Chapter 2

2615 Words
CHAPTER 2 Stay   “Hoy, ang ganda n’yan, ah? Sino’ng nagbigay?” Mabilis kong naitago ang kamay kong hawak ang singsing na napulot nang may biglang dumungaw sa tinititigan ko.   Kumalabog ang puso ko, takot na baka may makaalam na may hawak akong mamahaling gamit ngayon.   “Ay, damot!” dagdag ni Joylyn dahil sa ginawa ko. Nakahinga naman ako nang maluwag dahil siya ang nakakita sa ‘kin.   Akala ko, kung sino. Si Joylyn lang pala.   Ikinatawa ko na lang ang pagiging matatakutin ko ngayon. Panigurado kasing kung iba ang nakakita sa ‘kin na may hawak na singsing, baka sinabi na nila kay Didang.   Matapos ko lang mapulot ang singsing ni Miss Czarina, kaagad na akong umalis doon. Hinanap ko na agad si Carcar at hinatak siya pauwi.   Hanggang ngayon, hindi ko pa rin mapigilang mapatitig doon. Ang ganda kasi talaga! Mukhang totoong diyamante pa ang bato ng singsing.   “Kabado bente lang,” paliwanag ko kay Joylyn. “Akala ko kung sino e. Oh ito, tingnan mo na.”   Nilingon ko muna ang paligid kung may ibang tao. Nang makitang wala naman, tuluyan ko nang inilahad sa kanya ang kuwintas kung saan ginawa kong pendant ang singsing ni Miss Czai.   Nahulog ang panga ni Joylyn nang makita ang tila bituin na bato sa gitna ng singsing.   “Sino nagbigay nito?” Kumunot ang noo niya.   “Wala.”   “Pulot mo? O ninakaw mo? Ano? Mukhang totoo e—Aww!” Kinurot ko siya dahil sa lakas ng boses niya.   Tae ‘to! Baka imbis na sa kanya ko lang sasabihin ay malaman naman ng lahat dahil sa ingay niya!   Natigil naman siya sa pagsasalita dahil sa ginawa ko.   “‘Wag ka namang maingay. Alam mo namang kapag nakita ‘to ni Didang, ibebenta niya ‘to!” mahinang sita ko sa kanya habang nililingon ang paligid ng bahay, tinitingnan kung may maaring makarinig sa ‘min. Tumango naman siya at naintindihan ang sinabi ko.   Iyon ang isa sa mga utos ni Didang mula nang sumali kami sa grupo niya. Kapag may nakita silang nakuha mo, kailangang paghatian ‘yon ng buong pamilya. Pero madalas, pinaghahatian lang ‘yon nina Ate Maymay, Kuya Ronnie, Kuya Arjay, at Didang.   Wala akong balak ibenta ang singsing ni Miss Czarina. Sa tagal kong pinag-isipan ang dapat gawin, hindi ko naging choice ang pagbenta rito.   Ang plano ko sana, babalik ako sa mansyon ng mga Montriele at hahanapin ko ang idol ko para ibalik sa kanya ‘to. Sa gano’ng paraan, magagamit ko pa ang singsing na hawak ko para naman makausap at maka-close ang idol ko!   “Pa’no mo nga nakuha ‘yan?” mahinang tanong na ni Joylyn ulit. “Imposibleng bigay ‘yan ng mga tambay mong manliligaw, ‘no!”   Nginiwian ko siya.   For sure, imposible nga ‘yon. E ang mga manliligaw ko lang ay kung ‘di tambay, mga jejemon naman lalo na’t dito kami nakatira. Magiging posible lang kung magnanakaw sila at ibibigay sa ‘kin. Pero hindi rin e. Hindi talaga.   “Maniniwala ka ba kapag sinabi ko na kay Miss Czai ‘to?”   Nangunot ang noo niya at pagkatapos ay unti-unting nanlaki ang mga mata.   “Ninakawan mo ang idol mo?!” hula niya na ikinangiwi ko.   Akala ko pa naman, mahuhulaan niya agad. Ang worst ng hula niya, huh? Ba’t ko naman gagawin ‘yon?!   Parang may sariling buhay ang kamay ko at nabatukan siya. “S’yempre, hindi!”   “E, pa’no nga kasi?” Sinapo niya ang banda kung saan ko siya binatukan.   Naalala ko tuloy ‘yong nangyari kaninang madaling araw. Umiiyak si Miss Czai no’n habang nagmamakaawa siya sa matapobreng ‘Donya’ raw. Sa pagkakaalam ko, mababait ang mga Montriele. Kaya sino kaya ‘yong matandang babaeng ‘yon?   Napabuntonghininga na lang ako.   Alam kong hindi titigil si Joylyn sa pangungulit para maikuwento ko sa kanya ang chismis kaya naman kinuwento ko rin sa kanya kalaunan.   Hindi niya naiwasang mapaawang ang labi pagkatapos kong ikuwento sa kanya lahat ng nangyari.   “Kilala mo ba ‘yong Donya Minerva’ng tinutukoy ni Miss Czai? Kasi ‘di ba, mababait ang mga Montriele?” tanong ko sa kanya.   “Ate, si Donya Minerva ang nanay ng magkapatid na sina Razelle at Jinxie Montriele! Matapobre daw talaga ‘yon!” paliwanag niya naman sa ‘kin.   Dahil sa sinabi niya, medyo naintindihan ko na ‘yong nangyari.   Kaso lang… grabe naman. Grabe naman ‘yong matandang ‘yon kay Miss Czai. Ang sama niya!   “Ano na’ng balak mo r’yan, Ate?” tanong ni Joylyn. Pinakatitigan ko naman muli ang singsing.   Maganda talaga ito at mukhang mamahalin nga. Kung sakaling ibebenta ko ‘to, baka kasya na ‘yon para buhayin kaming tatlo nina Carcar at Joylyn para makaalis na kami sa pamilyang ‘to. Pero hindi ako ganoong klaseng tao.   ‘Di hamak na mas may konsiyensya ako kaysa sa mga kasamahan ko rito.   “Isasauli ko ‘to. Magagamit ko rin ‘to para maka-close si Miss Czai kung sakali, ‘no!” sagot ko at nakaramdam ng saya. Hindi na ‘ko makapaghintay na maisauli ‘to!   “Ate Tala! Ate Joylyn! Ano na?” Sabay kaming napalingon ni Joylyn sa pintuan nang dumungaw ang iritadong si Carcar. Do’n na lang namin naalalang may gagawin pa pala kami.   Ipinasok ko muna sa loob ng damit ko ang singsing na ginawa kong pendant bago pinulot ang mga gamit na gagamitin namin.   “Sige na. Ito na,” tugon ni Joylyn sa kay Carcar. Sabay-sabay na kaming tatlo na lumabas ng bahay.   Isa sa mga pinagkakaabalahan namin bukod sa panggagantcho ay ang pagtuturo sa mga kapit-bahay naming bata na walang pera para pumasok sa paaralan. Kahit na hindi rin kami nagkaro’n ng oportunidad makapagtapos ni Joylyn, may alam kami kahit papaano.   Ginagamit naming pambili ng mga gamit ng mga bata ‘yong nakukuha naming hati kay Didang. Kasama rin naming nagtuturo ang kapit-bahay naming si Mira. Nursing student siya at achiever din.   Kaunti lang naman ang mga tinuturuan namin dito. Mga anim na bata lang, kasama pa si Carcar. Mas gusto kasi ng ibang bata na tagarito na maglaro na lang, mamalimos, o mamasura. Kahit gano’n, nagpapatuloy pa rin kami nina Joylyn at Mira sa pagtuturo.   Pagdating namin sa gawa-gawang paaralan naming tatlo, nando’n na si Mira. Naabutan ko pa nga ang pag-irap niya sa isa pang kapit-bahay naming si Lantoy na siyang manliligaw niya. Napangisi tuloy ako dahil sa kung gaano ka-cute ang dalawa.   Nando’n na rin ang limang estudyante namin.   “Nakapagturo ka na, Mira?” tanong ko. She just smiled at me as she shook her head.   “Hindi pa, Ate Tala. Si Joylyn ang first subject ngayon e,” aniya na ikinangisi ko naman. Kina-career talaga nila ang pagiging teacher namin.   Ganoon nga ang nangyari. Tinuruan namin ang mga bata. Kasama na si Lantoy na laging nakabuntot kay Mira. Okay lang naman sa ‘kin dahil mukhang gusto niya ring matuto. Kahit na hindi nalalayo ang edad niya sa ‘kin, mukhang hindi rin siya nakapag-aral.   As usual, pagkatapos magturo ay may pa-merienda kami sa mga bata. ‘Yon ang isa sa mga dahilan kung bakit siguro nananatili ‘yong lima naming estudyante.   “Thank you, Ate Tala! Ang bait mo po talaga!” Kumirot ang puso ko dahil sa pasasalamat ng isa naming estudyanteng si Dijhane.   Nakangiti pa siya nang todo kaya naman nangiti rin ako kahit na may kung anong kapaitan ang naramdaman.   What does it take to be called kind?   Sapat na ba na nakagawa ka ng isang mabuti? Matatakpan na ba no’n ang sandamakmak na kasamaang ginawa mo? I bet not.   “Gusto ko pong maging gaya n’yo, Ate,” ani pa ng isa naming estudyanteng si Raymon. Mabilis naman akong umiling.   “‘Wag kami ang tularan n’yo. Maghanap kayo ng mas deserving na modelo.” Si Joylyn na ang sumagot. Siguro, naramdaman niya rin ang konsiyensyang naramdaman ko.   Tingin ko, hindi ko kailanman iko-consider na mabait akong tao. Hindi ko deserve. Maaaring tumutulong nga ako sa iba pero mas maraming tao ang naagrabyado ko.   Gaya ng plinano ko, kinabukasan ay maaga akong lumakad para tumungo sa mansyon ng mga Montriele. Hindi alam ‘yon nina Didang o kahit ni Carcar. Ako lang talaga mag-isang tumungo.   Madaling araw pa lang at hindi pa sumisikat ang araw noong umalis ako. Asul pa ang paligid at bakas pa rin ang mga tala. Malamig at medyo madilim din. Kahit gano’n, tumuloy pa rin ako, dala-dala ang singsing ni Miss Czai na ginawa ko munang pendant sa ngayon.   Ginawa kong gabay ang malaking bituin patungo sa masyon ng mga Moontriele. Makati man sa dinaanan, nagpatuloy ako para lang makarating sa likod ng mansyon.   Sa gitna ng paglalakad, napatanong ako.   Nando’n pa kaya si Miss Czai? Sana naman nando’n siya! May mga inihagis pa kaya ‘yong si Donya Minerva na gamit niya? Kung sakali, susubukan ko na rin na maghanap pa ng ibang gamit.   Nakarating ako sa lugar kung saan ko napulot ang singsing nang mas mabilis kaysa kahapon. Mas kabisado ko na kasi ang daan.   Gaya ng kahapon, may mga puno’t halaman bago ang mansyon. Mayro’n ding mataas na bakod para hindi makapasok ang ibang tao. Hanggang dito lang ako kahapon. Tanaw ko naman kasi mula rito ang balkonahe ng mga Montriele.   There was something within me that wants to go over the barricade. Baka kasi may nahulog pa ro’n na gamit ni Miss Czai e.   At… pa’no ko naman isasauli ang singsing niya? Sisigaw ako? Katangahan ‘yon! Baka mahuli pa ‘ko dahil hindi kami p’wede rito.   Napabuntonghininga na lang ako at sinubukan na lang na maghanap ng iba pang gamit sa kinaroroonan ko ngayon. Kinailangan kong maghawi ng mga d**o’t halaman para siyasatin ang lupa. Mahirap dahil madilim pa pero hindi ko naman pinagsisihan ‘yon.   Nahulog ang panga ko nang may makitang butas na tinatabunan ng mga d**o. Hindi ko ‘yon nahalata kaagad dahil tila tinago talaga ‘yon sa mga tao.   Seryoso? May ganito talaga rito?   Kinakabahan kong sinubukang ipasok ang paa sa butas, tinitingnan kung may patibong pero wala. Sunod ko namang sinubukang silipin ang butas.   Dahil sa ginawa, nakumpirma kong daan nga ang butas papasok sa bakod ng mga Montriele.   Hindi na ako nagsayang pa ng oras pagtapos noon. Dali-dali ko nang pinagkasya ang sarili sa kuwadradong butas. Medyo hassle pero kasya naman ako. Sa susunod na lang ulit ako maghahanap ng mas madaling labasan.   Gumagapang akong nakapasok sa likod ng mansyon. Bumungad sa ‘kin ang pagkalawak-lawak na hardin.   Ang ganda! Parang palasyo. Halatang hindi pangkaraniwan ang mga bulaklak na nakatanim.   So, ganito pala itsura ng mansyon, huh? Maganda nga talaga. Sana, nakikita rin ‘to nila Carcar.   Hindi kalayuan sa kinatatayuan ko ay ang likod na parte ng mansyon. May kakaibang disenyo ang first floor ng bagay at ang bintana noon ay nakaangat na tila nagsasabihing hindi iyon ang first floor ng bahay.   Madalas din kasi akong nagse-search ng mga disenyo ng mga bahay sa tuwing nagko-computer ako sa computer shop malapit sa ‘kin. ‘Yon ang dahilan kaya medyo pamilyar ako sa disenyo ng bahay. Tingin ko, may underground ang mansyon na ‘to.   “Sino ka?” Halos mapatalon ako sa gulat nang may marinig na boses sa gilid. Nanlalaki ang matang nilingon ko ‘yon.   My jaw dropped when I saw a gorgeous guy gazing at me.   Nakita niya ‘ko!   Para akong napako sa kinatatayuan at hindi nagawang makagalaw.   “What are you doing there?” tanong niya pa. Mas lalong bumilis ang t***k ng puso ko dahil do’n.   Tangina! Katapusan ko na yata! Paktay na!   “S-Sorry po! May hinahanap lang po ako!” tarantang paghingi ko ng paumanhin.   Sobrang bilis at lakas na ng pintig ng puso ko. Kahit maaga pa’y pinagpawisan kaagad ako.   Ano’ng gagawin ko? Pa’no ako ngayon lalabas? T’yak na ‘pag gumapang ako palabas, maaabutan lang ako nitong guwapong lalaking ‘to!   Hindi na ‘ko mapakali sa taranta. Lalo pa noong hindi ako nilulubayan ng titig ng lalaki.   The only thing that made my world stop was his smile.   He smiled genuinely that made his eyes look smaller. Nagparte ang labi ko dahil sa pagkamangha sa kaguwapuhan niya. Sumilay pa ang isang dimple niya sa kanang pisngi.   “Sorry. Did I scare you?” nakangiti na ngayong tanong niya sa ‘kin. “Hindi ako galit.”   Nagwala ang puso ko. Dumating sa puntong naririnig ko na pati ang pintig no’n. Pinakatitigan ko ang lalaki.   He has this fringe hairstyle that makes him look kind. Mukhang natural ang makakapal niyang mga kilay at napakabait naman ng itsura ng mga mata niya. Kahit medyo asul ang paligid gawa ng madaling araw pa lang, halata pa rin ang kaibahan ng kulay ng mga ito.     Ang kaninang nakatatakot na dating ng mga mata niya’y nawala noong ngumiti siya. Perpekto rin ang pagkakaanggulo ng kanyang ilong. Ang mapulang labi niya’y hugis pana ni Kupido.   His defined jaw contradicted the tenderness of his eyes. Nagsusumigaw ito ng pagiging marahas ngunit nangingibabaw pa rin ang ka-anghel-an ng kanyang itsura. Nakaumbok ngayon ang kanyang lalagukan na siyang napakaangas din tingnan.   “Hey. Talk?” aniya pa. Hindi ko na napigilan ang mga salita na lumabas sa bibig ko.   “Ang guwapo,” sambit ko nang hindi nag-iisip. Huli na noong na-realize kong nasabi ko pala ‘yon. Nasapok ko na lang ang sarili sa kahihiyan.   Tangina! Ba’t ba ang tanga ko?! Ngayon lang kasi ako nakakita ng guwapong lalaki gaya niya eh! Kahit sa TV, wala pa ‘kong nakita na ganito ka-guwapo! Modelo ba siya? Artista?   Natigilan akong muli nang ngumisi ang lalaki hindi kalayuan sa ‘kin. Parang may kung anong nagpakirot sa puso ko dahil do’n.   “Thank you,” sambit niya. “I bet, you’re beautiful too.”   Mangingiti na sana ako sa sinabi niya kaso lang may ‘I bet’. Hindi siya sure? Ang damot naman sa compliment!   Magsasalita pa sana ako kaso lang may narinig akong yabag papunta sa kinaroroonan namin. Nataranta ako dahil do’n.   “S-Sige! Aalis na ‘ko!” nagmamadaling pamamaalam ko bago yumuko at gumapang palabas ng matayog na pader.   Binilisan ko talaga para hindi na magawa pang mahabol ng lalaki. Baka kasi hablutin niya ang paa ko para lang hindi ako tuluyang makatakas. O kaya naman, baka magsumbong na siya.   Kalahati na lang ang katawan kong hindi pa nakalalabas ng butas nang marinig siyang magsalita ulit.   “Wait! Stay!”   Natigilan ako ro’n at tila sirang plaka ang boses niyang nagpaulit-ulit sa utak ko.   Stay…   Never in my entire life did I encounter someone who wants me to stay since my lola died. Ever. Tapos… itong guwapong lalaking kakikilala ko lang, gusto na kaagad akong manatili.   Ang babaw pero may malalim na dahilan talaga kung bakit ganito na lang ang naging reaksyon ko sa simpleng salitang ‘yon.   Nangilid kaagad ang mga luha ko’t tila nawalan ng lakas na magpatuloy lumabas ng butas. Natuluyang bumagsak ang luha ko no’ng nagsalita muli ang lalaki.   “Please, stay.”    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD