“MINSAN, gusto na talaga kitang iwan, Vann Allen.” Napangiti si Vann Allen sa sinabi ni Katrina. Isinara niya ang butones ng polo niya at inayos ang buhok niya. “You won’t ever do that,” aniya sa nakatitiyak na tinig. “You love me.” “Magpasalamat ka at ganoon nga talaga. Naku!” Tila gigil na gigil ito habang nakaharap sa laptop nito. “Chill, Khat. You can do it.” Kinindatan pa niya ito. Inirapan siya nito. “Huwag mo akong ginagamitan ng charm mo, Vann. Nagkaroon na ako ng immunity. Naiinis ako sa `yo. Hudas ka, pinapahirap mo ang trabaho ko.” Natawa siya nang malakas. Pumasok na rin sina Cheryl at Zhang sa silid. Kaagad na napansin ni Cheryl ang pagsimangot ni Katrina. Si Zhang ay lumapit sa kanya at sinuutan siya ng kurbata. “Change of sched uli?” tanong ni Cheryl sa partner nito.

