Chapter 1

2426 Words
"OH, Misuke! Hindi ka ba sasama sa amin sa pag-uwi?" tanong ni Korune nang magpaalam siyang mauuna na sa mga kaklase niya. "Ah, hindi muna. May pupuntahan pa kasi ako," sagot niya. "Ganoon ba? Sige, ingat ka," sabi naman ni Aya. "Kayo rin. See you tomorrow!" paalam niya at nagmamadaling umalis. Tiningnan niya ang kanyang wrist watch habang tumatakbo. Alas kwatro y media pa lang ng hapon. Nakalabas na kaya siya? Sana hindi pa. Huminto siya nang marating niya ang labas ng gate ng Hiroshi High. Kalalabas lang din ng mga estudyante. Isa-isa niyang tiningnan ang mukha ng mga nagsilabasan. Wala roon ang kanyang hinahanap. Halos labinlimang minuto na siyang nakatayo roon pero hindi pa rin niya nakikita ang kanyang inaabangan. Nalungkot siya. Unti-unti na siyang nawawalan ng pag-asa pero hindi pa rin siya sumuko. Matiyaga siyang naghintay hanggang sa lumabas na ang pinakahuling estudyante. Ilang minuto pa'y wala nang lumabas. Huminga siya nang malalim at nakayukong tumalikod. Malungkot at wala siya sa kanyang sarili habang naglalakad pauwi. Maya-maya'y kinuha niya sa kanyang bag ang ID card na napulot niya noong isang araw at matamang tinitigan ang mukha ng may-ari nito. Kenji Kasahara. Bago pa niya napulot ang card na iyon ng binata, ilang beses na niya itong nakita. Madalas itong kasama ng manliligaw ng kaklase niyang si Ami... "Aray!" Bigla siyang natauhan nang mabangga siya ng isang lalaking nakasalubong niya sa daan. Napaupo siya sa tabi ng kalsada at nagkalat sa semento ang mga gamit niya. "Hoy, ano ba? Hindi ka ba tumitingin sa dinadaanan mo?" bulyaw nito sa kanya. Napatingala siya. Isang matangkad, mahaba ang buhok at makapal ang bigoteng lalaki ang tumambad sa kanya. Kung naging gwapo lang ito, siguro ay matutulala siya. Subalit wala sa hitsura nito ang pagiging gwapo—not even close. Masama ang tingin nito sa kanya—at ng tatlong lalaking kasama nito. Agad niyang pinulot ang kanyang mga gamit at tumayo. "I'm sorry. Pasensya na po," hinging-paumanhin niya kasabay ang mabilis na pagyuko. "Sorry? Akala mo ganoon lang kadali iyon?" sarkastikong tanong nito. Bigla siyang naalarma. Nakadama siya ng panganib. Before she realized it, nasa subway na pala sila. Walang masyadong dumadaan doon nang ganoong oras. Kahit magsisigaw siya, walang makakarinig sa kanya. Bigla siyang nainis pero nanatili siyang kalmado. Napatingin ang lalaki sa mga kasamahan nito at ngumisi bago muling bumaling sa kanya. Unti-unting itong lumapit. Napaatras naman siya, pero nakatatlong hakbang lang siya nang maramdaman niya ang semento sa likod niya. "Alam mo, madali naman akong kausap. Kung papayag kang sumama sa amin, palalampasin ko ang ginawa mo sa akin," nakangising wika nito sa kanya. "Pasensya na, kailangan ko na kasing umuwi," marahang tanggi niya at mabilis niyang nilampasan ito. Ngunit hinarang siya ng mga kasama nito. "Alam mo, Miss, ang mabuti pa makisama ka na lang sa amin para hindi ka na masaktan," wika ng payat na kasama nito na mas matangkad lang sa kanya ng ilang pulgada.                                                                                                   --   "SIGURADONG pagagalitan tayo ni Yamiko kapag nakasalubong natin siya ngayon," wika ni Koji. Papauwi na sina Kenji at mga kaibigan niyang sina Koji, Minaru, Uchida, at Nobuta. Hindi sila pumasok nang araw na iyon dahil hindi siya pinapasok ng gwardya. Hindi kasi niya namalayang nawawala ang kanyang ID card. Hindi rin niya nadala ang kanyang Certificate of Registration kaya kahit kilalang-kilala na siya bilang gang lider ng Shitori High, hindi pa rin siya pinapasok. Bagong standard procedure diumano iyon ng eskwelahan na noong araw lang ding iyon ipinatupad. Nakisimpatya naman ang kanyang mga kaibigan kaya pare-pareho silang hindi pumasok at pumunta na lamang sa bilyaran. "Alangan