngumiti bago inabot ang kaniyang palad.
Nagkukumahog ang puso ko sa reyalisasyong iyon, nanginginig pa ang kamay ko nang kamayan ko ito. Hindi rin nakaligtas ang animo'y kuryente na dumaloy sa kaibuturan ko.
"Friends," sambit ko saka pa marahang tumango.
"Huwag kang mag-alala, mananatiling sikreto itong pinag-usapan at pagkikita natin," pahayag niya bago ako sinuklian ng matamis na ngiti dahilan din nang pagngiti ko.
Matapos iyon ay naging mabilis ang galaw nito, namalayan ko na lang na tumalon ito sa harang ng balkonahe na halos magpasigaw sa akin. Sapo-sapo ko ang bibig nang dungawin ko ito sa kabila.
Naroon pa rin naman ito at nananatiling nakakapit sa sementadong balkonahe, tumingala siya sa akin na ngayon ay nakangangang pinagmamasdan siya, samakatuwid ay namamangha.
"Maging masaya ka, huwag mong hayaang lamunin ka ng kalungkutan. Nandito ako, kaibigan mo." Ngumiti ito at muling nagsalita, "Maligayang kaarawan sa 'yo, Karla."
Umawang ang labi ko sa katotohanang alas dose na ng gabi at siya ang kauna-unahang tao na bumati sa akin. Balak ko sanang magsalita ngunit hindi na ako nito hinayaan dahil tumalon na ito mula sa puno na nasa gilid.
Gulat na pinanood ko siya kung paano ito nakalundag sa lupa nang walang kahirap-hirap. Tumingala pa siya sa akin saka ako kinawayan dahilan para wala sa sariling kinawayan ko rin ito.
"Bukas ulit," aniya bago tuluyang tumalikod.
Ilang minuto siguro ang lumipas nang mamalayan ko na lang na nakatitig ako sa kaninang dinaanan niya. Humampas ang malakas na hangin sa akin dahilan para mabalik ako sa ulirat.
Hindi ko napansing kanina pa ako nakangiti, pati ang puso ko ay ayaw matahimik kaya dali-dali akong pumasok sa loob ng kwarto habang sapo-sapo ang sariling bibig.
Mabilis akong lumundag sa kama ko at doon ay impit na napatili, isinisigaw ang tuwang nararamdaman sa oras na iyon. Ngunit hindi rin naglaon nang mapatigil ako, mali— hindi ito dapat.
Oo, masaya ako na nariyan si Felix bilang bagong kaibigan ko pero hindi ko dapat maramdaman na kinikilig ako. Mali ito, mali na tumitibok ang puso ko nang ganito kalakas na dapat ay kay Topher lamang.
Hindi rin nagtagal nang umahon ako mula sa pagkakahiga, nawala na sa emosyon ko ang kaninang saya at napalitan ng pagkabahala— para sa akin gayong para akong nagtataksil.
Isang malakas na buntong hininga ang pinakawalan ko saka pa ilang beses na umiling. Alam kong kaibigan lang ang habol sa akin ni Felix, hindi ko lang alam sa sarili ko kung bakit ganito.
Tila ba sa simpleng effort nito ay nagbago ang lahat.