Nagawa kong tumakas sa panganib ng kamatayan kaya nilakbay ko ang parang
at kapatagan hanggang dapithapon. Gabi na ng dumantay ang pinong buhangin sa aking talampakan. Sa hapo ay ipinanghele ang simoy ng tagumpay hanggang sa maidlip.
Nagising ako sa kahindik-hindik na kadiliman na muling tumutugis sa aking kahinaan. Saan ako susuling? Sa hilaga, sa timog, maging sa kanluran nariyan ang panganib ng mga kalaban. Saan ako babaling? Kung tutuntunin ko ang dakong silangan, malalim na dagat ang sa aki’y nakahadlang. Paano ko tatawirin? Heto na’t parating ang mga bisyo pati kalaswaan, nanoot na nasa, hubo’t hubad sa kaibuturan. Paano ako lalaban? Suko na ang utak, sukol na ang laman sa nanghahalinang sarap ng kamunduhan. Magpaparaya na naman?
Ipinikit na lamang ang diwang nagugulumihanan, umusal ng reklamo laban sa maykapal. Kay hirap maging banal... Noon biglang umihip ang malakas na hangin, nahati ang dagat at nagkaroon ng daan - tungo sa kalayaan.
Nag-aatubili man ay pilit kong tinawid ang kabilang dako. Tuluyang tatakasan ang karwahe ng ehepsiyo. Determinado na sa pagbabago. Magbubukang-liwayway na ng marating ang ibayong pampang. Hudyat upang isarang muli ng alon ang bulwak ng laot. Nilunod ang aking kahapon.
Kasabay ng umaga ang pagsikat ng panibagong pag-asa. Muli akong isinilang, isang bagong nilikha. Tunay na Malaya.
Natapos ang bakasyon. Bumalik sa seminaryo ang seminarista. Balik na naman sa eskwela. Umumaga. Gumabi. Hulyo – Agosto – Setyembre … tuloy ang bilang sa kalendaryo. Nagpasko. Nagbagong-taon. Lumipas ang isang taon, dalawang taon. Sumapit ang graduation day. At natapos niya ang isang taon bilang nobisyado.
Ngayon ang First profession. Ito ang tinatawag na ‘temporal religious vow’. Manunumpa silang mamumuhay ayon sa mga katangian ni Hesus, ang kalinisan, karukhaan at pagtalima. Ang kontratang pipirmahan ay para sa loob ng isang taon. Pagka-nakatatlong pagpapanibago na sila, maari na silang tumanggap ng ‘solemn vow’. Ito ay pang habambuhay na. Anim silang magkakasama sa novitiate kaso apat lamang silang maluwalhating nakatapos.
“Isinulat ng ating Santo Papa, Juan Pablo Ikalawa, sa kanyang ‘Vita Consecrata’ o consecrated life. According to him, it is a way of life, making visible the presence of Christ; his poverty, his chastity and his obedience…”
Tumimo sa puso ni Julian ang mga katagang binitiwan ng kanyang Superior. Nabasa niya ang tinutukoy na libro. Napag-aralan at naunawaan ng husto. Ang nakasulat ay teorya, ang reyalidad ay heto – siya. Ang hamon ng kabanalan laban sa kanyang kahinaan. Nakadama siya ng takot. Alam niyang hindi lamang sa dambana ng Simbahan at sa harapan ng karamihang nagsipagsimba siya maglalahad ng pangako. Ito’y personal na pakikipagtipan sa Diyos. Puso sa puso.
“Ang lahat ay magsi-upo maliban sa apat na tatanggap ng kanilang unang pangako.”
Anang komenteytor.
“Ngayon po samahan natin ang ating mga kapatid na magpahayag ng kanilang pangako.”
Ang pagpapatuloy nito.
Humakbang papunta sa may harapan ang apat at isa-isa nilang inusal ang pangako.
“Bilang tugon sa pag – ibig ng Diyos na siyang tumawag upang ako ay sumunod ng buong sidhi kay Kristo nang may ganap na kalayaan, inihahandog ko, buo kong pagkatao sa Diyos Ama, upang ang pagtatalagang ito ay mapabanal nawa yaring bagong buhay sa pamamagitan ni Kristo sa Banal na Espiritu; itinatalaga ko ang aking sarili na mamumuhay sa pakikipagkaisa sa aking mga kapatid na relihiyoso, kumakapit kay Kristong nakapako sa Krus na may katapatan sa Simbahan, sa Santo Papa, at maglingkod sa pinakamahirap nating mga kapatid alang-alang sa kaharian ng Diyos.
Kaya, buong pagtitiwala sa tulong ng Birheng Maria, kalinis–linisang Ina ng Diyos at Ina ng Simbahan, gayundin, sa pamamagitan ng aming Pinagpalang Tagapagtatag at sa aming mga Tagapagtaguyod na mga Santo, sa iyo, Rev. Fr. Milano Luzbega, LWDC; na gumaganap sa ngalan ng superyor ng aming kongregasyon at sa inyong lahat na naririto ngayon, Ako, si Julian----- ay nanunumpang mamuhay sa kadalisayan, karalitaan, at pagtalima sa loob ng isang taon ayon sa Konstitusyon ng “Little Work of Divine Charity.”
Nawa ang grasya ng Diyos at ang inyong pakikiisa ay maging tulong upang ako ay maging matapat. Amen.”
“At ngayon po ay tunghayan naman natin ang paghahandog ng abito, pagkakaloob ng konstitusyon, paglalagay ng Krus at pagpirma ng kontrata bilang mga bagong relihiyoso.”
Ang bawat galaw ay simbolohikal at bawat simbolo ay teyolohikal. Malalim ang mensahe. Nakakaantig. Marami sa mga naroroon ay umiiyak na rin.
Pagkatapos nilang pumirma ay tumayo silang nakaharap sa mga tao hudyat upang…
“Bigyan po natin sila ng masigabong palakpakan!”
Pagkatapos ng misa, marami ang lumapit upang makadaupang palad sila tanda ng pagpugay sa tatag ng determinasyon. Ito ay isa pang hakbang pa-abante sa tagumpay. Naroon ang kani-kanilang pamilya. Mula naman sa Sorsogon ay lumuwas ang halos buong angkan ni Julian. Ang kanyang ina, ang apat niyang kapatid na lalaki, at ang dalagita nilang bunso. Idagdag pa ang kanyang lola, mga tita at tito pati mangilan-ngilan niyang mga pinsan na sa Maynila na rin nag-aaral. Si Tita Penang niya, ang matandang pilantropo na naging daan niya para makapasok sa seminaryo. At higit sa lahat ay narito rin ang kanyang espesyal na bisita, ang mag-inang delos Reyes.
Walang pagsidlan ng tuwa ang binata. Ngunit ng lumapit sa kanya si Bernales upang i-congratulate siya, may lungkot na sumundot sa kanyang puso. Kapwa sila napayakap ng mahigpit. Punung-puno ng emosyon.
“My friend, congrats!... And goodluck!”
Walang mahagilap na sagot si Julian. Marahil ay dahil kapwa sila may panibagong sitwasyon sa buhay, at itong kaibigan niya ay nasa sensitibong kalagayan. Kanina habang siya ay nakaharap sa lahat ng parokyanong nagpapalakpakan, natanaw niya si Bernales sa may pinakalikurang upuan, eksaktong pinapahid ang nangingilid na luha sa pisngi. Kasamahan nila ito sa ‘novitiate’ ngunit para sa kanya, isa itong matalik na kaibigan. Kaya nga ng magdesisyon itong lumabas, siya ang unang nalungkot.
Ilang buwan na nga pala ang nakalipas. Nagulat siya noon, pagpasok niya sa kanilang kuwarto agad niyang napansin na nakapangalumbaba ito. Kilala niya ang likaw ng bituka ng ka-roommate niya. Si Bernales ang uri ng tao na tila hindi tinatablan ng problema. Bungisngis sa lahat ng oras, masayang kausap dahil kwela kung magkuwento, at magaling makisama. Kaya sa timpla ng mukhang kanyang nabungaran, alam niyang may seryosong dalahin ang kaibigan.
“Ikaw pala, my friend...”
Ang tila walang buhay na pagkibo sa kanya, sabay hugot ng isang malalim na buntong-hininga. Nakasanayan na nilang tawaging ‘my friend’ ang isa’t isa
“My friend, masyadong malalim yata ang sinisisid ng kokote natin ngayon, may problema ba?”
“Lalabas na ako ng seminaryo...”
Ang paanas na wika nito ngunit para sa kanya ay isang bombang sumabog sa loob ng tainga niya.
“Bakit?”
“Kailangan kong ayusin ang buhay ko… at sa tingin ko, sa ganitong paraan ako magsisimula...”
Ipinaliwanag sa kanya ni Bernales ang puno’t dulo ng dahilan.
“Kilala mo si Gladys, di ba?”
“Si Ging-ging? Ang youth coordinator ng San Juan Chapel?”
“Oo, siya nga! Apat na buwan na kami.”
“Girlfriend mo siya?”
Marahang tango lamang ang naging sagot ng kanyang kaibigan sa pabulalas niyang tanong.
“At kaya ka lalabas ng seminaryo ay dahil sa kanya?”
“Sa mababaw na pagtingin ay maari kong sabihin na oo, pero may mas malalim pa…”
“Mukhang kumplikado yata ang sitwasyon?”
“Noong una ay talagang naguguluhan ako kung alin nga ba ang tama o mali, ang lumabas o ang manatili?”
“Naguguluhan ka dahil na inlab ka kay Ging-ging?”
“My friend, ang noong una na sinasabi ko ay wala pa sa eksena si Gladys.”
“Ang gulo mo namang kausap...”
“Makinig ka na lang muna kasi... Puwede?”
Napakamot na lamang siya sa ulo. Napagtanto niyang kanina pa siya tanong ng tanong sa halip na pakinggan ang kaibigan. Dala kasi ng pagkabigla sa desisyong inihahayag nito sa kanya kaya tila naging agresibo siyang malaman ang buong istorya.
“Halos dalawang taon kong pinaglimi-limi ang sigla at pananamlay ng aking bokasyon...”
Tumahimik siya habang nagpatuloy sa paglalahad si Bernales.
“At ngayon ay nakumpirma ko na hindi para sa akin ang pagpapari.”
Nakatingin sa mata ng kausap si Julian. Wala siyang nababakas na pag-aalinlangan sa huling salitang binitawan nito. Sa halip ay determinasyon at katiyakan ang nakalarawan sa buong tindig ng kaibigan. Nakatayo na kasi ito sa kanyang harapan habang nagkukuwento.