namang hayaan natin si Ken na mag-isa. Magkakaibigan tayo kaya hindi natin dapat pinapabayaan ang isa't isa. Di ba iyon ang turo niya sa atin?" sagot naman ni Uchida. "Pero malamang pinapagalitan na siya ni  Wakashi ngayon," saad naman ni Minaru. "Kahit ano pang idadahilan n'yo sa kanya, magagalit pa rin iyon dahil hindi kayo pumasok," wika niya. "Saan mo ba kasi naiwala ang ID mo?" tanong ni Uchida sa kanya. "Oo nga," segunda naman ng tatlo. "Hindi ko matandaan, eh. Siguro nalaglag iyon noong mapalaban tayo last time," sagot niya. Ang masayang usapan nila ay nauntag nang mabangga sila ng isang babaeng tumatakbo sa direksyon nila. "Kenji!!!" magkakasabay na sigaw ng apat nang makitang nadaganan siya ng babae. Mariin siyang napapikit nang maramdaman ang sakit ng bahagyang pagkauntog ng ulo niya sa semento at ang mabigat na bagay sa kanyang tiyan. Gayon na lamang ang kanyang pagkagulat nang makita ang mukha ng babaeng nakadagan sa kanya. Pati ito'y nagulat din nang tumingin sa kanya. Agad itong tumayo. "Pasensya na," saad nito sabay yuko. "Sorry, hindi ko sinasadya."                                                                                       --   BUMILIS ang t***k ng puso ni Misuke nang mapagsino ang lalaking nadaganan niya. Kenji! Magkahalong tuwa at kaba ang kanyang naramdaman nang mga oras na iyon. Saglit na nawala sa isipan niya ang mga lalaking humahabol sa kanya. Agad siyang tumayo at humingi ng paumanhin dito. "Pasensya na," nahihiya siyang yumuko sa harapan nito. "Sorry, hindi ko sinasadya." "Teka, hindi ba taga-Monshiro High ka? Magkakilala kayo ni Ami, hindi ba?" Napalingon siya nang magsalita si Koji. "Ha? Ah, oo. Ako nga pala si Misuke," sagot niya. "Misuke," ulit ng pinakamatangkad na kasama nito na naka-braid ang blonde hair. "Ako nga pala si Uchida. Uchidafor short," pakilala nito sa sarili. "Ako naman si Minaru," wika naman ng isa pang kasamahan nito na hanggang balikat ang buhok. "Nobuta," anang isa pa. "Ako naman si Koji," pakilala naman ni Koji ng sarili nito sa kanya. "Kilala na kita. Madalas kitang naririnig kay Ami. Ikinagagalak ko kayong makilala," nakangiting sagot niya. Hinintay niyang magpakilala rin si Kenji sa kanya ngunit wala siyang narinig mula rito. Lihim siyang napabuntong hininga. "Sige, mauuna na ako sa inyo. Kailangan ko nang umuwi," paalam niya. Baka abutan pa ako ng mga sanggalong humahabol sa akin, dugtong ng utak niya. Malamang hindi siya titigilan ng mga iyon lalo na't nasipa niya sa ari nito ang pangahas na lalaking humarang sa kanya. Akmang tatalikod na siya nang magsalita si Kenji. "Sandali!" Napalingon siya. Naroon pa rin ang kaba subalit mas nag-uumapaw ang kanyang tuwa. "H-ha? May kailangan ka?" nag-aalangang tanong niya rito. "Bakit nasa iyo ito?" seryosong tanong nito sa kanya—staring straight into her eyes—nang itaas nito ang kamay na may hawak ng ID card nito. "Ha? Ah, eh. Napulot ko iyan noong isang araw," mahinang sagot niya. Umiwas siya nang tingin dito. "Hindi siya pinapasok ng guard kanina kasi wala siyang ID kaya hindi na rin kami pumasok," sabad ni Uchida. "Kaya pala hindi ko kayo nakitang lumabas ng gate kanina," mahinang sagot niya. "Nagpunta ka sa school namin kanina?" gulat na tanong ni Kenji. "Para sana isauli iyan kaso..." "Tingnan mo nga naman." Sabay-sabay silang napalingon. Ganoon na lang ang kanyang pagkatakot nang makita ang mga humahabol sa kanya kanina. Takot hindi para sa kanyang sarili kundi para kina Kenji. "Tumakbo ka ba para humingi ng tulong sa mga bubwit na iyan?" tanong ng lalaking bumastos sa kanya kanina. "Sino sila?" pabulong na tanong ni Nobuta. "Sila ba ang humahabol sa iyo kaya ka tumatakbo kanina?" tanong naman ni Kenji bago pa siya makasagot. "Oo," sagot niya. "Ganoon ba? Hawakan mo muna ito," anito sabay abot ng ID card nito. Tinanggap niya iyon at