First Chapter

1876 Words
Pamilya. Paano mo ba masasabing kumpleto at buo ang isang pamilya? Kapag may ama, ina at mga anak na sama-sama sa iisang bahay? Kapag ba sila'y nagmamahalan at nagre-respetuhan?  Paano kapag ang mga magulang mo ay nagsasama na lang para sa mga anak? Paano kung ang tatay mo na dapat ay haligi ng tahanan ay hayagang nambababae? Kung ang ilaw sa inyong tahanan ay isang anak lang ang pinapanigan? At isang ate na hindi kapatid ang turing sa'yo kung hindi utusan at mas nakababatang 'palpak' sa buhay ang tingin sa'yo dahil lang sa isa siyang flight attendant?  Isa pa nga ba kaming pamilya o mga taong nabuklod na lamang ng pagkakapareho ng apelyido?  Dahil mula nang tumuntong ako sa edad na sampu ay hindi ko na naramdaman pa ang salitang 'Pamilya'.  "Tang*** naman, Bianca! Ang aga-aga naman niyang bunganga mo! Lakas makasira ng araw!"  Mahinang buntong-hininga ang pinakawalan ko habang kumakain ako ng almusal sa mesa kasama ang aking Ate na mukhang hindi naman apektado. Ang aking Ate na si Cielo Marie ay dalawang taon lang ang tanda sa akin at isang flight attendant sa isang sikat at affordable na airline. Nakalagay ang tablet nito sa aming hapagkainan at tumatawa sa pinapanuod habang kumakain. Ganiyan naman si Ate, hindi apektado at interesado sa nangyayari sa bahay sa tuwing umuuwi siya. Para bang isang Hotel na inuuwian lang niya ang bahay namin.  Naturingang isang flight attendant ngunit hindi alam ang basic table manner. Ang naiiling kong sabi sa aking isipan bago itinuon ang sarili sa pagkain.  "Ako pa talaga ang simisira ng araw mo ha, Dante? At sino ang bumubuo sa araw mo? Iyong kabit mo ba na tahasan mo pang dinadala at binabalandra sa Mall? Hindi mo man lang binigyan ng kahihiyan ang pamilya natin at dito pa talaga sa lugar natin? Sana man lang ay lumayo ka at sa malayong mall mo dinala iyang kabit mo! My God, Dante! Halos wala akong mukhang iharap sa kapitbahay natin na nakita kayo!" ang sigaw ni Mama na hindi imposibleng naririnig ng mga kapitbahay namin.  "At bakit naman ako mahihiya sa mga kapitbahay nating chismosa na wala namang ambag sa buhay ko? Bayaan mo silang kumati ang mga dila!" ganting sigaw ni Papa na hindi man lang nag-abalang pabulaanan ang bintang ni Mama.  Sabagay, bakit pa nga naman? Gayung maging sa loob ng bahay ay hindi naman siya nahihiyang kausapin ang kabit niya? Hindi man lang niya naisip na naririnig namin ang pakikipaglandian niya sa kabit niyang tunog ipis naman ang boses   "Walanghiya ka talaga! Kung alam ko lang na ganito ang sasapitin ko sa piling mo ay hindi na sana kita pinakasalan pa!" ang litanya ni Mama na pang-isang libong beses ko na sigurong narinig mula noong mag-umpisang mambabae si Papa.  Ilang taon na nga rin ba? Sampung taon ako noong mamulat ako sa katotohanang naging malamig na ang turing nila sa isa't-isa. At ngayong twenty three na ako ay gasinulid na lang ang tsansa na magsasama pa silang dalawa. Ayos lang, matagal ko na ring tinanggap na nagsasama na lang sila dahil sa amin ni Ate. O dahil takot silang mahusgahan kami ng iba?  Naiiling habang nagmumurang naglakad palabas si Papa suot ang uniporme niya. Isang Clerk si Papa sa musipyo, habang si Mama naman ay isang empleyado ng unibersidad na pinanggalingan namin ni Ate.  Katulad ng alam kong mangyayari ay nagsimulang magligpit si Mama. Ngunit ang pagliligpit niya ay may kalakip na pagbubunganga, bagay na sanay naman na ako. Maya-maya ay narinig ko ang paglapag ni Ate ng pinggan sa lababo na hindi siya mag-aabalang urungin. Makikita sa mukha niya na aburido na naman siya.  "Minsan na nga lang ako umuwi rito ay ganiyan pa kayo. Kaurat. Pagod ako sa trabaho tapos gusto ko lang magpahinga ay nagsisigawan pa kayo. Paano na ang pahinga ko? Tapos ayaw niyo naman akong payagang mag-apartment na lang. Hindi ba puwedeng habang narito ako ay magpanggap na lang muna kayong ayos kayo? Wala akong paki kung magsigawan kayo kapag wala ako. Tutal ginusto niyo naman iyan." ang aburido niyang litanya kay Mama.  At si Mama naman ay hindi magawang sumagot sa panganay na anak. Palibhasa ay si Ate ang nagbibigay ng maraming pera sa pamilya.  "Pasensya ka na, anak. Hayaan mo at susubukan ko. Sige at magpahinga ka na." "Tss. Kaurat na buhay 'to."  Hanggang sa makapasok si Ate ay walang sagot na lumabas sa bibig ni Mama. Bibig na fully-loaded kapag si Papa ang kausap pero biglang nawawalan ng baterya kapag ang panganay ang kausap.  Naisubo ko na ang huling sinangag na may corned beef at maayos na inilapag ang kutsara bago uminom. "Kain na, Ma." ang malumanay kong aya kay Mama.  "Mamaya na ako. Basta hugasan mo na lang pinagkainan niyo at ayokong may laman ang lababo, Maia. Baka naman day off ko ay ako pa rin ang pagalawin ninyo? May pasok ka pa, hindi ba? Bilisan mo at baka mahuli ka."  Kung anong kinabait at kinaamo niya kay Ate ay ang kinasungit niya sa akin. At hindi, hindi naman ako ampon. Sadyang may favoritism lang si Mama. Palibhasa ay maipagmamalaki ang trabaho ni Ate sa mga kaibigan niya at ka-opisina habang ako ay isang call center agent 'lang', kagaya ng alam kong iniisip niya at tingin sa akin.  "Opo, Ma."  Si Ate ang bread winner habang ako ag tipikal na bunso na dapat nang gumagawa ng mga gawain ni Ate sa bahay. Ang bunso na hindi palasagot at masunurin. Ang bunso na halos kinikimkim na halos lahat ng sama ng loob sa pamilya sa kaniyang sarili.  Yep, ako iyon. Si Maia Amaris Clemente. At ito ang aking buhay sa araw-araw.  Matapos maghugas ng aming pinagkainan ay inayos ko ang mesa at pinunasa ito bago tinakpan ang ulam. Sunod ay inihanda ko ang isusuot ko sa morning shift kong trabaho sa isang Call Center Company.  Nang silipin ko ang cellphone ko ay napangiti na lang ako nang mabasa ang message ng nobyo kong si Patrick. Si Patrick ay kaedad lang din niya at nagt-trabaho bilang cook sa isang fast food restaurant. Nagkakilala kami sa isang reunion ng high school batch namin at mula noon ay nagkaigihan na kaming dalawa. Malapit na kaming mag-dalawang taon at hinihiling ko na sana ay siya na talaga ang inilaan ng Diyos para sa akin. Matapos ang dalawang palpak na relasyon ay sinabi ko sa sarili kong hindi muna ako muling iibig pero mapagbiro talaga ang tadhana.  Hindi man ako maaaring makipagsabayan sa magaganda at mapuputing babae ay alam ko namang may hitsura ako. Ang balat ko ay morena na namana ko kay Papa, maliit ang mukha na kay Mama ko naman nakuha. Ang ilong na hindi matangos pero hindi rin pango, isa sa trademark ng kamag-anakan ng pamilyang Clemente.  Mahabang pilikmata na sa tuwing kumukurap ako ay sumasayad na sa aking pisngi. Mga labing hindi kulay rosas o pula ngunit hindi rin naman maitim. Sa araw-araw ay lip tint lang ang pinapahid ko kasama ng foundation na mula noon ko pa ginagamit.  Good morning din, mahal. Ang tanging reply ko sa kaniya bago kinuha ang tuwalya para maligo.  Matapos ang ilang minutong paghahanda ay nagpaalam na siya sa kaniyang Ina na tango lang ang isinagot habang nanunuod ng tv. Lumabas na siya ng kanilang gate at naglakad patungo sa sakayan ng jeep. Limang minuto lang ang layo ng bahay namin mula sa kumpanya pero nagiging isang oras ito minsan dahil sa traffic kaya naman inaagahan ko ang paghahanda at pag-alis.  "Good morning, Kuya." ang magiliw kong bati sa guard ng Vertigo kung saan isa akong kasalukuyang empleyado. "Good morning."  Papasok pa lang ay may bumubunggo na sa akin at kagaya ng inaasahan ay ang best friend kong si Maricar ito.  "Hipon." pang-aasar ko sa kaniya sabay bunggo pabalik at sabay kaming nag-tap ng ID bago naglakad palapit sa elevator. "Tustado." balik pang-aasar niya sa akin at sabay naman kaming natawa. Malapit na akong mag-isang taon sa Vertigo mula nang maka-graduate ako. Vocational lang kami ang natapos ko kaya naman naging mahirap para sa akin ang maghanap ng trabaho dahil na rin sa kinatakot-takot na requirements. Marami kasing trabaho ang maliit ang sweldo pero ang qualifications ay p*****n. Hindi ba dapat ay naaayon sa sweldo ang pagiging choosy nila? Karamput na sweldo pero dapat ay four years ang experience at sandamakmak ang skills? Taliwas sa inaakala ng marami na madaling makapasok sa industriyang ito basta may alam sa Ingles ay mali. Dahil bukod sa english speaking and oral skills, kailangan ding may confidence ka at disiplina sa sarili.  "Parang amoy beer ka pa, Maricar, saan ka na naman tumoma kagabi?" tanong ko sa kaniya nang makapasok kami sa elevator.  Agad niyang inamoy-amoy ang sarili. "Ah, hindi. Itong damit ko lang iyon. Hindi ko pa kasi nalalabhan."  Agad ko siyang tinulak at nalukot ang mukha. "Kadiri ka! Magkaroon ka naman ng linis sa katawan! Makinis at maputi ka nga pero wala kang kalinisan sa katawan."  "Wow! Ikaw na! Ikaw na ang malinis from head to toe hanggang sa singit mo, girl! Grabe 'to. Naliligo naman ako araw-araw, ano? Tamad lang talaga akong maglaba." nakanguso niyang sagot sa akin sabay yapos sa braso ko. "Alam mo ba, may kausap ako ngayon sa TanTan. Leeg at abs lang ang kita pero ang serep niya, bes." Impit naman akong napasigok at tawa. "Ikaw talaga kahit kailan. Ang bilis mong maakit sa katawan. Paano kung poser iyan, aber?"  Bumukas na ang elevator at sabay kaming naglakad palabas hanggang sa locker namin. Doon ay nakita ko ang iba pa naming kaibigan na sina Gabriel, Cheska at Mayumi.  "Ba 'yan, bakla. Malayo ka pa lang ay naamoy ko na ang masangsang mong amoy. Naghugas ka ba?" ang pang-aalaskang bungad ni Gabriel. Si Gabriel ang nag-iisang beking kaibigan namin. Wala siyang filter at madalas ay mahalay ang mga salita pero maaasahan mo siya sa mga bagay-bagay.  Nagtakbuhan ang dalawa at napailing na lang ako at binuksan ang locker ko para ilagay doon ang gamit ko.  "Kapag nakita ni OM ang dalawa na iyan, naku." rinig kong sambit ni Cheska habang binubuksan ang locker. Si Cheska naman ay isang introvert, pero prangka siya at sobrang honest. Minsan masakit siyang magsalita pero dahil lang sa ayaw nitong nagsisinungaling. Si Cheska ang kaibigan na hindi ito-tolerate ang katangahan mo.  "Girls, look at me."  Sabay kaming napalingon ni Cheska kay Mayumi habang ang dalawa ay napagod sa kakatakbo at nagsasabunutan naman. Umikot-ikot si Mayumi habang nakataas ang laylayan ng palda.  "Guess what's new." "Ahm, bagong damit?" hula ko matapos ko siyang tignan mula ulo hanggang paa.  "Parang araw-araw ka namang may bagong gamit." sagot ni Mayumi at nilapitan na ang dalawa para paghiwalayin. "Para kayong mga tanga. Pareho lang namang kayong masangsang kaya magtigil kayo." "Nagpa-eyelash extension ako! Megad kayo parang hindi niyo ako friend." Sabay-sabay kaming napa-'Ah' sa kaibigan naming GGSS. Actually, maganda naman talaga at sexy si Mayumi, kung hindi lang niya kami pinamumukhaan nito araw-araw.  Ngunit ang harutan at ingay namin ay naging tahimik at naging seryoso nang buksan na namin ang pinto papasok sa work station. Naghiwa-hiwalay na kami papunta sa aming mga upuan at kumindat sa isa't-isa.  "Thank you for calling, this is Maia Amaris from Vertigo, how may I help you?" At ito ang araw-araw na buhay ko. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD