Chapter 2

2579 Words
"ANO'NG ginagawa mo?" Natigilan siya at biglang napatingala. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita si Yuki. Kasalukuyan siyang nakayakap sa kanyang unan habang inaalala ang nangyari sa kanya lalo na kung paano siya iniligtas ng kanyang "knight-in-shining-armor". "What's with that look?" kunot-noong tanong ulit nito. Dagli siyang tumayo para itaboy ito. "Ano'ng ginagawa mo rito? Bakit ka pumapasok nang hindi nagpapaalam?" bulyaw niya na halos yumanig sa buong silid. "Teka, ano ba'ng nangyayari sa iyo?" nalilitong tanong ng kapatid. Bwisit na batang ito! Mabuti na lang at wala akong ibang ginawa kundi bloody red na ang mukha ko sa kahihiyan dahil siguradong tutuksuhin at pagtatawanan ako ng mokong na 'to. Huminga siya nang malalim at kinalma ang sarili. "Wala. Nagulat lang ako," mahinahong sagot niya. "Bakit ka nga pala naparito?" "Naalala ko, may exam pala kami bukas. Kailangan kong pumasa kaya magpapaturo sana ako," sagot nito. Napangiti siya sa sinabing iyon ni Yuki. "Halika sa table." Masaya siya habang pinagmamasdan si Yuki na nagsisikap sa pag-aaral to think na hindi nito ugaling mag-aral. Marahil napagtanto na rin nito ang mga pagkakamali noon at sinikap nang magpakatino upang hindi ma-disappoint ang daddy nila. "Hindi ko ito ginagawa para sa kanya," maya-maya'y wika ni Yuki na parang nahuhulaan ang huling inisip niya. "Ginagawa ko 'to para sa 'yo," dagdag pa nito. She was caught off guard sa sinabing iyon ng kapatid. Emosyonal siyang napatitig dito. Nangingilid ang mga luha sa kanyang mga mata sa sobrang tuwa. Tumigil ito sa ginagawa at seryoso ang mukhang humarap sa kanya. "Naisip ko kasi, ang dami mo nang nagawa para sa akin. Hindi man lang kita napasalamatan. Maraming salamat...Ate." Tuluyan na siyang napaluha. "Ikaw talaga. Halika nga rito," aniya at niyakap ito nang mahigpit. Pagkuwa'y marahang kumalas. "Mahal na mahal kita, Yuki. Kahit anong mangyari, huwag mong kakalimutan iyan." Click! Biglang may kumislap na bagay sa harapan niya. "Gotcha! Iyakin pala itong ate ko, eh!" natatawang wika ni Yuki nang tumayo at tiningnan sa cellphone nito ang hitsura niya. Tila naman sabay-sabay na tumigil ang mga luha niya at na-realize na pinagtripan lang pala siya ng kapatid. "Yukiuuu!!!" nanggigigil sa inis na sigaw niya. Malakas pa ring tumatawa si Yuki habang tumatakbo palabas ng kanyang kwarto papunta sa kwarto nito. Agad nitong ni-lock ang pinto para hindi siya makapasok. "Yuki, buksan mo ang pinto. Hoy, i-delete mo iyan!!!" parang batang sigaw niya sabay pukpok ng mga kamay sa pintuan nito. "Hahaha! Ang pangit mo pala talaga kapag umiiyak," narinig niyang tawa nito mula sa loob. "Humanda ka sa akin kapag nahuli kita..." "Misuke!" Napakislot siya at natigilan nang marinig ang sigaw na iyon. "Dad?" "Ano ba'ng pinaggagawa n'yo? Gabing-gabi na, nambubulahaw kayo," galit na wika nito. Bumuntong-hininga siya. "Sorry po," nakayukong wika niya. Tumalikod na ito at bumalik sa master's bedroom. Saka naman bumukas ang pintuan sa kwarto ni Yuki. "Okay ka lang ba?" nag-aalalang tanong nito sa kanya. Tumango lang siya. "Magpapahinga na ako," mahinang sabi niya at bumalik na sa kanyang silid. Matamlay siyang naupo sa gilid ng kanyang kama. Ilang beses siyang napahinga nang malalim. "Hindi pa rin siya nagbabago." "Simula sa araw na ito, dito ka sa poder ko titira. Kakalimutan mo ang lahat ng tungkol sa angkan mo lalo na ang mga kaibigan mo. Kapag nalaman kong nakikipag-ugnayan ka sa kanila, ipapakulong ko sila at ilalayo kita kay Yuki." Tango lang ang tanging naisagot niya sa kondisyon ng ama. Masakit sa loob niya ang sundin iyon pero wala siyang magagawa. Gusto niyang makasama ito lalo na ang kanyang kapatid. "Higit sa lahat, hindi ka pwedeng makipaglaban. Mamumuhay ka bilang isang normal na batang babae, at ang mga babae, hindi nakikipagbasag-ulo. Maliwanag?" "Opo," mahinang sagot niya habang nakayuko. "Hindi ka na si Kazumi Miyagami. Simula sa araw na ito, ikaw na si Misuke Odagiri. Tandaan mo, dala-dala mo ang apelyido ko kaya't hindi mo ito pwedeng dungisan kahit katiting." "Opo, Daddy." "'Sir'," pagtatama nito. "Anak ka ng isang malayong kamag-anak at kinupkop lang kita. Don't call me 'Dad' until I say so, hangga't hindi mo napapatunayang karapatdapat kang maging bahagi ng pamilyang ito. Hangga't hindi nawawala sa sistema mo ang pagiging yakuza." Hindi niya namalayang tumulo na naman pala ang kanyang mga luha. Pinahiran niya ang kanyang pisngi at nagpasyang magpahinga na.                                                                                      --   KAPAPASOK lang ni Kenji sa kanilang classroom nang humahangos na pumasok si Nobuta gamit ang kabilang pinto. "Bad news!" sigaw nito. "Nobuta, anong nangyari?" tanong ni Minaru. "Iyong nakalaban natin kagabi. Miyembro sila ng Korugane Gang," sagot nito. "Korugane Gang???" sabay-sabay naman tanong ng mga kaklase nila. "Sila ang pangatlo sa pinakakinatatakutang gang sa buong syudad. Ang dami na nilang krimeng nagawa pero hanggang ngayon, hindi pa rin nahuhuli ng mga pulis ang kahit isa sa kanila," mahabang paliwanag ni Nobuta. "Eh, ano naman?" hindi nababahalang tanong niya. "Wala akong pakialam kung pangatlo sila o sila pa ang pinakakinatatakutang gang sa buong Japan. Hindi ako natatakot sa kanila." "Tama! Basta't sa ngalan ng pag-ibig, dapat wala tayong kinatatakutan," sang-ayon ni Koji. "Di ba, Ken?" "Haaaa???" sabay-sabay na tanong ng buong klase na ang iba'y natigilan pa sa kani-kanilang ginagawa. Maging siya ay nagulat din sa sinabi ni Koji. "Ah, iyong taga-Monshiro High na iniligtas natin kagabi! Si Misuke," sabad naman ni Minaru. "Ang babaeng iyon...ang ganda niya at sobrang bait," saad ni Nobuta na tila sinasariwa ang hitsura ng babaeng tinulungan nila ng nagdaang gabi. "Tumigil nga kayo," sita niya sa mga ito. "Ayeeeh... Kenji, huwag ka nang mahiya sa amin," tukso ng mga kaklase niya. "Uy, si Kasahara in love?" "Yamiko?!" sabay-sabay na sigaw nilang lahat nang biglang nagsalita ang kanilang homeroom teacher. "Kanina ka pa ba diyan?" tanong ni Nobuta. "Oo, at narinig ko lahat ng pinag-uusapan ninyo," sagot nito. "Huwag ka ngang sumabad sa usapan ng may usapan," saway niya rito sabay labas ng kanilang classroom. "Hoy, Kasahara! Bumalik ka rito!" narinig niya tawag sa kanya ni Yamiko subalit hindi niya iyon pinansin. Dire-diretso siya sa rooftop. Doon siya nakahanap ng katahimikan at pagkakataong makapag-isip. Naalala niya ang sinabi ni Nobuta tungkol sa mga nakalaban nila ng nagdaang gabi. Sa hitsura ng mga iyon, hindi iyon papayag na hindi makaganti. May posibilidad na balikan nila si Misuke dahil ito ang puno't dulo ng naging engkwentro nila kagabi. O kaya nama'y idamay ng mga ito ang mga kaibigan niya upang makaganti sa kanya. "So, andito ka lang pala?" Napalingon siya sa may-ari ng pamilyar at minsan nakaiiritang boses na iyon. Lumapit ito sa kanya. "Nag-aalala ka sa kanya, ano?" tanong nito na may halong panunukso. "Ha?" patay-malisyang tanong naman niya. "Si Misuke. Siya iyong tinulungan ninyo kagabi, hindi ba? Sinabi na nila sa akin ang nangyari. Napahanga mo ako sa ginawa mo," seryosong sagot nito. "Hindi ko kailangan ang paghanga mo." "Sigurado akong na-in love na sa iyo si Misuke. Para kang knight in shining armor sa ginawa mo sa kanya," kinikilig pang sabi nito na parang isang teenager. Napatitig siya rito habang iniisip ang magiging reaksyon nito kung ito ang iniligtas niya nang gabing iyon. Subalit alam niyang imposibleng mangyari iyon dahil masyado itong malakas para magpa-harass sa mga taong iyon o tumakbo. Lihim siyang napabuntong-hininga. "Tumigil ka nga. Hindi bagay sa iyo ang kinikilig," saway niya rito bago tumayo para iwan na naman ito. Bumalik siya sa kanilang classroom para kunin ang kanyang bag. "Oh, Kenji! Saan ka ba nagpunta?" tanong ni Nobuta. "Wala, nagpahangin lang," sagot niya. "Tara, kain na tayo," yaya pa niya sa mga ito. Sumunod naman ang kanyang grupo at sabay silang pumunta sa cafeteria. "Kenji, tingin mo, babalikan talaga tayo ng mga nakalaban natin kagabi?" may pag-aalala sa tinig ni Koji. "Hindi ko alam. Maaring tayo. Maaring si Misuke," kalamadong sagot niya. "Ha???" sabay-sabay namang sambit ng mga ito. "Kung ganoon, delikado si Misuke. Baka kung anong gawin nila sa kanya," wika ni Minaru. "Tama ka. Kailangan natin siyang bantayan," sang-ayon naman ni Nobuta. "Ha?" kunot-noong tanong niya. Hindi niya akalaing seryoso ang mga kaibigan niya. Pagkauwian nila'y dumiretso sila sa Monshiro High upang bantayan si Misuke. "Hayun siya!" turo ni Uchida. Sinundan nila ang direksyon ng kamay nito at nakita nila ang papalabas na si Misuke kasama ang ilang mga kaklase nito. "Mukhang maayos naman siya," ani Koji. "Huwag tayong pakasisiguro. Masyado pang maaga para maging kampante," wika ulit ni Uchida. Napasunod lang siya sa mga ito nang lihim nilang sundan kung saan papunta si Misuke na noo'y nakipaghiwalay na ng lakad sa mga kasamahan nito.                                                                                              --   "HI guys!" bati ni Misuke nang puntahan si Yuki sa paborito nitong bilyaran na tambayan nito kasama ng mga kaibigan. Napahinto ang mga binata sa paglalaro at napalingon sa kanya. "Hi, Ate!!!" bati ng mga ito. Lumapit si Yuki sa kanya. "Kumain ka na ba?" "Hindi pa, pero sa bahay na lang ako." "So, pumunta ka lang dito para makita si Yuki?" tanong ni Satoshi bago tumira. "Hmm...Parang ganoon na nga," nakangiting sagot niya. Dahil sa narinig ay tinukso ng mga ito si Yuki. "Ang sweet talaga ng ate mo, Yuki. Sana kasingbait niya ang maging girlfriend ko," wika ni Takeru. Natawa naman siya sa tinuran nito. "Ah, siyanga pala. Nasaan na naman si Yamato?" tanong niya nang mapansing kulang ang grupo nito. "Siya na lang talaga ang hindi ko pa nakikilala nang harapan." Simula't sapul ay hindi pa talaga sila nagkakaharap ni Yamato. Madalas itong ikwento ni Yuki at ng mga kaibigan nito sa kanya pero hindi pa niya ito nakikita sa personal kaya hindi niya alam kung anong hitsura nito. O baka nagkasalubong na sila sa daan pero hindi lang sila nagkakapansinan dahil hindi nila kilala ang mukha ng isa't isa. "Ay naku! Ewan ko ba sa taong iyon. Laging late at wrong timing. Kapag andito ka, siya naman ang wala," sagot ni Yuki na naghahanda na sa pagtira pagkatapos ni Satoshi. "Tinutukso na nga namin na baka iniiwasan ka niya," saad naman ni Kuga. Nagkatawanan lang sila. Maya-maya'y kumuha siya ng isang billiard stick at siya ang tumira imbes na si Yuki. Pasok ang bola. "Woah!!!" bulalas ng apat. "Ang galing talaga ni Ate Misuke!" napahangang wika ni Takeru. "Hindi ko pa nga natatalo iyan, eh," saad naman ni Yuki. "Gusto mo, mag-one-on-one tayo?" nakangiting hamon niya. Ngunit bago pa man ito makasagot, nahagip na ng kanyang paningin ang wall clock. "Naku, gabi na! Kailangan ko nang umuwi." "Ha?" sabay-sabay na tanong ng mga kaibigan ni Yuki. "Alam n'yo naman ang daddy namin," sagot niya. Ibinalik ni Yuki sa pinagkunan nila ang mga stick na ginamit nila. "Ihahatid na kita," anito. "Babalik ako agad," paalam naman nito sa mga kaibigan.                                                                                    --   "BAKIT ba kailangan nating gawin ito?" reklamo ni Kenji nang huminto sila sa di-kalayuang bilyaran kung saan pumasok si Misuke. "Ken, kargo de konsensya natin kapag...Ahh!" sigaw ni Uchida. "Bakit, Uchidai???" sabay-sabay na tanong nila. Paglingon nila'y nakita nila si Misuke na lumabas kasama ang isang lalaki. "Iyang lalaking iyan...B-boyfriend kaya niya iyan?" tila nanghihinayang na tanong ni Nobuta. Matiim niyang tinitigan ang lalaking kasama ni Misuke. Inakbayan pa nito ang dalaga at masayang umalis ang dalawa. Hindi malayong totoo ang hinala nila. "Sinabi ko naman sa inyong hindi na natin kailangang gawin ito," aniya. Tatalikod na sana siya para umalis na ngunit pinigilan siya ng mga kaibigan. Isinama siya ng mga ito sa pagsunod sa dalawa hanggang sa marating nila ang bahay na pinaghatiran nila kay Misuke ng nagdaang gabi. Nagtago sila sa isang sulok subalit hindi pa rin inaalis ang tingin sa dalawa. Bago pumasok ang dalaga'y pinisil pa nito ang pisngi ng lalaki, katulad ng ginagawa ni Yamiko sa kanila. "Kenji, anong iniisip mo?" untag sa kanya ni Nobuta. "Gusto ko nang umuwi," sagot niya. Sumang-ayon naman ang mga ito nang tuluyan nang makapasok si Misuke sa loob ng gate. Kalalagpas lang nila sa park, kung saan sila nabunggo ni Misuke nang makita nilang nagkakagulo sa di-kalayuang tunnel. Gayon na lamang ang kanyang pagkagulat nang mamukhaan ang lalaking pinagtutulungan ng isang grupo. "Teka, di ba iyon iyong lalaking naghatid kay Misuke kanina?" tanong ni Minaru. "Siya nga!" sagot ni Nobuta. "Uy, di ba iyon iyong mga nakaaway natin kagabi?" sambit naman ni Koji. "Korugane gang..." "Kenji, hindi ba natin siya tutulungan?" tanong ni Nobuta sa kanya. Hindi siya sumagot. Dahan-dahan niyang nilapitan ang mga ito. Napasunod naman ang iba pa. "Uy, kayo! Hindi na kayo nahiya? Ang dami n'yong nagtulong-tulong sa kanya," kalmadong wika niya sa mga ito. Napahinto ang mga ito sa paggulpi sa lalaki at napatingin sa kanila. Napatingin din sa kanila ang bugbog-saradong lalaki. "Sige na, umalis ka na. Kami na'ng bahala rito," utos niya rito. Agad naman itong tumakbo paalis nang magkaroon ng pagkakataong tumakas. Sinubukan pa itong pigilan ng isang lalaki subalit pinahayaan na ito ng lider ng grupo. "Kayo na naman?" galit na saad ng gang leader. "Oo, kami nga. Bakit, may problema?" palaban namang sagot ni Uchida. "Ang lakas ng loob ninyo, ah. Hindi n'yo ba kami kilala?" anang isa. "Bakit, kilala n'yo ba kami?" pilosopong tanong naman ni Nobuta. "Shitori High," sagot ng isang kasama nito. "Sorry, pero wala kaming panahong makipagkilala sa inyo," wika niya at akmang tatalikod na. Ngunit biglang sumugod ang isang kalaban. Sinipa niya ito. Nagalit ang mga kasamahan nito at sumunod sa pagsugod sa kanila. Doon na nagkapalitan ng suntok. Lumaban na rin ang kanyang mga kaibigan. Subalit lubhang marami ang kanilang kalaban kaya kinuyog sila ng mga ito. Bugbog-sarado at hindi na sila makakilos para lumaban pa. "Bitiwan n'yo sila!" Napahinto ang lahat nang marinig ang malakas na sigaw na iyon. Napalingon sila sa bunganga ng tunnel. "Yamiko...?" hindi makapaniwalang wika niya nang makilala kung sino ang nakatayo roon. "Yamiko..." wika naman ng mga kaibigan niya nang makilala rin ito. "Haven't you had enough? Ang dami ninyo at lima lang sila. Hindi pa ba sapat ang kalagayan nila ngayon para tumigil na kayo?" mahinahon ngunit mariing tanong nito sa mga kalaban nila. "Hoy, Miss! Sino ka ba? Baka gusto mong matulad din sa kanila," lalaking una niyang sinipa. "Ako?" tanong ni Yamiko habang naglalakad palapit sa kanila at tinatanggal ang mga tali sa buhok at eyeglass nito. "Sino ako? Ako lang naman ang kanilang homeroom teacher." "Homeroom teacher?" panghahamak ng gang leader habang natatawa. Nagsipagtawa naman ang mga kasamahan nito. "Andito ka para iligtas ang mga estudyante mo?" "Ibalik n'yo sila sa akin at umalis na kayo," matigas na wika ni Yamiko sa mga ito. "Pasensya na pero...walang pwedeng mag-utos sa amin na kahit sino. Ako lang ang pwedeng mag-utos sa mga kasamahan ko. Kung ayaw mong madamay, umalis ka na lang." "Hindi ko pwedeng iwan ang mga mahal kong estudyante." "Eh, pare-pareho pala kayong mga pakialamero..." Akmang susuntok na ito nang saluin ni Yamiko ang kamao nito at pinihit sa likod nito. "A-aray...." "Kung para sa kapakanan ng mga estudyante ko, hindi ako magiging mabait sa inyo," wika nito at itinulak ito sa sulok. Sumugod ang iba pa subalit isa-isa itong nilabanan ni Yamiko. Bagsak sa semento at namimilipit sa sakit ang bawat isa. "Ano? Gusto n'yo pa?" pasinghal na tanong ni Yamiko. Takot namang nagsitakbuhan ang mga ito. "Tara na!" Isa-isa na silang nagsipagtayo at inayos ang mga sarili. Ilang sandali pa'y hinarap na sila ng kanilang guro. "Guys, okay lang kayo?" nag-aalalang tanong nito sa kanila. "Oo, okay lang kami. Salamat, Yamiko," sagot ni Nobuta. "Kung saan-saan kasi kayo nagsususuot, eh," nakangiting wika nito sa kanila. Tila huminto ang kanyang mundo habang pinagmamasdan ang ngiting iyon ni Yamiko at ang mga mata nitong puno ng pag-aalala para sa kanila bilang mga estudyante nito. Napaisip siya kung kailan mangyayaring ito naman ang ililigtas niya. "Kasahara, bakit?" untag nito sa kanya. "Wala," sagot niya at umiwas ng tingin dito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD