Chapter 6

1764 Words
Kinabukasan nang magising ako. Alas dos marahil akong nakatulog kagabi dahil sa mga bumabagabag sa isipan ko. Idamay pa ang kakaibang nararamdaman ko para kay Felix. Hindi ako sigurado at ayaw ko rin namang bigyan ng kahulugan o malisya. Mabilis akong umiling bago pa man kung saan mapunta itong iniisip ko. Kaagad na akong umahon sa pagkakahiga at hindi pa man ako nakakatayo nang biglang bumukas ang pinto sa kwarto. Bumungad sa akin si Ina na ngayon ay todo ayos na, suot nito ang puting filipiñana. May hawak pa siyang pamaypay at maliit na bag sa kaniyang braso. "Karla!" aniya na nagmamadaling pumasok sa loob. Nangunot ang noo ko nang deretso siyang lumapit sa dulo ng kama. Dikit ang kaniyang kilay, tila ba galit ito sa hindi ko malamang dahilan kaya sumagi sa utak ko ang nangyari kagabi. Wala sa sariling nanlaki ang parehong mata ko, umawang ang labi ko para sana unahan ito ng paliwanag patungkol sa pag-akyat ni Felix sa kwarto ko. Hindi lang natuloy nang singhalan ako nito ng ubos ng lakas. "Anong oras na at nakahiga ka pa rin diyan?" Pinanlakihan niya ako ng mata sabay hila sa kumot na nakatabon sa katawan ako. Hindi ko mawari kung hihinga ba ako nang maluwang dahil hindi naman pala iyon ang ipinunta niya rito. Imbes na mataranta ay tamad akong tumayo at bahagya pang nag-unat. Napansin ko ring alas tres na pala ng hapon kaya ganoon na lamang kung maghimutok si Ina. Binalingan ko siya na ngayon ay nakapamaywang na pinagmamasdan ang kabuuan ko. "Ano pang ginagawa mo? Hala at maligo ka na, ilang oras na lang at magsisimula na ang salu-salo. Marami nang naghihintay sa labas," tuluy-tuloy niyang pahayag. "Heto na po." Kalma lang, hindi naman ako excited. Hindi na ako sumagot at nagtungo na lamang sa loob ng banyo. Doon ay nagtagal ako sa ilalim ng shower room, wala nang pakialam pa kung may gaganaping party mamaya. Wala akong pakialam, wala ako sa mood. Isipin ko pa lang na hindi ko naman literal na bisita ang mga naimbitahan ngayon ay naiinis ako. Bukod sa kamag-anak ay purong kasosyo sa trabaho lang nina Ama ang naroon. Dalawa lang din ang inaasahan kong tunay kong bisita, iyon ay sina Carmen at Topher na siyang malapit sa akin. Siguro ay hindi na masama, pipilitin ko na lang maging masaya hanggang sa matapos ang araw na 'to. Hindi ko na malaman kung ilang minuto akong nakababad sa rumaragasang tubig mula sa ulo ko. Nagulat na lang ako nang may malalakas na kabog mula sa pinto ng banyo. Minadali kong tinapos ang pagligo, inabot ko lang ang puting roba saka isinuot habang tinutuyo pa ang basang buhok. Hindi rin nagtagal nang lumabas ako bago pa man masira ang pintuan dahil sa malalakas na pagkatok ni Ina. Sa paglabas ay nabungaran kaagad ng paningin ko ang tatlong babae. Samantala ay may diing hinila ako ni Ina palapit sa kanila, palapit sa malaking vanity mirror at pinaupo sa isang upuan. "Gawin niyo ang lahat ng makakaya ninyo, gawin niyong maganda at presentable ang unica hija ko," aniya sa mga babaeng maagap na sinunod ang kaniyang utos. Napangisi na lang ako sa narinig. Maganda? Hindi sa pagmamayabang pero maganda na talaga ako. Hindi lang ako ganoon kaayos dahil bukod sa wala akong confidence ay hindi rin nila ako hinahayaang magdamit ng kapos-tela. Hindi ako marunong mag-ayos ng sarili, basta maitali ko lang ang buhok ko ay ayos na sa akin. Wala akong pakialam