HINDI matatapos ang kuwento nang hindi dumaraan sa masalimuot na kasukdulan. Lahat ng kuwento ay dumaraan sa parteng iyon bago ang wakas. Ganoon na nga rin ang nangyari sa kuwento ni Skyler at Erena. Kung gaano kasalimuot, iyon ang ibabahagi ng Lolo ni Cassandra rito at sa mga kaklase nito.
"Oh my..." si Krista. "The Governor really knows about Erena!"
"Sabi ko na nga ba, e!" si Kyle naman iyon.
"I was on that part when you snatched that book from me," reklamo pa ni Aslan. Kaya hindi rin tuloy nito alam kung ano ang susunod na mangyayari.
"Because Cassandra said that we should focus!" kontra naman ni Ammy.
"How about you, Arnold? You already knew?"
Nagkibit-balikat si Arnold bago tumingin sa Lolo ni Cassandra. Dahil doon ay nagsibalingan na rin ang paningin ng mga ito rito.
Napahalakhak naman ito. "Itutuloy ko na ba ang kuwento?"
"Yes, 'Lo!" Napalakas ang pagkakasabi ni Cassandra, hindi naitago ang pagkasabik.
Kaagad namang kinantiyawan ito ng mga kaklase. "Mag-focus pala sa project, ha!"
"What?" Mataray pa nitong nilingon ang mga kasama, siya kasi ang nakaupo sa unahan malapit sa Lolo niya. "We are now at the good part."
TILA tinakasan ng hangin sa katawan si Skyler nang marinig iyon. Anong ibig sabihin nitong kasama na nito ang mga dadakip kay Erena?
Nabasag lang ang katahimikan sa pagtakbo ni Santos... palayo sa kampo?
Kasabay niyon ay ang pagtutok ng limang body guards nito ng baril kay Commander.
"Tinakbuhan ka na ng kanang kamay mo, Chavez. Ano kaya ang magiging reaksiyon mo kung sasabihin kong talagang tumiwalag na sa'yo si Santos at siya pa mismo ang nagsabi sa akin ng tungkol sa anak mo?"
"C-commander..." Sinubukan niya itong pigilan nang kuwelyuhan ang Governor dahil sa mga baril na nakatutok dito.
"Walang pumapanig sa halimaw-"
Hindi na naituloy ng Governor ang sanang sasabihin nang makatanggap nang malakas na sapak mula sa Commander.
Habang abala ang mga body guards nito sa pag-aasikaso sa tumumbang Governador ay hinila na siya ng Commander sa uniporme para bumulong.
"Itakas mo si Erena. Susunod ako."
Naestatwa siya.
Bakit ngayon pa pinili ng katawan niya na magkawalang silbi?!
"Liu!" ulit pa nito habang sinasalag ang suntok ng mga body guards nito.
"Skyler, ano ba?!" Kinaladkad siya ni John.
Pakiramdam niya ay nawawala siya sa katinuan.
Anong nangyayari?
Nagkagulo ang mga nasa kampo, hindi alam ang ireresponde sa nangyayari.
Gulat pa silang tinignan ng Governor bago binalingan lahat ng mga nasa kampo nang magawang sumunod ng Commander sa kanila.
"Anong itinatayo tayo niyong lahat?!" anang pa nito. "Oo, lahat kayo! Habulin niyo ang mga iyon!"
"Makinig kayo sa Governor, dalhin ang mga baril!" Kahit na nakalayo na ay narinig pa nila ang anunsiyong iyon ni Romulo.
Napamura pa si John habang tumatakbo. "Anong gusto ng manugang mo na 'yan?!"
Hindi niya na pinansin ang patutiyada ni John at nagmadali na rin sa pagkaripas ng takbo.
Halos sabay-sabay silang napagulong nang marinig ang sunod-sunod na pagpapaputok ng baril.
"Anak ng!" Dumapa si John sa tabi niya.
"Mauna na kayo." Hinugot nito ang baril sa kinalalagyan.
"P-pero..."
"Liu, huwag mo akong isipin! Unahin mong isipin si Erena at ang mga sarili ninyo! Kailangang makarating kayo sa mansiyon! Kailangang maunahan ninyo ang paparating pang tauhan ni Javier."
Halos sabay-sabay silang nagtago sa pinaka malapit na puno nang may bala ng nagpakita sa paligid nila, patuloy ang maiingay na putok ng mga baril.
"Dalhin mo si Erena sa talon, nasa kaliwa tayo ngayon at ang mansiyon, nasa kanan ang talon kung saan bababa ang helicopter na mag-aalis sa inyo mamaya. Matagal bago kayo mahahanap kung doon kayo pupunta, pero siguraduhin ninyong sa oras na mag-ingay ang paparating na helicopter, nakasakay na kayo."
"Paano ka, Commander?" si John naman ang nagtanong.
"Are you copying what I said?!" Hindi nito sinagot ang tanong ni John.
Hindi, hindi magugustuhan ni Erena na maiiwan lang ang Commander dito.
"Hahanapin ka ni Erena, Commander. Kailangang alam namin at sigurado kaming susunod ka-"
"Susunod ako! Now, move!"
Sabay silang sumaludo rito. "Sir, Yes. Sir!"
"Sandali!" Hinahabol na nito ang paghinga habang nakikipagpalitan ng putok sa mga paparating. "Gamitin ninyo ang mga baril sa pinaka taas na palapag ng mansiyon, sa maliit na silid. Siguraduhin niyong kompleto kayong aalis rito!"
Halos magkandarapa sila ni John sa pagtakbo para maiwasan ang mga bala.
Natatakot siya.
Oo, kaya niyang maging matapang, pero hindi siya bihasa sa ganitong bagay. Isa pa, sobra siyang nag-aalala kay Erena at hindi iyon mawawala hangga't hindi niya ito mismo nakikita na ligtas.
Humina ang mga putok ng baril habang lumalayo sila.
Ngunit halos parehas silang nanlumo ni John nang makita ang nadatnan.
Nagtago sila sa pinata malapit na puno kung saan tanaw ang tarangkahan ng mansiyon.
Pumasok na roon ang ilan sa mga naka puting lalaki, may mga dalang malalaking baril. Halos kinse ang bilang ng mga iyon.
"Iyan ang mga tinutukoy ni Governor, Sky... dito na talaga naka tokang pumunta ang mga iyan kaya naunahan tayo."
Pero hindi siya susuko nang dahil lang doon.
Lalabas na sana siya nang biglang sumulpot si Travis.
"Nakita tayo!" Susugudin na sana ni John si Travis nang pigilan niya ito.
"Sandali..."
"Nakita tayo, Sky. Malaki ang galit niyan sa'yo at sa oras na ituro tayo parehas tayong dehado!"
"Nakita ko sila! Tumakbo ang babaeng ahas sa likod ng mansiyon!" si Travis iyon.
Nagkatinginan sila ni John bago umabante. Awtomatiko rin silang napatago nang bumalik ang mga lalaking iyon sa tapat ng gate kung saan naroon si Travis.
"Bilisan ninyo, baka hindi niyo maabutan!"
"Siguraduhin mong tama ang itinuturo mo, bata. Malilintikan ka talaga sa amin!"
'Tsaka lang siya lumabas nang mawala na sa paningin nila ang mga lalaking iyon na pumunta kaagad sa direksiyon sa likod ng mansiyon.
"Ayos ba?" mayabang pang sinabi nito.
"Bakit mo ginawa 'yon?" Naunahan pa siya ni John na magtanong.
"Para hindi lang 'yang kaibigan mo," tinuro pa siya nito. "Ang paborito ni Commander."
"Grabe, sa sitwasiyon na 'to? Naiisip mo pa 'yan?"
Iniwanan niya na ang mga ito para hanapin si Erena.
Alam niya kung gaano katakot si Erena sa ganito. Alam na alam niya kung gaano kinakatakot ni Erena na mangyari ito balang-araw, na maraming makaalam ng tungkol dito na maaaring ika-resulta ng gulo.
Maluha luha niyang hinanap ito.
Kanina lang ay sinabihan niya pa itong mag-ingat.
"Sky, ano wala?"
Umiling siya. Hindi niya na kayang magsalita, dahil pakiramdam niya sa oras na gawin niya iyon ay mas hindi niya mapipigilan ang emosiyon niya.
"Sky..." Hinawakan siya ni John sa balikat para pakalmahin.
Hindi niya na napigilan ang lumuha.
Takot siya... takot na takot.
"Ayos..." si Travis iyon na pumasok kasunod ni John.
"Kung makikita ni Erena ang sitwasiyon mong iyan, matatakot din siya, Skyler." Sandali siya nitong hinagkan at tinapik sa likuran. "Para kay Erena."
Napailing siya. Paulit ulit na sinipa ang gilid ng hagdanan para mailabas iyon.
Nang mapagod ay napayuko na lang siya roon.
"S-skyler..."
Tila siya nabuhayan nang marinig ang boses na iyon.
Pakiramdam niya ay bumagal ang oras nang harapin niya si Erena, sa likuran nito ay naroon si Manang Tessing at si Louie.
"Erena..." Tinakbo niya ang pagitan nila, hindi na siya nag-aksaya ng oras at hinagkan ito.
"Skyler..." sa natatakot na tinig ay sinabi nito. "Nasaan ang Daddy ko?"
"Nagpaiwan siya, Erena," si John. "Kailangan na nating umalis."
"What the hell is happening?" si Louie.
"Seryoso ang nangyayari ngayon, Louie," kaagad na sagot ni John. "Gusto nilang kunin si Erena."
"Wala ng oras, umalis na tayo," si Travis naman iyon.
"Susmaryosep... bakit umabot na sa ganito?" si Manang Tessing, naiiyak na rin.
"Sandali lang..." Marahan niyang pinisil ang braso ni Erena bago siya umakyat sa pinaka mataas na palapag.
Hinanap ang kuwarto na tinutukoy ng Commander.
"Sky..." Sumunod naman sa kaniya ang mga ito.
Naiwan si Erena sa bungad ng hagdanan mula sa palapag na kinatatayuan na nila, ang paningin ay nasa huling palapag.
Binuksan niya ang storage na tinutukoy. Malalaki ang mga baril na naroon, ibat-ibang klase at marami ring bala.
"I'll have one." Nauna nang lumapit doon si Louie. Metikuloso pa itong pumili ng baril.
Matapos niyon ay nagsunod sunod na sa pagkuha ng kanila si John at Travis.
"Sigurado ka bang hindi mo kami tatraydurin?" si John kay Travis.
"Masiyado kang nanonood ng pelikula." Kinuha nito ang pinaka mahabang baril. "Kokonti na lang tayo laban sa mga iyon, nagagawa mo pang manghinala."
"Dahil wala akong tiwala sa'yo simula't simula."
"John, tama na yan," saway niya.
Siya naman ang humarap sa storage para kumuha ng baril.
"Anak ng!"
Sabay-sabay silang napayuko nang marinig ang pagputok ng baril mula sa ibaba.
"Hayop, nasa baba!" si Travis.
Nang mapuntahan niya si Erena ay kaagad niya itong niyakap. Nararamdaman niya na kaagad ang panginginig nito.
Ikakasa na sana ni Travis ang baril nang maagap niya itong napigilan.
"Ano?! Gusto mo bang mamatay tayo nang hindi lumalaban?!"
"Sky, anong plano?" si John na marahan pang lumapit sa kaniya.
Tumayo naman kaagad siya matapos ipaubaya si Erena rito.
Ano mang oras ay aakyat na ang mga iyon dito, kailangan na nilang makaalis bago pa man mangyari iyon.
"Travis, mauna kang bumaba."
"Gago ka ba?" tutol kaagad nito. "Gusto mong salubungin ko sila at gawing pangharang ang sarili ko sa mga bala?"
"Ginusto mo 'to, 'di ba? Gusto mong maging paborito ka rin ni Commander, 'di ba?"
"Shut up, the both of you," si Louie. "Or else you want them to know that we are here."
Bumuntong hininga siya bago sinilip ang bintana. "Dito ka bababa, hindi sa hagdanan. Isusunod ko si Manang Tessing, ikaw Louie at si Erena bago kami ni John. Para kung sakaling may nakaabang sa baba, ikaw na may hawak ng baril at magaling umasinta ang una nilang makakaharap."
Naroon ang tuwa sa mukha ni Travis na pilit nitong tinatago nang purihin niya.
"Sige na!" Kunwari pa nitong napipilitang sinabi bago inabot ang lubid na nakita nila sa storage at inilaglag doon. "Bababa na ako."
Matagumpay na nakababa si Travis. Tinignan pa nito ang paligid bago sumenyas na ibaba na ang mga susunod hanggang sa si Erena na lang ang matira at silang dalawa ni John na nag-aalalay sa mga bumababa.
"S-skyler... saan tayo pupunta pagkatapos nito?"
"Kailangan kang maitakas dito, Erena."
"Pero paano ang Daddy ko? Hindi ko siya iiwan."
"Sky..." Sinenyasan siya ni John, nasa pintuan ang paningin.
"Hindi natin iiwan si Commander at kahit anong mangyari, susunod siya. Maliwanag?"
Tumango si Erena, ngunit naroon pa rin ang takot nang bumaba.
"Tara," si John.
"Hindi, mauna ka na."
"Ha?" Tinignan pa nito ang ibaba.
Sumesenyas na si Travis at Louie na nagmadali na pagbaba.
Halos sabay silang nagulat nang kumalabog ang pintuan ng kuwarto na kinaroroonan nila.
Papasukin na sila.
"John, bilis! Tumakbo na kayo kaagad!"
"Pero!"
Nang pandilatan niya ito ay 'tsaka lang bumaba sa lubid.
Kaagad niya namang hinarangan ang pintuan na sinisipa na ng nasa kabilang banda para mabuksan.
Nang siya na sana ang ibaba ay nagtagumpay na ang mga ito na mabuksan iyon.
Ngayon ay nasa likod niya na ang bintana.
"Nasaan ang babaeng, ahas?"
Marahan niyang hinugot ang baril sa likuran niya.
Nagpatihulog siya roon kasabay ng pagputok niya ng baril sa mga iyon.
"Ah!" Napaingit siya nang bumagsak siya sa damuhan.
Hindi naman kaagad na nakadungaw ang mga iyon dahil sa mga balang pinakawalan niya kaya nagawa niya pang tumayo at tumakbo para makasunod kila Erena.
"Sky!" Naabutan niya pang nagpupumilit si Erena na balikan siya nang makapasok siya sa kagubatan. "Sky..."
Naging mahigpit ang pagyakap nito sa kaniya.
"Tara na. Tara na!" si John nang marinig na naman ang panibagong putok ng baril na papalapit na sa kanila.
Kumaripas sila ng takbo. Halos gumulong pa sila sa pagdapa para hindi matamaan.
"Bilis!" si Travis.
"Ah!"
Nahinto sila nang makitang tumumba si John, hawak ang paang natamaan.
Halos umiyak ito sa sakit.
Kaagad naman nila itong sinalo.
"J-john..." Nakaramdam siya ng kirot sa dibdib nang makitang nahihirapan ito.
"Those assholes!" Nagpaputok na rin ng baril si Louie na sinundan din ni Travis.
"John, halika..." Nanginginig niyang kinuha ang balikat nito.
Halos sabay-sabay silang napadapa nang lumapit na ang mga nagpapaputok.
"Iwan niyo na ako!"
"John..." si Erena.
"Are you dumb?!" Talagang bakas ang galit sa boses at kilos ni Louie.
"Iwan niyo na ako o sabay-sabay tayong mamamatay rito?! Itakas niyo na si Erena, utos iyon ni Commander!"
Napamura si Travis nang maubusan ng bala.
"Nauubusan na kayo ng bala. Balikan niyo na lang ako kapag nahatid niyo na si Erena-"
"Ang sabi ni Commander, aalis tayo nang kompleto." Hinarangan niya si Erena at si John nang hindi na nakapalag. "Ilan nga ulit ang mga iyon?"
"Kinse," si Travis.
NAKANGITING inilibot ni Catalina ang paningin sa bungad ng kagubatan na papasukin nila. Inis namang bumaba ng sasakyan si Korina.
Magkikita na sila ni Skyler! Makakasama niya pa ito at makaka-bonding!
"Sinasabi ko naman sa'yo, Catalina. Hindi ito magandang ideya. Maliligaw tayo nito nang walang gagabay sa atin, e!"
"I have the route and the compass! Just follow me and let's go!" Masaya pa itong tumuro sa unahan bago nagsimula sa paglalakad.
Nahirapan namang sumunod si Korina dala ang mga gamit na pinadala niya na hindi naman gaano kailangan sa pang araw-araw.
Sabay rin silang nahinto ni Korina nang makarinig nang tila malakas na tunog, sanhi ng pagliliparan ng ilang ibon, salungat sa direksiyon na tutunguhin nila.