1
HINDI mapigilan ni Iarah ang mapasimangot habang pinapanood ang Ate Janis niya na tuwang-tuwa sa paglantak ng imported na tsokolate. Bigay iyon ng kaibigan nitong si Peighton. Hindi lang tsokolate ang ibinigay ni Peighton sa ate niya. May ilang damit, makeup, at mga accessories din.
Si Peighton ay best friend ng ate niya. Ang mga magulang nito ay nagtatrabaho sa ibang bansa. Lolo at lola lamang nito ang kasama nito. Kilala ang pamilya ni Peighton na may-kaya sa probinsiya nila. Kapag may padala rito ang mga magulang nito, palaging mayroon din ang kapatid niya.
“Ang pangit mo,” anang kapatid niya sa kanya nang mapansin nitong nakasimangot siya. “Chocolates?” alok nito, sabay abot sa kanya ng isang supot ng Hershey’s Kisses.
Lalo siyang napasimangot. “Wala kang Toblerone?”
“Aba, choosy ka pa. Ikaw na nga itong binibigyan.” Inilapag nito sa harap niya ang supot ng tsokolateng iniaabot nito.
Hindi niya kakainin ang tsokolateng iyon. “Tigilan mo na ang paghingi-hingi ng mga ganito kay Ate Peigh,” aniya, nakasimangot pa rin.
“Hindi ko naman hiningi ang mga `yan. Kusa niyang ibinigay,” sagot nito.
“Lagi ka na lang niyang binibigyan ng kung anu-ano. Labis-labis na nga minsan. Hindi mo ba naisip na kaya ka niya binibigyan ng mga ito ay dahil naaawa siya sa `yo?” naiinis na sabi niya.
Mahal na mahal niya ang kanyang ate. Ayaw niyang may mga taong naaawa rito.
Natigilan ito. “Nakakaawa ba ako, Iya? Ano ang nakakaawa sa akin?”
Hindi siya makasagot. Hindi niya alam kung paano niya sasabihin ang mga napapansin niya. Para lang kasing pakiramdam niya ay kinakaawaan sila ng kaibigan nito. May hiya rin siyang nadarama kay Peighton. Ito na lang kasi ang bigay nang bigay sa kanila. Masasabing malapit din siya rito. Minsan, ang nais niya ay silang magkapatid naman ang magbigay rito.
Sa eskuwelahan nila ay bihira ang mga katulad nila. Hindi sila masasabing dukha, ngunit kompara sa mga kaeskuwela nila ay parang ganoon na rin sila.
Nginitian siya ng kapatid niya. “Hindi ako kawawa. Hindi tayo kaawa-awa. Ang mga kawawa, iyong mga taong hindi nila tanggap ang kalagayan nila sa buhay. Ang lalong kawawa ay `yong mga taong sadyang nagpapaawa sa iba. Iya, mabait lang talaga si Peigh. Mapagbigay. Ang gusto n’on, lagi niyang isine-share ang mga bagay na mayroon siya. Huwag kang mag-isip ng mga bagay na negatibo.”
Iniwan na niya ito sa silid nila. Nagtungo siya sa terasa. Minsan, naiinis na siya sa optimism ng kapatid niya. Dalawang taon lang ang tanda nito sa kanya. Ito ang tipo ng taong laging nakangiti, at laging maganda ang tingin sa lahat ng bagay. Minsan, nakakamangha ang pagiging positibo nito. Kahit nagkakaletse-letse na ang lahat, may mahahanap pa rin itong good side. Kaya naman maraming kaibigan ang ate niya.
Hindi siya eksaktong kabaliktaran nito. Hindi lang talaga siya mahilig ngumiti, at hindi laging maganda ang paningin niya sa buhay. Ang nais niya ay manatili siya sa realidad. Sa buhay, may mga maganda at pangit na nangyayari. Nais niyang idilat ang kanyang mga mata upang makita ang pangit at mas ma-appreciate niya ang kagandahan ng buhay.
Marami ang nagsasabing maganda siya. Maputi at matangkad siya. Malaanghel daw ang napakaamo niyang mukha. Kahit hindi siya madalas ngumiti ay maganda pa rin daw siya. Matalino rin siya. Consistent first honor siya mula kindergarten. Kailangan niyang i-maintain iyon hanggang magtapos siya ng high school upang maging scholar siya pagdating ng kolehiyo.
Pareho silang scholar ng kanyang ate sa isang kilalang private school. Malaki ang tuition fee roon kaya mga maykaya lamang ang nag-aaral doon. Masuwerte silang magkapatid dahil nakapasok sila sa scholarship program ng paaralan.
Ang totoo, masuwerte silang maituturing kaysa sa ibang tao. May maliit silang lupain kung saan nakatirik ang sarili nilang bahay. May maliit na taniman din ang tatay niya, samantalang may piggery naman ang nanay niya. Kapwa hindi nakapagtapos ng pag-aaral ang mga magulang niya, pero walang makapapantay sa kasipagan ng mga ito. Naibibigay ng mga ito ang mga pangunahing pangangailangan nilang magkapatid.
Mataas ang pangarap niya para sa pamilya niya. Nais niyang mabigyan ng magandang buhay ang mga ito. Nais niyang dumating ang araw na hindi na kailangang magtrabaho ng mga magulang niya. Nais niyang maging don at doña ang mga ito. Titingalain ng lahat ang pamilya niya.
Yaman din lang at maraming nagsasabing maganda siya, gagamitin niya iyon upang makapag-asawa siya ng isang mayaman balang-araw. Ang nais niya ay isang foreigner. Napangiti siya. Mula nang matutuhan niya ang ibig sabihin ng salitang “crush,” pulos foreigner ang lahat ng mga nagugustuhan niya. Palagi niyang pinapantasya na ang kanyang Prince Charming ay may kakaibang kulay ang mga mata—bughaw, berde, o abuhin. Matangkad ito at matikas katulad ng mga napapanood niya sa mga foreign films. Pangarap din niyang makapaglibot sa buong mundo. Napakaraming lugar ang nais niyang puntahan. Napakarami niyang nais makita.
“Nangangarap ka na naman,” wika ng ate niya na hindi niya namalayang naroon na pala sa terrace.
“Masama ba?”
“Siyempre, hindi. Alam mo namang ako rin ay mahilig mangarap nang gising.”
“Yayaman din tayo, Ate Janis,” pangako niya.
“Ako, hindi ko naman hangad na maging mayaman na mayaman tayo, Iya. Basta sapat lang. Iyong hindi natin aalalahaning wala tayong gagastusin bukas. Iyong mabibili natin ang mga pangunahing pangangailangan natin. Kontento na ako sa ganoon.”
Lumabi siya. “Mangangarap ka na rin lang, dapat iyong matayog na. Iyon na nga lang ang libre sa mga panahong ito, eh.”
“Baka masaktan ka kapag nahulog ka dahil sa sobrang tayog ng mga pangarap mo.”
Lalo niyang pinausli ang nguso niya. “Nasaan na ang pagiging positive mo lagi? Basta, yayaman ako. Makakapag-asawa ako ng foreigner.”
Natawa ito. “Bahala ka na nga. Libre lang naman talaga ang mangarap.” Biglang nagkaroon ng lambong ang mga mata nito. “Mami-miss ko nang husto ang ugali mong `yan.”
Bigla siyang nalungkot nang maalala niyang paluwas na ito sa Maynila sa susunod na linggo. Doon ito magkokolehiyo. Nakakuha rin ito ng scholarship grant sa isang Nursing school. Pipilitin ng mga magulang niyang tustusan ang ibang pangangailangan nito.
Nursing ang kukunin nitong kurso dahil nandoon daw ang pera at maganda ang hangarin ng propesyong iyon. Hindi niya alam kung may calling talaga ito sa Nursing o sadyang nagiging praktikal lamang ito.
“Ako rin, mami-miss ko `yang energy mo, Ate,” aniya rito.
“Hindi bale, magkakasama naman tayo tuwing bakasyon. Sa Maynila ka rin naman magkokolehiyo, eh. Tara na, matulog na tayo.”
“Susunod na lang ako,” sagot niya. Kahit kailan ay hindi sila naging showy sa pagpapakita ng pagmamahal. Hindi pa niya nasasabing mahal niya ito. Hindi niya ito nayayakap nang madalas. Kahit gustung-gusto na niya itong yakapin at sabihan ng “I love you” nang mga sandaling iyon ay nahihiya siya.
Sinundan niya ito ng tingin habang papasok ito sa loob ng bahay. Darating ang araw, hindi na kakailanganing magpaalila ng kapatid niya sa ibang bansa bilang nurse. Magkakaroon sila ng magandang buhay.