noon dahil palagi naman akong nasa kwarto, sila lang din ang nakakakita sa akin sa araw-araw na lumilipas. Wala na akong imik nang simulan akong ayusan ng tatlong babae, hindi ko na inintindi ang mga ginagawa nila dahil mas pinili kong pumikit— bahala na kung makatulog ako. Ramdam ko pa rin kasi ang antok. Sa totoo lang ay iyon yata ang unang pagkakataon na napuyat ako at nakatulog sa ganoong oras. Kadalasan ay alas otso pa lang ay tulog na ako. Nakakatawa nga naman, ano? Ang boring ng buhay ko. Sa sobrang boring ay nagawa kong sagutin noon si Topher. Ang totoo niyan ay hindi ako literal na niligawan ni Topher. Nagulat na lang ako isang araw nang umamin siya at sabihin nitong may gusto siya sa akin, na hindi rin naman niya alam na may lihim din akong paghanga sa kaniya, na ako lang talaga ang nakakaalam. Kahit si Carmen, hirap akong magsabi sa kaniya ng problema o sikreto ko. Hindi ko mawari pero kahit kaibigan ang turing namin sa isa't-isa, malayo pa rin ang loob ko sa kaniya. May kasungitan kasi ito at madaldal kaya takot akong magsabi rito ng nararamdaman. Hindi katulad ni Topher, mabait at mapagkakatiwalaan kaya nang maging kami ay siya ang naging sandalan ko. Hindi ako nagsisisi nang sagutin ko siya, kahit pa ako naman talaga ang may gusto na magkaroon kami ng relasyon. Dahil kagaya ko ay takot din ito kina Ina at Ama kaya ako na lang ang nagpumilit. Naisip ko noon, ano bang pakiramdam na magkaroon ng boyfriend? Iyong ipaparamdaman sa 'yo ang tunay na kahulugan ng pagmamahal na hindi mo mahanap o makita sa sarili mong pamilya. Tama nga sila, ano? Kapag bata ka pa, tatamaan ka talaga ng kuryusidad— sa kung ano bang pakiramdam kapag ganito at ganiyan. Kung tutuusin pala ay halos anim na buwan na kami ni Topher. Higit anim na buwan na rin naming pinipilit huwag ipahalata, pilit itinatago ang relasyong mayroon kami. "Karla!" sigaw ni Ina ang namutawi sa pandinig ko dahilan para mabalik ako sa reyalidad. Maagap akong napadilat at sabay na nanlaki ang parehong mata ko nang makita ko ang sariling repleksyon sa salamin. Nakaayos na ang buhok ko sa paraang mermaid tail hairstyles. Samantala ay halos hindi ko na makilala ang sarili. Umawang ang labi ko at unti-unting sinapo ang mukha. Ako ba ito? Dahan-dahan ay tinusok-tusok ko ang pisngi rason para tampalin ni Ina ang daliri ko. "Karla, ano ba? Huwag mong sirain iyan dahil nalalabi na lang ang oras natin," suway nito ngunit hindi ko na siya pinansin. Abala ako sa pagtitig sa sarili. Hindi ganoon karami o madiin ang make-up sa akin, light lang iyon ngunit tamang-tama lang para lumabas o mas madepina ang kagandahang mayroon ako. Plakado ang kilay ko at nasa tamang kurba, samantala ay pinaghalong kulay kayumanggi at pula ang eye shadow ko, may kaunting pahid din ng silver na kumikinang pa, habang may manipis na wing eyeliner. Ang ilong ko ay mas nagmukhang matangos sa inilagay doon, ganoon din ang cheekbone at panga ko. Mapusyaw na pula naman ang sa labi ko na halos malasahan ko pa ang lipstick. "Tumayo ka na riyan at magbihis! Mahabaging Diyos talaga, anong oras ka ba natulog kagabi at mukhang puyat na puyat ka?" pangangaral ni Ina na siyang madaling-madali. Si Felix kasi, hindi maalis sa utak ko kagabi. Tsk, mabilis akong umiling upang iwala ang kung ano mang naisip kanina. Mayamaya pa nang pagak akong natawa sa loob-loob ko nang masilayan si Ina na apurang-apura ang itsura. Siya na lang kaya ang mag-celebrate sa ika-labingwalong taong kaarawan ko? Sa totoo lang ay mas excited pa siya kaysa sa mismong may kaarawan. Hindi na ako nagsalita, sinundan na lamang ang mga babae nang lumapit sila sa kama ko kung saan naroon na nakapatong ang gown na susuotin ko. Ito iyong mismong sinukat ko noong nakaraang linggo. Bulgar akong napangiwi. Okay na sana iyong make-up ko ngayon, nagustuhan ko kung ano ang kinalabasan ng itsura ko pero ito? Tsk, hindi na ako nagsalita at walang angal na isinuot ko iyon. Tinulungan lang ako ng tatlong babae. Hindi ko sila kilala pero panigurado akong sikat ang mga ito bilang make-up artist, hindi rin naman kasi basta-basta kumukuha si Ina lalo pa't papasukin dito sa mansyon. Nang matapos ay isinunod na pinasuot sa akin ang kulay itim na three inches close shoes. Halos mabingi naman ako sa palakpak ni Ina nang humarap ako sa kaniya makalipas ang ilan pang minuto. "Well done! Sobrang ganda mo, hija!" palatak nito habang namamangha na pinagmamasdan ang kabuuan ko. "Saan pa po ba magmamana iyang anak niyo?" tila nagbibirong turan ng isang babae. Doon ay natawa si Ina. "Kung sabagay ay may tama ka, sa akin nga nagmana iyang si Karla." Sabay na nagtawanan ang mga babae na para bang may nakakatawa. Umismid ako at animo'y musmos na naghihintay sa kung anong sunod na gagawin dahil wala akong alam sa plano. "Tara na at kanina pa naghihintay ang mga bisita," maagap na sambit ni Ina saka nauna nang lumabas. Sumunod din naman kami habang todo alalay pa sa akin ang tatlo na hawak-hawak ang magkabilaang gilid ng gown, iniingatan na huwag kong maapakan lalo at may kahabaan iyon. Napadako pa ang atensyon ko sa wall clock at nakitang pasado alas sais na ng gabi. Kumunot ang noo ko sa natanto, ganoon ako katagal inayusan? Kibit ang naging balikat ko. Hindi rin nagtagal nang makababa kami mula sa ikalawang palapag. Nakabihis na rin si Ina kaya hindi na niya kailangan pang mag-ayos, marahil ay inilaan talaga nito ang oras para sa akin. Sa sala ay naabutan namin ang ilang bisita na malapit sa pamilyang Mercedes, naroon din ang ilang pinsan ko na hindi ko masyadong kadikit kaya tipid na ngiti lamang ang iginawad ko sa kanila. Sa labas naman at tanaw na tanaw ko ang hindi magkamayaw na mga tao. Nasipat pa ng tingin ko si Ama na may kausap na katulad niya ay nakasuot ng black tuxedo, malamang ay mga kasyoso sa negosyo. Hindi ko pa nasisilayan sina Carmen at Topher kaya panay ang linga ko sa paligid. Halos mabali na nga ang leeg ko katitingala hanggang sa marinig ko na lamang ang pagsasalita ng naatasang emcee. "Welcome to the hot and legal party of our charming debutant, who is now turning into a fine lady." Madalian akong hinila ni Ina palabas kung saan naroon ang spot para sa akin, dahilan iyon para sabay-sabay na mapalingon sa akin ang mga bisitang naroon kaya halos mapayuko ako sa nararamdamang hiya. Narinig ko pang nagpalakpakan sila, hudyat na masaya ang mga ito para sa kaarawan ko, na kahit papaano ay naibsan ang kaba at kahihiyan ko sa sarili. Kagat ang labi nang maupo ako sa gitna. "Ladies and gentlemen, may we introduce to you the debutant. Let's us all welcome our dazzling lady of the night— Miss Karla Mercedes!" Gaano ba ito katagal? Diyos ko, nagugutom na ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD