Chapter 3

2857 Words
CHAPTER 3 Bakit   Mukha man akong loloko pero mabilis talaga akong maiyak ‘pag dating sa mga bagay na may koneksyon sa dati kong buhay.   “Please, stay.”   Kaya naman noong marinig ko ang salitang iyon galing sa lalaking kakakita ko lang, kaagad nangilid ang mga luha ko.   His words triggered my childhood. Muling bumalik ang mga alaalang matagal ko nang dala-dala noon pa man.   Bata pa lang, immune na immune na ‘ko sa mga opinyon ng ibang tao sa ‘kin. Na kesyo malas at salot daw ako.   Hindi naman sa pagda-drama pero wala talagang may gustong manatili ako. Ayaw ako ng lahat siguro dahil tingin nila, salot ako.   They called me a piece of luckless luck. Naturingang Lucky at Star na nga ang pangalan ko, malas pa rin sa buhay.   Ang papa ko lang noon ‘yong nagparamdam sa ‘kin na may taong totoong nagmamahal sa ‘kin. Siya rin ang dahilan kung bakit ko nagustuhan noon ang mga bituin.   Tingin ko, kung may isang tao lang na gugustuhin akong manatili, ang papa ko ‘yon. Siya lang naman yata ang naging masaya nang dumating ako sa mundong ‘to.   “Lucky, inumin mo na ‘tong tirang buko. Mukhang pagod ka na.” Tandang-tanda ko pa ang huling araw na nakasama ko siya.   Galing kami sa paglalako noon ng tinda niyang buko. Sinamahan ko ang papa ko dahil hindi ko matagalan ang galit na galit sa ‘kin na si Mama. Kaya kahit alam kong mainit, tinulungan ko na lang ang papa ko sa trabaho niya.   Masaya kong tinanggap ang iniabot sa ‘kin ni Papa na isang plastic ng palamig. Dahil naman sa tinawag niya sa ‘kin, pumasok sa isip ko ang kakaibang pagtawag niya sa ‘kin.   Halos lahat yata ng mga kapit-bahay namin noon, Tala ang tawag sa ‘kin. Hindi nila ako kailanman tinawag sa totoo kong pangalan dahil anila, malas daw ako.   Tuwing daraan kasi ako sa sugalan kung saan madalas magsugal si Mama, natatalo siya. Minsan naman, sa hindi malamang pagkakataon, bigla na lang nadarapa o nadi-disgrasya ‘yong mga kasama ko. Saa sobrang daming pangyayaring gulo na lagi akong present, tingin na ng karamihan na malas ang dala ko.   Pero iba si Papa.   “Pa,” tawag ko sa kanya noon. Mabilis niya naman akong nilingon habang nagtutulak pa rin ng kariton ng paninda niya.   Hindi ko na siya hinayaang magsalita at kaagad nang nagtanong.   “Bakit Lucky Star ang pinangalan niyo sa ‘kin?” kuryosong tanong ko.   Sandali siyang napaisip. Nanatili naman akong nakatingala at sinusubukang basahin ang ekspresyon ng papa ko.   “Dahil ikaw…” sagot niya matapos ang ilang segundo. Hinintay ko naman ang susunod na sasabihin niya nang puno ng pasiyensya. “Ang star ng buhay ko.”   Napaawang ang labi ko sa paliwanag ni Papa. Mata-touch na sana ako kaso napansin ko ang nakakalokong ngiti niya.   ‘Tsaka ko naisip na parang lyrics pala ng kanta ‘yong paliwanag ng loko kong papa. Nasuntok ko tuloy ang tagiliran niya dahil sa inis.   “Lyrics naman ‘yon, Pa, e! Mali pa nga. Star ng Pasko dapat!” sambit ko at sinamaan siya ng tingin. Napahalakhak naman siya at pabirong ginulo ang buhok ko.   “Ay. Lyrics ba ‘yon?” pagmamaang-maangan pa niya at tuluyang napahalakhak.   The only reason that kept me from loathing my own name was my father. Siya ‘yong nag-i-isang tao na hindi naniniwala sa sinasabi ng ibang tao. Dahil sa kanya, nagkaroon ako ng pag-asang chismis lang talaga ‘yong sinasabi ng iba tungkol sa ‘kin.   Kaso, hindi ko maintindihan kung bakit sa tuwing sinusubukan kong tingnan ang sarili sa paraan ng pagtingin sa ‘kin ng papa ko, parang laging may kumo-kontra.   Mas lalo ko lang napatunayan ‘yon noong sumunod na nangyari sa huling araw na nakita ko siya.   Ang tanga ko. Ang bobo-bobo ko. Pinagsisisihan ko gabi-gabi kung bakit ko pa hinabol ‘yong limang piso na gumulong sa gitna ng daan. Sakto namang may papalapit na rumaragasang sasakyan noon.   Akala ko dati, katangahan lang ng mga nasa TV ang mapapahinto ka kapag masasagasaan ka na. Hindi pala. Gano’n pala talaga ‘yon.   Sa sobrang gulat at sa takot na naramdaman ko habang nakatitig sa papalapit na sasakyan, hindi ako nakagalaw sa kinatatayuan ko. Hindi ako nakapag-isip agad ng gagawin. Akala ko, katapusan ko na noon. Sana nga ganoon na lang. Pero hindi e. Mukhang ayaw padaliin ni Lord ang buhay ko.   “Tala!” ‘Yon ang huli kong dinig sa boses ng mahal na mahal kong papa bago niya ‘ko itinulak para hindi masagasaan.   Sa huli, siya ang nadaanan ng sasakyan.   Ang sakit. Walang salita ang magkakapaglarawan kung gaano kasakit sa ‘kin na makitang ganoon ang nangyari kay Papa.   Gabi-gabi, laging ‘yon ang laman ng isip ko. Wala na ring pagdududa pa sa isip ko. Malas ako. Sobra. Kahit ‘yong nag-i-isang taong kasangga ko noon, nawala nang dahil sa ‘kin. Wala na yatang mas titindi pang proweba roon sa kung ano talaga ako.   “Lumayas ka sa harapan ko, Tala! Malas ka sa buhay namin!” sigaw sa ‘kin ni Mama noon sa burol ni Papa.   Pinagtinginan kaming mag-ina ng mga nakikiramay pero hindi inalintana ‘yon ni Mama. Masyadong natatabunan ng galit ang mga mata niya para mapansin pa ‘yon.   Nanggagalaiti siya. Namumula at namamaga ang kanyang mga mata dahil sa walang tigil na pagluha. Gano’n din naman ako.   “Stella, ‘wag mo nang sisihin si Tala—“ Sinubukan ng isang kapit-bahay naming awatin si Mama pero pati siya’y naitulak lang.   “Wala kang alam sa kamalasan ng batang ‘yan, Sisa! Siya ‘yong dahilan kung bakit nasagasaan si Lurando!” asik ni Mama kay Ate Sisa.   Muling bumuhos ang mga luha ko na akala ko’y ubos na.   “M-ma, hindi ko naman po gusto ‘yong—“ Sinubukan kong makiusap pero pinagtabuyan lang ako ni Mama.   “Lumayas ka!”   That was the time when I wasn't able to restrain myself from asking the Lord… why do I have to experience that?   ‘Yon ‘yong isa sa mga panahon na pinagdudahan ko ang Panginoon.   Mayro’n ba talagang Diyos? Ang sabi, mabait ang Diyos pero bakit gan’to ang nangyayari sa buhay ko?   But then… I immediately proved myself wrong. He exists. He always does.   Sa kabila ng pagdududa ko sa Kanya, binigyan Niya pa rin ako ng bagong pamilya.   “Ineng, ayos ka na ba?” tanong sa ‘kin ng isang matanda nang magising ako sa hindi pamilyar na lugar.   Isang babae ang bumungad sa ‘kin. Purong puti ang kanyang buhok at bakas sa balat niya ang katandaan. May uling pa sa kanyang pisngi.   Bumangon kaagad ako kahit sumasakit pa ang ulo. “N-Nasa’n po ako?”   Nilibot ko ang paningin at nakitang nasa gilid kami ng kalye. Nakasilong kami ngayon sa pinagtagpi-tagping yero. May nakita rin akong isa pang batang lalaki sa gilid na masama ang tingin sa ‘kin.   “Ako si Precy. Nakita ka namin ng apo ko na walang malay sa kalye, ija,” marahang paliwanag ng matanda. Hinaplos niya pa ang buhok ko na siyang nagpakirot ng puso ko. “Ano ba’ng nangyari?”   Dinagsa ng alaala ang isip ko, alaala kung paano ako ipinagtabuyan ng sariling ina. Dahil do’n, hindi ko na naman napigilang bumuhos ang mga luha.   Humagulhol ako.   “Ija, bakit?” nag-aalalang tanong ng matanda pero masyadong nag-uumapaw ang damdaming nararamdaman ko kaya ang tanging nagawa ko’y umiyak.   Niyakap ako ng matanda. “Nasa’n ba ang magulang mo? Ba’t mag-isa ka?”   Pag-iling lang ang naitugon ko sa matanda. Ro’n, mas lalo niya ‘kong kinulong sa bisig niya.   “Gano’n ba? Rito ka na lang kung gano’n. Dito ka muna sa ‘min ni Marko.”   Do’n, muli kong naramdamang hindi ako nag-iisa. Muli akong binigyan ng pag-asa ng Diyos.   Sa murang edad, ang dami kong naranasan. Naglalako kami dati ng Papa ko ng palamig na gawa sa buko at noong napasama naman ako kay Lola Precy at sa isa niya pang pulot na apo na si Marko, nangongolekta kami ng kalakal.   Sa sandaling ‘yon, nakuntento ulit ako sa buhay ko. Lalo pa’t nalaman ko na mas masakit pala ang sinapit ni Marko.   Both of his parents died of landslide. Siya lang ang natira. Napulot siya ni Lola Precy at kinupkop. Sa puntong ‘yon, naalala ko noong tinatanong ko si Lord kung bakit sa ‘kin nangyari na mawalan ng papa. Pagkatapos, dahil sa kuwento ni Marko, ro’n ko napagtanto na…   Bakit hindi sa ‘kin? Ano bang kaibahan ko sa iba? Ano bang karapatan ko para tanungin ko Siya?   From that day, I started looking for purposes of the things that is happening to me. ‘Yon ang isang sikreto kung paano ko natanggap kalaunan ang buhay ko sa kabila ng lahat.   Kaso… minsan, kahit gaano ka kasigurado sa isang bagay, kahit gaano kalakas ang paniniwala mo sa Kanya, darating sa puntong magigiba ‘yon.   Muli, sa pangalawang pagkakataon, pinagdudahan ko Siya.   “Ano’ng ginawa mo, Tala?!” Niyugyog ako nang marahas ni Marko habang galit na galit. Kulang na lang ay sapakin niya ‘ko.   Nanatili lang akong gulat habang nakatingin sa hindi gumagalaw na lola namin.   Lola Precy…   Ano na naman ang ginawa ko? Bakit ganito? Bakit ba ang malas-malas ko? Bakitt ganito ang buhay ko?   Gusto ko lang namang ibigay na lang kay Lola ang ibinigay sa ‘king pagkain ng mga nakasalubong ko kanina. Gusto ko lang na ipakitang mas okay sa ‘kin na busog siya kaysa ako. Bakit kailangang ganito ang mangyari? “G-Gusto ko lang bigyan siya ng pagkain. H-Hindi ko alam kung bakit bumula—“   “Malas ka talaga! Salot!” Parang patalim ang bawat salitang lumalabas sa bibig ni Marko. Tinulak niya ‘ko nang malakas bago niya muling hawakan ang lola namin.   May bula sa bibig ni Lola Precy. Kanina pa siya nangingisay ngunit wala kaming magawa ni Marko kung ‘di ang umiyak. Wala kaming kapit-bahay na malalapitan dahil sa lansangan lang nakatira.   Ilang minuto na kaming humihingi ng tulong pero walang may pakialam. Wala silang pakialam dahil pulubi lang naman kami.   Sa huli… iniwan kami ni Lola. At dahil ‘yon sa kamalasan ko.   “Salot ka talaga! Lubayan mo na ‘ko!” mariing sigaw sa ‘kin ni Marko. Kami na lang dalawa ang natirang magkasama. Madalas, hinahabol kami ng DSWD at wala akong masyadong alam kaya bumubuntot ako kay Marko palagi. Mayroon din kasing humahabol sa ‘min na nangunguha ng mga batang kalye.   “Wala na ‘kong kasama! Ikaw na lang ang natitirang kilala ko—“ umiiyak na sambit ko pero hindi siya naaawa sa ‘kin.   “Wala ‘kong pakialam! Iba ang pestehin mong hayop ka!”   Sa muling pagkakataon, napatanong ako.   Naturingang Lucky ang pangalan ko pero kamalasan ang dala ko sa mga taong napapalapit sa ‘kin. Pinaglalaruan ba talaga ako?   Nanghina ako sa mga salitang sinabi ni Marko. Dahil naman doon, nahabol ako at kinuha ng mga nangunguha ng bata. Iniwan at hinayaan ako ni Marko. Dahil mahina’t lalampa-lampa, nahabol ako ng mga naghahabol sa ‘min.   “Ano’ng pangalan mo?” tanong sa ‘kin dati ng isang babaeng humablot sa ‘kin.   “Bitawan niyo po ako! Tulong!” Sinubukan kong humingi ng tulong pero walang nakarinig sa ‘kin gawa ng nakasakay na kami ngayon sa isang L300 na sasakyan.   “Tinatanong lang kita, bata! Ano’ng pangalan mo?!” naiinis ng tanong ng babae.   Pinakatitigan ko ang kaharap na babae. Kulot at buhaghag ang buhok niya, kapareho lang ng akin. Nangingitim ang kanyang labi at may sigarilyo sa kanyang bunganga. Mukhang medyo may katandaan na rin siya. Kahit gano’n, nakakatakot pa rin siyang tingnan.   “‘Wag mo kasing takutin, Didang!” sita sa kanya ng isa pang lalaki na may hawak sa braso ko ngayon. Umirap naman ang babae at wala nang nagawa pa kung ‘di sundin ang lalaki.   “Okay. Ganito. Ako si Didang,” aniya gamit ang mas malumanay na boses. “Ikaw? Ano’ng pangalan mo?”   Somehow, using that tone made me feel at ease even for a moment. Nagawa ko nang sagutin ang tanong niya.   “L-Lucky Star Baltigo po,” kinakabahang sagot ko. Nagkatinginan sila ng lalaking may hawak sa ‘kin ngayon. Napansin ko pa ang pagngisi nila ng nakakaloko.   “Gusto mo ba ng bagong pamilya?”   Despite their suspicious looks, I immediately nodded when they offered me a new family. Sa lahat ng nangyari sa buhay ko, mas ginusto ko pa ring tanggapin ang alok nila kahit na halata namang masasama silang tao.     I’ve been so homeless and lonely at a very young age. Marami akong naranasan na siyang bumuo ng pagkatao ko ngayon.   Ngayon, gawa ng nakaraan, simpleng ‘stay’ ng guwapong lalaking kakikilala ko lang ay nagawa agad akong paluhain.   “Please, stay,” pakiusap pa ng lalaki gamit ang malalim ngunit malambing na boses na siyang nagpabalik sa ‘kin sa realidad.   Wala man sa plano ko, sinunod ko ang utos niya.   Natahimik kami nang ilang sandali. Pinakiramdaman ko rin kung may natuloy bang dumating na tao bukod sa guwapong lalaki. Hindi naman na natuloy ang yabag.   “Nand’yan ka pa ba?” dinig kong tanong muli ng lalaki.   Kahit may luha sa mga mata’y napatawa ako nang bahagya.   “Malamang,” sarkastikong sagot ko.   Halata naman kasi na nandito pa ‘ko. Hindi ko pa kaya nailalabas ‘yong kalahati ng katawan ko sa butas.   “Stay, please? Let’s talk more,” aniya na nagpakirot ng puso ko.   Marupok ako pagdating sa salitang ‘stay’ o ‘manatili’ kaya naman kahit delikado, muli akong bumalik sa butas para sa lalaki.   “Bakit ba?” kunwaring tanong ko sa kabila ng sayang nararamdaman ngayon.   Tuluyan na ‘kong tumayo muli pagkatapos bumalik sa loob ng mansyon. Pinagpagan ko ang narumihang suot na t-shirt. Paglingon ko sa kanya, nginitian niya ‘ko.   His angel-like smile seemed contagious that made me do the same. Ang puso ko, sige ang pagwawala. Nakaramdam ako ng kilig dahil ito ang unang pagkakataong may ngumiti sa ‘kin na kasing guwapo niya.   Ba’t nga ba gusto akong manatili nitong lalaking ‘to? Gusto niya ba ‘ko? Partida, hindi pa ‘ko nag-aayos nito, ah? Pa’no na lang kung makita niya ‘kong sumali sa mga pa-pageant minsan? Baka yayain na ‘ko nitong magpakasal.   “So, what’s your name?” tanong niya habang hindi pa rin nawawala ang ngiting parang sa anghel.   Mukhang gusto niya nga ‘ko. Himala ‘to, ah? Kung sakali, siya ang pinakaguwapong naakit ng alindog ko.   “Ikaw muna,” pagpapa-hard-to-get ko. Napangisi ko siya’t napailing. Pinigilan ko naman ang kilig na maipakita sa papamagitan pagkagat ng dila ko.   “I’m Jinx.” Nagulat ako sa isinagot niya.   Jinx?   Hindi ko na napigilan pa ang pag-awang ng labi dahil sa gulat.   Jinx means… one that brings bad luck.   Sa hilig ko sa pagbabasa ng libro, marami akong natandaang English words. Kabilang na ro’n ang mas babagay na deskripsyon sa gaya kong malas sa mundo.   Tapos itong lalaking ‘to… itong guwapong lalaking ‘to ay malalaman kong Jinx ang pangalan? Seryoso ba?!   “Talk?” tanong niyang muli.   “Seryoso? Jinx pangalan mo?!” gulantang na tanong ko pabalik.   “Yeah. Jintius Xavier. Palayaw ko lang ang Jinx. Bakit?”   Kahit ang bait ng mukha niya, hindi ko napigilang irapan siya. Jintius Xavier naman pala! Jinx lang ang palayaw.   Akala ko talaga…   Kung Jinx ang pangalan niya, bagay kaming dalawa kung gano’n. Jinx and Lucky! Perfect match.   “Ano’ng pangalan mo?” Napabalik ako sa wisyo at napaangat muli ng tingin sa kanya.   Pinakatitigan ko ang mata niya na siyang kalaunan ay napansin kong kakaiba pala ang kulay no’n. Parang mata ng mga lobo. Pinaghalong dilaw at kahel ang kulay no’n. Napakaganda!   Hindi lang ‘yon ang napansin ko sa mga mata niya. May kung ano pa ro’n na nagiging dahilan para makaramdam ako ng pagkirot sa ‘king puso.   May kapareho siya ng mga mata. Hindi sa kulay kung ‘di sa dating nito. Ang malumanay niyang mga mata ay pinaaalala sa ‘kin ang itsura ng yumao kong ama.   Nginitian ko nang mapait ang lalaking titig na titig sa ‘kin ngayon. Lumipas ang ilang segundo bago ako nagpasyang sabihin sa kanya ang pangalan ko.   “Lucky. Lucky ang itawag mo sa ‘kin.” 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD