Kasandra Nangingiti akong papasok sa loob ng bahay. Hindi ko maipaliwanag ang sayang nararamdaman ko ngayon. Kung may makakakita nga lang sa akin ngayon ay pagkakamalan talaga nila akong nababaliw na. Mag isa ba naman akong ngumingiti habang naglalakad. Nang tuluyan na akong makapasok sa loob ng bahay ay naglakad lang ako hanggang sa marating ko ang hagdan. Pero hindi pa ako nakakahakbang sa ikalawang hagdan ng may nagsalita sa malapit. "Hmmm... Ano kaya ang nangyaring maganda sa kakilala namin at parang baliw na nangingiti mag isa. Ni hindi ata kami napansin. Ano sa tingin mo, Ate Katherina?" natawa ako sa sinabi ni Ate Isabela at humarap sa gawi ng mga ito. Nagtatanong ang mga mata nilang nakatingin sa akin na sinagot ko lamang ng matamis na ngiti. "Aba! At napipi na rin ang loka."

