Chapter 1

3299 Words
CHAPTER 1 Ring   “You jerk! Manloloko!” Itinulak ko si Gelo, isa sa mga kasamahan ko, habang nanlilisik ang tingin sa kanya. Dama ko rin ang pangingilid ng luha at pamumula ng ilong ko sa galit.   Nakakuha kami ng atenyon ng maraming tao dahil sa eskandalosong sambit ko. Nagsimulang maghurumentado ang puso ko dahil doon pero ipinagsawalang bahala ko ‘yon.   Tangina! Marami nang makatingin sa ‘min! Parang aatakihin ako sa kaba!   Nagsimula akong mataranta pero hindi ko ‘yon pinahalata.   Tinarayan naman ako ng babaeng akbay-akbay ni Gelo na si Joylyn. Sa ayos niya, mukhang talagang ang laki ng inis niya sa ‘kin.   Pinabilugan kami ng mga tao at naging sentro ng atensyon ng lahat.   Mainit ngayon dahil tirik ang araw. Maraming tao dahil katatapos lang ng misa rito sa San Pedro Cathedral pero ayos lang dahil nakasuot ako ngayon ng isang magarbong floppy hat na hiniram ko pa sa kapit-bahay namin.   Nakasuot din ako ng makinang na pulang spaghetti-strapped dress. Kahit morena’y nakuha ko pang magsuot ng pula. Wala e. Ito lang ang mahihiram sa kapit-bahay.   Nakasukbit din sa kamay ko ang isang class-A Gucci bag para na rin mapaniwala ang iba na mayaman ako.   “J-Jhizen?! What are you doing here?” gulantang na tanong ni Gelo. Kamuntikan naman akong mapangisi.   Kaninong pangalan na naman kaya ang itinawag niya sa ‘kin? Siguro’y sa isa sa mga babae niya.   Nilingon siya kunwari ng nakakunot na noong si Joylyn. Ang kamay niya ay nakasukbit sa braso ni Gelo.   “Who’s her, babe?” tanong niya kay Gelo.   Bakas pa sa accent niya ang pagka-Filipino. Mabuti’t na-practice ko ang accent ko kaya hindi halatang nagpapanggap lang ako.   Ngumisi ako nang walang halong tuwa.   “Babe, huh?! Really, Louis?!” tuon ko kay Gelo. “How dare you do this to me?!”   Tuluyan na ngang nahulog ang isang luha sa pisngi ko.   Gamit ang peripheral vision, pansin ko ang pagkaawa ng ilan sa ‘kin. Dinig ko rin ang bulong-bulungan nila.   “Kawawa naman ‘yong babae. Mukhang niloko.”   “Ang ganda pa naman.”   “Dumarami talaga mga manloloko sa mundo.”   Kamuntikan na ‘kong mapangisi sa mga narinig. May nagsabi pa na maganda raw ako na siyang sa mga tambay at sa palengke ko lang madalas matanggap.   Kahit ganoon, ibig sabihin lang ng mga kumento niya ay effective ang acting skills ko. Nadadala sila e.   Mas ginanahan pa ‘kong um-arte dahil sa mga narinig. Lumapit ako kina Gelo at Joylyn at hinampas sa dibdib si Gelo. Nilakasan ko talaga para maging mas makatotohanan. Napadaing siya at napalayo naman sa ‘min si Joylyn.   “Kulang na kulang ba? Hindi pa ba sapat? Inubos kong lahat panahon kong sa ‘yo!” Napahagulhol na ‘ko, damang-dama talaga ang ina-arte namin ngayon. “Ano’ng gagawin? ‘Di mo pinapansin—”   Natigilan lang ako nang mapansing parang pamilyar na pala ang mga sinasabi ko. Mukhang gano’n din ang reaksyon nina Joylyn at Gelo nang panlakihan niya ako ng mga mata.   Tangina! Lyrics na pala ng kanta ‘yong nasasabi ko!   Imbis na totodohan ko pa tuloy ang acting ko, tinikom ko na lang ang bibig ko. Baka may makahalata e.   Nang lingunin ko naman ang paligid, mukhang dala pa rin ang lahat sa pag-iyak ko.   Ito talaga ang isa sa mga dahilan kung bakit nilagay ako ni Didang, ang leader namin, sa posisyon na ‘to. Sa rami ko kasing kadramahan sa buhay, mukhang totoo na akong um-acting. P’wede na nga yata akong mag-artista.   Ipinagpasalamat ko naman ‘yon dahil hindi ko yata maaatim na gawin ang gawain ng iba naming kasamahan.   Kahit marami ang mga taong nakapaligid sa ‘min ngayon, nahagip pa rin ng paningin ko sina Carcar, Ate Maymay, at Kuya Ronnie na nagkalad sa gitna ng mga tao. Naaktuhan ko pa kung paano kunin ni Carcar ang cellphone ng isa sa mga babaeng nakatingin sa ‘min nila Gelo ngayon.   Ako ang kinabahan sa ginawa niya. Naalala ko tuloy ‘yung isa rin sa dahilan kung bakit nilipat na lang ako ni Didang sa mga aarte.   Kinse anyos pa lang ako no’n at kasasali pa lang sa pamilya nila Didang dahil sa tinakbuhan ako ni Marko, ang nag-iisang pamilyang mayroon ako noong namatay ang lola namin. Kabadong-kabado ako noon at hindi alam ang gagawin.   Sina Kuya Arjay at Gelo, nasa gitna ng mga tao noon. Mukhang mga bata pa lang din sila. Nakatira pa kami no’n sa Koronadal. Ganitong-ganito rin ang eksena. Gumagawa ng kaguluhan si Kuya Arjay at si Gelo sa gitna para makaagaw-pansin ng mga tao. Kami naman nina Ate Maymay, Kuya Ronnie, at Joylyn ang mga nandurukot.   Hinding-hindi ko malilimutan kung gaano ako kakaba noon habang pasimpleng nilapitan ang isang lalaki na may dalang shoulder bag. Magaling akong umarte pero hindi talaga ako sanay sa gawaing paglalaslas ng bag, pandurukot, o panghahablot ng mga gamit.   Kahit mahirap kasi kami ng lola ko, hindi niya kailanman ipinagawa ‘yon sa ‘kin.   Manginig-nginig pa ang kamay ko habang ingat na ingat sa paglaslas ng bag ng lalaki. Kunwari pa rin akong nakikiusyosyo sa gulong gawa nila Gelo kahit ang totoo’y nanglalaslas na ‘ko ng bag.   Kaso… dahil nga lapitin ako ng malas…   “Ano’ng ginagawa mong hayop ka?!” Literal na tumigil ang mundo ko noong mabilisang hawakan ng lalaki ang kamay ko. Sobrang diin no’n na parang gusto niya nang basagin ang buto ko.   Hindi ako nakapagsalita. Kahit makaalis, hindi ko nagawa dahil sa pagkabigla.   “Nilaslas mo ang bag kong peste ka! Mandurukot!” sigaw pa ng lalaki kaya naman napunta sa ‘min ang atensyon mga tao.   Nagkagulo na ang mga kasamahan ko at nagtakbuhan. Iniwan nila ‘ko.   “Sumama ka sa ‘kin sa DSWD!”   Sa taranta ko sa sinabi ng lalaki, ginawa ko ang lahat makalayo lang sa hawak niya, kahit pa ang pagkagat sa nangingitim niyang braso.   Dumaing nang malakas ang lalaki at naitulak ako. Kahit masakit ang pagbagsak ko sa lupa, pagapang pa rin akong tumakbo palayo.   “What are you saying, b***h?! I am his girlfriend!” litanya ni Joylyn ngayon dahilan para mapabalik ako sa aking wisyo.   Nakato-trauma ang unang karanasan ko sa Didang Familia pero naging daan naman ‘yon para ilipat na ‘ko sa pag-arte na siyang gustong-gusto ko naman dahil sa forte ko talaga ang pag-iinarte.   Isang grupo kami ng mga masasamang tao. Hindi ko na palilinisin pa ang tawag ko sa sarili kong pamilya dahil ganoon naman talaga kami. Sa lugar namin, may iba’t ibang familia o grupo ng mga mandurukot na may kanya-kanyang modus. At ganito nga ang isa sa mga modus ng Didang Familia.   Gumagawa kami ng komusyon para kunin ang atensyon ng mga tao habang ang iba naman naming kasamahan ang gumagawa ng kababalaghan gaya ng paglalaslas ng bag, pandurukot, o kahit panghahablot.   “I am his girl!” Sinugod ko pakunwari si Joylyn at doon ay nagsabunutan kami nang hindi masyadong masakit. Ayaw kong saktan siya dahil isa siya sa mga kaibigan ko sa grupo namin.   Dahil sa ginawa namin ni Joylyn, mas lalong naituon sa ‘min ang atensyon ng mga tao. Nagbigay naman ‘yon ng malaking oportunidad para sa mga kasamahan namin upang manakawan ang mas maraming tao.   Ito kami. Ganito ang paraan namin para makapagpatuloy araw-araw. Namumuhay kami sa pamamagitan ng pagnanakaw.   Minsan, nanghahablot sina Carcar, ang pinakabata sa ‘min. Kasama niya si Kuya Arjay na mabilis tumakbo. Nasubukan na rin nilang manghold-up at umakyat ng mga bahay.   Sa lugar namin, puro samahan ng mga magnanakaw ang nakatira at talagang grupo-grupo ang lahat. Kung ikukumpara sa iba, mas ayos naman ang Didang Familia dahil kami, hindi kami nananakit ng tao. Maaring nananakot pero hindi pisikal na nananakit. Maliban na lang siguro kapag takbuhan na. Talagang gagawin namin ang lahat para makatakbo.   May patakaran kaming sinusunod sa loob ng pamilya. Kailangan, lahat ng makukuha namin, ibibigay muna kay Didang, ang nagsisilbing ‘nanay’ namin. Siya ang magbebenta ng mga ‘yon. Siya na rin ang naghahanda para may makain kami sa araw-araw. Hinahati niya ‘yon nang patas—I mean, pantay-pantay sa ‘min pero mas malaki ang kinukuha niyang parte para sa sarili.   Kahit na pagpapapalit lang ang ginagawa niya, wala kaming magawa kung ‘di ang sumunod sa batas niya. Kung ako lang din ang tatanungin, ayos lang naman sa ‘kin. Pero minsan, sumasabat na sina Kuya Ronnie at Ate Maymay sa kagahaman ni Didang.   Natigil kami ni Joylyn sa pagsasabunutan nang may marinig na pumito. Paglingon ko kung saan nanggaling ang ingay, sa kasamahan din namin ‘yong si Kuya Arjay na nakasuot ngayon na pangpulis.   Sa’n naman niya nahiram ‘yong uniform na ‘yon?   Ang pito niya ang hudyat na p’wede na kaming tumigil sa pag-arte. Kinausap niya pa kami na animo’y tunay talagang pulis na isasama kami sa presinto sa paggawa ng komusyon sa tapat pa ng simbahan.   “Masakit?” mahina at pasimple kong tanong kay Joylyn habang sumusunod kay Kuya Arjay na pakunwari ay dadalhin kami sa presinto.   “Okay lang, Ate,” tugon naman ni Joylyn.   Sa pamilya namin, si Joylyn at Carcar talaga ang pinaka-itinuturing kong tunay na kapamilya. Kay Joylyn kasi, nakikita ko ang sarili ko sa kanya. Ayaw niya rin ng ginagawa ng pamilya namin pero wala siyang choice kung ‘di ang makisama. Kasa-kasama ko rin siya sa pagtuturo sa mga kapit-bahay naming hindi nakapag-aral.   Si Carcar naman, tinuturing ko siyang nakababatang kapatid dahil kamukha niya ang dati kong pinsan na ngayon ay hindi ko na alam kung nasaan.   “Sana naman marami silang nakuha. Nakakahiya kaya kanina. Baka nando’n pa ‘yong ibang nililigawan kong taga-rito,” si Gelo na nginiwian ko naman. Babaero talaga!   Nawala ang atensyon ko sa mga kasama nang makita ang isang magarbong kotse na tumigil hindi kalayuan sa ‘min. Do’n, bumaba ang isang napakagandang si Czarina Lopina na siyang hinahangaan ko noon pa man.   Nakasuot siya ng puting sleeveless top na pinaresan ng skinny jeans. Mataas ang pagkakatali ng mahaba niyang buhok, ipinakikita ang mahaba niyang leeg at dipenang panga. Ang simple lang ng damit niya pero nagsusumigaw na ‘yon ng class.   Madalas ko siyang mapanood sa TV ng kapit-bahay namin. Minomodelo niya ang ibang sikat na produkto. Sumali na rin siya sa bigating pageant dito sa Pilipinas gaya ng Binibining Pilipinas at iba pa.   Ang ganda niya talaga. Sana all.   Napadako ang tingin ko sa sarili. Nanginginang pa ang suot ko dahil madalas itong gamitin ng kapit-bahay naming si Kuya Jonas sa mga gay pageant. Kahit gano’n, wala pa rin ‘tong dating kumpara sa suot ni Miss Czarina.   Kahit ano talagang suotin ko, hinding-hindi ko maitatago ang tunay na ako. Kahit magsuot pa ‘ko ng mamahaling bag at damit, dukha pa rin ako.   Hindi na yata ‘yon magbabago lalo pa’t hindi naman ako nakapag-aral. Natuto lang ako dahil sa madalas na pagtambay sa library sa tuwing naglilinis ako ng CR ng school malapit sa ‘min. Kahit may alam, hindi pa rin sapat ‘yon para tanggapin sa trabaho.   Napangiti ako nang mapait. Hindi ko maiwasang makaramdam ng pait para sa buhay ko ngayon. Hindi na rin ako umaasang makaaahon pa sa kahirapan dahil sa rami ng nagawa kong kasalanan sa mundo. Hindi ko deserve ‘yon.   Napaiwas na lang ako ng tingin at nagpatuloy sa paglalakad.   “Ito, ‘yong sa ‘yo, Tala.” Iniabot sa ‘kin ni Didang ang kota ko sa ginawa namin kanina. Dalawang singkuwenta ‘yon. Malaki na ‘yon para sa ‘kin dahil hindi naman ako palagastos.   “Salamat, Didang,” sambit ko at ibinulsa na nga ang iniabot niya.   Hapon na at nakauwi na kaming lahat sa maliit na bahay namin. Pagod ang lahat dahil sa ginawa.   Inilibot ko ang tingin sa mga kasama. Bakas sa itsura nila ang pagkadismaya sa ibinigay ni Didang. Kahit gano’n, walang nagtangkang magreklamo.   Sunod na dumako ang tingin ko sa buong bahay na tinitirahan namin ngayon dito sa Barangay Bucana. Ang dingding ay gawa sa pinagtagpi-tagping yero. Halatang-halata ang mga butas ng bubong namin dahil sa parang mga bituin na liwanag na nakapupuslit mula sa labas. Ang pinto naman namin ay gawa sa plywood na sina Kuya Ronnie at Kuya Arjay lang ang may gawa.   Kahit ganito ang itsura ng bahay namin, hindi na namin alintana ‘yon. Sanay na e. Ganito rin naman ang itsura ng mga bahay na kalapit namin.   “Sunod na bahay na ta-target-in natin, ‘yong mansyon ng mga Montriele. T’yak na marami tayong makukuha ro’n,” sabi ni Didang habang may sigarilyo sa kanyang labi.   Montriele…   Sikat na sikat ang apelyidong ‘yon dito sa lugar namin dahil nga sa malaki nilang mansyon, dahil na rin sa yaman ng pamilyang ‘yon. Mahal na mahal sila ng lahat dito. Mababait kasi at hindi matapobre.   “Montriele? ‘Di ba ‘yon ‘yung pamilyang bumili ng lupa ng lugar natin para hindi tayo ma-demolish?” si Joylyn. Bakas sa mukha niya ang pagtutol.   Kahit ako, ayaw ko rin. Sobra naman ‘yon. Parang hindi kami marunong tumanaw ng utang na loob kung gano’n.   “Ano naman? Pinilit ba natin sila?” sabat ni Kuya Ronnie na siyang ikinatagis ng panga ko.   Sa anim na taon kong pamumuhay kasama sila, hindi ko kailanman nakuha ang pagkawalang utang na loob nila at pagkasakim sa pera. Ayos lang sa ‘kin kung kaunti man ang nakukuha ko araw-araw. Minsan pa nga ay wala. Basta’t hindi ko lang magawan ng masama ang mga nakatulong sa ‘kin.   Kaso’y hindi ko yata hawak ang desisyon na ‘yon.   “Ikaw, Tala. Isama mo si Carcar at maghanap kayo bukas kung saan p’wedeng dumaan papasok ng mansyon ng mga Montriele,” utos sa ‘min ni Didang.   Walang nagsalita kahit isa at pinakinggan na lamang ang bilin niya.   “Joylyn, sumama ka kay Gelo at subukan niyong mag-apply ng trabaho bilang kasam-bahay o hardinero ng mansyon.”   Hindi ko na nasundan pa ang sumunod na sinabi ni Didang. Napuno kasi ang isipan ko ng pagka-konsiyensya sa pinaplano ng pamilya.   Labag man sa loob ko, wala pa rin akong nagawa kung ‘di ang sundin ang utos ni Didang. Sa oras kasi na hindi namin siya sundin, palalayasin niya kami rito. Hindi magandang ideya ‘yon dahil maraming sutil dito sa ‘min. Pagdidiskitahan ka kapag nalaman na walang ba-back-up sa ‘yo.   Kaya naman kinabukasan, nilakad namin ni Carcar ang daan papunta sa eksklusibong subdivision kung nasaan ang mansyon ng mga Montriele.   Isang oras ang nilakad namin para lang makapuslit. Madaling araw pa lamang ay tumungo na kami para walang masyadong makapansin sa ‘min.   “Ate, ro’n ka, rito na ‘ko. Ingat sa mga ahas, ah?” paalala pa ni Carcar bago lumihis ng daan. Hindi kasi kami dumaan sa usual na daanan patungo sa mansyon. Hindi naman kasi kami p’wedeng papasukin.   Kaya naman nagdesisyon kaming sa may madamo at mapunong parte kami dumaan.   “Hoy! ‘Wag mo ‘kong iwan!” mahinang sigaw ko pero hindi na niya ‘ko pinansin pa.   Natakot naman ako sa sinabi niya. Sa taas ba naman ng mga talahib dito, posible ngang may ahas. Tangina naman, oo!   Napabuntonghininga na lang ako bago nilingon ang malawak na mansyon ng mga Montriele. Nasa likurang parte kami ngayon ng mansyon at kitang-kita kaagad kung gaano kaganda at kalawak ‘yon.   Nagawa rin naming makarating dito nang walang kahirap-hirap dahil hindi nila tinaasan ang seguridad nila, nagpapakita lang kung gaano nila pinagkakatiwalaan ang mga tao rito. Mas lalo akong nakonsiyensya dahil sa naisip.   Tinuon ko ang pagtitig sa mansyon nang ilang sandali.   Mararanasan ko pa kayang makatira sa gan’yang bahay? Siguro para magkatotoo ‘yon, kailangan ko munang gumanda para makapangasawa ng mayamang lalaki. Kahit matanda na. O kaya naman, kailangan ko munang manalo sa lotto.   Sunod na dumako ang tingin ko sa langit. Do’n, nasulyapan ko ang malaking bituin na nangingibabaw sa lahat ng bituin ngayon. Kahit madaling araw na, kita pa rin ang mga tala. Napairap ako.   Lagi na akong iritable dahil sa mga bituin. Feeling ko kasi, ang daya-daya. Star din naman ang pangalan ko. Lucky Star pa nga e. ‘Lucky’ pero ganito ako kamalas sa mundo. Samantalang ‘yang mga tala sa langit, mahulog lang ang isa, tingin ng lahat na sobrang suwerte na no’n. May nagwi-wish pa nga. Tsk!   Pairap kong ibinalik ang tingin sa nag-iisang malaking bituin na nagliliwanag dahil sa madilim na kalangitan.   Sana all suwerte.   Gusto kong mapailing sa naisip. Tatalikod na sana ako at pupuntahan ang tinurong daan sa ‘kin ni Carcar nang may marinig akong magsigawan. Muling dumako ang tingin ko sa malaking bituin pababa muli sa mansyon. Do’n, may natanaw akong dalawang tao.   Nanlaki ang mga mata ko at nagtago. Baka may makakita sa ‘kin! Paktay na!   “Ngayon mo talaga gustong isauli ‘yan, Czai? Nahihibang ka na ba?!” rinig kong sabi ng isang matanda. Nakarinig pa ‘ko ng lagapak na tingin ko’y tunog ng sampal.   Czai?   Isa lang ang kilala kong may gano’ng pangalan sa lugar namin. Kahit alam kong masyadong malawak ang Talomo para siya lang ang magkaro’n ng gano’ng pangalan, sinubukan ko pa ring sumilip.   Nasa balkonahe ang nagtatalo, saktong sa ibaba lang ng pinakamalaking butuin mula sa anggulo ko. Bahagya akong pinaningkit ang mga mata para mapagsino ang nagtatalo.     Napaawang naman ang labi ko nang mamukhaan ang lumuluhang babae.   Si Czarina Lopina! Ang idol ko! Ba’t siya umiiyak? Siya ba ang sinampal nitong matandang babae?   Napuyos ako sa galit dahil sa naisip. Pero kaagad din akong natigil sa pag-iisip nang marahas hinablot ng matanda ang kamay ng iniidolo ko.   “Hand me the ring! You don’t deserve my grandson!” asik ng matanda habang may pilit na tinatanggal sa kamay ni Czarina.   Gusto kong tumulong! Gusto kong tulungan si Czai pero s’yempre, hindi p’wede. Kaya ang tanging nagawa ko na lang ay tumunganga habang pinapanood na pagmalupitan ang idol ko.   “Please at least let me explain things to him first, Donya Minerva! I’m begging you. I r-really liked—No!” Hindi na niya napigilan pa ang matanda at natanggal ang singsing sa kamay ni Czarina.   Ang nakatatakot na parte ay inihagis ‘yon ng matanda sa direksyon ko. Sabay tuloy silang napalingon sa direksyon ko. Mabilis akong napatago muli.   Rumahas ang pagtakbo ng puso ko sa kaba na baka pumunta sila sa kinaroroonan ko.   Tangina naman! Ba’t dito pa inihagis?! Kung minamalas nga naman, oo!   Hindi ko alam kung bakit pero hinanap ko rin ang singsing. Ang nakagugulat pa, eksaktong sa tapat ko lang nahulog ‘yon.   A ring from Czarina. Siguro’y magagamit ko ‘to para makalapit sa kanya!   Gamit ang nanginginig na mga kamay, pinulot ko ang singsing na may malaking diyamante sa gitna.   Ang ganda noon. Ang classy. Parang malaking tala ang bato sa gitna ng singsing na tingin ko ay babagay lang sa magagandang kamay.   Akala ko, aksidente lang lahat ng nangyari noong oras na ‘yon. Hindi ko alam na iyon na rin pala ang unang pagkakataon na una kong nahawakan ang bagay na magdadala ng suwerte sa ‘kin.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD