Chapter 2

1699 Words
Kabi-kabila ang manghang reaksyon ng mga tao sa pamilihan ng masilayan ang makulay na ibon na lumilipad sa paligid ng kaharian. Kahit abala sa trabaho ang karamihan, itinigil nila ang ginagawa upang sandlaing magbigay pugay sa imahe ng kanilang ninuno. Sa sandaling iyon, animo’y sinasalamin ng makulay na phoenix ang mukha ng nauna pang henerasyon na pinagmulan ng kanilang mga kapangyarihan. Mula naman sa gilid ng maliit na bilihan ng prutas ay nagsalita ang isang kawal, si Wynonna. Aniya, “Mukhang nailipat na nga ng hari ang kapangyarihang ng phoenix sa ating mahal na Prinsesa.” Agresibo niyang kinagatan ang mansanas matapos magsalita. Inagaw naman ni Samuel ang prutas sa kamay nito. Tugon ng lalaking kawal, “Balita ko, ang ama mo raw ang naghatid ng punyal sa seremonya ah?” Tinanguan lamang siya ni Wynonna ang sarkastikong tono nito. Hindi na sorpresa sa dalaga ang balitang iyon dahil alam naman niya kung ano ang relasyon ng kanyang ama at ng Hari. Matalik na magkaibigan ang mga ito simula pagkabata pa lamang. Hindi rin naman niya ipinagmamayabang ang koneksyon na meron ang ama sa Hari. Sa katunayan, ikinaiinis ni Wynonna sa tuwing inilalapit ang pangalan niya sa kanyang ama. Pakiramdam niya kasi, kung ano man ang ranggo na meron siya ay bunga ng kapit sa nakatataas na pamilya. Para sa kanya, ang lahat ng narating niya ay dahil sa pagsusumikap niya. Samantala, muling ibinalik ni Wynonna ang tuon sa kausap. Kasabay noon ang pag agaw niya pabalik sa mansanas. Aniya kay Samuel sa matatas na boses, “Tama naman ang nakalap mong balita. Hindi ko lang maisip kung bakit parang may panunutya sa tono mo?” Hinarap siya ni Samuel. Ani ng binata, “Wala akong ibig sabihin. Bakit parang nasasaktan ka agad?” Nagpintig ang tenga ni Wynonna sa sinabi ng lalaki. Aktong kukwelyuhan niya na ito nang biglang sumulpot ang kanyang ama. Sunod-sunod naman na nagsipag saludo ang kasamahan nilang kawal sa pagdating ng punong gwardya. “Anong atin Samuel?” bati ng matandang lalaki. “Wala po Punong kawal. Nagbibiruan lamang po kami ni Wynonna,” ani Samuel. “Kung ganoon tapos na ang biruan. Magsibalik kayo sa trabaho,” tugon ng punong kawal. Agad na sinunod ng mga kawal ang utos ng nakakataas sa kanila. Kabilang na rito si Wynonna. Aktong lalakad na rin sana ito nang bigla siyang tawagin ng ama. Magalang niya itong hinarap. Sa isip ni Wynonna, ano na naman kaya ang kailangan ng ama. Hindi naman siguro siya papagalitan dahil wala naman siyang ginawa sa kasama. “Mukhang nakalimutan mo atang sumaludo sa nakatataas sayo?” ana ng ama. Napaismid na lang ang dalaga. Ganoon pa man, mabilis itong sumaludo at saka muling nagtangkang lumakad palayo. Natigilan naman siya nang muli siyang tawagin ng ama. “Narinig mo ba na pinahintulutan na kitang umalis?” ani muli ng matandang lalaki. “Humihingi po ako ng tawad punong kawal,” maasim na tugon ni Wynonna. Nagpatuloy sa pagsasalita ang kanyang ama. Sinabi sa kanya nito na sa susunod na maulit ang paghahamon ng ibang kawal sa kanya, mas mabuti kung hindi siya papatol at magpapadala sa galit. Pinagaralan din siya ng ama na sa kabila ng relasyon nila bilang amag ama ay kailangan nitong sumaludo lalo na’t may kasama itong iba pang mga kawal. Sa ganitong paraan ay maiiwasan na mapg usapan siya at makwestyon sa kanyang pwesto. Sa pangalawang beses ay pumintig