Ikasampung Yugto

1383 Words
Aking pinulot ang mga punit-punit na pahinang nakakalat sa sahig. Aking inipon at matiyagang pinagtagpi-tagpi ang halos pigtal ng pira-piraso. Aking binasa. Doon ay nadama ang daloy ng luhang lumukob sa iyong pagkatao. Kaya sa muli mong pag-ismid ako’y sisilay na may ngiti at walang muhi saiyo. Dahil talos na ng aking pang-unawa ang masungit mong pag-uugali. “Magulo noon ang aking mundo. Iyon ang panahon kung kailan dumating ang isang grupo ng mga seminarista para sa vocation campaign. Pumasok ako ng seminaryo upang takasan ang problema. Magdadalawang taon na sila mama at ang aking stepfather. Hindi naman sa ayaw kong umibig muli ang aking ina sa ibang lalaki. Pitong taon na rin ang nakakalipas mula ng mamatay ang aking ama. At ang iba kong mga kapatid ay nagsipag-asawa na rin, kami na lamang dalawa ang naiwan sa bahay. Naisip ni mama na darating ang araw na ako man ay magkakaroon na rin ng sariling pamilya, at siya ay maiiwang mag-isa. Ito ang dahilan kung kaya tumanggap siya ng manliligaw. Ang kaso sa maling lalaki yata tumibok muli ang kanyang puso. Sa isang lasenggero na at basagulero pa. Ang tangi niyang paliwanag sa akin ay susubukan niyang tulungan ito para magbago. Ito raw ay isang misyon. Ang kaso lumipas ang isang taon, at magdadalawang taon na ay wala pa rin akong napapansing pagbabago sa itinuring na amain. Baligtad ang nangyari, ang aking sarili ang apektado sa halos gabi-gabing ingay at gulo sa bahay. Magdadalawang taon na ang pagtitimpi. Magdadalawang taon na rin ang ‘phobia’ ko sa gabi. Sa tuwing sasapit ang alas sais na wala pa ang aking stepfather, asahan mong sa pag-uwi nito ay lasing at mambubuwisit sa tahimik na gabi. Mag-iingay. Pagseselosan ang kung sinu-sino. Mambabasag ng mga gamit. Magpupumiglas na aalis ulit at bibili o mangungutang ng alak sa kung saan-saang tindahan. Mambubulahaw kahit sa dis-oras na ng gabi. Pag hindi pinagbuksan ay maghahamon ng away, at kung anu-ano pang kalokohang dulot ng kalasingan. “Pagpasensiyahan mo na lamang siya anak, lasing kasi kaya wala siya sa katinuan kagabi.” Ang nakakarinding paliwanag ng aking ina. Minsan. Isang umaga. Udyok ng magkahalong takot , kaba at galit ay namalayan ko na lamang ang aking sarili na hawak ang baril ng aking amain. Nasa harapan siya’t himbing na himbing pa ang huli sa sobrang kalasingan nito ng nagdaang gabi. Nakaalis na si mama papuntang opisina. Iniumang ko ang kalibre 45 sa may sintido niya. May poot sa aking mga mata. At bigla. “Blag!” Nagulat ako. Nilingon ang pinagmulan ng ingay. Isang pusa ang tumalon mula sa may bintana patungong altar at nasagi ang krusepehong nakapatong. Nabasag. Tila nagising ako. Natauhan. Nakatingin sa akin ang putol na ulo ni Kristo. Ngatal ang buong katawan na tumalilis ako. Pumasok sa kuwarto at doon ay umiyak ng umiyak. Iyon ang dahilan at naisipan kong umalis ng bahay. Naglayas. “Mama, minabuti ko na lamang ang umalis na may natitira pang respeto saiyo. Kaysa manatili sa piling mo na unti-unting nilalamon ng pagkamuhi ang aking damdamin para saiyo...” Ito ang tangi kong paliwanag sa sulat na iniwan para kay mama. Kung saan-saan ako pumunta. Kung kani-kaninong bahay ako nakituloy. Nakikain. Nakiligo. Nakitulog. At hanggang sa nakitira. Kung sinu-sino ang sinamahan kong barkada. Naging kainuman. At naging katsungkihan. Naranasan ko ang malasing ng sobra-sobra. Ang ma-high sa damong ipinagbabawal. Ang mawala sa katinuan ang pag-iisip, makipagbasagan ng ulo at ang sumuka sa harapan ng professor dala ng kalasingan. Ngunit sa kabila ng masalimuot na mga karanasan, may isang pangyayari sa buhay ko ang tumuwid sa lahat ng kabuktutan. Umibig ako. At ako’y inibig din ng sinisinta. Kahit negatibo na ang imahen ng aking pagkatao, tinanggap pa rin niya ako. Pilit inuunawa. Nagpaka-martir. Dahan-dahan ang aking reyalisasyon. Ang sitwasyon pala ng aking ina ay kagaya ni Eva, ng aking nobya. Marami ang tutol sa aming relasyon pero pursigido siya sa pakikipaglaban. Naniniwala kasi siya na balang araw ay magbabago rin ako. “Bakit ako nagkakaganito?” Ito ang tanong ko sa aking sarili. Kung tutuusin, lumaki akong isang mabait na anak, masunurin at may takot sa Diyos. Pero ngayon talo ko pa ang anak ng hoodlum. May dahilan. May nagtulak sa akin para magkaganito ako. Pinagdili-dili ko ang ako at ang amain ko. Siya ay anak ng mayamang pamilya. Paborito ng kanyang mommy. Lumaking sunod ang luho. Nang mamatay ang ina, nanibago sa sobrang istrikto ng ama. Nagrebelde. Naging sugapa sa alak at droga. Nakabuntis at maagang nag-asawa. Nag-abroad ang babae ngunit pagkalipas ng dalawang taon, napag-alaman na lamang niya na nakipag live-in na ito sa isang kano. Bumalik siya sa bisyo. Muling napariwara ang buhay. Sa ikalawang pagkakataon ay muling umibig. Pero mas masaklap ang naging resulta. Nahuli niya sa aktong kinakabayo ang kanyang kabayo. Suwerte na lamang at mabilis na nakatakbo ang kalaguyo. Tumindi ang galit niya sa mundo. Pagkalipas ng dalawang taon, nagulat ang lahat ng mabalitaang may nililigawan na ito. Si mama. Sa ikatlong pagkakataon ay naging makatotohanan ang pagmamahalan. Wala ng problema sa kanyang bagong kasintahan. Matino at tapat si mama sa kanilang sumpaan. Pero may malaking balakid para makapamuhay sila ng masaya at matiwasay. Ang kanyang sarili. Nagkaroon ng kumplikasyon ang mentalidad niya at emosyon. Malalim ang mga sugat na humiwa sa kanyang pagkatao. Nagkaroon siya ng trauma. Naging alipin na siya ng iba’t ibang mga bisyo. At ayaw ng magtiwala sa kahit sino pang tao. Maging sa aking ina… pero nararamdaman ko na kagaya ni Eva naniniwala si Mama na hindi masamang tao si Tito Ricky. Umaasa na darating ang araw ng pagbabago. Nagpapaka-martir si Mama. Naging mulat ako sa katotohanan. Bumalik ako sa bahay na handang magbago at dala ang pang-unawa sa damdamin ni Mama at sa sitwasyon ni Tito Ricky. Nagawa kong bumalik sa dating kabaitan. Ngunit hindi ang aking amain. Lalo pa siyang nagumon sa masasamang bisyo. Kaya ang seminaryo ang aking naging kanlungan. Pinaniwala ko ang aking sarili na ako’y tinawag ng Diyos sa bokasyon ng pagpapari. Maging ang mga kaparian ay hindi nila pinagdudahan ang aking bokasyon. Mabait ako. Kaya kong sumunod sa lahat ng patakaran. Pero nakakapagod ang pagkikimkim lalo na’t ang tunay mong pagkatao ang pilit mong itinatago. Bago pa dumating si Gladys sa buhay ko, naramdaman ko na ang krisis. Sa kaibuturan ng puso ko, sinasabi na hindi dito ang aking mundo. Nagbibingi-bingihan ako. Hindi ko pinansin ang bulong ng aking konsensiya. Ang kaso, habang kinukumbinsi ko ang sarili na dito ako nararapat ay lalo namang nag-uumalpas ang personalidad kong taliwas sa pagpapari. Para akong isdang nagpapapasag sa sa isang baldeng tubig. Gusto kong maging malaya. Lumangoy at sumisid sa pusod ng karagatan. Nagmakaawa ako sa Diyos. Nakiusap akong ituro niya sa akin ang dapat kong tahakin. Noon dumating sa eksena si Gladys. Nagsimula sa ordinaryong pakikitungo bilang miyembro ng choir. Dumalas ang pakikipagkuwentuhan at naging isang kaibigan. Naging hingahan ng loob hanggang sa ituring niya akong kuya. Ngunit lumalim ng lumalim hanggang sa kapwa namin napag-alaman na higit pa sa kapatid ang ipinipintig ng aming damdamin. Kapwa namin iniibig ang isa’t isa. Nagsimula kaming humabi ng pangarap. At napagtanto ko na ang tanging nais ko sa buhay ay ang magkaroon ng isang masayang pamilya. Kinausap ko ang aking Spiritual Director tungkol sa bagay na ito. Pinag-aralan naming mabuti ang bawat detalye. At sa tulong niya ay nakumpirma ko ang aking hinala. Ang bokasyon ko ay ang pag-aasawa at hindi ang pagpapari.” Nang malaman ng lahat ang naging desisyon ni Bernales, marami ang nagulat. Isa siya sa pinakamabait at magaling na seminarista. Marami ang nanghinayang. Marami din ang hindi nakaunawa. Tulad ng dapat asahan, ang babae na naman ang sinisisi ng mga tao. Sila daw kasi ang dahilan kung bakit marami ang lumalabas sa seminaryo. Nang kumalat ang tsismis, si Gladys ang higit na naapektuhan. Ito ang maririnig na komento mula sa karamihan. “Hmp… kuya daw kuno, iyon pala…” Kasabay nito ay ang simpleng paismid. Natilihan si Julian. Sila ni Steph ay halos kagaya nila Bernales at Gladys. Kung may kaibahan man, iyon ay ang katiyakan niya sa kanyang bokasyon. “Ito ba ay isang premonisyon?” Katatapos pa lamang niyang manumpa sa harapan ng Diyos, ito na kaagad ang naglalaro sa kanyang isipan. Optimistiko pa rin niyang tinanggap ang hamon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD