Hindi ko na alam kung ilang minuto o oras na nga yata ang nakalipas, natagpuan ko na lamang ang sarili na sumasayaw sa gitna kasabay ng malamyos na kanta na nagmumula sa mga speaker.
Bahagya ko pang tiningala si Ama na siyang kasayaw ko ngayon, lutang man ang pag-iisip ay natanto kong siya ang panglabing pitong naisayaw ko— o mas tanyag sa eighteenth roses ng isang debutante.
"Aalis na ako bukas, babalik na ako ng Maynila. Always be good, hija," panimula niya matapos ang mahabang katahimikan. "Ayokong may nababalitaan akong sinusuway mo ang iyong Ina."
Saglit akong napangiwi. Hindi sa reyalisasyong aalis na ito bukas, kung 'di sa katotohanang ano man ang batas o ipinagbabawal nila ay wala naman akong magagawa.
"Okay po," sambit ko, wala nang masabi pang iba.
"Palagi ka ring mag-iingat. Ganap ka ng dalaga kaya mas ingatan mo ang sarili mo," dagdag nito na labis ikinahabag ng puso ko.
"Si—sige po," wala sa sariling sagot ko.
Hindi kasi ako sanay na ganiyan ang binibitawan nitong salita. O baka ganito lang siya dahil marami ang nakakakita sa amin? Dahil ang totoo, mas malupit pa siya sa inaakala ng karamihan.
"Wala ako rito, malayo ako sa inyo ng Ina mo kaya sana ay huwag kang pabigat sa kaniya, pareho na kaming matanda, hmm? Takot na lamang naming atakihin."
Pagak akong natawa sa sarili, kalaunan nang mapatango na lang ako. Kailan pa ako naging pabigat? Samantalang hindi ko naman inasam na maipanganak ako sa mundong ito at maging magulang sila.
Hindi na siya nagsalita, ganoon din ako dahil ayaw nang dugtungan pa ang usapan naming iyon. Nakakatawa lang, ako lang yata ang anak na naiilang sa kaniyang ama. Palagay ko ay ako lang.
Muling namutawi ang katahimikan sa aming dalawa, rason para roon ko ulit maramdaman ang pangangawit ng paa ko. Kanina pa ako nakatayo upang magsayaw at tanggapin ang mga rosas ng labingwalong lalaki.
Idamay pa na nagugutom ako, pasalamat na nga lang ako at hindi nila naririnig dahil sa lakas ng musika sa paligid. Halu-halo rin ang ingay na naririnig ko, nariyan ang halakhakan, tilian at mga pag-uusap na tila mga bubuyog sa pandinig ko.
Mayamaya pa nang matapos ang nakatokang sayaw para sa amin ni Ama, pagkakataon iyon para sa kahuli-huliang lalaki na isasayaw ko— at walang iba iyon kung 'di si Kristopher Yu.
Ako mismo ang nag-request no'n kay Ina na mabilis naman niyang tinugunan. Balak ko na ring sabihin ngayon ang relasyon namin ni Topher, ngayon mismo sa harapan nilang lahat.
Sandaling natahimik ang paligid, nakahinto na rin kasi ang musika para bigyang respeto ang emcee sa pagtawag niya kay Topher na kanina ko pa hindi nakikita.
Kahit ang anino nito ay hindi ko mahagip, nangalay na nga lang din ako kalilingon at kahahanap sa bulto ng katawan niya. Maging si Carmen ay wala rin sa nasabing party kaya hindi maiwasan na mangunot ang noo ko.
Hindi na ako magdadalawang-isip kung magkasama sila ngayon, pero nasaan nga kaya sila? Sila ang dapat na narito, silang dalawa ang inaasahan kong bisita ko. Ngunit bakit sila pa ang wala rito?
Umalpas ang kaba sa puso ko. Hindi kaya ay may nangyaring masama sa kanila? Maghapon silang wala sa paningin ko at kung tama pa ang pagkakaalala ko, galing sila kahapon sa sapa.
Baka naman may nangyaring masama na sa kanila? Umawang ang labi ko sa samu't-saring emosyong nararamdaman, nariyan ang kaba ngunit mas nangingibabaw ang pagkalungkot.
Bakit? Kasi sila lang ang wala, narito ang kanilang mga magulang at kitang-kita ko pa kung gaano sila kasaya na nakikipag-usap kay Ina at Ama, animo'y wala lang sa kanila na wala ang mga anak nila.
Gusto kong magtanong ngunit wala akong mapagtanungan. Saan ba sila nagpunta? Imbes na malungkot pa ay mas pinili kong magalit— galit ako sa katotohanang mas gustong makasama ni Topher si Carmen sa gabing ito.
Lihim kong ikinuyom ang dalawang kamao, halos maramdaman ko na nga rin sa palad ko ang maliliit na tinik na nanggagaling sa tangkay ng rosas. Tiim ang bagang na napayuko ako— na sana ay hindi ko na ginawa.
Sa ginawa ko kasing iyon ay bumagsak ang luhang kanina ko pa pinipigilan. Dinig pa ng tainga ko ang ilang bulungan ng mga tao sa kawalan ng presensya ni Topher para sa last dance ko.
"Oh, nariyan na pala ang huling sayaw para sa ating dalaga," anang emcee na labis ang pagkagalak.
"Pasensya na," turan ng boses lalaki.
Hindi rin nagtagal nang mapatingala ako sa kinaroroonan nito na siyang papalapit na sa gawi ko. Katulad ng karamihan ay nakasuot ito ng marangyang white polo na pinatungan ng itim na blazer.
Nangunot pa ang noo ko sa paninitig sa kabuuan niya, mula sa tindig nito ngunit hindi ko naman magawang makita ang kabuuan ng kaniyang mukha dahil sa maskarang nakatakip dito.
Umusbong ang bulungan sa paligid, paano at siya lang ang nagtangkang magsuot ng maskara gayong bulgar na bulgar kung sino ang mga bisita at naisayaw ko. Hindi ko man sila lingunin ay alam kong sa amin sila nakatingin.
Lalo lang umawang ang labi ko nang tuluyan na siyang makalapit sa akin, ilang dangkal ang iniwan nito sa pagitan namin. Nanuot sa ilong ko ang mabangong amoy niya na maihahalintulad sa mamahaling pabango.
Ilang pasada marahil ng gel sa kaniyang buhok kaya ganoon na lamang iyon kaayos. Mayamaya pa nang siya na mismo ang humawak sa kamay ko upang ilagay sa balikat nito.
Habang ang isa ay masuyo niyang hinawakan, kasabay nito ay ang muling pagtugtog ng malamyos na kanta. Hudyat iyon para sa pagkakataon naming magsayaw kaya marahan siyang gumalaw.
Wala pa rin ako sa sariling huwisyo habang sinasabayan siya sa kaniyang pagsayaw, titig na titig pa rin kasi ako sa parehong mata nito na siyang bulgar at malapitan kong nakikita ngayon.
Ang mala-espanyol niyang mata, ang matangos na ilong at mapupulang labi.
"Hindi ikaw si Topher," derektang banggit ko sa katotohanang iyon. "Ikaw si Felix."
Sa sinabi ko ay kitang-kita ko kung paano ito ngumisi na imbes na mapangiwi o magulat dahil nabisto ko siya. Tila pa natutuwa ito sa reyalisasyong nakilala ko siya.
"Anong ginagawa mo rito?" alanganing tanong ko, nag-iingat na huwag marinig ng mga tao sa paligid.
"Paano mo nalamamg ako si Felix? Nagsuot na ako ng maskara para hindi makilala ng iba ngunit nakilala mo pa rin ako. Sabihin mo, paano?"
Paano? Dahil ba sa pamilyar na pagtibok ng puso ko sa tuwing malalapit ako sa presensya niya?
"Anong ginagawa mo rito? Paano ka nakapunta rito? Hindi ka ba natatakot?" Imbes na sagutin ito ay iyon pa ang naiusal ko.
Natatakot lang din ako na baka mahuli siya at nagpapanggap bilang si Topher. Ayokong mangyari iyon. Malakas akong napabuntong hininga. Palagi na lang akong natatakot para sa kaniya.
"Mas natatakot ako sa katotohanang malulungkot ka dahil wala ngayon si Topher— ang kasintahan mo," wika nito sa mababang boses.
Laglag ang panga na napatigalgal ako sa harapan niya. Sa lahat ng nakasayaw ko kanina ay sa kaniya lang yata ako nagkaroon ng lakas ng loob upang pakatitigan ng matagal ang kabuuan niya.
Malakas man ang loob ko ay ganoon din malusaw ang puso ko sa narinig mula rito. Kalaunan nang magbaba ako ng tingin upang patagong kagatin ang labi, pinipigilan ang sarili na huwag ngumiti.
Narinig ko ang malakas nitong pagbuntong hininga kaya muli ko siyang tiningala. Malalamlam ang mga mata nitong nakatitig sa akin, na para bang sa oras na 'yon ay ako lang ang nakikita niya.
"Napakaganda mo," bulong nito na umabot pa sa pandinig ko. "Bagay na bagay sa 'yo ang suot mong iyan."
Kitang-kita ko ang kinang sa parehong mata nito, kung paano siya mamangha sa kabuuan ko ngayon. Lalo na sa gown ko na siyang kinaiisan ko kanina sa kadahilang hindi ko ito gusto.
"Bago magtapos ang oras natin, sana kahit papaano ay napasaya kita," pahayag nito.
"Sobrang napasaya mo ako," derekta kong sambit rason para masilayan ko ang mapuputi niya ngipin sa pagkakangiti.
"Mabuti kung ganoon dahil masaya rin ako na makita kang masaya ngayon."
Nagpatuloy ang marahan naming pagsasayaw. Mabuti nga at hawak niya ako sa kamay at baywang dahil kung hindi ay baka kanina pa ako natumba sa panginginig ng tuhod ko.
Hindi ko lubos akalain na kaagad ding mapapalitan ang lungkot at galit na naramdaman ko kanina, napalitan iyon ng hindi mapapatawarang saya na napunan ni Felix.
Sino bang mag-aakala na kaya niyang suungin ang bawal para lang sa akin?
"Pagkatapos nito ay uuwi rin ako kaagad, baka mahuli pa ako ng Ama mo," aniya sabay tawa dahilan para matitigan ko ang labi nito.
Hindi ko na malaman kung ilang minuto kaming nagsasayaw, para na kasi akong nabingi at siya na lamang itong nakikita ko. Wala na sa akin kung sentro man kami ng atensyon ngayon.
"Basta ay mag-iingat ka," sabi ko kaya halos mapunit ang labi niya sa pagkakangiti.
"Oo naman, hindi pa rito magtatapos ang pagkikita natin," sagot ni Felix.
Kasabay nito ay ang pagtatapos ng kanta para sa amin, dahilan iyon para unti-unti niya akong pakawalan na kahit ayoko ay wala na akong nagawa. Masuyo nitong pinisil ang palad ko.
"Happy birthday, Karla," sambit niya.
"Maraming salamat, Felix."
Iyon lang at tuluyan na rin siyang tumalikod upang makaalis na, nakita ko pang nagmamadali ito sa paglalakad. Kapagkuwan ay mabilis na yumuko marahil upang hindi makilala ng mga tao.
Sinundan ko ito ng tingin hanggang sa mawala na siya sa paningin ko at naglaho sa dilim. Malalim akong napahinga at muling ibinalik ang atensyon sa paligid kahit pa'y wala na akong naiintindihan.
Ang sa akin lang ay kung paano ko patitigilin ang nagririgodon kong puso.
Wala sa sariling natawa ako saka pa mahinang hinampas ang dibdib, tila ba sa paraang iyon ay matitigil ang pagtataksil ng puso ko. Hindi ko akalaing magiging ganito kasaya ang kaarawan ko.
Napayuko ako upang itago ang totoong nararamdaman, hindi ko na pinansin ang mga sumunod na nangyari. Hindi rin naman nagtagal nang matapos ang inilaang party para sa akin.
Pagkakataon iyon ng iba upang magsaya o mag-inuman kaya minabuti kong umalis na sa pwesto. Papasok na sana ako sa mansyon nang makita kong nag-aabang doon si Topher.
Nasa hamba ito ng pintuan kaya hindi ko magawang makapasok sa loob, tiningala ko ito para lang makita ang malungkot niyang mukha. Mapait akong napangiti at mapanuring tinitigan siya.
"Salamat, ah? Salamat at nagpunta ka pa," sambit ko at tangkang papasok nang hawakan niya ang braso ko.
"Sino ang lalaking iyon?" may diing pagtatanong niya.
Nangunot ang noo ko bago sumagot, "Huh, sino? May nakikita ka ba na hindi ko nakikita?"
Ganiyan nga, Karla. Huwag mong hayaan na masira ang kasiyahang namumutawi sa puso mo ngayon.
Tama nang siya lang ang malungkot ngayon, huwag niya na akong idamay. Marahan man ay may diin ko ring iwinasiwas ang kamay ko upang makawala sa mahigpit niyang pagkakahawak.
"Kung sino man siya ay pasalamat na lang tayo na napasaya niya ako, hindi katulad mo— pero salamat pa rin sa pagpunta. Magpahinga ka na muna at mukhang pagod ka."
Tuluyan ko na itong nilisan at nilampasan. Bahala siya sa buhay niya, basta ay masaya ako.