CHAPTER ONE

1894 Words
“Rookie, bilisan mo na r'yan at baka ma-late ka. Anong oras ka na nagising tapos ang kupad mo pa kumilos. Halika nga rito at isuot mo na itong polo mo," saad ko sa bunso kong kapatid. Lumapit naman ito at saka ko siya sinuotan ng uniporme niya. First day ng klase ko ngayon at isasabay ko na sa paghatid si Rookie. Alas otso pa naman ang unang klase namin pero mas maganda na ring maaga akong maka-biyahe lalo pa't usong-uso ang traffic sa Manggahan at Trece. Maagang pumasok sa trabaho si Mama pero nakapagluto na rin siya ng almusal namin. Si Papa naman ay maaga ring umalis para maghanap ng trabaho. Si Kuya Paeng nama'y maya-maya ay darating na rin bago pa kami makaalis galing sa trabaho. Matapos kong asikasuhin si Rookie ay ako naman ang nag-last minute check sa sarili ko. Isang simpleng itim na T-shirt at maong na pantalon ang aking suot na tinernuhan ko lang ng plain na ballerina flats. Polbo at lip balm lang din. Basta ko na lang din itinali nang paikot ang mahaba kong buhok lalo't ayaw kong nililipad-lipad ito habang nasa biyahe. Nang marinig ko ang boses ni Kuya mula sa sala ay mabilis kong isinukbit ang aking ID sa leeg at ang bag sa aking balikat bago lumabas. Naabutan ko itong nagtatanggal ng sapatos sa sofa habang nakikipagbiruan kay Rookie na mukha nang handang umalis. Kinuha ko na ang backpack ni Rookie at saka ito isinukbit sa kabilang balikat ko saka humarap sa nakatatanda naming kapatid. "Kuya, alis na kami. May tinira kaming almusal d'yan at kumain ka na lang, ha?" bilin ko rito. Tumango naman siya habang may namumungay na mga mata. "Sige, Rosie. Ikaw na bahala kay Rookie. Ingat kayo lalo ka na sa biyahe," anito na tinanguan ko rin at saka tuluyang lumabas ng bahay. Ganito ang set-up namin. Kanya-kanyang papel sa bahay at sa pamilya para makaraos sa pang-araw-araw na buhay. Masaya naman kami. Iyon nga ang nakatutuwa sa pamilya namin dahil sa kabila ng kahirapan at sa minsanang hindi pagkakaintindihan ay naroon pa rin ang bonding sa isa't isa. Hindi namin nakalilimutan ang mga nakagawian naming gawin noon pa man. Mabilis-bilis lang din ang naging biyahe ko kahit na mas'yado pang maaga para ma-hassle. Hassle naman talaga kapag umaga at hapon. Oras kasi ng pasok at uwian. Wala pa man ako sa Main Gate ng campus ay tanaw ko na marami ng mga estudyante ang nagkalat sa paligid. Karamihan sa kanila ay mga freshmen student. Bago pa man ako makalampas sa isang kumpol ng magkakaibigan ay rinig ko pa ang sinabi ng isa nilang kasama. "Excited na ako! For sure maraming guwapo nito sa loob lalo na sa Engineering Department." Naiiling akong napangiti nang marinig iyon. Bago pa man ako tuluyang makapasok ay bahagya pa akong natigil sa paglalakad dahil tsini-tsek pa ng guwardiya ang Registration Form ng mga freshmen dahil wala pa naman silang mga ID. "Good morning, Sir!" rinig kong bati noong lalaking matangkad na nasa unahan ko lang sa mga guwardiya na narito. Ngumiti naman ang mga ito at mukhang kilala nila ang bumati sa kanila. "Oh, Xed! Good morning din. Hindi ka yata naka-kotse ngayon?" tanong noong isang guwardiya na nakabantay sa mga kotseng naglalabas-masok sa malaking gate. Bahagyang tumawa ang nasa unahan ko. "Dala ko ho. Sa bungad ko lang ni-park," sagot nito saka umabante na para pumasok. Binati siya ng babaeng guwardiya at ganoon din naman ang lalaki. Nang makapasok na rin ako ay akala ko babatiin din ako pero tumango lang sa akin. Nakasunod lang ako sa lalaking nasa unahan ko kanina dahil mukhang iisang daan lang ang tatahakin namin. May pumansin din sa kanyang isang propesor nang makasalubong niya. "Taray ni Kuya. Mukhang tatakbo lang sa halalan ang peg," usal ko sa aking sarili. Mukha naman siyang hindi Prof kasi tinawag lang siya sa pangalan noong guwardiya kanina. Hindi rin naman siguro staff. Bahagya pa akong natigilan nang huminto ito. Dahil nasa unahan ko lang siya ay muntikan na akong dumire-diretso sa paglalakad kung hindi ko lang napigilan ang sarili ko. Paano ba naman kasing hindi siya hihinto, e may nakasalubong na namang kakilala. Baka member ito ng Student Council. Tumuloy na ako sa paglalakad dahil ilang minuto na lang din naman at mag-a-alas otso na hanggang sa nakakailang hakbang pa lang ako nang may tumawag sa atensiyon ko. Grupo ng mga babae. "Ate, puwede ho ba magtanong kung saan ito?" Mga freshmen lang pala. Akala ko naman ka-peg na rin ako ni Kuya kanina na maraming kakilala kaya ako tinawag ngayon. Matapos maituro sa kanila ang TBA raw na room ay tinahak ko na ang department namin. Kung nagkataon na loko-loko lang ako, baka itinuro ko sa kanila ang dulong bahagi ng campus. Wala naman kasing room na TBA dahil To Be Announce ang meaning niyon sa RegForm nila. Pagkarating sa room ay nadatnan ko ang mara-rami ng mga tao. Sa first day lang naman maaaga ang mga ito. Naupo ako sa second to the last row. Mga pamilyar at kakilala ko na rin ang iba pero hindi lang ako ganoon kalapit sa kanila. Ako kasi ang tipo ng kaklase na mas pipiliing mag-isa kumpara sumama sa marami-raming grupo. Ayos na ako na walang kagalit at wala ring gaanong kalapit. Hindi pa man nag-iinit ang aking pang-upo sa silya ay siya namang dating ng bagong pasok sa room. Napaangat ang aking kilay. Kasabay niyon ang pagtagilid ng aking ulo. Namumukhaan ko ang kulay at itsura ng damit nito kahit likod lang niya ang nakita ko kanina. So, kaklase ko pala siya? Ito iyong nakasabay ko sa pagpasok kanina na daig pa ang tatakbo sa halalan dahil ang dami yatang binati't nakausap sa daan. Kulang na lang ay ang kumaway siya at sasabayan ng sarili niyang jingle. Naupo ito sa kabilang parte pero nasa pangatlong row kaya kitang-kita ko siya. Malinis siyang tingnan at oo . . . guwapo rin. Nakasuot ito ng simpleng white plain T-shirt at maong pants. Medyo malaki-rin ang pangangatawan at matangkad. Kanina nga noong nasa unahan ko siya halos balikat niya lang ako. Kaya rin siguro siya maraming kakilala kasi ang gaan ng awra niya. Mukha ring smiley type of guy—a nice guy. Natigil lamang ako sa pagtingin sa kanya nang mamataan ko ang pagpasok ng propesor namin. Kilala ko na rin dahil naging prof ko na rin last sem. Bumati ito sa amin at ganoon din kami. Nabanggit niya rin na pamilyar na ang ilan sa amin sa kanya kaya kahit hindi na raw mag-Introduce yourself. "For now, gusto ko munang malaman kung bakit nandito kayo ngayon sa major course na ito. What made you decide to choose Human Resource Management? Bakit hindi ang Financial Management o ang Marketing Management?" As usual, kabilaan ang mga naging reaksiyon ng lahat. Ang mahalaga ay kampante ako dahil may dahilan ako kung bakit ito ang pinili ko. Walang sino man ang nag-udyok sa akin. Pakiramdam ko lang na rito ako nababagay. Nagsimula si Ma'am na magtawag sa likuran kaya malapit-lapit lang din ako. Sa mga naunang sumagot ay halos iba-iba. May mga sumagot ng: "Para maranasan ko ring mang-reject ng aplikante." "Para ako naman ang mag-i-interview at magsasabi sa kanila na tatawagan na lang sila." "Sabi raw po kasi ng tropa ko mag-HR kami para magkaklase kami hanggang 4th year. Ayon po, nasa kabilang section siya napunta." May mga punto ang iba nilang sagot pero hindi logical. Parang tingin ko tuloy ay napilitan lang sila rito. Mukha rin namang expected na ng prof namin dahil natatawa na lang din siya. Hanggang sa ako na ang magsasalita. Sa pagtayo ko ay hindi ko alam kung bakit nagawa ko pang sulyapan saglit iyong lalaking nakasabay ko kanina. Nakatingin ito sa akin katulad ng iba habang naghihintay ng sagot ko. Mabilis kong iniwas ang paningin sa kanya at baka iba pa ang isipin nito. Maaaring guwapo siya at ma-appeal pero hindi naman ako interesado sa kanya. Tumikhim ako. "Kasi kailangan ko ng trabaho. Kailangan ko sumahod. At sa tingin ko ho, kung HR ka at alam mo na ang kalakaran . . . may tiyansa na hindi ako maloko ng employer. Hindi ako maiisahan sa pasahod at lalo na sa karapatan ko bilang manggagawa. Makakayanan ko rin pong makipagsabayan sa kanila," sinsero kong sagot. Pansin ko ang pagtango-tango ng ilan kong mga kaklase maging ng prof namin. "Well, you have a point, Ms. Monticildez. Ang tawag d'yan is practicality and walang masama r'yan. Atleast, may point ang reason mo kung bakit ka nag-HR at lahat ng nabanggit mo naman ay malalaman mo rin talaga rito," komento nito sa akin. Marami pa ang mga sumagot pagkatapos ko at halos pare-pareho lang din naman ang mga sagot. Malalaman mo rin talaga sa iba kung gusto ba talaga nila ito o ginusto lang nila. Muli na namang gumawi ang aking paningin sa lalaking nakasabayan ko kanina dahil siya na ang magsasalita. Tumayo ito at kaswal na humarap sa buong klase. "I choose HR because I want to become an HR Manager and not just a casual employee under of HR Department. Gusto kong matulungan ang bawat empleyado sa pamamagitan ng pagbibigay nang sapat na pasahod at pantay na pagtrato sa kanila. And I think, sa pamamagitan nitong kursong ito . . . matutulungan ko ang sarili ko para makatulong pa sa iba. It's not just about my salaries, benefits and perks as an HR Manager. It's about on how will you ruled properly your colleagues. Kung paano mo i-e-execute iyong natutuhan mo kasi you are privileged enough para gawin iyon. Kasi ang HR, dapat alam ang tama," mahabang tugon nito na siyang nagpatahimik sa amin sa buong klase. Kita ko rin sa mukha ng prof namin ang pagkamangha't pagsang-ayon nito sa sagot niya. Kahit ako rin naman ay natameme dahil dama ko ang sinseridad habang sinasabi niya iyon. Nasa dugo nga talag yat nito ang politiko. "Wow! I like your mindset and reason why you choose HR. And tama iyan kasi as of now, marami talagang nasisilaw sa kapangyarihan hanggang sa nakalilimutan na nila iyong totoong trabaho nila. And HR is really one of the most important resources in a business organization. And thank you for that, Mr. Sarmiento at iyan ang naiisip mo," komento ng prof namin sa kanya. Bago pa ito maupo sa kanyang upuan ay napagawi ang paningin niya sa akin pero sumaglit lamang. Pinatatamaan niya ba ako? Maganda nga ang adhikain niya kung bakit niya gustong maging HR, pero hindi niya siguro maintindihan ang punto ko. Baka kasi privileged person din siya kaya hindi niya alam kung ano ang katayuan ng mga katulad ko. Hindi naman porque sarili ko lang ang iniisip ko ay makagagawa na ako ng mali para lang sa sarili kong kapakanan. Alam ko naman ang tama . . . sadyang may mali lang talaga sa buhay ko ngayon. Sa taas ng cost of living ngayon, hindi mo na alam kung nasaang lebel na ang cost of labor. Muli akong tumingin sa gawi no'ng Sarmiento na iyon pero kasalukuyan siyang nakatalikod sa gawi ko. Kahanga-hanga naman talaga siya. Kaya rin siguro malapit siya sa ilang staff dito sa campus kasi iyon ang prinsipyo niya. Maganda naman. Nakabibilib. At nakatutuwa. Pero sana, naiintindihan niya rin kung bakit may mga mindset na katulad ng akin. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD