NANGHIHINANG umupo si Joy sa isa sa mga baitang ng hagdan sa fire escape isang tanghali. Nangalumbaba siya at pinilit ang sariling huwag masyadong malungkot. Ayaw niyang umiyak. Lunes na Lunes kaya hindi dapat siya malumbay kung ayaw niyang malumbay siya buong linggo. Umpisa pa lang ng linggo kaya dapat ay puno siya ng enerhiya. Hindi siya dapat ganoon.
Ngunit habang pinipigil niya ang sarili ay lalong sumasama ang pakiramdam niya. Lalong nag-iinit ang sulok ng kanyang mga mata. Kahit na ano ang pigil niyang huwag malaglag ang mga luha ay hindi niya napagtagumpayan.
Ipinatong niya ang noo sa mga tuhod at hinayaan na lamang ang sariling umiyak. Baka kailangan niyang pakawalan ang mga emosyon upang kahit paano ay gumaan ang pakiramdam. Baka sakaling mabawasan ang bigat ng dinadala niya. Alam niyang walang mareresolba ang luha, ngunit iyon lamang ang magagawa niya sa ngayon.
Awang-awa na siya sa kalagayan ng pamilya. Kung siya lang, ayos lang na magtiis siya sa hirap. Hindi niya alam kung bakit pahirap nang pahirap ang buhay nila. Naaawa na siya sa mga magulang na halos wala nang pahinga para lamang kumita ng pera. Ang tatay niya ay maagang-maaga kung umalis upang mamasada at ginagabi na sa pag-uwi dahil nanghihinayang sa kikitain. Ang nanay niya ay mas dinagdagan ang mga tanggap na labahin para mas malaki ang kitain. Naging full-time labandera ito samantalang dati ay sideline lang nito iyon. Malapit kasi ang bahay nila sa mga boardinghouse at naisip nito noon na tumanggap ng labahin galing sa mga estudyante upang kumita. Dating full-time housewife ito.
Noong wala pa sa kanilang nag-aaral sa kolehiyo ay sobra-sobra ang kinikita ng ama para sa kanila. Nagbago ang lahat nang magsabay-sabay na sila sa kolehiyo. Kung saan-saan nagkakautang ang mga magulang. Madalas ay mas malaki pa ang tubo ng mga nagpapautang kaysa sa halagang inutang nila. Kanina, bago siya pumasok ay may dumating na maniningil sa kanilang bahay. Labis-labis ang pakiusap ng ina na bigyan pa sila ng karagdagang palugit.
Naiiyak si Joy habang nakikita ang ina na nakikiusap. Kulang na lang ay halikan nito ang mga paa ng matabang ginang na tadtad ng ginto sa katawan. Bago pa siya maiyak sa harap ng ina ay nagpaalam na siya na papasok. Baka lalong sumama ang loob nito kapag nakitang pati siya ay apektado. Hanggang kaya ng mga magulang ay pinoprotektahan sila ng mga ito.
Sinikap niyang huwag isipin ang lahat. Hindi naman na iyon bago sa kanya. Sinikap niyang mag-concentrate sa mga leksiyon niya. Pero kahit na anong pilit ay hindi niya magawang bale-walain iyon. Nasasaktan siya nang husto. Kung may pinaka-naaapektuhan sa kanilang magkakapatid tungkol sa kahirapan ng kanilang buhay, siya iyon dahil siya ang panganay. Hanggang maaari, nais niyang makatulong. Kung hindi lamang siya pinagalitan ng ama ay baka working student na siya ngayon. Ang nais kasi nito ay wala silang ibang isipin kundi ang pag-aaral. Ayaw nitong magtrabaho sila para makapag-aral. Ano raw ang silbi nito sa mundo kung magtatrabaho rin sila? Hindi bale raw na ito ang mahirapan, huwag lamang sila.
“Pabili ng banana chips.”
Muntik na siyang mahulog pababa sa sobrang gulat nang biglang may magsalita. Pakiramdam niya ay tumalon palabas ang kanyang puso. Gulat na napatingin siya sa lalaking nakaupo na sa tabi niya. Ni hindi man lang niya namalayang pumasok ito at tumabi sa kanya.
Ikinurap-kurap niya ang mga matang nanlalabo dahil sa luha. Pinahid niya ang mga luha upang masigurong hindi siya nagkakamali sa nakikita. Hindi siya makapaniwalang nakikita uli niya ang guwapong mukha ni Joshua Agustin.
Ano ang ginagawa nito roon? Ang alam niya ay tuwing weekends lamang ito naroon.
Tulala siya habang nakatingin sa mukha nito. Mas guwapo pala ito sa malapitan.
“Pabili ng banana chips,” untag nito.
Halos wala sa loob na kinuha niya mula sa bag ang isang supot kung saan naroon ang mga paninda. Mula sa wallet ay humugot ito ng isang one thousand-peso bill at ibinigay iyon sa kanya. Kinuha nito ang supot pagkatapos.
“Lahat `yan?” tanong ni Joy sa naninigurong tinig. Kanina ay wala siyang ganang magtinda kaya marami pa iyon.
Tumango ito.
“Wala akong panukli,” sabi niya habang ibinabalik dito ang pera. “Bigyan mo ako ng mas maliit dito.”
Hindi nito tinanggap ang pera. Tumayo na ito at binitbit ang supot. Nagtatakang pinanood niya ang paglakad nito palabas.
“Hoy!” tawag niya rito bago pa man ito tuluyang makalabas. “Sobra `tong bayad mo.”
Nilingon siya ni Joshua. “Don’t cry.” Iyon lang at lumabas na ito nang tuluyan.
Napatitig siya sa one thousand-peso bill na ibinayad nito sa banana chips na nagkakahalaga lamang ng dalawang daang piso. Nagkibit-balikat na lamang siya.
“Akala mo ba ay ipipilit kong ibalik sa `yo ang sukli mo? Neknek mo, akin na `to. Ngayon pa na kailangan ko ng anda? Hindi mo siguro alam kung ano ang hitsura ng barya, ano? Siguro, lahat ng bills sa wallet mo ay one thousand.” Napabuntong-hininga siya. “Ano kaya ang pakiramdam ng hindi mo na kailangang mag-alala pa tungkol sa pera? Ano kaya ang pakiramdam na laging may laman ang wallet mo ng pera? Hindi ko naman gustong maging mayaman na mayaman, alam mo `yon?
“Hindi ko naman ginustong magkaroon ng maraming-maraming pera. Ang gusto ko lang ay may sapat na pera. Iyong hindi na namin kailangang problemahin kung saan kukunin ang susunod na pambayad ng tuition. Iyong hindi na kailangang mangutang nina Tatay at Nanay sa mga tusong nagpapautang.”
“Don’t cry.” Napangiti siya nang maalala ang sinabi ni Joshua.
Para siyang tanga. Kanina lamang ay umiiyak siya, pagkatapos ngayon ay napapangiti siya. She was comforted by the simple sentence. Hindi niya alam kung bakit ito nagtungo roon ngunit nagpapasalamat pa rin siya. Gumaan na ang pakiramdam niya dahil sa presensiya nito, may pera pa siya.
BAHAGYANG nagsalubong ang mga kilay ni Joy nang makita si Joshua Agustin sa labas ng unibersidad pagsapit ng hapon. Nakasandal ito sa sasakyan nito at tila may hinihintay.
Bakit ito naroon sa labas? Bakit hindi ito sa loob pumarada at maghintay?
Nagkibit-balikat siya at nagpatuloy sa paglalakad. Wala siyang pakialam kung sino ang hinihintay nito. Nilampasan niya ito. Hindi naman sila matatawag na magkaibigan upang batiin niya ito.
“Hey! Ligaya!”
Natigil siya sa paglalakad ngunit hindi siya lumingon. Siya ba ang tinatawag nito? Huwag nitong sabihing siya ang hinihintay nito? Ano, bibili na naman ito ng banana chips?
Napapitlag siya nang may humawak sa braso niya. Paglingon ay nakita niya ang nakangiting mukha ni Joshua Agustin. Habang tumatagal ay lalo yata itong nagiging guwapo sa paningin niya.
“Ubos na ang banana chips,” halos wala sa loob na sabi niya. “Inubos mo na kaya.”
Tumawa ito nang malakas. Masarap sa tainga ang tawa nito. Buo at puno ng buhay iyon. Pati ang mga mata nito ay tila nagsasayaw at kumikinang.
“Will you go out with me?”
“Ha?” Sira na ba ang ulo nito? Close na ba sila? Ni hindi pa nga sila nakakapagkuwentuhan nang matagal, pagkatapos ay hihiritan siya nito ng ganoon?
“I know I sound like a freak. Kaya lang, naiinis na ako sa sarili ko. I can’t concentrate on my work because I keep thinking about you. Nagpunta ako sa school ng lunch break para makita ka lang. I was not able to eat my lunch properly because I had to drive back. Buong maghapon, hindi ako mapakali dahil hindi ko nakuha ang number mo at sandaling-sandali ko lang nasilayan ang mukha mo. I don’t wanna be in a state like this. Kahit kailan ay hindi ako naging torpe sa isang babae. So, will you go out with me?”
“Baliw,” sabi ni Joy bago ito tinalikuran.
Sinong matinong babae ang papayag sa sinabi nito? Sino ang baliw na maniniwala? Sinong babae ang kikiligin sa ganoong uri ng pagsasabi ng atraksiyon?
Hah!
Akala ba nito ay makukuha siya sa ganoon?
Nakakailang hakbang na siya nang pigilan ng lalaki ang braso niya. “Hey, wait up. I meant what I said. I’m telling the truth. Hindi ko maintindihan kung bakit palagi kitang naiisip.”
Nasusuyang binawi niya ang braso. “Puwede ba, tigilan mo ako sa pagiging ganyan mo? Alam kong maganda ako pero hindi ako ganoon kaganda para magkaganyan ka. OA, ha? Please lang. Akala mo, kinikilig ako? Hindi. Kinikilabutan ako. `Yang mukhang `yan, iniisip ang mukhang `to? Ako na ba ang pinakamagandang babae sa balat ng lupa?”
“Yes,” walang-gatol na sagot ni Joshua, hindi rin kumurap.
Natigilan siya. Seryoso ba talaga ito o baka may natira lamang na kung anong masamang substance?
He smiled charmingly. Muntik na siyang matulala. “Nilagyan mo yata ng gayuma ang mga banana chips mo, eh.”
Napailing si Joy. “Grabe.” Tumalikod uli siya at humakbang palayo. Bigla siyang pumihit pagkatapos ng dalawang hakbang. Tama siya ng hinala, susunod ito sa kanya. “Huwag kang susunod!” utos niya bago tumakbo palayo.
“Hey!” tawag nito ngunit hindi siya lumingon. Nagpasalamat siya nang hindi na ito naramdaman sa likod niya. Nang makakita siya ng jeepney pauwi sa kanila ay sumakay siya kaagad.
Hindi siya makapaniwalang nangyari sa kanya iyon. Nagtataka siya sa inakto ni Joshua. Hindi pa sila gaanong magkakilala upang maging ganoon ito. Kinuha niya ang maliit na salamin sa loob ng bag at sinipat doon ang mukha. Ganoon ba siya kaganda para makaakit kaagad ng isang katulad nito?
Nagsalubong ang mga kilay niya. Bahagya nang naglalangis ang mukha niya dahil patapos na ang araw. Mukha siyang pagod. Bahagyang magulo ang buhok niyang naka-ponytail. Ano ang nakitang maganda sa kanya ni Joshua Agustin?
Malamang na napagti-trip-an lang siya nito. Napailing siya. Ang mga mayayaman talaga.