Chapter 1
Hindi magkamayaw ang mga taong nasasakupan ng kaharian sa pagsasaya. Kahit saan lumapat ang mga mata mo’y tiyak na sasalubong ang simoy ng piging sa lugar. Kabila’t kana’ng nagsasayawan ang mga taong gumagamit ng sarili nilang mga apoy. Sari-saring mga talento rin ang nananahan sa malapad na daan ng Adeleuse. Ngayon ang araw na itinakda ng paglilipat ng kasaysayan sa panibagong henerasyon ng pamilyang Hunt.
Sa kabilang banda, abala ang mga gwardiya sa paghihigpit ng kaligtasan sa lugar. Inaasahan nila na magiging mahirap ang trabaho nila sa araw na ito.
Makikitang nagkalat ang mga tao sa paligid ng patyo ng kaharian. Usap-usapan sa bawat dako ang magaganap na seremonya at sabik ang bawat isa na masaksihan ito. Hindi na bago ito gayong isang beses sa bawat henerasyon kung maganap ang pagpapasa ng kapangyarihan ng ninuno sa loob ng kaharian.
Bigla namang naghiyawan ang mga tao ng isa-isang nagpakita ang mga bida sa seremonyang magaganap. Sa malaking b****a ng entrada, natuon ang mata ng karamihan ng mapansin ang marahan na pagdating ng babaeng nakasuot ng magarang puting damit. Sa bawat sulok na tela ay makikita ang maliliiit na detalye ng mga batong disenyo rito. Hindi mapigilan ng ilan sa mga babaeng naroon ang mainggit at humanga sa taglay na kagandahan ng Prinsesa.
Sabay-sabay na yumuko ang mga tao sa lugar habang ipinapakita ang ibat-ibang grado ng apoy na taglay nila. Tanda ito ng pagbibigay galang at pagpupuri sa pinakamataas na tao sa kahariang Adeleuse. Sa bawat sulok, masasaksihan ang tila dagat ng apoy sa harap ng kaharian.
Sa kabilang banda, napansin ni Elliot ang tila pagkabhala ng kapatid. Tila naging estatwa ito sa kinatatayuan. Batid ng binata ang halu-halong emosyong nararamdaman ng Prinsesa sa dami ng taong nasa paligid. Upang mabawasan ang pagkabahala, marahan na nagsalita si Prinisipe Elliot sa kapatid.
“Mukhang tinalo mo ang kinang ng suot ko ngayon Elysia, sana pala laging may seremonya para mag itsura ka’ng Prinsesa sa paningin naming lahat,” ani Elliot na hindi rin mapigilan ang tawa.
Sinuklian agad ito ng ismid ni Elysia. Ilang sandali pa, pasimple nitong tinapakan ang paa ni Elliot na siyang umani ng mahinang ungol sa lalaki. May iilang nakapansin dito. Mabilis silang nakarinig ng pagsaway sa Reyna na noon ay nasa harapan lamang nila. Sa isip ni Elysia, bagay lang iyon kay Elliot dahil hanggang sa importanteng okasyon ay nagagawa nitong mang asar sa kanya.
“Kung wala kang magandang sasabihin takpan mo na lang ang bibig mo. Baka mamaya, itong nanginginig kong kamay ay bigla na lang dumapo sa mukha mo,” bulong ni Elysia sa Prinsipe.
Pansamantalang natahimik ang magkabilang panig. Animo’y nagsusukatan ang magkapatid ng tono ng isat-isa. Sa halip na magpatuloy ang pag aasaran, minabuti ni Elliot na palampasin ang huling banat ng kapatid. Noon din, naagaw muli ng dalaga ang atensyon ng kapatid. Patuloy sa panginginig ang kamay nito dahil sa kanina pang nararamdamang kaba.
Sandali lang, marahan at seryosong wika ni Elliot kay Elysia, “Magiging mabuting taga-pangalaga ka ng kapangyarihan ng ninuno natin Elysia. Wala kang dapat ipangamba dahil tutulungan kita.”
Ganoon na lang at sinuklian iyon ng tipid na ngiti ni Elysia. Kasabay ng pag ngiti nito ang pag aanunsyo ng hari sa pagsisimula ng seremonya. Muli namang nabuhay ang bulungan sa bawat sulok ng paligid.
Sa utos ng hari, tinungo ni Elysia ang gitna ng patyo. Sinundan iyon ng tingin ng Reyna at pati na rin si Elliot. Sa puntong ito, bakas na rin ang kaba sa itsura ng dalawa dahil sa ilang sandali ay mangyayari na ang pinakahihintay ng lahat. Batid ni Elliot na ang seremonya ay ang paglilipat ng kapangyarihan ng phoenix sa kapatid nito. Ang hindi niya lubos maisip ay kung ano nga ba ang magiging pagbabago kay Elysia sa oras na mangtagumpay ang pagsasalin.
“Sa araw na ito, masasaksihan ng buong kaharian ang pagsasalin ng kapangyarihan ng ninunong apoy sa susunod na henerasyon ng Hunt,” wika ng Hari. Umalingawngaw ang mahinang palakpakan sa lugar. Senyales ng mainit na pagtanggap nila sa seremonya.
Noon din, matikas na nag martsa ang punong gwardya sa direskyon ng Hari at Prinsesa. Bitbit nito ang dalawang punyal na nakapatong sa ibabaw ng kulay lila’ng tela. Nang makaharap nito ang Hari, magalang itong yumuko sa harap nila. Pinasalamatan ni Haring Eliseo ang lalaki bago kinuha ang mga patalim. Nang maubos ang laman ng hawak na tela, matikas na sumaludo ang gwardya at saka nagmartsa’ng muli palayo sa tanghalan.
Sa puntong ito, hinarap ng hari si Elysia. Nagniningning ang mga mata nito na sumisimbolo sa presensya ng kapangyarihan ng Phoenix. May kung ano sa presensiya iyon ng ama na nagparamdam lalo ng takot sa dalaga. Animo’y mas batid nito ang bigat ng tungkulin na kailangan niyang gampanan sa kahariang Adeleuse.
Nakaramdam ang dalaga ng banayad na haplos sa kaniyang ulo. Agad naman siyang nabalik sa wisyo ng pansamantalang malunod sa pag aalala. Tinanggap niya ang iniaabot na punyal ng kanyang ama. Itinabi niya ito sa pagitan ng kanyang mga kamay.
“Sa bisa ng aking basbas, inihahabilin ko ang paglilipat sa pangangalaga ng kapangyarihan ng phoenix. Na siyang ating ninuno sa nagdaang mga siglo. Sa kamay ng sunod sa aking henerasyon, malugod at buong puso mong tanggapin ang kapangyarihan nito,” wika ng Haring Eliseo.
Iginiya ni Elysia ang sarili at marahang lumuhod sa harap ng hari. Sunod sa bawat kilos ang lahat ng mga mata ng mga tao. Kasunod noon ang pag angat ng hari sa talan-talan nitong punyal. Ginuhitan ng matandang lalaki ang palad nito at saka hinayaang tumulo ang likidong nagmumula mismo sa sugat.
Habang patuloy pa rin sa pagyuko, laking gulat ni Elysia ng tumambad sa mga mata nito ang pagliwanag ng bawat patak ng dugo sa kaparehong niluluhuran nito. Nang lingunin niyang muli ang ama, mas nagulat siya ng mapansin’g higit pang mas maliwanag ang palad nito.
Namangha ang lahat nang masaksihan ang sandaling iyon. Ilang sandali pa, inanyayahan ng amang Hari si Elysia na gawin ang kaparehong ginawa niya. Ganoon na lang at nagpabalik-balik ang tingin ng Prinsesa sa punyal at palad niya.
Sandaling natahimik ang paligid dahil sa kawalan ng reaksiyon ng Prinsesa. Nagsimula na rin ang bulung-bulungan ng mga tao. Napansin iyon ng Prinsipe kaya ang kaninang pangamba niya ay animo’y dumoble dahil sa kasalukuyang nasasaksihan ng mga mata niya. Aktong magsasalita na sana si Elliot nang mapansin ang naging tugon ng amang Hari.
Marahan niyang inabot ng hari ang palad ni Elysia at saka siya malumanay na tintitigan ng mata sa mata. Tila sa sandaling iyon ay hinihikayat niya ang anak na lakasan ang loob alang-alang sa pagpapatuloy ng seremonya.
Sa isip ni Elysia, hindi ito ang tamang panahon upang magpakita ng kahinaan sa harap ng maraming tao. Baka dahil pa rito ay maisip ng nasasakupan nila na hindi siya karapat-dapat sa tungkulin na ito. Na baka mas lalo lamang mapunta ang lahat ng tungkulin sa kapatid niyang si Elliot.
Hindi naiwasang sumagi sa isip ng dalaga kung paano na lang niya maramdaman ang pagbaba ng tingin niya sa kanyang sarili sa tuwing higit na napapansin ang liderato ng kapatid. Aniya sa sarili, kung may pagkakataon upang makatulong ako sa pamilya, ito ang mabisang paraan. Lalo na’t hindi bumubuti ang kondisyon ng amang hari. Noon din, humugot ng napakalalim na paghinga si Elysia at saka ginuhitan ang palad gamit ang punyal.
Agad na kinuha ni Haring Eliseo ang kamay ng Prinsesa. Sa sandaling nagtama ang mga palad nila, ganoon na lang ang mabilis na pagsilip ng higit sa dalawang liwanag. Salit-salit na ritmo ng pula, puti, dilaw at asul na liwanag ang makikita roon. Sumunod naman ang pagbalot ng tila ipu-ipo sa lakas na hangin sa entablado. Unti-unti ay umaangat ang katawan ng mag ama. Mas tumindi pa ang ritmo ng liwanag at animo’y sumasayaw narin ito katulad ng pag indak ng apoy.
Sa takot ng mga manonood, isa-isang umalingawngaw ang takot na hiyawan sa kaharian. Sa puntong ito, mas lumakas pa ang pag sibol ng hangin at animo’y sumisipol pa ito..
Sa lagay ng sitwasyon, minabuti ng mga gwardiya na palayuin ang mga taong nanonood upang maiwasan ang posibleng sakuna sa paligid. Nagpatuloy naman ang lalo pang lumalakas na hangin at liwanag.
Sa kabilang banda, hindi mapakali ang Prinsipe dahil sa nasasaksihan ng dalawang mata nito. Hindi maalis sa binata ang pag aalala gayong ang kapatid at ama nito ay parehong lumulutang sa ere. Susubukan na sana ni Elliot na tumulong nang bigla siyang hatakin at pigilan ng ina. Bago pa man makapag reklamo si Elliot, bigla na lang ay animo’y may sumabog sa lugar.
Kasabay ng malakas na alingawngaw ay ang pagkalat ng liwanag mula sa dalawang katawan na nasa entablado kanina. Sa sobrang liwanag ay halos hindi maimulat ng mga tao ang kanilang mga mata.
Pinilit naman ni Elliot na silipin ang paligid. Sa pagpupursigi nito nagawa niyang buksan ang kanang mata. Sa sandaling iyon, kusang nahulog ang panga nito nang masilayan ang ga-higanteng katawan ng ibon sa harapan niya. Di katulad kanina, nakakasilaw pa rin ang taglay na liwanag ng apoy na ibinubuga nito. Kakaiba ang apoy na nakayakap sa buntot nito dahil marikit na sumasayaw ang mga kulay na pula, puti, asul at dilaw sa kanya.
Maya-maya pa, narinig ng binata ang paghagulgol ng kanyang ina sa gilid. Marahil ay hindi ito makapaniwala sa ganda ng nasasaksihan. Bukod pa roon, muling naalala ni Elliot ang presensya ng kanilang amang Hari. Kaya naman dali-dali itong tumakbo papunta sa entablado. Doon niya nakita si Haring Eliseo, nakahiga at walang malay. Mabilis niya itong sinuri.
Dahil na rin siguro sa pagkagulat, hindi na namalayan ng binata na halos lahat ng tao sa paligid ay nakayuko’t nagbibigay pugay sa imahe ng kanilang ninunong phoenix. Habang yakap-yakap ang ama, napansin ni Elliot na tila nakatitig sa kaniya ang higanteng ibon. Ilang sandali pa, mabilis itong lumipad palayo at tila naiwan ang presensya ng grado ng mga apoy nito sa lugar.
Tiningala ng nasasakupan ang malayang ibon na lumilipad sa ibabaw ng kaharian. Sa bawat pag alpas nito ay tila sumisimbolo ng kalayaan at katapangan ng kaharian. Sunod na narinig ang masigabong palakpakan ng mga tao sa lugar. Isang lathala muli ang maisusulat sa historya ng kahariang Adeleuse.