TALAGANG MALALIM ANG TUBIG NA TINALUNAN NILA NI SKYLER. Marunong mang lumangoy ay natatakot pa rin siya sa dilim sa ilalim.
Lalo na nang mapagtanto ni Erena na nawawala si Skyler!
Nilangoy niya ang bawat agwat, marami ring mga malalaking bato ang nakikita mula sa ilalim. May kalakasan ang agos ng tubig, kaya naman posible talaga na magkahiwalay sila.
Nabigla siya nang may kumapit sa braso niya.
Mabuti na lang at nawalang agad ang pagkabahala niya nang makitang si Skyler iyon na inalalayan siya nang muntik nang mawala sa concentration mula sa paghinga sa ilalim ng dagat.
Skyler.
Halos sabay nilang inangat ang paningin sa tubig para makita ang pinanggalingan nila. Hindi malinaw ang imahe mula sa tubig, pero malakas ang liwanag na dala ng mga ito. Siguradong sinisilip na sila ng mga ito mula sa ilalim ng tubig, pero hindi rin nagtagal ay nawala na ang mga iyon.
Iyon ba ang mga bumugbog kay Skyler?
Sa anong dahilan?
"Skyler," tawag niya nang makaahon mula sa tubig.
Nagpapakita ang panghihina sa katawan nito, pero hindi niya alam kung paano makatutulong.
"Ayos ka lang ba?" Naunahan pa siya nitong magtanong.
Sigurado siyang ayos lang siya. Si Skyler dapat ang inaalala niya dahil talagang bugbog-sarado ang katawan nito.
"Sila ba ang bumubog sa 'yo, Skyler?" Naglakas na siya ng loob para magtanong.
Ngunit gaya nang inaasahan niya ay tipid lamang na ngumiti sa kaniya si Skyler.
"Bakit ka nila sinaktan?"
Hindi siya nito muling sinagot. Mula sa paghiga sa madamong parte sa tabi ng tubig ay pinilit nitong tumayo kahit na nahihirapan.
Ngunit ilang hakbang lang nang subukan siya nitong alalayan mula sa pagtayo ay siya namang pagtumba nito.
"Skyler!"
MULING NAGISING SI SKYLER. Tila pinupukpok ang ulo niya sa sakit. Nang luminaw ang paningin niya mula sa paghimbing ay roon niya namalayang nasa pamilyar na lugar siya.
Ang basement!
Napabalikwas siya.
Gulat naman siyang sinaway ni Manang Tessing na nagpupunas ng basang tuwalya sa noo niya.
Paano siya napunta rito?
"Nako, Hijo. Humiga ka muna, hindi pa bumababa ang lagnat mo."
Lagnat?
Kinapa niya ang sarili niya. Nahinto lang nang makitang nasa single sofa pala si Commander at nanonood sa kanila, pati si Santos, at bukod doon ay wala ng iba.
"Nagpapahinga na rin si Erena."
Pinigilan niya ang pagnguso nang mahulaan nito ang nasa isip niya.
"Sa susunod, mag-iingat kayo. Delikado ang ginawa ninyo, Liu."
"Sir, yes. Sir!" Gaya nang nakasanayan ay sa ganoong paraan pa rin siya sumagot.
Tumikhim ito.
"Sino ang may gawa nito?"
Hindi sana siya magsasalita nang tumalim ang titig sa kaniya ng Commander.
"Si Travis at ilan mga kasamahan namin, Sir!" Sandali siyang natigilan. "Pero kung maaari po sana ay hayaan na lang natin ang nangyari."
"Sa lagay mo ngayon ay ginugusto mo pang pagtakpan ang mga iyon?" May bakas ng sarkasmo ang tono nito.
"Ayokong lumala ang gulo, Commander." Nag-iwas siya ng paningin.
Kapag lumaki lang ito ay mas mapapahamak si Erena dahil siguradong mag-uungkat ang grupo nito ng mga bagay na sisira sa kaniya.
Sandali namang namayani ang katahimikan sa pagitan nila.
"Anong dahilan para gawin ka nilang punching bag?"
Pinagdikit niya ang labi nang sa ganoong paraan iyon sabihin ng Commander, tila ipinahihiwatig na wala talaga siyang laban.
"A-ah..." Hindi niya alam kung paanong ipaliliwanag. "Ipinaliwanag ko naman po na hindi niyo ako paborito, Sir!"
Tumabingi ang ulo nito sa kaniya. "Ibig mong sabihin ay iniisip nila na paborito kita?"
Nakangiwi siyang tumango.
"Hinding-hindi kita magiging paborito."
Halos hindi mapinta ang mukha niya nang tumungo para hindi nito makita ang reaksiyon niya. Alam niya naman iyon. Galit na galit nga ang Commander nila nang malamang kaibigan niya si Erena at kahit hanggang ngayon ay hindi siya buong pinagkakatiwalaan para rito, ang maging paborito pa kaya nito?
"Pero kung gagawin mo ang buong makakaya mo para gumaling, baka sakali." Mas nakakailang pa dahil talagang seryoso ang tono ng boses nito at taliwas sa mga pinipiling salita.
Alam niya ring talaga na hindi siya magaling sa ensayo, pero kaya nga ensayo, hindi ba? Gusto niyang idahilan, pero siguradong itataob siya ni Commander sa oras na pilosopohin niya ito.
Ang sabi ng mga senior nila ay malupit daw talaga si Commander Chavez.
"Sa na-obserbahan namin," ani Santos. "Talagang mahina ka pa sa kahit na ano, Skyler. Kung magpapatuloy 'yan ay talagang kakayan-kayanin ka na lang nina Travis. Isa pa, si Travis ang nangunguna sa inyong lahat."
Natapos ang pag-uusap nila. Ilang oras ding tumakbo sa isip niya ang bagay na iyon. Ikalawang training niya na ito. Talaga bang hindi siya gumagaling?
"Pasensiya na, Skyler. Nalaman ni Daddy ang ginawa natin."
Tipid siyang ngumiti kay Erena na kapapasok lang sa pinto ng basement. Sila na lang ang naroon dahil kanina pang umalis ang tatlo.
Umayos naman siya mula sa paghiga para may maupuan si Erena.
"Mas okay na alam ni Commander."
Malungkot itong napatungo.
"Dahil sa akin, tumalon tayo kahit na delikado. Para lang hindi nila makita ang..." Bigo nitong tiningnan ang mga ahas sa likuran.
"Hindi, Erena," pigil ni Skyler. "Isa lang 'yan sa dahilan, pero isa rin sa dahilan na hindi ko gustong magpahuli sa kanila. E 'di, nabugbog ulit ako?"
Natawa si Erena sa biro niya, kaya kahit papaano ay gumaan ang loob niya.
Ngunit natigilan din siya nang lumapit si Erena sa kaniya at laking pasasalamat niya na nagtira ito ng dalawang dangkal bilang pagitan nila bago dinala ang palad nito sa noo niya.
"Gagaling ka na ba bukas?"
Nagkibit-balikat siya. "Sana."
Napatango naman si Erena.
Sa lapit nila ay mas nagkaroon siya ng tsansa na mas titigan pa ang mukha nito.
Napakaamo, napakaganda, at payapa.
"Hindi ba nasabi sa 'yo ni Commander na hindi muna dapat tayo magkikita?" tanong niya.
Kumibot ang labi nito at saka napalunok.
"Sinabi?" Siya na ang sumagot dahil mukha namang walang balak magsalita si Erena kahit na halatang gusto nitong magsinungaling sana. Siguro ay para hindi siya mag-alala at lalong ma-guilty. "Kung ganoon, bakit sumunod ka pa rin?"
"Kasi, narinig ko ang pinag-usapan ni Daddy at Sir Santos."
Napapikit siya.
"Sa susunod, huwag ka nang pupunta kung alam mong mapanganib, Erena."
"Pero nag-aalala ako, Skyler!" Nabigla siya nang magtaas ito ng boses.
"Kahit na, ayaw kong madamay ka ulit gaya nang nangyari kanina."
Bumakas ang inis sa mukha ni Erena. Ang weird lang dahil para sa kaniya ay cute iyon tingnan.
"Ayaw ko rin na pabayaan ka na lang," sagot nito.
"Erena." Pakiramdam niya ay nag-aalo siya ng bata.
"Gusto kita, Skyler."
Umawang ang labi niya. Tiningnan niya pa ang pintuan para masigurado kung may tao ba roon.
Napakabilis ng t***k ng puso niya ngayon.
Hindi niya alam kung bakit.
Dahil ba ngayon pa lang ay natatakot na siya sa Commander nila sa oras na malaman nito ang sinabi ni Erena o dahil hindi niya alam kung paano aaksiyon sa ipinagtapat nito?