Sonia Sofia by JC Pamplona

2089 Words
         Naniniwala ka ba sa hiwaga na dulot ng mahika? Ako kasi, hindi. Pero nag-iba ang pananaw kong iyon nang makilala ko ang dalawang babaeng bumihag ng aking puso. Si Sonia at si Sofia.             Nagsimula ito noong may makilala akong isang matandang babae habang naglalakad ako pauwi galing sa trabaho isang gabi. Nakita ko ang isang matanda na nakalupagi sa tabi ng kalsada sa tapat ng isang sementeryo, tila nanghihina at halatang pagod na pagod. Sa tapat niya ay may mga bungkos ng mga kandilang nakatali — marahil ito ay kanyang itinitinda. Nahabag ako sa kanyang kalagayan, nais ko siyang tulungan ngunit baka wala na akong masakyan pauwi. Siguro naman hindi kabawasan kung bibigyan ko ng tuon ang saglit na pagtulong sa kawawang matanda? Isa pa mas nanaig sa akin ang awa kaya tinulungan ko siya ng mga oras na iyon.                      "Nanay," sabi ko at saglit siyang napatingin sa akin. Mula sa pagkakahiga sa malamig na semento ay pinilit niyang iaangat ang kanyang katawan. Kaagad ko siyang inalalayan upang maayos siyang makaupo.             "Hijo, bumili ka na nitong tinda kong kandila,"wika niya. Lalo akong nahabag nang mapansin kong tila nanginginig ang kanyang katawan sa ginaw. Agad kong hinubad ang aking jacket at isinuot sa kanya.             "Nanay, gabi na ho. Hindi po ba kayo hinahanap sa bahay?" nag-aalala kong tanong. Wala akong balak bumili ng kanyang paninda dahil sa totoo lang... sino bang kailangan ng kandila sa panahong ito? Malayo pa ang undas kaya hindi ko rin 'yan magagamit at isa pa may ilaw naman sa bahay namin.             "Wala na akong tirahan, kaya pakiusap... bumili ka kahit ilang piraso lang,"pakiusap niya. Sa halip na pagbigyan ang kanyang ninanais ay bumunot ako ng isandaang piso sa aking pitaka at ibinigay sa kanya.             "Ito po nanay, pambili ninyo ng pagkain, inyo na po ang paninda ninyo para marami pa kayong mabenta. Pasensya na po at iyan lang ang kaya kong ibigay sa inyo,"tugon ko sa kanya. "Ibibigay ko na rin po itong burger na binili ko sa inyo para may makain naman kayo ngayong gabi," dugtong ko sabay abot ng isang supot na may lamang ham burger na pasalubong ko sana sa aking alagang aso. Tingin ko kasi, higit kailangan ni lola ito kaysa sa aking alaga.             "Napakabuti ng kalooban mo, kaya dapat kang bigyan ng gantimpala. Tanggapin mo ang regalo ko sa iyo bilang isang pasasalamat,"wika niya at inabot ang isang kandila. Kakaiba ang hitsura niyon.  Tila espesyal, mas maganda kaysa sa mga tinda niya — ito ay kulay pula na hugis puso. May kalakihan ito ngunit sapat lang ang bigat.             "Naku! Nanay, huwag na po. Hindi ko kailangan 'yan," pagtanggi ko.             "Tanggapin mo na ito at pinapangako ko na sa tuwing sisindihan mo ang kandilang ito ay makikita mo ang babaeng makakasama mo habambuhay." Nahiwagaan ako sa aking mga narinig mula sa kanya. Ewan ko pero parang may kung anong boses ang bumulong sa akin at kinuha ang kandilang inaalok niya. Tinitigan ko ito ngunit nagtataka, totoo ba na magagawa nitong ipakita ang babaeng mapapang-asawa ko? Nakakatawang isipin pero matagal ko na ngang inaasam ang babaeng 'yon. Kaya lang hindi ako naniniwala na magagawa ito ng kandilang hawak ko. Balak ko sanang ibalik ang kandila sa matandang babae ngunit ng lumingon ako ay wala na siya sa kinatatayuan niya maging ang mga kandilang paninda niya. Naiwan na lang doon ang aking jacket na nasa kalsada, dinampot ko iyon at isinukbit sa dala kong bag. Ang bilis naman niyang mawala. Kanina lamang ay kausap ko siya pero ilang segundo lang ay parang naglaho siya na parang bula. Kakaiba ang matandang 'yon.             Habang naglalakad ako patungo sa sa sakayan ng bus ay nakatitig pa rin ako sa dala kong kandila. Umupo ako sa waiting shed ng makarating ako sa bus stop ngunit hindi pa rin nawawala ang atensyon ko sa kandila. Ewan ko ba! Parang kakaiba ang kandilang iyon at may kung anong hiwaga ang dumidikdik sa aking utak na nagsasabing subukan ko siyang sindihan at baka sakaling magkatotoo ang sinabi ng matanda. Dahil nga sa kyuryosidad ay sinubukan kong gawin ang sinabi niya. Kinuha ko ang lighter  sa aking bulsa at sinindihan iyon. Tinitigan ko ang apoy at naghintay kung anong susunod na mangyayari ngunit tila walang nangyayari.             "Ano ba yan? Wala naman palang katotohanan ang sinasabi ng matandang 'yon, scam lang yata iyong sinabi niya eh,"maktol ko at inilapag sa tabi ko ang kandila na hindi namamalayang may apoy pa ring nakasindi rito. Nilingon ko ang daan habang nakaupo pa rin upang tingnan kung may padating na bus.             "Ang tagal naman, gusto ko na makauwi eh."isang tinig ang aking narinig mula sa aking tabi at nakita ko ang isang babae na nakaupo lang sa tabi ko. Teka! Kanina pa ba siya roon? Hindi ko man lang namalayan na dumating siya. Kakaiba ang suot ng babaeng 'yon na bigla na lang lumitaw sa aking tabi. Parang hindi ito modernong kasuotan. Sa kanyang ayos at pananamit ay makikita mo ang pagiging old fashion nito. Ngunit kahit na ganoon ay may taglay naman itong kagandahan na nakabibighani. "Kumusta, ginoo? Ako nga pala si Sonia,"pakilala niya. Kinamayan ko siya at nagpakilala rin.             "Kanina ka pa rito?"tanong ko sa kanya.             "Hindi. Kararating ko lang mula sa bulwagan at nag-aabang ng karwaheng masasakyan pauwi,"tugon niya at nagtaka ako sa mga narinig.             "Karwahe? Wala nang karwahe sa panahon ngayon,"saad ko at pilit pinipigilang tumawa.             "Nagbibiro ka ba? Tingnan mo at may karwaheng paparating,"wika niya sabay tingin sa kalsada. Pero nang tingnan ko ang direksyon ng kanyang sinabi ay isa bus ang nakita ko.             "Pero..."nilingon ko siya ngunit bigla siyang nawala. Napansin ko rin ang kandilang nasa tabi ko na wala nang apoy. Hinanap ko si Sonia sa paligid ngunit hindi ko na siya makita. Kakaiba ang mga tao ngayong gabi, bigla na lang nawawala kapag hinahanap mo.             "Boss, sasakay ka ba?"tanong ng konduktor ng bus nang tumigil ito sa harap ko.               "O...opo!" kaagad kong kinuha ang kandila na nasa upuan at isinilid ko sa aking bag.             Nang makauwi ako sa bahay ay sakto namang nawalang ng kuryente. Mag-isa lang ako sa inuupuhaan kong bahay kaya tahimik lang ang paligid sa tuwing uuwi ako galing trabaho. Eksakto naman pala ang pagbibigay sa akin ng matandang 'yon ng kandila. Nasa kwarto ako at tanging liwanag na nanggagaling sa buwan ang nagbibigay ng liwanag sa aking silid kaya naman kinuha ko ang kandila sa aking bag, sinindihan ulit ito at inilapag sa mesa. Naghubad ako ng T-shirt at dumiretso sa cabinet.             "Ang ganda naman pala ng iyong silid." nagulat ako sa aking narinig. Isang pamilyar na boses ang nagsalita mula sa aking likuran. Nang lingunin ko ang direksyon na iyon ay nakita ko si Sona na nakaupo sa kama ko.             "S...Sonia, anong ginagawa mo rito? Paano ka nakapasok dito?" gulat kong tanong.             "Hindi ko rin alam, basta na lang ako dinadala ng liwanag kung saan-saan, eh." nagtaka ako sa mga narinig ko. Liwanag? Napatitig ako sa kandilang nasa mesa. Ilang saglit lang ay nagkailaw na.             Nakakamangha! Ngayon lang ako nakakita ng ganito kaliwanag na lampara,"wika niya sa light bulb. Doon ako nagka-ideya sa mga nangyayari. Ngunit para makasigurado ay sinubukan kong hipan ang kandila. Napansin kong unti-unting naglalaho ang presensya ni Sonia. Natakot ako noong una ngunit sa pag-aasam na muling makita si Sonia ay sinubukan ko ulit sindihan ang kandila. Unti-unti, muling bumalik ang presensya ni Sonia. Inaamin ko, noong una kong makita si Sonia ay nabighani na ako pero hindi ko akalaing mahuhulog ako sa isang kakaibang nilalang na nakikita ko lang sa tuwing sisindihan ko ang mahiwagang kandila.             Simula ng araw na iyon ay maaga na akong umuuwi upang sindihan ang kandila at makita si Sonia. Ngunit tinitipid ko ang oras dahil habang natutunaw ang kandila ay ang pag-ikli rin ng panahong makakasama ko siya. Gusto ko pa siya makasama nang matagal, ngunit paano? Hanggang sa dumating na ang araw na kinatatakutan ko — ang pagkaubos ng kandila.             "Sonia, may gusto sana akong sabihin sa iyo,"wika ko. Alam kong ito na ang huling gabing makakasama ko siya at hindi na ko kayang mawala siya nang hindi ko nasasabi ang nararamdaman ko para sa kanya.             "Ano 'yon?"             "Sonia, matagal na kitang gusto. Hindi ko alam kung saan at paano ko naramdaman ito pero ang alam ko lang... mahal na kita." unti-unting bumilis ang t***k ng aking puso. Hinihintay ang magiging tugon niya, umiwas siya nang tingin sa akin na para bang nahihiya.             "Ako rin naman, hindi ko lang maamin dahil madalas akong hinihila ng liwanag sa kadiliman. Pero matagal ko nang gustong sabihin sa iyo na mahal din kita," wika niya at walang pagsidlan ang aking tuwa sa mga narinig. Hinawakan ko ang kanyang pisngi at ipinaling ang kanyang mukha sa akin. Tinitigan ko ang mapupungay niyang mga mata. Gusto ko siyang hagkan at maramdaman ang init ng kanyang mga labi. Ipinikit ko ang aking mga mata at unti-unting inilapit ang aking mukha sa kanya. Ngunit bago pa mang maglapat ang aming mga labi ay ramdam ko ang unti-unti niyang paglalaho. Hindi ko na nagawa pang halikan ang kanyang labi. Dahan-dahang tumulo ang aking mga luha sa kanyang paglaho. Nang aking imulat ang mga mata ay nakita ko ang tunaw na kandila na wala nang apoy sa aking mesa. Masakit man pero kailangan kong tanggapin.             Ilang gabi akong umiiyak at nasasabik na makita siya. Ngunit paano? Gusto ko ulit makita ang matandang nagbigay sa akin ng mahiwahagang kandila ngunit bigo akong makita siya. Siguro ay kailangan kong tanggapin na hanggang doon lang 'yon. Pero masaya akong nakilala ko siya kahit sa ilang sandali lang naming pagsasama. Ngunit isang araw nang papasok ako sa trabaho ay napadaan ako sa sementeryo kung saan ko nakita ang matandang nagbigay sa akin ng mahiwagang kandila. Hindi sinasadyang makita ko ang isang pamilyar na babae habang naglalakad ako sa tabing daan.             "Sonia?"tanong ko sa aking sarili. Sigurado ako sa nakita ko, siya 'yon at wala nang iba. Hinabol ko siya at nakita kong papasok siya ng sementeryo. Ngunit iba ang Sonia na nakita ko, hindi na siya nakasuot ng makalumang-damit moderno na ang kasuotan niya at kaswal. Pero maganda pa rin siya sa paningin ko. Hinabok ko siya at nakita kong nakatayo siya sa isang puntod. Maya-maya lamang ay may nakita akong binunot sa kanyang bulsa, isang kahon ng posporo, ngunit kasabay niyon ay nalaglag ang isang bagay sa kanyang bulsa na hindi niya namamalayan. Lumapit ako sa kanya at dinampot ito.             "Miss, sa iyo yata ang panyong ito,"wika ko sa kanya. Nang ituon niya ang atensyon niya sa akin ay doon ko napansin ang pagkakaparehas ng mukha niya sa babaeng iniibig ko na si Sonia.             "Salamat,"tugon nito at kinuha ang panyo sa kamay ko.             "Miss, pwede ba akong magtanong?"             "Ano 'yon?" tanong niya.             "Ang pangalan mo ba ay Sonia?" gusto kong makasigurado             "Ha? Hindi Sonia ang pangalan ko. Ako si Sofia," tugon niya. "Pero ang pangalan ng lola ko ay Sonia,"dugtong niya at may kinuha sa kanyang bag. Isang kandila, ngunit pamilyar ang kandilang iyon. Kawangis ng kandilang iyon ang kandilang ibinigay sa akin ng matanda at siyang naging dahilan kung bakit ko nakilala si Sonia. Ipinatong niya ang kandila sa puntod at sinindihan iyon. Nawindang ako sa aking nakita dahil sa nakasulat na pangalan sa puntod.               Sonia Del Mundo             Pero mas nawindang ako larawan na nakadikit sa puntod. Mukha ni Sonia ang nakita ko. Doon ko napagtanto na ang Sonia na minahal ko ay matagal nang patay at kamukhang-kamukha niya ang apo niyang si Sofia.             "Saan galing ang kandilang 'yan? Ang ganda naman,"wika ko sa kanya ngunit hindi para purihin ang bagay na iyon kung 'di para malaman kung paano siya nagkaroon niyon.             "Ah... iyan ang paboritong kandila ng lola ko, siya ang gumagawa ng kandilang 'yan. Pero hindi niya binebenta. Binibigay lang niya sa mga taong espesyal sa kanya, tulad ko." Nagulat ako sa nalaman ko, ang matandang babaeng nagbigay sa akin ng mahiwagang kandila at si Sonia ay iisa. Ngunit mas nagulat ako sa sumunod na sinabi ni Sofia.             "Alam mo ba, ang sabi niya, sa death anniversary niya ay sindihan ko raw ang kandilang ito sa puntod niya at ngayong araw 'yon. Dahil sa araw na ito ko raw makikilala ang lalaking makakasama ko habambuhay." tiningnan ko si Sofia at lalong pumintig nang malakas ang aking dibdib dahil sa mga narinig. Siguro ay ito na nga ang tamang panahon para makilala ko ang babaeng makakasama ko habambuhay at dahi iyon sa mahiwagang kandila na ibinigay sa akin ni Sonia.                                                                         Pagtatapos...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD