"KAZUMI! Saan ka ba nanggaling? Kanina pa kita tinatawagan." Habang tinitingnan ni Kazumi si Terajiko, hindi niya na alam kung maniniwala pa siya sa pag-aalalang nakikita niya o iisipin niyang nagkukunwari lamang ito. "Kazumi, okay ka lang?" tanong naman ni Hikari sa kanya. Tinitigan lang niya ito hanggang sa isa-isa na niyang tinitigan ang kanyang mga kaibigan. Kung mga kaibigan mo talaga sila, wala kang dapat ipag-alala. Hindi sila gagawa ng kahit na anong ikapapahamak mo. "Yeah. Okay lang ako," mahinang sagot niya. "Gusto ko nang magpahinga. Magpahinga na rin kayo," paalam niya sa mga ito bago dumiretso sa kanyang kwarto. Nanghihinang naupo siya sa kanyang kama. Litung-lito ang kanyang isipan. Hindi niya alam kung ano ang iisipin sa mga kaibigan niya dahil sa kanyang mga nalaman.