ang tenga nito at hindi niya napigilang sumagot sa ama. “Ano ba ang dapat kwestyonin nila? Pinaghirapan ko kung ano man ang lahat ng narating ko. Bakit ba lagi akong nadadawit sa ilalim ng pangalan niyo gayong wala naman kayong itinulong ama?” ani ng dalaga. “Batid ko ang pinaghirapan mo Wynonna. Humihingi ako ng patawad dahil nararanasan mo ang pangmamata ng mga tao dahil sa posisyon ko,” mahinahong tugon ng kanyang ama. Kasunod noon ang pagpapahintulot sa kanya ng kanyang ama na magpatuloy sa naiwang gawin. Tumango lamang siya rito bilang tugon. Nang mayari sa pag uusap, nagpatuloy ang kanyang ama at ganoon rin naman siya.   Lumipas ang ilang buwan matapos ang seremonya at kabi-kabilang mga piging. Sa loob ng kaharian, abala sa pag aaral ng mga suliranin ang Prinsipe habang abala naman si Elysia sa pagbabasa ng mga libro kasama ang kapatid. Sa loob ng sandaling panahon, hindi maipagkakaila ni Prinsipe Elliot na makakita ng malaking pagbabago sa kapatid. Simula nang mailipat sa kaniya ang kapangyarihan, hindi niya magawang tumitig ng matagal kay Elysia dahil nanliliit ito sa kapatid. Ultimo presensya ng Prinsesa ay ikinakatakot niya. Kung paano siya matakot sa kanilang amang Hari noon ay ganoon na lang din ang takot na nararamdaman niya sa kapatid. Dahil dito, maraming beses niyang iniwasan ang presensya ng kapatid. May mga pagkakataon din na sa tuwing iniimbitahan siya ni Elysia na mamasyal tulad ng nakasanayan, sinasabi niya rito na abala siya sa pagtulong sa ama. Napansin naman ni Elysia ang pakikitungong iyon ni Elliot sa kanya. Nabatid din ng Prinsipe na napansin iyon ni Elysia. Kaya naman, nito lang ay siya na mismo ang nag imbita sa kapatid sa kanyang silid upang makabawi sa ilang beses na pagtanggi niya sa kapatid. Habang inaaral niya ang ilan sa mga ipinadalang kasulatan ng kanyang ama na naglalaman ng ilang importanteng mga suliranin, minu-minuto kung lingunin niya ang kapatid. Naroon pa rin ang nagniningning na mga mata ng dalaga. Sa isip niya, animo’y hind niya kilala ang babaeng kasama sa silid. Pilit niyang ipinapaalala sa sarili na si Elysia pa rin iyon. Hindi naman napigilang sumagi sa isip ng binata kung bakit nga ba siya ang napili ng ama. Muli niyang binalikan ang biglaang desisyon ng hari na ilipat ang kapangyarihan ng Phoenix sa kapatid. Hindi na lihim sa kanya ang hangganan ng panahon na pwedeng manatili ang phoenix sa katawan ng isang tagapagmana. Tumatagal iyon ng 40 taon. Bumababa lamang ang bilang kung sakaling may pagkakataong lubos na napinsala ang Phoenix sa isang malaking giyera o labanan. Ang hindi malinaw sa kaniya ay kung bakit mas maaga sa inaasahan ang paglilipat noon gayong wala namang historya ang ama ng pakikipaglaban. Isa pa sa bumisita sa kanyang isip ay ang rason ng ama kung bakit si Elysia ang napili sa kanilang dalawang magkapatid. Ayon sa ama, hinati niya ang tungkulin sa kanilang dalawa ni Elysia. Napili ng amang hari si Elliot na susunod na tagapamuno ng kaharian dahil sa taglay nitong galing sa liderato ngunit ang dahilan niya sa pagpili kay Elysia ay nananatiling lihim sa buong pamilya. Sandali namang napatitig si Elliot sa kapatid na si Elysia. Maya-maya pa, sinalubong siya ng nagniningning na mata ng Prinsesa. Sa gulat ni Elliot, nabitawan niya ang plumang kanina niya pang hawak. “Hindi ako sanay na ganyan ang pakikitungo mo sa akin Elliot,” baling ni Elysia sa kapatid. Napalunok naman si Elliot sa tugon ng kapatid kaya’t agad itong nag iwas ng tingin. Maya-maya pa, muling nagsalita si Elysia. Ani ng dalaga, “Nakakatakot ba talaga ang mata ko?” Malungkot ang tono ni Elysia. Sa isip ng Prinsesa, pansin niya ang madalas na pag iwas ni Elliot sa kanya. Malayo sa nakasanayan nitong madalas na pakikipag asaran sa kaniya noong hindi pa nagaganap ang pagsasalin. Dahil na rin siguro sa katahimikang bumabalot sa silid, naglakas loob na magsalita si  Ellio. Ipinagtapat niya ang saloobin sa kapatid. Aniya rito, “H-hindi ganon iyon. Sa katunayan nga, maganda sila. H-hindi lang ako sanay.” Sandali muling nabalot ng katahimikan ang silid. Maya-maya ay nagpatuloy ang Prinsipe. Sinabi niya kay Elysia na pakiramdam niya ay kailangan niyang magbigay galang sa lahat ng oras dahil siya na ang may hawak ng kapangyarihan ng phoenix na siya namang ginagalang ng buong puso ng kahariang Adeleuse. Kung paano ang pag galang niya sa ama noon, sin-timbang nito ang pag galang niya sa kapatid. Hindi naman napigilang tumawa ni Elysia sa pagtatapat na iyon ni Elliot. Wika ni Elysia sa Prinsipe, “Hindi rin ako sanay na nag iitsura kang kawawang aso sa tuwing yumuyuko ka kapag magkausap tayo.” Ganoon na lang at sinabayan na rin siya ni Elliot sa pagtawa. Aning muli ni Elysia, “Ako pa rin to, si Elysia. Ang nakababata mong kapatid. Kung paano ang pakikitungo natin sa isat-isa noon, sana walang magbago roon Elliot.” Tinangap ni Elliot ang pakiusap ng nakababatang kapatid. Humingi ito ng patawad dahil sa ikinilos at naparamdam niya kay Elysia. Sa isip ni Elliot, ganoon siguro talaga dahil sa puntong ito, walang katumbas ang hawak na kapangyarihan ng kapatid kaysa sa kanya. Naisip niya na naging insensitibo siya sa nararamdaman ng kapatid. Sa kabilang banda, masaya siya dahil walang masamang nangyari kay Elysia at pati na rin sa kanyang ama. Ipinangako niya rin kay Elysia na ibabalik sa dati ang pakikitungo niya at isasantabi ang pagmamaliit niya sa sarili. Samantala, ang tahimik na pag uusap ng magkaptid ay biglang binulabog ng malakas na ingay  ang labas ng silid. Sa gulat ng magkapatid ay sabay itong napatayo. Maya-maya pa, bumungad sa kanila ang malaking balita mula sa kawal.   “Mahal na Prinsipe at Prinsesa, may nagaganap na kaguluhan sa labas ng kaharian. Nag anunsyo ng digmaan ang mga Zailian. Agaran kayong ipinapatawag po kayo ng mahal na Haring Eliseo,” ani ng kaninag babaeng kawal. “Z-Zailian? S-sino sila?” baling ni Elysia na naguguluhan. “Samahan mo ang Prinsesa patungo sa kung saan naroon ang Hari’t Reyna. Tutunguhin ko ang grupo ng mga kawal. Ipagbigya alam mo sa iba pang nakatataas na kawal ang  pangyayari,” kalmadong utos ng Prinsipe. “Masusunod Prinsipe Elliot,” tugon ng kawal. Umatras ito at saka sumaludo sa lalaking kaharap. Ganon din ang ginawa ng Prinsipe.  Huling wika ni Elliot, “ingatan mo ang kapatid ko, Wynonna.” Sa lamig ng boses ng Prinsipe, nagawa na lang tumango ni Wynonna bilang tugon dito. Kasunod noon ang pag iimbita niya sa Prinsesa upang lisanin ang silid. Bago tuluyang lisanin ang silid, muling sinilayan ni Elysia ang kapatid. Hindi man magsalita, alam ni Elliot ang ibigsabihin noon. Sabay na tumango ang magkapatid at saka na lumakad palayo ang dalawang dalaga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD