SA LOOB NG ISANG LINGGO ay wala akong ibang ginawa kundi kumain, magpahinga at matulog. Hindi ako pinayagang pumasok ng mga magulang ko dahil nga sa nangyari noong isang linggo. Sabi pa ni Mama ay patuloy daw na hinahanap ng school kasama na ang Dean kung sino ang may gawa no'n. Halos araw araw din ako kung bisitahin ng mga kaibigan ko.
Si Kyler?
Wala akong balita sa kaniya. Ang huli naming pagkikita ay noong gabi pa sa hospital.
Inaamin kong napanatag ang loob ko dahil sa mga sinabi niya noong gabing 'yun. Alam ko sa sarili kong mayroon pang maliit na maliit na maliit na pagdududa pero pilit ko 'yong winawaksi sa isipan ko.
Pero hindi talaga maalis sa 'kin ang inis. Simula kasi noong gabing 'yun ay wala na akong balita sa kaniya! Hindi naman siya pumupunta dito sa bahay! At nakakainis lang dahil maski sila Camille at Leean ay hindi man lang nagbabanggit sa 'kin. Parang iniiwas nila doon ang topic!
Nag-o-online naman ako pero hindi siya online!
Ano ba kasing ginagawa ng lalaking 'yon?!
Parang gusto ko nalang tuloy na tumakas at pumasok sa klase ngayon! Next week na ang Sports Fest at hindi na ako nakakasali sa practice ng banda!
Nakakainis na!
Nakahalik lang hindi na nagparamdam ampucha! Parang magnanakaw lang ang datingan!
Sa tuwing sumasagi sa isip ko ang ginawa niyang paghalik sa 'kin ay para akong ewan at napapangiti nalang bigla. Siya ang first kiss ko at ang swerte niya sa part na 'yun!
Bumukas ang pinto ng kwarto ko kaya nabalik ako sa huwisyo. Pumasok sina Camille at Leean.
"Ang aga niyo ah?" puna ko. Masyado pa kasing maaga, mga 8 palang siguro.
"Wala kaming magawa eh! Kaya dito nalang kami para ma-bwisit ka!"
"Walang magawa o tinatamad?" natatawang tanong ko.
"Parang gano'n na nga."
Mahina naman akong natawa.
"Anong ganap?" tanong ko. Umayos ako ng upo paharap sa kanila.
"Ewan. 'Di ako nakapanood sa PBO—aray!" binato ko ng unan si Leean dahil sa sagot niya.
"Seryoso ako, bruha ka!"
"Ayy, mas bruha ka! Wala kang ligo! Ang gulo pa ng buhok mo! Malamang pati hininga mo mabaho din!"
"Kahit pa tumira ka dito!"
"Ew! 'Di ko ma-imagine!"
Napatingin ako kay Camille nang mapansin ko ang pananahimik niya. Mahina ko naman siyang siniko.
"Hoy!"
"H-ha?"
"Anyare sa 'yo? Tulala ka d'yan? May nangyari ba?" nag-aalala kong tanong.
Agad naman siyang umiling at nagpilit ng ngiti. "W-wala ah!"
"Seeesh! 'Wag ka Salve! Toxic na kaibigan 'yan! Hindi 'yan nagsasabi eh!" singit ni Leean.
"Eh ano namang sasabihin ko? M-maka toxic 'to.." bulong pa niya.
"Sus! 'Wag ako ulul! Alam kong may something sa inyo ni Dimin pero may feelings ka pa rin kay Nazee! Jusko! 'Di marunong mag-move on ang bruha!"
"Dimin? Sinong Dimin?" taka kong tanong kay Leean.
"'Di mo kilala si Dimin?" tanong niya at umiling naman ako. "Siya 'yung SSC President! Ayan, tutulog tulog kasi!" pinandilatan ko naman siya ng mata na ikina-irap niya lang.
Malay ko ba naman kasing Dimin pala ang pangalan no'n?
Nanunukso ko namang tiningnan si Camille na ngayon ay salubong lang ang kilay na nakatingin sa sahig.
"Ikaw ah? Wala na akong update sa status ng love life mo ah? Kumusta naman ang nerd na may nagkakapalang mga salamin? Ano? Nakaulit ba?" pang-aasar ko na ikinatalim ng mga mata niya.
"Tumahimik ka."
"Suuuus! Kinikilig 'to eh!" natatawang ani ko.
Tumigil lang ang tawa ko nang mapansin kong seryoso talaga ang mukha niya at mukhang may malalim na iniisip.
"'Wag mong sabihing..." pambibitin ko habang nanglalaki ang mga matang nakatingin sa kaniya.
"...may feelings ka pa rin sa hilaw mong ex?" Si Leean ang nagpatuloy.
Nag-iwas lang ng tingin si Camille at parang sa ginawa niyang 'yun ay parang nasagot niya na rin ang tanong namin.
Hindi ako makapaniwalang tumitig sa kaniya.
"So mero'n pa nga, Camille?" tanong ko pero hindi siya kumibo.
"My God! Ilang taon na ba? Dalawa? Tatlo? Ang tagal na simula nang iwan ka niya pero hindi pa rin nagbabago ang nararamdaman mo?" hindi makapaniwala kong tanong.
"Mahirap kalimutan ang nararamdaman, Salve." seryoso niyang sagot at mas lalo lang akong hindi makapaniwala.
"Camille naman! H-hindi sa pinangungunahan kita ah? Pero kasi...alam mo naman siguro kung anong pinagdaanan mo pagkatapos no'n 'di ba?"
"Kaibigan mo kami Camille at hindi mo kami masisisi. Natural lang na ganito ang maging reaksyon namin." seryosong sabat ni Leean.
"H-hindi ko alam. Magulo ang isip ko ngayon. Pati ang... nararamdaman ko."
Hindi ko alam kung ano ba ang dapat ko na maramdaman. Pero alam kong nangingibabaw sa 'kin ngayon ang inis.
May tiwala ako sa kaibigan ko pero alam kong kahit gaano pa katalino ang tao...basta sa usapang pag-ibig...hindi mo maiiwasang hindi maging tanga.
Hays.
Wala naman na kaming naging masyadong usapan noong umagang iyon dahil lamang ang pananahimik ni Camille. Parang ang kaluluwa niya ay sumapi kay Leean dahil panay ang ingay nito at salita, which is unusual. Sa kanilang dalawa, si Camille ang palasalita at mapang-asar. Samantalang, palagi namang tahimik si Leean at seryoso sa lahat ng bagay.
Nang sumapit ang gabi ay hindi agad ako dinalaw ng antok. Napuno ang isip ko ng mga katanungang wala namang kasagutan. At mga isiping hindi ko alam kung bakit ko iniisip.
Kagaya nalang ng kung anong ginagawa ni Kyler. Bakit hindi siya pumupunta dito samantalang alam naman niya kung nasaan ako? Hindi din siya nag-o-online sa mga social media accounts niya!
Para akong mababaliw na sa kakaisip kung kumusta na siya! Hindi siya nagpaparamdam! Buti pa ang multo, marunong magparamdam eh, siya hindi!
Inis akong nagtalukbong ng kumot ko at pinikit ang mga mata ko. Pero kahit anong pikit ko ay kusang lumilitaw ang gwapo niyang mukha at ang nakataas niyang kilay habang nakatingin sa 'kin.
Naalala ko rin ang pagtawa niya.
Ang mukha niya kapag naiinis siya.
Kapag galit.
Naasar.
At ang mukha niya noong...tumulo ang isang butil ng luha sa isa niyang mata.
Hays, mukhang malakas na 'ata ang tama ko sa 'yo! Tsk, tsk, tsk! Masama na 'to!
Bumangon ako at pinakiramdaman ang sarili ko. Wala naman nang masakit sa 'kin bukod sa loob loob kong lumuluha dahil gusto ko siyang makita.
Ang korni, Salve!
Gusto ko talaga siyang makita!
Pero paano?
Tumingin ako sa pinto ng kwarto ko. Minsan ko nang ginawa 'to at hindi ako magdadalawang isip na ulit ulitin 'yun kung 'yon lang ang tanging paraan para makita ko siya.
Syete, malakas na talaga ang tama ko sa lalaking 'yon!
Pumunta ako sa banyo at naghilamos. Tinignan ko ang kabuuan ko sa salamin. Medyo maputla pa ako pero hindi na kagaya noong mga nakaraang araw. Wala na rin ang benda sa ulo ko pero may gasa pa sa sintido ko.
Bumalik ako sa kwarto at tinignan ang oras.
11:47 pm
Napabuntong hininga muna ako bago maglakad palabas ng kwarto ko. Dahan dahan lang ang ginawa kong paghakbang. Sinigurado ko munang wala nang tao sa sala upang walang makakita sa 'kin. Mahirap na at baka mayari pa ako.
Nang makalabas ako ng kabahayan ay doon na ako nagpakawala ng hininga.
Tumingala pa ako sa kalangitan para tanawin ang mga bituin.
Ngayon lang ulit ako nakalanghap ng sariwang hangin makalipas ang isang linggo. Ngayon lang din ako nakalabas! Daig ko pa ang preso!
Nang makalabas ako ng gate ay nagsimula na akong maglakad. Naka-pajama lang ako at T-shirt na black.
Wala nang tao sa mga street na dinadaanan ko at wala ring kaingay ingay. Ang payapa ng gabi.
Ang totoo ay gusto ko talagang pumunta sa mini mart at tumambay muna do'n. Medyo matagal na rin kasi akong hindi nakakakain ng ice cream.
Pagdating ko do'n ay hindi si Gab ang naabutan kong bantay, kundi ang pinsan niyang si Randy. Sa pagkakaalala ko ay matanda ito sa amin ng mga ilang taon kung hindi ako nagkakamali base sa kwento ni Gab noon.
"May ube ice cream kayo?"
Seryoso lang itong tumingin sa 'kin. "Hindi ko alam. Bakit 'di mo tingnan?"
Medyo nagulat pa ako sa inasta niya pero agad din namang naka-recover. Nagpilit nalang ako ng ngiti bago tumango sa kaniya.
Agad akong nagpunta sa fridge nila at naningin doon. Pero ilang minuto na ang lumipas ay wala akong may nakitang ube cream line.
"A-ah—kuya! Wala na po ba kayong stock? Wala na dito eh." pasigaw kong sabi, ang mata ay naghahanap pa rin.
"Edi wala kung wala! 'Wag pilitin kung wala talaga!"
Masungit amp!
Inis akong lumabas ng store na 'yun.
Nakakainis! Matagal na nga akong 'di nakakain ng ice cream, tapos naubusan pa ako! Nasa'n naman ang hustisya do'n?!
Inis akong napabuntong hininga at pumunta sa kabilang side kung saan naro'n ang mga tables, mga puno at Christmas lights.
Pabagsak akong umupo do'n at tumingala nalang upang pagmasdan ang mga nagkikinangang mga bituin sa kalangitan.
Bigla na namang lumitaw ang tumatawang mukha ni Kyler dahilan upang mapangiti ako nang wala sa sarili.
Bakit ba ang gwapo niya pa rin kahit sa imagination lang?
Pero kalauna'y napalis ang mga ngiti kong iyon nang dahan dahan 'yung mawala sa paningin ko at naglahong parang bula.
Nakaramdam na naman ako ng lungkot na hindi ko alam kung saan ko nakuha. Basta ang gusto ko lang ngayon ay makita siya! 'Yun lang talaga!
Wala sa sariling naglakad ako pabalik sa bahay namin. Lumilinga linga pa ako sa paligid dahil baka magkatotoo ang nasa isip ko.
Nang isang liko nalang bago ang bahay namin ay naging dahan dahan ang mga hakbang ko. Sa isip at imahinasyon ko ay umaasa akong pagkatapos kong likuin ang kantong 'yon ay makikita ko siyang nakasandal sa pader at naghihintay sa 'kin gaya ng unang beses niyang ginawa.
Hanggang sa matanaw ko na ang likuan.
At tuluyan ko na itong nakita.
Pero walang Kyler na nakasandal at naghihintay sa 'kin.
Napabuntong hininga nalang ako at natawa sa isip ko.
Baka nga busy siya Salve...
Itinuloy ko nalang ang paglalakad ko habang yakap ang sarili dahil sa hanging biglang umihip. Bahagya pa akong lumilinga dahil baka—hays.
Busy nga siya Salve! Kulet..
Hanggang sa marating ko ang harap ng gate namin. Napabuntong hininga pa ako at akma na sanang bubuksan ang pinto nang may malanghap akong kakaiba. Parang may naaamoy kasi akong pamilyar na pabango eh.
"Ganiyan ka ba talaga kakulit?"
Parang tumigil ang paghinga ko.
Parang nanghina ang mga tuhod ko.
Kilala ko ang boses na 'yun!
Dahan dahan ang ginawa kong paglingon sa pinanggalingan ng tinig na 'yun. At nang tuluyan na akong makalingon ay para akong napaso nang masalo ko ang kulay tsokolate niyang mga mata.
Kyler...
"Tinatanong kita.."
'Ang tagal kong hindi narinig ang boses mo...nakakamiss din pala..'
Tinitigan ko ang kabuuan ng mukha niya.
"Salve, I'm asking—"
"Ganiyan ka ba talaga ka-manhid?" biglang tanong ko na ikinatigil niya.
"P-pardon?"
Bigla akong nainis na hindi ko maintindihan. Parang sa nakalipas na buong isang linggo ay ngayon lang ulit bumalik ang huwisyo ko! Parang ngayon lang ako nagkabubay na ewan!
"Tinatanong kita kung...g-ganiyan ka ba talaga ka-manhid?"
Nagsalubong ang makapal na kilay niya. "What do you mean?"
Nag-iwas ako ng tingin. Natatauhan sa mga pinagsasasabi ko.
'Engot! Bakit ko naman siya tatanungin na manhid? Ano ba namang alam niya sa nararamdaman ko 'di ba? Stupid.'
"W-wala haha! Lutang lang." nagpilit ako ng tawa. "So...ano nga pala 'yung t-tanong mo?"
'At bakit ngayon ka lang nagpakita??'
Napabuntong hininga muna siya. "I'm asking kung ganiyan ka ba talaga kakulit? Alam mo namang 'di ka pa totally magaling, lumalabas kana! And worst, hating gabi pa."
'Alam mo naman palang 'di pa ako totally magaling 'di mo man lang ako binisita?!'
Pinilit kong pasiglahin ang ngiti ko para matakpan ang pait na nagtatago doon.
"Okay na ako 'no! Haha don't worry!"
Hindi siya sumagot at tumitig lang sa 'kin kaya nag-iwas ako ng tingin.
Ang totoo niyan ay gusto ko siyang yakapin at the same time, sumbatan! Pero ano namang malay niya sa mga nangyayari sa 'kin 'di ba? Ang alam lang naman niya'y natamaan ako ng kung ano sa ulo at dalawang araw na tulog! Bukod do'n ay wala na! Hindi niya naman alam kung ga'no ako 'di pinapatulog ng mga salita niya sa isipan ko!
Nang hindi siya magsalita ay tumingin ako sa kaniya. Hindi na siya nakatingin sa 'kin ngayon.
"Uh—wala ka na bang sasabihin? Una na 'ko—"
Nagulat ako nang walang lingunan niyang hinawakan ang kamay ko. Nakatingin pa rin siya sa gilid ko at hawak niya ang kamay ko!
Ito ang pangatlong beses na hinawakan niya ang kamay ko pero parang nakakapanibago pa rin. Marahil ay sa tagal ko siyang 'di nakita.
"Stay, Salve. Just stay."
Hindi ako kumibo at nanatiling nakatingin sa kaniya. Pinakatitigan ko kung pa'no gumalaw ang bato niya sa lalamunan, na sanhi ng paglunok niya. Saka siya dahan dahang lumingon sa 'kin.
Ewan ko pero para akong nanghina nang makita ang lungkot ng mga mata niya. Parang nakakahawa. Pakiramdam ko, nawala ang plastik na ngiti at sigla na binalot ko sa aking sistema kanina.
Ngumiti siya pero malungkot ang mga mata niya. "Magaling kana ba talaga?" malumanay niyang tanong.
Parang wala sa sariling napatango naman ako.
"Let's go on a date then."
"H-ha?"
Feeling ko nabingi ako dahil sa nagkakarerang pintig ng puso ko.
Mahina siyang natawa at ang sarap niyong pakinggan. "Mag-date tayo."
"S-sigurado ka?"
"Mukha ba akong hindi sigurado?"
Umiling naman ako. "Medyo lang."
Ngumiti siya kaya lalo akong napatitig sa kaniya. Naramdaman ko nalang na hawak niya na ang isa ko pang kamay at dalawa na ngayon ang hawak niya!
"Susunduin kita bukas. 'Wag kang babagal bagal kung kumilos. Madali akong mabagot."
Pabiro akong umirap. "Robot ako kung kumilos kaya manigas ka!"
Mahina siyang natawa. "No, pagong ka. Mas mabagal ang pagong sa robot."
"Pero mas cute ang robot sa pagong." wika ko. Akmang magsasalita siya pero pinandilatan ko siya ng mata. "'Wag kang aangal!"
Muli siyang natawa. "So, see you tomorrow?"
"Pumayag ba ako?" taas kilay kong tanong.
'Aba, anong akala niya? Matapos niyang hindi magparamdam ng isang buong linggo eh gano'n gano'n nalang 'yun?! Isang aya lang ay agad akong o-oo?! Hindi naman ako kasing rupok ng tabla aba!"
" Ayaw mo ba?"
Hindi agad ako makasagot sa halip ay nag-iwas nalang ng tingin.
"I'm asking you. Ayaw mo ba?" muling tanong niya.
Naiilang na tumingin ako ng diretso sa mga mata niya. Siya naman ay nagtaas lang ng isang kilay at halatang naghihintay sa sagot ko.
Mapipigilan ko ba ang karupukan ko??!!
Letse!
"Salve—"
"Peste—oo na! Ayaw ko sanang magpakarupok pero ano bang magagawa ko 'di ba? Kaya hala! Sige! D-date tayo bukas..."
"Ang rupok ko, pakshet!" mahinang bulong ko pa.
"Hindi karupukan ang tawag do'n, Salve."
Napatitig ako sa kaniya dahil sa bigla niyang pagsalita. Napalunok pa ako nang madiin nang biglang sumeryoso ang mukha niya habang nakatingin sa 'kin.
"Sadyang hindi ka lang makatiis dahil..."
Bigla akong kinabahan sa pangbibitin niya.
"...may gusto kana sa 'kin?"
Ay syeeeeet!