inilagay sa loob ng kanyang bag. "Anong kailangan n'yo sa kanya?" pasigaw na tanong ni Kenji sa mga ito. "Ibigay n'yo siya sa amin at hahayaan namin kayong makauwi nang walang galos," mayabang na sagot ng pinakagago sa grupo nito. Humakbang si Kenji sa harapan niya at itinago siya sa likuran nito. "Eh, paano kung ayoko?" seryosong sagot nito. Nagulat man siya sa ginawa nito, lihim namang kinilig ang kanyang puso. Mas napahigpit ang kapit niya sa kanyang bag. "Ang lakas ng loob mong magsalita, ah," singhal ng lalaking humarang sa kanya kanina. "Bakit, boyfriend ka ba niya?" tanong nito na unti-unting lumapit sa kanila. "Ano nama'ng akala mo? Papatol siya sa iyo?" pilosopong sabad ni Nobuta. Natawa sila sa sinabi nito na siyang nagpasiklab ng galit ng kausap. Bigla na lamang nitong sinugod ng suntok si Kenji. Gumanti naman ang binata. Nakipagsuntukan din ang kani-kanilang mga kasamahan kaya nagsimula nang magkarambolan ang lahat. Siya naman ay parang tuod na nakatayo lang doon at hindi makakilos. Pakiramdam niya'y siya na ang pinakamaswerteng babae sa buong mundo dahil ipinagtanggol siya ni Kenji, ang binatang sa unang kita pa lamang niya ay tumibok na ang kanyang puso. Halos hindi siya kumurap habang pinagmamasdan kung paano ito makipaglaban sa mga hambog na mga lalaking bumastos sa kanya. Ilang sandali pa'y nagsitakbuhan na ang mga kalaban. "Hindi pa tayo tapos! Babalikan ko kayo!" banta ng lider ng mga ito habang unti-unting nawawala sa paningin nila. "Kenji, okay ka lang?" nag-aalalang tanong niya na agad dinaluhan ang binata. Humihingal itong napaupo habang pinapahiran ng daliri ang duguang mukha. Naglabas siya ng panyo para punasan ang dugong nagmantsa sa gwapo nitong mukha. "Okay lang ako," sagot nito na tumangging magpapunas sa kanya. Lihim siyang napahiya. "Patawad. Napaaway pa kayo nang dahil sa akin," nakayukong wika niya.  "Nah. Wala iyon," sagot ni Uchida. "Hindi rin naman namin sila hahayaang manakit ng kahit na sino." Napangiti siya. "Maraming salamat." Tumayo na si Kenji. "Saan ba sa inyo? Ihahatid ka na namin. Baka balikan ka pa ng mga gagong iyon. Kargo de konsenya pa namin kapag may nangyaring masama sa iyo." Nasaktan siya sa huling sinabi nito, pero hindi na lamang niya iyon pinansin. Kilalang malamig ang taong ito at madalas blangko ang reaksyon kaya hindi na siya magtataka kung ganoon ito magsalita. Basta alam niyang mabuti itong tao. Handa itong protektahan ang kahit sinong naaapi. "Hindi ba kalabisan sa inyo kung..." "Okay lang. Walang problema," mabilis na sabad ni Uchida. "Isa pa, ayokong malungkot si Ami kapag nalaman niyang may masamang nangyari sa kaibigan niya," dagdag naman Koji. Muli siyang napangiti. "Maraming salamat sa inyo." "Tara na!" yaya ni Kenji. "Kailangan na rin nating umuwi." Wala siyang nagawa kundi ang hayaan ang mga ito na ihatid siya. Wala silang imikan habang naglalakad pero lihim na nagpasalamat ang kanyang puso sa mga sanggalong humahabol sa kanya kanina. "Pasenya na, hanggang dito na lamang kayo. Baka kasi makita pa kayo ng daddy ko, mapagalitan pa kayo," wika niya nang huminto sila sa di-kalayuang kanto mula sa bahay nila. "Okay ka na ba rito?" tanong naman ni Koji. "Oo. Maraming salamat sa paghatid...at sa pagligtas sa akin kanina." "Wala iyon," sagot ni Minaru. "Sige, ingat ka," wika naman ni Nobuta. "Pakikumusta mo na lang ako kay Ami bukas," hirit pa ni Koji. "Um!" tango niya. "Good night!" nakangiting paalam niya sa mga ito. Nag-alangan siyang tumalikod dahil hinintay pa niya ang sasabihin ni Kenji, ngunit wala na siyang narinig mula rito. Lihim na naman siyang napabuntong-hininga at nagsimulang maglakad papunta sa bahay nila. Hindi pa man siya nakakalapit sa gate nila, naramdaman niyang may tao sa kanyang likuran. Agad siyang napalingon. Nagulat pa siya nang makita si Kenji na tumatakbong papalapit sa kanya. "Oh, Kenji! Bakit?" takang tanong niya nang huminto ito sa tapat niya. "ID ko," anito sabay lahad ng kanang palad. Matagal bago naproseso ng utak niya ang sinabi nito dahil sa sobrang lakas ng kabog ng kanyang dibdib. "Ay, oo nga pala!" sagot niya at agad kinuha ang ID nito sa bag niya. Iniabot niya iyon sa binata. "Salamat," malamig na sabi nito, subalit labis iyong nagpasaya sa kanya. Isang simpleng pasasalamat lamang iyon pero pakiramdam niya'y tumaba ang puso niya at lumulutang siya sa ere pagkatapos no'n. Hindi niya mapigilang mapangiti habang inihahatid nang tingin ang binata hanggang sa tuluyan na nga itong maglaho sa paningin niya. Kenji. Hayyy... Mabuti na lang at hindi ko pinatulan ang mga sanggalong iyon kanina. Kung hindi ako tumakbo baka hindi kita nakita. Bigla siyang kinilig nang maalala ang pagkakabangga niya rito at ang posisyon nila nang madaganan niya ito. Napahiga lang naman siya sa katawan nito. "Sino iyong mga naghatid sa iyo?" Para siyang binuhusan ng malamig na tubig nang pagpasok niya ng bahay ay marinig niya ang matigas na tinig ng daddy niya na kabababa lang ng hagdanan. "Po?" "Akala mo hindi ko sila makikita mula sa taas?" Masama ang ibig sabihin ng tingin nitong diretso sa mga mata niya. "Nagmagandang-loob lang po silang ihatid ako pauwi dahil baka po may masamang mangyari sa akin sa daan," sagot niya. Wala siyang balak sabihin dito ang totoong nangyari. Alam niyang lalo lang itong magagalit at baka madamay pa sina Kenji kapag nalaman nito. "Akala ko ba napag-usapan na natin 'to?" Lihim siyang napabuntong-hininga. As usual, umandar na naman ang ugali nitong hindi nakikinig sa mga katwiran hangga't mali ang nakikitang ginagawa niya—nila ni Yuki. Inihanda na lamang niya ang kanyang sarili para sa isa na namang sermon. "Yuki, anong oras na? Bakit ngayon ka lang?" Napalingon siya sa kanyang likuran. Kararating lang ng kapatid niyang si Yuki. "Nagkayayaan lang kami ng mga kaklase ko. Hindi ko napansin ang oras," sagot nito na wala man lang bahid ng pagsisisi sa ginawa. Maya-maya'y napatingin ito sa kanya at pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa. "Ate may assignment ako, pwede mo ba akong turuan?" hiling nito sa kanya, pero hindi iyon ang nakikita niyang gusto nitong sabihin. "Sige. Magbibihis lang ako," sagot niya rito. Tumango lang ito at nauna nang umakyat sa taas. Binalingan niyang muli ang ama. "Akyat na po ako. Excuse me po," magalang niyang paalam dito. Nagulat siya nang pagdating niya sa lobby sa itaas, nakita niya si Yuki na nakasandal sa pader na katapat ng kanyang kwarto. "Nasaktan ka ba?" malamig pero nag-aalalang tanong nito sa kanya. Nagulat man, alam na niya kung ano ang tinutukoy nito. Hindi na niya tinangkang tumanggi pa o magpatay-malisya tungkol sa nangyari sa kanya. "Okay lang ako. May tumulong naman sa akin," sagot niya. "Sila ba iyong mga naghatid sa iyo rito?" tanong ulit nito. Nagtatanong ang mga matang tinitigan niya ito. "Nakasalubong ko sila sa daan nang papunta ako rito." sagot nito na parang nahulaan na ang kanyang itatanong. "Sa susunod, tawagan mo ako kung mag-isa ka lang uuwi para maihatid kita bago kami lumabas ng mga barkada ko." "Okay!" tango niya. "Sige na, magpahinga ka na," taboy nito sa kanya na para bang mas nakatatanda ito kaysa sa kanya. Napangiti siya. Lumapit siya rito at ginulo ang buhok nito. "Ikaw talaga, masyado kang nag-aalala sa akin." Nairita ito sa ginawa niya kaya kinuha nito ang kanyang kamay. Pagkuwa'y suminghot-singhot. "Hmp! Ang baho mo na. Maligo ka na nga," reklamo nito sa kanya. "Ang kapal mo. Akala mo naman kung sino kang mabango," sampal niya sa balikat nito. Tumawa lang ito. Napangiti naman siya. Ito naman ang gumulo sa buhok niya bago tumalikod at pumasok na sa silid nito.     
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD