KAY FRANCINE humingi ng referral si Jane para magde-decorate ng magiging bahay nila ni Paolo. Head ng design department ng Builders si Francine at isa ring interior designer kaya dito siya humingi ng tulong. Actually, best friend ni Janine si Francine at malapit din sila sa isa’t-isa. But in terms of maturity, milya-milya ang layo ni Francine sa kapatid niyang si Janine kahit pa magkasingtanda lang ang dalawa. Marahil ay dahil tulad niya ay panganay rin sa apat na magkakapatid si Francine samantalang bunso at Daddy’s girl naman si Janine.
Nang malaman ni Francine na ang magiging bahay nila ni Paolo ang magiging proyekto ay iprinisinta nito ang sarili. Hindi naman daw masyadong abala si Francine at nami-miss na rin daw nito ang dating trabaho dahil mula nang maging department head ito ay puro na lang paper works ang hinaharap.
She knew Francine was smart and very talented so she quickly agreed. Kay Francine din siya humingi ng advice noong ma-acquire ni Paolo ang condo unit nito at ipaubaya sa kanya ang pagde-decorate. Abala kasi noon ang kanyang nobyo sa isang construction project nito sa Olongapo.
Mahigit isang linggo nang tinatrabaho ni Francine at ng mga assistants nito ang pagde-decorate ng buong bahay pagkatapos aprubahan ni Jane ang sketches nito. Maliban sa third floor dahil hindi pa niya alam kung anong balak doon ni Paolo. Pero araw-araw ay bumibisita rin siya roon.
Hindi nagkaroon ng pagkakataon si Jane na sabihin kay Paolo ang plano niya dahil nilayasan nga siya nito sa condo unit nito pagkatapos magalit sa kanya. Hindi rin sinasagot ng kanyang nobyo ang mga text at phone calls niya. Kay Trisha na lang niya nalaman na nagtungo ito sa resort nila sa Palawan kasama sina Ken, Gabe at BJ kung saan naroon din ang iba pang mga kaibigan ng mga magulang nila para pag-usapan ang isang sports club center na planong ipatayo ng mga magulang nila. Batid niyang galit talaga si Paolo sa kanya dahil sa unang pagkakataon ay hindi nito ipinaalam sa kanya na nag-leave at umalis ito.
Nagdesisyon si Jane hayaan na muna ang nobyo at hintayin itong makabalik bago siya muling magpaliwanag at mag-sorry. Nagdesisyon din siya na gawing sorpresa na lang kay Paolo ang pagpapa-decorate ng magiging bahay nila. Sigurado naman siyang hindi nito mamasamain ang pangingialam niya dahil noong una siyang magpunta roon ay sinabihan siya nito na siya ang masusunod sa magiging interior decoration ng bahay. Nakiusap na lang siya kay Francine at Mang Gustin na huwag ipaalam kay Paolo ang sorpresa niya.
Noong umagang iyon ay magkasamang naglibot at namili ng mga appliances sina Jane at Francine sa mga home depot centers at appliance stores. Sabay na rin silang nag-lunch at pagkatapos ay nagkanya-kanya nang sakay ng kotse. Sa magiging bahay nila ni Paolo patungo si Francine, hihintayin na lang din nito roon ang delivery ng mga appliances na binili nila. At siya naman ay papasok na sa opisina.
Malapit na si Jane sa office building ng MNGC nang makatanggap siya ng tawag mula kay Kuya Jay-Jay.
“Jane, congratulate me. Nanganak na si Kate!” puno ng kagalakang pagbabalita nito.
“Really? Congratulations, Kuya!” masayang–masaya ring tugon niya. Nakaligtaan niyang kabuwanan na nga pala ni Kate.
“Nandito kami sa St. Francis. Pumunta ka na lang dito, tatawagan ko pa sina Lola. Bye!”
Excited na nag-U-turn si Jane patungo sa St. Francis General Hospital. Wala pang dalawampung minuto ay nakarating kaagad doon ang dalaga. Nagulat pa siya nang madatnan sa hospital suite ni Kate si Paolo. Kaagad niya itong nginitian. He nodded then he planted a kiss on her cheek.
Itinuon muna ni Jane ang atensyon kay Kate at sa baby. Eight pounds baby boy ang pamangkin niya. Hindi makakailang isa itong Monteclaro dahil malaki ang pagkakahawig ng baby sa sa pinsan niya at asul din ang mga mata tulad nila.
Makalipas ang isang oras ay isa-isa nang nagdatingan ang mga kapatid ni Kate at mga kaibigan nila pati na rin si Francine. Tila alam ng lahat na may hindi pagkakaunawaan sina Jane at aPaolo dahil himalang hindi sila tinukso ng mga ito. Nang dumating ang mga magulang ni Kate ay doon na nagpasyang magpaalam ni Jane. Hindi na siya nagulat nang magpaalam din si Paolo. Iyon na ang tamang pagkakataon para mag-usap sila.
“HOW ARE you?” tanong kay Jane ni Paolo habang nakasakay sila sa loob ng kotse niya na naka-park sa gilid ng ospital. Si Jane ang nakapuwesto sa driver’s seat at nakaupo naman sa passenger seat si Paolo.
“I’m fine. Kailan ka pa bumalik?”
“Just an hour ago. Nagpunta kaagad ako rito sa ospital nang matanggap ko ang group text ni Jay-Jay.”
Tumango-tango siya. “Paolo, about what I did –”
“Huwag muna tayong magkita, Jane,” biglang putol nito sa sinasabi niya.
“What?” gulat na bulalas niya. “A-ano’ng ibig mong sabihin?”
Bumuntong-hininga muna si Paolo bago nagsalita. “Nagsasawa na ako sa status ng relasyon natin, Jane. Kung minsan, hindi ko na alam kung may patutunguhan pa tayo. So I’ve decided to give you time and space to think about us.”
“What? No! Hindi ko kailangan ng time and space na sinasabi mo, Paolo,” naiiyak nang pagtutol niya.
“Believe me, Jane, makakatulong ‘yon para sa ating dalawa.”
Sumubsob siya ng yakap dito. “Paolo, please, let’s just move on. Ayoko ng cool off na sinasabi mo,” tuluyan na siyang napaiyak.
Sandali ring yumakap sa kanya ang nobyo. Nang bigla siyang mapahikbi ay inilayo siya ni Paolo sa katawan nito. “What the use of crying? I’m not breaking you up with you, Jane. Darating pa rin ako kapag kailangan mo ako.” Pinahiran nito ang luha sa kanyang mga mata.
“But I need you now.”
Sandali silang nagkatitigan. Pagkatapos ay inangkin nito ang mga labi niya. He kissed her passionately, and she kissed him back. Pareho silang humihingal nang maghiwalay ang mga labi.
“Take care of yourself,” sabi ni Paolo at bumaba na ng kotse.
Nakasunod lang ng tingin si Jane habang naglalakad ito papalabas ng parking lot. Nang tuluyan itong mawala sa paningin niya ay umiiyak na napasubsob na lang siya sa manibela.
“ATE, CAN we talk?”
Mula sa harap ng vanity mirror ay lumingon si Jane nang marinig ang boses ni Janine.
Napakunot-noo ang kapatid niya nang makita ang mukha niya. “Ano’ng nangyari sa mga mata mo, Ate? Umiyak ka ba? Nag-away ba kayo ni Kuya Paolo?” sunod-sunod na tanong pa nito.
Nagbawi siya ng tingin at ipinagpatuloy ang pagsusuklay ng buhok. Naghahanda siya sa pagpasok sa opisina nang bigla pumasok sa loob ng silid niya si Janine. “Ano’ng sasabihin mo?” sa halip na tugon niya.
“Sabihin mo muna kung bakit namumugto ‘yang mga mata mo,” usisa ni Janine.
“It’s none of your business.”
“Ang aga-aga ang sungit mo. I’m sure nag-away kayo ni Kuya Paolo,” nakalabing sabi nito.
Hindi kumibo si Jane. Limang araw na ang nakalilipas nang huli silang magkita ni Paolo. She missed him terribly. Gabi-gabi ay nakakatulugan na lang niya ang pag-iyak. Nang iwan siya nito sa parking lot ng ospital ay kaagad din niya itong hinanap para himukin na magbago ang isip nito. Ngunit hindi niya nahagilap ang binata kahit saan at nakapatay na ang cell phone nito. Nalaman na lang niya sa sekretarya ni Paolo nang sumunod na araw na muli itong nagtungo sa Bicol. Kung kailan ito babalik si Paolo ay hindi alam ng sekretarya. Hindi pa rin sinasagot ni Paolo ang mga phone calls at text niya. Talagang tinotoo nito ang space na ibinigay sa kanya. Wala tuloy siyang magawa kundi hintayin na lang ang pagbabalik nito para sabihin dito ang naging desisyon niya.
“Anyway, gusto ko lang malaman kung may wedding date na kayo ni Kuya Paolo, Ate,” sabi pa ni Janine habang umuupo sa gilid ng kama.
“At bakit?” nakakunot ang noong tanong niya habang nakatingin sa repleksyon ng kapatid sa salamin.
Sandaling nag-alangan si Janine sa pagsagot. “Ano kasi, Ate. Anthony and I have decided to get married.”
“What?!” Bigla siyang humarap dito. “Naloloka ka na ba, Janine? You’re just twenty five!”
“So what? I’m of legal age to get married.”
“Pero napaka-immature mo pa. At ilang buwan pa lang ang relasyon n’yo ni Anthony.” Nang-aarok ang mga matang tinitigan niya ang kapatid. “Magsabi ka nga ng totoo, Janine. Buntis ka ba?”
“Of course not,” mabilis na deny nito.
Nakahinga nang maluwag si Jane sa narinig at naupo sa silya sa harap ng vanity mirror. “Pareho pa kayong nag-aaral ni Anthony,” paalala niya. “Saan kayo titira at paano ang pag-aaral nyo?”
“Pinag-isipan naming mabuti ni Anthony ang pagpapakasal, Ate. Doon muna kami titira sa condo unit niya sa Pasay pagkatapos ng kasal namin. And of course, mag-aaral pa rin kami. Pareho naman kaming my educational plan at trust fund, eh. Buwan-buwan ding may debidendo silang nakukuha ni Kuya Paolo sa kita ng resort nila sa Palawan, ganoon din sa iba pang mga kompanyang ipinamana sa kanila ng lolo nila. At may savings din kami. I think that’s enough para makapag-aral kami at mabuhay nang maayos at magkasama ni Anthony habang tinutupad namin ang mga pangarap namin.”
Sandaling natigilan si Jane sa huling pangungusap ni Janine. Mukha yatang nagma-mature na ang kapatid niya. Bukod sa mga sinabi ni Janine, lahat silang magkakapatid at mga pinsan nila sa father side kasama si Kuya Jay-Jay ay buwan-buwan na may natatanggap na bahagi mula sa kita sa mga kompanya nila. Kaya financially speaking ay puwedeng-puwede na ngang bumuo ng sariling pamilya si Janine kahit hindi magtrabaho. Idagdag pa na sandaling panahon na lang ay magiging ganap na doktor na si Anthony. Gayumpaman, hindi lang naman pinansiyal na kapasidad ng magkasintahan ang dapat isaalang-alang sa pag-aasawa.
“Hindi ganoon kasimple ang pag-aasawa, Janine,” hindi pa rin sang-ayon na sabi ni Jane. “Paano kapag nagka-baby na kayo? Ano na lang –”
“Ate, hindi pa kasama sa plano namin ni Anthony ang magka-baby,” natatawang putol ni Janine sa sinasabi niya.
“Kahit na. Hindi n’yo naman kailangang magmadali. Bakit hindi n’yo kami gayahin ni Paolo?”
“Ate, hindi kami naniniwala ni Anthony sa long engagement. Life is too short to be apart from someone you love. As long as you love the person and want to be with him, why not stay together? At sa totoo lang, natatakot kami ni Anthony na mangyari sa amin ang kinahinatnan ng relasyon ni Mommy at Tito Vincent. Kayo ba ni Kuya Paolo, hindi?”
“Hindi mangyayari ‘yon, Janine. Magkaiba ang mga kapalaran natin sa kanila.”
Nagkibit-balikat si Janine. “Hindi na magbabago ang desisyon namin ni Anthony, Ate.”
“Paano kung hindi ako pumayag?”
“I’m not asking for your permission. Sinasabi ko lang sa ‘yo ang napagdesisyunan namin. Magpapakasal kami ni Anthony as soon as possible.”
“Paano kung sabihin ko sa ‘yo na magpapakasal na rin kami ni Paolo as soon as possible. Sa tingin mo papayagan ka ng mga magulang natin sa gusto mo?” Tulad ng mga magulang nina Kate at Trisha, naniniwala rin ang mga magulang nila sa pamahiin na malas na magsukob ng taon sa pagpapakasal ang magkapatid.
“You must be kidding, Ate.”
“No, I’m not.” Nagdesisyon si Jane na sa oras na magkita sila ni Paolo ay sasabihin na niyang itakda na nila ang araw ng kanilang kasal. Sigurado namang tatanungin siya uli nito tungkol doon. He would definitely breakup with her kung tatanggi pa siya. At ayaw niyang mangyari iyon.
Hindi na mahalaga kung hindi pa siya handa. Gaya nga ng sinabi Trisha, siguradong aalalayan nila ni Paolo ang isa’t-isa sa mga adjustments na mangyayari sa mga buhay nila. Wala siyang dapat na ipag-alala.
“You’re being unfair!” sikmat ni Janine.
“Next year na kayo magpakasal ni Anthony para mapag-isipan n’yo pang mabuti ang desisyon n’yo,” suhestiyon ni Jane habang tumatayo para ipagpatuloy ang pag-aayos.
Tumayo na rin ang kapatid niya. “Nakapagdesisyon na kami ni Anthony, Ate. Kung talagang hindi pa kami puwedeng magpakasal this year, magli-live in na lang muna kami,” walang kagatol-gatol na sabi nito.
Nanlaki ang mga mata niya sa narinig. “You’re not gonna do that.”
“May nangyari na sa amin ni Anthony kaya okay lang ‘yon, Ate,” bale-walang sabi pa ni Janine. “Kung talagang ayaw mong mag-live in kami, mag-give way na lang muna kayo ni Kuya Paolo.”
“Janine…” nanggigil na sabi ni Jane.
“Sasabihin na namin ni Anthony mamayang gabi kina Daddy ang plano namin. Whatever happens, hindi na magbabago ang desisyon namin.” Iyon lang at naglakad na ito palabas ng silid niya.
Nakamaang na sinundan na lang ng tingin ni Jane si Janine. Kung magagawa lang niyang tirisin ang kapatid ay ginawa na niya. Paano ba siya sasang-ayon sa plano nitong pag-aasawa kung ganoon ito mag-isip? Kahit kailan talaga ay napakaimposible ni Janine. Inis na inis na muli siyang humarap sa vanity mirror at ipinagpatuloy ang pag-aayos.
“MA’AM, hinihintay po kayo sa loob ni Sir Paolo.”
Kaagad umaliwalas ang mukha ni Jane sa sinabi ng kanyang sekretarya pagbalik niya sa kanyang opisina matapos ang luncheon meeting niya.
Pinihit niya ang doorknob. Nadatnan niyang nakatayo si Paolo sa tapat ng bintana at nakatanaw sa mga nagtataasang gusali. Kaagad itong lumingon nang marinig ang pagpasok niya.
“Paolo!” masiglang bati ni Jane habang lumalapit sa nobyo. Subalit kaagad din siyang napahinto nang makita ang madilim na ekspresyon sa mukha nito.
Humakbang din palapit sa kanya si Paolo. At hindi maipinta ang mukhang huminto ito sa harap niya. “Bakit ka pumayag sa planong pagpapakasal ng mga kapatid natin?” paangil na tanong nito.
“Paolo, let me explain.” Dahil sa katigasan ng ulo ni Janine at sa pag-aalala niyang totohanin nito ang banta nitong makikipag-live in kay Anthony, napilitan siyang mag-give way sa mga ito at magdesisyon na sa susunod na taon na lang sila magpapakasal ni Paolo. Apat na buwan na lang naman bago magpalit ng taon. Tamang-tama lang ang panahong iyon para makapaghanda sila enggrandeng kasal na gusto ni Paolo.
“Bakit hindi mo na lang ako diretsuhin na ayaw mo talagang magpakasal sa akin? Hindi ‘yong pinagmumukha mo akong tanga sa kakadahilan mo na hindi ka pa handa.”
“Paolo, hindi mo naiintindihan - ”
“I’m tired of understanding you, Jane!”
“Ano’ng ibig mong sabihin?” nahihintakutang tanong niya.
Sandaling tila kinalma muna nito ang sarili bago sumagot. “Let’s put an end bago pa natin lalong masaktan ang isa’t–isa.”
“What?” shocked na sambit niya.
“We’re through,” sabi nito at humakbang palabas ng opisina.
Hindi nakapag-react si Jane sa bilis na pangyayari. Tila tinulos siya sa kinatatayuan. Namalayan na lang niya ang pagsara ng pinto kasunod ng pagtulo ng kanyang mga luha.