Episode 2

1176 Words
Nagpakawala si James ng isang malalim na buntong-hininga habang nakatitig sa kawalan. Nakaupo siya ngayon sa upuang kahoy na nasa labas ng bahay niya kasama ang mga kaibigan niyang sina Lito at Andy. Umiinom silang tatlo ngayon dahil kagaya niya ay namomroblema rin ang dalawa niyang kaibigan. Imbes na nagtatrabaho sila sa bukid ngayon ay mas pinili nilang huwag munang magtrabaho dahil sa kinakaharap nilang problema. Kahapon kasi ay may natanggap siyang sulat mula sa abogado ng mga Madrigal. Ang taong pinagsanglaan ng ama niya ng lupa noong nagkasakit siya. Kinailangan kasi nila noon ng malaking halaga para sa operasyon niya dahilan para maisangla nila ang malawak nilang lupain. Ayon sa sulat, anumang oras daw ay sisingilin na siya ng nag-iisang anak ni Mr. Madrigal. Namayapa na raw kasi ang matandang Madrigal kaya ang anak na lang nito ang maniningil sa lahat ng may utang sa ama nito. Sobra-sobra na raw kasi ang palugit na ibinigay ng mga ito sa kanila pero hindi pa rin daw sila nakakabayad hanggang sa ngayon. Tatlong taon lang kasi ang usapan pero kahit isang libong piso ay hindi pa siya nakapagbibigay. May ipon naman siya pero hindi iyon sapat para mabayaran ang lupang isinangla ng mga magulang niyang namayapa na. Sa ngayon kasi apat na milyon pa lang ang ipon niya. Kulang pa siya ng tatlong milyon para mabuo niya ang pitong milyon. "Ano kaya ang mangyayari sa atin kapag dumating na ang taong maniningil sa 'yo, James? Palalayasin kaya nila tayo sa sinasaka nating lupa o bibigyan pa nila tayo ng isa pang pagkakataon? Ano sa tingin niyo?" tanong ni Andy sa kanilang dalawa ni Lito na kahit siya ay hindi niya alam ang sagot. Nakikisaka kasi ang mga ito sa kaniya dahil isa siya sa may pinakamalawak na lupain dito sa Sagrada. Kaya kagaya niya ay namomroblema rin ang mga ito sa mga posibleng mangyari. Ang isipin na palalayasin sila sa sarili niyang lupa ay nagdudulot sa kaniya ng patong-patong na problema ngayon. Marami kasi ang maaapektuhan dahil halos lahat ng nakatira rito sa barrio nila ay nakikisaka lang sa kaniya. "Hindi naman siguro tayo palalayasin ng mga iyon, 'no? Hindi naman siguro sila gano'n kasama para ipagtabuyan tayo sa sarili nating lugar," saad naman ni Lito. Napansin siguro ng dalawa na kanina pa siya tahimik kaya sabay itong bumaling sa kaniya. "Ano sa tingin mo, James? 'Di ba nabanggit mo sa amin na may anak na babae si Mr. Madrigal? Ligawan mo na lang kaya ang anak no'n para hindi na nila kunin 'tong lupa mo. Hindi na rin naman sila lugi sa 'yo dahil guwapo ka at masipag, eh," suhestiyon ni Andy sa kaniya. Hindi niya alam kung nagbibiro ba ito o sadyang desperado na. "I can't do that," matipid niyang tugon dito habang nagsasalin ng alak sa sarili niyang baso. "Bakit hindi puwede?" "Dahil mayroon na akong kasintahan." Mayroon kasi siyang kasintahan at matagal na rin ang relasyon nilang dalawa ni Jessa. Kasal na lang talaga ang kulang sa kanilang dalawa para pormal na silang magsama sa iisang bubong. "Sabagay, matagal na nga pala ang relasyon niyong dalawa ni Jessa, no? At saka, halatang hindi rin naman papayag ang kasintahan mo lalo na't napakaselosa nang babaeng 'yon." "James, may naisip akong paraan para hindi tayo mapaalis dito," pahayag ni Lito pagkuwan kaya naman bigla silang napaayos ng upo ni Andy para pakinggan ang suhestiyon nito. "Lahat ng mga taong nakikisaka rito sa lupa mo, kausapin mo." "Tapos?" si Andy ang nagtanong. "Sabay-sabay tayong makiusap habang nakaluhod sa anak ni Mr. Madrigal baka sakaling maawa siya sa atin. At kapag naawa siya, siguradong bibigyan niya ulit tayo ng isa pang pagkakataon o baka nga ibigay na lang 'tong lupa mo sa 'yo ng libre, eh," dagdag pa nito dahilan para batukan ito ni Andy. "Imposible 'yang sinasabi mo, Lito! Sa tingin mo gano'n lang kadali ang lahat? Mag-isip ka nga!" angil dito ni Lito. "May utak ka naman pero hindi mo ginagamit sa tama!" "Sumasakit ang ulo ko! Kapag pinaalis niya tayo rito sa Sagrada, hindi natin alam kung saan tayo pupulutin," pahayag ni Andy na tila hindi ito tinatablan ng alak. "Huwag kayong mag-alala dahil gagawin ko ang lahat ng paraan sa abot ng aking makakaya. Sa ngayon, ipanatag niyo muna 'yang mga sarili niyo. Saka na tayo mamroblema kapag wala na talagang pag-asa. Kung sakaling wala na talagang pag-asa, wala tayong magagawa kundi iwanan ang nakasanayan at mamuhay sa ibang lugar," aniya sa dalawa pero halatang tutol ang mga ito base sa ekspresyon ng mga mukha nito. "Hindi puwede 'yon, Pare! Hindi ako papayag!" mariing tutol ni Andy "Luluhod ako nang paulit-ulit sa anak ni Mr. Madrigal kung kinakailangan! Nakahanda akong ibigay sa kaniya ano man ang hilingin niya kahit na kapalit pa nito ang katawan ko at ang pagkasira ng kinabukasan ko!" "Alam mo, Lito? Umuwi ka nga muna sa bahay niyo para makapagpahinga 'yang utak mo!" singhal rito ni Andy na tinawanan lang ni Lito. "Seryoso kami rito kaya puwede bang makisama ka muna?" Pero imbes na magseryoso ay ipinagpatuloy nito ang kalokohan nito. "Kung ayaw niyong ligawan ang anak ni Mr. Madrigal, ako na lang ang gagawa. Sa ganoong paraan baka maisalba ko pa ang lupang sinasaka natin." "Eh, 'di ligawan mo! Buti kung sagutin ka no'n! Maniniwala pa ako kung si James ang manliligaw at hindi ikaw, 'no? Baka nga sipain ka pa no'n kapag nagmakaawa ka, eh. Paano kasi ang pangit mo!" Kahit marami ang iniisip niya, hindi niya maiwasang hindi matawa sa pagbabangayan ng dalawa niyang kaibigan. "Tsk! Nagsalita ang hindi pangit! Pare-pareho lang tayong n***o rito kaya 'wag kang mayabang!" ganting singhal ni Lito kay Andy. Kanina pa sila umiinom pero parang hindi siya tinatamaan ng alak. Mas iniisip niya kasi ang mga taong nakikisaka sa kaniya kesa sa sarili niya. Kung tutuusin kasi may pera naman siya kaya kahit umalis siya sa lugar na 'to ay pwede niyang gawin. Pero siyempre, hindi niya iyon gagawin dahil dito siya lumaki at ito ang kaisa-isang alaala ng ama niya. "James, sa tingin mo ba mabait ang anak ni Mr. Madrigal? Sana nga mabait, 'no? Sana puwede natin siyang pakiusapan na sana bigyan niya pa tayo ng ilang taon para makabayad tayo sa kaniya. Kung kinakailangan kong nagtanim sa gabi para lang makabayad sa kaniya ay gagawin ko," sabi ni Lito na ngayon ay seryoso na sabay tungga ng alak. "Ang hirap kasing mag-umpisa ulit, eh. Ayoko namang pumunta sa Maynila para makipagsapalaran. Bakit ko pa gagawin 'yon, kung sapat naman ang kinikita ko rito, 'di ba?" Napabuntong-hininga siya. "Huwag kayong mag-alala dahil gagawin ko ang lahat para makausap siya. At saka, hindi rin ako basta-basta papayag na paalisin niya tayo dito sa lupang sinilangan natin," aniya para palakasin ang loob ng dalawa. "Magtiwala kayo sa akin dahil ako ang bahala sa inyo." Isang ngiti ang sumilay sa mga labi ng mga ito dahil sa sinabi niya. Gagawin niya ang lahat ng posibleng paraan para hindi sila mapaalis sa lupang pag-aari niya kesehodang ibuwis niya pa ang buhay niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD