"Aaah! Teka lang muna sandali lang!"
Naningkit ang mga mata ni Sophie matapos ilayo ni Leonhart ang kamay nyang nakahanda na sa pagbunot ng ipin nito. Pwede ng bunutin dahil umimpis na ang pamamaga at isa pa ay may sira na sa loob ang ipin nito kaya sumasakit. Bagang iyon at siguro ay sa kahiligan nitong kumain ng tsokolate kaya nasira na ang ipin nito.
"Ano ba? Kanina ka pa sandali ng sandali dyan, paano tayo matatapos nyan?" sabi nya dito at umikot upang kuhanin ang iba pa nyang gamit. Na-sterilized na iyon at handa na para gamitin sa kababata nyang kanina pa ngawa ng ngawa. Napakanerbiyoso ni Leonhart at hindi nya alam kung matatawa sya o maiinis.
"Baka pwedeng umatras na lang?" nakangiwing sabi nito sa kanya. Pinandilatan nya ito ng mata.
"Leonhart, umayos ka. Madami kang kasunod sa labas na kanina pa naghihintay. Inabot na tayo dito ng thirty minutes. Dapat ay kanina pa tapos 'yan kung hindi ka lang nag-iinarte," aniya at bumuntong-hininga. Nalukot ang mukha nito at nababasa nyang gusto na nitong umatras. Lumapit sya dito at pinakatitigan ito.
"Pumikit ka kasi para hindi mo makita itong mga gamit ko," wika nya.
"Ang laki-laki naman kasi nyang mga gamit mo sa pagbubunot, nakakatakot! Pang-karpintero na yan eh," sabi nito habang hawak-hawak ang pisngi.
Natawa sya dito pero pilit nya itong pinakalma.
"Sige na umayos ka na. Promise hindi ito masakit," aniya dito at ibinaba na nya ang kinauupuan ni Leonhart. Napahiga na ito ngayon at sinindi na nya ang ilaw doon para suriin muli ang ipin nito.
"Pikit na!" utos nya dito kaya napipilitang sumunod ito sa kanya habang nakanganga.
May ipinahid muna sya sa gums nito at pagkatapos ay kinuha na nya ang injection para sa anesthesia. Naramdaman nyang nanginig si Leonhart nang itusok nya iyon sa gilagid nito malapit sa bagang nitong namamaga.
"Relax," bulong nya sa tainga nito. Ilang sandali syang huminto muna bago ito tinanong.
"Ano nararamdaman mo bang nangangapal na ang gilagid mo?" tanong nya. Nakapikit pa din si Leonhart at tumango ito sa kanya.
"Okay, basta relax ka lang," sambit nya at naghanda na para bunutin iyon.
Kinuha nya ang gamit para sa pagbunot. Sinabi nya kay Leonhart na mas lakihan nito ang pagkakanganga. Sinimulan na nyang trabahuhin iyon at medyo nahirapan sya dahil masyadong matibay ang ipin ni Leonhart. Kinailangan nya talaga ng mas malakas na pwersa kaya naman buong pwersa nyang binunot iyon. Nakakunot ang noo ni Leonhart at hindi maipinta ang mukha nito. Sa isang malakas na paghila lang ay natanggal na nya ang ipin ni Leonhart. Pinagmumog nya muna ito saglit at pagkatapos ay pinasakan nya iyon ng bulak.
"Ano masakit ba?" natatawang sabi nya habang nililinis ang mga gamit nya. Tumango si Leonhart.
"At least isang sakitan na lang," sambit nya pa at inalalayan na itong makabangon.
"Sa bahay mo ako uuwi mamaya para matingnan ko 'yang pagkakabunot ko. Ako na din ang bahala sa gamot. Half day lang ako ngayon at uuwi din ako bandang 12 PM."
Tumango lang si Leonhart sa kanya dahil hindi ito makapagsalita. Inihatid na nya ito sa labas ng clinic nya at naroon naman si Draco na naghihintay dito.
"Ano Doktora, natanggal na ba ang problema nitong si chikboy?" nakangising tanong nito sa kanya.
"Oo, ang tagal nga eh. Masyadong nerbiyoso ang kaibigan mo," sagot naman nya dito. Tatawa-tawa lang si Draco at pinagbuksan na nito ng pintuan si Leonhart.
"Draco, samahan mo muna sya ha, uuwi din ako mamayang 12 PM ikaw muna ang bahala sa kanya. Leonhart, noodles lang muna ang pwede mong kainin pero dapat ay hindi iyon mainit." paalala nya.
"Kapag kumirot yan mamaya at wala pa ako ay uminom ka lang ng mefenamic." dagdag nya.
"Sige Doktora ako na munang bahala sa kanya," sabi naman ni Draco at sumakay na ang mga ito sa sasakyan ni Leonhart. Si Draco ang nagmaneho niyon at bumusina pa ito sa kanya bago umalis ang sasakyan ng mga ito.
Bumalik din sya agad sa loob ng clinic nya matapos mawala ang mga ito sa paningin nya. Naghihintay na ang iba pa nyang mga pasyente sa loob.
-
Pagdating ni Leonhart sa kanyang bahay ay mabigat ang katawan nyang pumasok sa loob. Kasunod nya si Draco na kanina pa sya kinakausap. Hindi naman sya makapagsalita ng maayos kaya puro tango lang ang sagot nya dito.
"Sa wakas ay wala ka ng problema, mga ilang araw lang eh okay na yang ipin mo, baka nga bukas lang eh," sabi ni Draco at naupo sa sofa. Naupo din sya sa katabi pa nitong sofa.
"Ako muna ang papalo mamayang gabi hanggang bukas. Hindi ka pwedeng mabinat, sunod-sunod pa naman ang gig nyo."
Oo nga pala at hindi sya makakasama sa tugtog mamaya. Pero ilang araw lang naman iyon at magiging okay din sya.
Mabuti na lang at nandyan si Draco, pasalamat na din sya sa kulokoy na ito.
"Sabihin mo sakin kapag kumikirot ha, painumin daw kita ng gamot sabi ni Doktora. Nag-text sya sakin oh."
Ipinakita ni Draco sa kanya ang cellphone nito at may text nga si Sophie doon. Kadadating lang nila pero mukhang nag-aalala ito agad sa kanya. Hindi maiwasang matuwa ng kalooban nya pero ganoon na lamang ang pagkalukot ng noo nya nang may mapagtanto sya.
Bakit may number si Draco ni Sophie?
Kahit hirap sya ay pinilit nyang magsalita at binalibag ito ng unan.
"Where did you get her number huh?!" masama ang tingin na tanong nya dito.
"Woah! Teka lang, sya ang humingi ng number ko kanina para daw macheck ka nya sakin if sakali na di sya makauwi agad mamaya," sagot ni Draco sa kanya. Naiinis sya pero napawi din iyon dahil sa sagot ni Draco. Sya naman ang dahilan kung bakit kinuha ni Sophie ang number ni Draco kaya okay na din sa kanya.
Tiningnan sya ni Draco nang nakakaloko at ngumisi ito.
"Bro..." tawag nito sa kanya sa mahinang boses at mapanuring tingin. Parang may balak na naman itong mang-alaska sa paraan ng pagtingin nito sa kanya.
"What?" iritang tanong nya.
"Y-you're being possessive huh?"
Nalukot ang noo nya sa sinabi nito.
Possessive? Bakit ba lagi na lang sinasabi ng mga ito ang salitang 'yon sa kanya? Tumaas ang isang kilay nya bago sumagot dito.
"So what?"
"That mean na gusto mo na sya."
Natigilan sya sa sinabi ni Draco. Nababaliw na naman ang isang 'to.
"Tama ako hindi ba?" sabi pa nito nang hindi sya nakasagot agad.
Umiling lang sya.
"Baliw ka lang!" sagot nya at tumingala habang nakasandal sa sofa.
Bakit naman sya magkakagusto kay Sophie? Mag-bestfriend lang sila at itong mga kaibigan nya ay masyado lang malisyoso.
Ayaw nga nyang magka-girlfriend eh. Mas maganda na chill lang muna sa buhay. Tamang tikim lang paminsan-minsan. Tumaas ang isang sulok ng labi nya sa isiping iyon.
"Psh! Masyado ka kasing OA mag-react minsan eh. Hindi ka naman nya boyfriend," sabi pa nito.
"I'm his best friend that's why ganito ako."
"Pero mas daig mo pa ang boyfriend kung maka-react, tapos binabakudan mo pa sya." sabi nito at umismid.
Hindi sya nagsalita dahil doon.
Masyado na ba talaga syang OA? Pero ayaw lang naman nyang masaktan na naman si Sophie kaya iniingatan nya ito.
Magsasalita sana sya pero bigla na itong tumayo sa pagkakaupo.
"Ipagluluto na nga kita ng noodles. Nag-text na naman si Doktora at sabi nya ilang sandali pa daw ay sasakit na yan. Lagyan na daw natin ng laman ang tiyan mo para makainom ka na ng gamot," sabi nito kaya tumalikod na ito sa kanya at naghanda ito ng mainit na tubig para sa noodles. Nagmumog muna sya at tinanggal na ang bulak na nasa gilagid nya dahil hindi naman na iyon masyadong madugo.
Nang makapagluto ng noodles si Draco ay inilapag nito iyon sa harap nya. Akmang susubo na sya gamit ang kutsara nang bigla syang pinigilan ni Draco.
"Hoy! Sabi ni Doktora palamigin daw muna at bawal ang mainit," paalala nito sa kanya. Oo nga pala, nakalimutan nya na agad ang sinabi ni Sophie kanina. Pinalamig nya muna ang noodles saka iyon kinain. Nararamdaman nyang kumikirot na nga ang ipin nya kaya ininom na din nya ang mefenamic na inabot sa kanya ni Draco. Nagpahinga muna sya habang si Draco naman ay ginamit muna ang laptop nyang nakalapag malapit sa TV. Naglibang muna ito doon at sya naman ay ipinikit muna ang mga mata. Iidlip na muna sya.