NASA fire escape ng university library si Joy. Walang nagtutungo roon na ibang estudyante kaya gustung-gusto niya roon. Nakaupo siya sa isang baitang ng hagdan.
Napangiti siya nang pagbukas niya ng bag ay makita niya ang dalawang balot ng biskuwit. Hindi siya ang naglagay niyon doon kundi ang tatay niya. Alam niya kahit na hindi nito sabihin. Malamang na nag-aalala na naman ito na baka hindi niya lamnan ng pagkain ang sikmura ngayong araw. Hindi niya alam kung paano nito nalalaman na madalas ay hindi siya nanananghalian.
Napapangiting kinain niya ang biskuwit. Hindi niya kailangang magtiis ng gutom ngayong araw. Hindi niya gustong gawin iyon ngunit madalas ay nanghihinayang siya sa ipambibili ng tanghalian sa cafeteria ng university. Mas mahal kaysa sa karaniwan ang mga paninda roon. Wala ring malapit na karinderya roon na mura ang tindang ulam.
Ang madalas niyang ginagawa ay kumakain siya nang marami sa agahan. Ang ipambibili niya ng tanghalian ay maaari na niyang pamasahe sa susunod na araw.
Ang totoo, nais na niyang tigilan ang gawaing iyon. Maaari siyang magkasakit sa ginagawa, ngunit hindi niya magawang tumigil. Palagi niyang naiisip ang kakulangan nila sa pera. Tatlo na silang magkakapatid na nasa kolehiyo. Sa susunod na taon ay apat na sila. Hindi biro ang gastos ng mga magulang nila. Mahaba-haba pa ang bubunuin niya upang makatapos ng pag-aaral.
Pinipilit niyang huwag isipin ang mga sulirinan ng kanilang pamilya. Nais niyang i-enjoy ang biskuwit. Makakaraos din sila. Kahit na gaano pa kahirap ang buhay ay nakakaraos naman sila. Kahit na gaano karaming problema ang dumarating, nalalagpasan nila iyon. Naniniwala siyang hindi sila pinababayaan ng Panginoon. Munting himala na nga na napag-aaral silang magkakapatid ng mga magulang kahit mahirap ang buhay nila.
Kahit hirap na hirap na ang mga magulang nila, ayaw ng mga ito na may tumigil sa kanila sa pag-aaral. Ang nais ng mga ito ay makatapos sila upang magkaroon ng magandang buhay balang-araw. Ayaw raw ng mga ito na matulad sila sa mga ito na hindi nakatapos. Hindi raw magiging hadlang ang kahirapan para makatapos sila.
Kaya naman ginagawa rin ni Joy ang lahat upang maging mahusay na estudyante. Sinisikap niyang manguna sa klase upang mabigyan ng kaunting kaligayahan ang mga magulang. Kahit doon man lang ay mabawasan ang paghihirap ng mga ito.
Napapitlag siya nang biglang bumukas ang pinto. Lumingon siya at nakita ang isang lalaki na natigilan nang makita siya. Tiningnan lang din niya ito. Kilala niya ito. Nasa graduate school ito. Hindi niya alam kung ano ang ginagawa nito roon samantalang ang alam niya ay may sariling library ang graduate school.
“Leave,” utos ng lalaki.
Tinaasan niya ito ng isang kilay. Technically, maaari siya nitong utusan nang ganoon dahil alam niya na ang pamilya nito ang may-ari ng unibersidad, ngunit ayaw siyang payagan ng pride niya na basta na lang sumunod. Por que ba mayaman ito ay maaari na siya nitong utus-utusan? Estudyante siya roon at hindi tauhan.
“Nauna ako rito,” sabi niya. “Ikaw ang umalis.”
Gumuhit ang pagkamangha sa mukha nito. Ang akala siguro nito ay basta na lang siya aalis sa lugar na iyon dahil lang sinabi nito.
Pinagtaasan siya nito ng isang kilay. “Hindi ka talaga aalis?”
Umiling si Joy. Inalis niya ang tingin dito at ibinalik ang atensiyon sa kinakain.
“I’ll share this place with you then,” kaswal na sabi ng lalaki. Umakyat ito sa hagdan at tumigil sa ikatlong baitang. Sumandal ito sa pader at iniunat ang mahahabang binti. “Be quiet,” anito bago tumahimik.
Tiningala ito ni Joy. Nakapikit na ito. Napailing siya. Kung gusto nitong matulog, mas komportable sa loob ng library dahil may aircon doon. Ano kaya ang trip ng anak-mayaman na ito?
Hinayaan na lang niya ito sa gusto sa buhay. Kinuha niya ang libro sa bag at nagbasa para sa susunod na subject niya habang kumakain. Hindi niya maiwasang tingalain ang kasama paminsan-minsan.
Alam niya ang pangalan nito dahil sikat ito sa buong unibersidad. He was Joshua Agustin, tagapagmana ng isang napakayamang pamilya sa Pilipinas. Ang pamilya nito ang kasalukuyang pinakamayaman sa buong bansa.
Nang malapit na ang oras ng susunod na klase niya ay inayos na niya ang mga gamit. Hindi na siya nagpaalam sa lalaki at basta na lang umalis. Hindi rin naman siya nito maaalala. Hindi siya nito papansinin kapag nakasalubong niya sa daan.
Pumasok na siya sa classroom niya.
“Joy, may banana chips ka pa?” tanong ng isang lalaking kaklase niya.
Nginitian niya ito nang matamis. “Ilan?”
“Ilan pa ba ang natitira sa mga tinda mo ngayon?”
“Bakit, bibilhin mo lahat?”
“Oo,” walang gatol na sagot ng kaklase.
Lalong lumapad ang ngiti niya. “Sinabi mo `yan, ah. Wala nang bawian.”
Alam ni Joy na may gusto sa kanya ang kaklase niyang ito ngunit matagal na niyang nilinaw na wala siyang panahong makipag-boyfriend. Ni tumingin sa isang lalaki sa romantikong paraan ay hindi niya magawa. Marami pa siyang pangarap para sa pamilya at wala dapat na maging hadlang doon.
NATIGILAN si Joy nang makitang may naunang tao sa kanya sa fire escape isang Sabadong nagtungo siya roon—si Joshua Agustin. Nakaupo ito sa isang baitang, nakasandal sa pader, at nakapikit.
Dumilat ang lalaki at tumingin sa gawi niya. “Nauna ako,” anito.
Nagkibit-balikat siya bago tumalikod. Lalakad na sana siya palabas nang pigilan nito.
“Wait,” anito.
Nilingon niya ito. “Ano?”
“You can stay as long as you keep quiet.”
Walang salitang pumihit si Joy, bumaba ng tatlong baitang bago umupo. Tahimik na kinuha niya ang isang plastic canister na naglalaman ng banana chips. Inilabas na rin niya sa bag ang textbook niya at kumain habang nagbabasa. Sinikap niyang huwag intindihin ang lalaking kasama.
“Do you know me?”
Napapitlag siya nang bigla itong magsalita. Tiningala niya ito. Nilunok muna niya ang nginunguya bago siya sumagot. “Oo. Ikaw si Joshua Agustin.”
“Paano mo nalaman?”
“Paano ko hindi malalaman?”
Ngumiti ito.
Hindi maipaliwanag ni Joy kung bakit biglang bumilis ang t***k ng puso niya dahil sa simpleng ngiting iyon. Ayaw man niyang aminin ngunit tila bigla itong naging guwapo sa kanyang paningin.
“I don’t know your name. It’s not fair, don’t you think so?” anito habang patuloy siyang nginingitian.
Pinilit niyang rendahan ang puso na biglang naging eratiko ang t***k. Hindi siya dapat na magkaganoon dahil lang guwapo ang kaharap niya. “Ligaya,” aniya. Ayaw niyang sabihin dito ang totoong pangalan. Si Vann Allen ang laging tumatawag niyon sa kanya tuwing naglalambing o nang-aasar ito.
“Ligaya?”
“Oo, Ligaya. May masama ba sa pangalang ibinigay sa akin ng mga magulang ko? Ikaw, bakit ‘Joshua’ ang pangalan mo?”
Nagkibit-balikat ito. “What are you eating?”
“Banana chips. Gusto mo? Bumili ka.”
Humagalpak ito ng tawa. Lalo itong naging simpatiko sa paningin niya.
“Saan ako bibili?” tanong nito sa pagitan ng pagtawa. “Ang layo ng cafeteria.”
“Sino ang may sabi sa `yo na kailangan mo pang pumunta sa cafeteria? May ibinebenta ako. Bili ka,” aniya at nginitian ito.
Saglit na natulala si Joshua sa kanya.
Nawala ang ngiti sa mga labi ni Joy. Nagbaba siya ng tingin.
“`Asan na `yong ibinebenta mo?” tanong nito pagkatapos ng saglit na katahimikan. “How much? Bring them here.”
Kahit na medyo naiilang ay hindi niya pinalampas ang pagkakataong makabenta. Medyo pangit ang benta niya ngayong araw. Nagsasawa na yata ang mga kaklase niya sa banana chips niya.
Kinuha niya ang plastic bag kung saan naroon ang mga benta niya at inakyat ito. Pinagmasdan muna nito ang kabuuan niya bago ang mga banana chips.
“Magkano ang lahat ng `yan?”
“Bibilhin mo lahat?”
“Only if you smile again.”
Sa halip na ngumiti ay nagsalubong ang mga kilay niya. “Ano?”
“Smile and I will buy all these at triple the price.” Hinugot nito ang wallet at naglabas ng one thousand-peso bill.
Ngumiti si Joy nang pagkatamis-tamis. Pagkatapos ng ilang segundo ay kaagad na binura niya iyon. Inilagay niya sa kandungan nito ang supot ng banana chips at kinuha ang one thousand-peso bill.
Natawa ito. “I can’t believe this.”
“Bakit? Ano ba ang inaasahan mong sasabihin ko? Sasabihin kong ayoko at mag-iinarte ako? Tanga ba ako para palagpasin ang pagkakataong ito? Ikaw naman ang may gustong ngumiti ako para bilhin mo ang mga banana chips ko.” Kinuha niya ang wallet sa bag at humugot ng seven hundred pesos mula roon bago inilagay ang one thousand-peso bill. Mabuti na lang at may panukli pa siya. Ibinigay niya rito ang seven hundred pesos. “Sukli mo.”
“Huh?” Hindi ito kumilos upang kunin ang iniaabot niya. Inilagay niya ang pera sa supot kasama ng mga banana chips.
“Triple price lang ang sinabi mo kaya may sukli ka pa.” Muli siyang ngumiti. “Maraming salamat. Sa uulitin.”
Umiling ito habang tumatawa. “I really can’t believe this.”
Tinalikuran na niya ang lalaki at bumaba. Bumalik siya sa dating puwesto. Tila walang kasama na ipinagpatuloy niya ang pagbabasa at pagkain. Natutuwa siya dahil naibenta na niya ang lahat ng banana chips. Maraming salamat sa weird na lalaking ito.
NAPAPANGITI si Joshua habang nagmamaneho. Sinusulyap-sulyapan niya ang isang supot na nasa passenger’s seat. Iyon ang binili niyang banana chips kay Ligaya. Hindi siya makapaniwalang bumili siya niyon. Hindi niya alam kung magkano ang presyo ng banana chips sa merkado, ngunit alam niyang sobra-sobra ang ibinigay niyang pera.
It amused him when she accepted the money without a trace of hesitation. What amused him more was when she gave him change. Sa ibang pagkakataon at kung ibang babae ito, iisipin niyang mapagsamantala ito. But he was really amused. She was so cute. She was very lovely when she smiled. Kahit yata maging sampung ulit ang presyo ng banana chips nito ay papatulan niya basta ngitian lamang siya nito ng ganoon.
She totally caught his attention. Ang totoo, noong nagdaang Sabado pa nito nakuha ang atensiyon niya. Kaya nga siya nagtungo sa eskuwelahan ngayon kahit na wala naman siyang klase ay dahil nais uli niya itong makita. Muntik na nga siyang mainip sa paghihintay rito. Ang akala niya ay hindi na ito pupunta sa fire escape. Mabuti na lang at dumating ito bago pa man siya makaalis.
She was really lovely. Buong linggong laman ng isip niya ang magandang mukha nito. Kahit pagod na siya sa pagtatrabaho ay hindi pa rin ito mawala sa isip niya. May mga pagkakataong nais na niyang magtungo sa unibersidad upang makita lamang ito. Ni hindi niya alam kung ano ang pangalan nito. Pinigilan niya ang sarili sa loob ng isang linggo. Pero pagsapit ng Sabado ay hindi na niya kinaya. Kailangan na talaga niya itong makita at malaman ang pangalan nito.
Kahit na sandali lamang niya itong makita at makasama ngayon, okay lang. It was worth it. The smile was all worth it.
Pagdating sa bahay ay dumiretso agad siya sa silid niya. Dapat ay nagpapahinga siya dahil sobrang pagod siya nitong mga nakaraang araw sa trabaho. Habang nakahiga sa kama ay tinitigan niya ang kisame. Napangiti siya nang tila nakikita niya roon ang nakangiting mukha ni Ligaya.
Wala sa loob na inabot ni Joshua ang supot na naglalaman ng mga banana chips. Naka-pack ang mga iyon sa maliliit na supot. Binuksan niya ang isa at tinikman iyon. Napangiti siya habang ngumunguya. It was sweet like her smile. Hindi niya namalayan, naubos na niya ang lahat ng banana chips.
He wanted more. He wanted to see her again.
Dinampot niya ang telepono. Natapik niya ang noo nang mapagtantong hindi niya alam ang numero ni Ligaya. Kailan kaya uli niya ito makikita?