Ikalabing-isang Yugto

1925 Words
Sa papaidlip na araw ay hayaan mong ngumiti ang puso ng tagumpay. Kamayan mo ang sarili dahil napanatili mo ang buhay hanggang sa takipsilim. Kaya kung sa lalim ng gabi ay naihimlay mo sa himbing ang iyong panaginip. Yakapin mo ang sarili dahil napamutawi mo ang ganda ng buhay. Ngunit asahan mong may bukas sa iyong pagising na dapat harapin. At ito ang pinakamahirap na bahagi. Hamunin mo ang iyong sarili dahil kung ang buhay mo ay walang kahulugan, paano na ang buong maghapon? Namuhay siya ng buong katapatan. Naglingkod sa simbahan ayon sa abot ng kanyang kakayahan. Ibinigay niya ang sarili, lalung-lalo na sa mga mahihirap at higit na nangangailangan. Sa puso niya at isipan si Kristo ang tanging sentro. Sa madaling sabi, naging masigla ang kanyang bokasyon. Hanggang isang umaga... “Hello! Magandang umaga po. Puwede po kay Fr. Dexter?” “Hello. Wala po siya… kaalis lamang. May clergy meeting po sila sa vicariate... sino po sila?” Anang sekretarya ng parokya. “Si Bro. Julian po. Pakisabi na lamang po na tumawag ako... sige po, maraming salamat. Bye!” Pumasok siya sa kapilya at nagdasal. Hindi pa man umiinit ang kanyang salumpuwit, lumabas siya. Muling dinampot ang telepono. “Hello! Steph…” “Oy, Kuya napatawag ka… bakit po?” “Wala lang gusto ko lang ng kausap…” Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagtelebabad siya. Mahigit isang oras silang nag-usap ni Steph. Pagkababa niya ng telepono ay nag ring agad ito. “Tumawag ka raw kanina, bakit?” Si Fr. Dexter ang nasa kabilang linya. “Wala lang, kailangan ko lang ng kausap…” Ikinuwento niya ang kakaibang nangyari sa sarili. Nagising siyang hungkag ang damdamin. Estranghero ang pakiramdam habang sinusuri ang rikit ng bokasyon. Wala ang dating alab ng paglilingkod sa Diyos. At sa kauna-unahang pagkakataon ay pinagdudahan niya ang kanyang pagpapari. “Sa wakas at dumating ang oras na hindi ka okay.” Nagulat si Julian sa tinuran ng kaibigang pari. “Masaya ka pa yata sa naging sitwasyon ko?” “Masaya at nangangamba. Kamakailan lamang ay nabigyan ko ng pansin ang daloy ng bokasyon mo. Ayon sa sarili kong obserbasyon at ayon na rin sa mga pagkukuwento mo... matiwasay ang lahat para saiyo.” “Dahil dito kaya ka masaya o nangangamba?” “Nag-alala ako ng mapag-alaman kong limang taon ka na sa seminaryo at kalmado ang buong buhay mo rito.” “Bakit?” “Hindi normal sa mga nagnanais sumunod kay Kristo ang walang pagsubok na nararanasan. Katunayan ang kanyang imbitasyon ay sumunod sa kanya at pasanin ang sariling krus.” “Ang ibig bang sabihin na ang batayan ng tunay na pagiging alagad ay ang pagkakaroon ng problemadong buhay?” “Sa paghupa ng unos ay doon pa lamang napapatunayan kung matatag o hindi ang isang pundasyon.” Ang matalinghagang pagpapaliwanag ng Pari sa punto niyang tinutukoy. “Natural sa bokasyon ang masubok sa samo’t saring krisis. Kailangan natin ito upang maging tiyak sa tatahaking landas.” Ang pagpapatuloy nito. “Paano kung mahina ang isang seminarista at hindi niya kayanin ang bigat ng krisis?” “Bahagi ng buhay ang matalo o manalo. Bagkus, may katotohanan sa katagang krisis. Ayon sa mga eksperto, ang kahulugan nito ay oportunidad at peligro. Maari kang tumatag o maari ding bumagsak. Mag-ingat! Alin man sa dalawa, kailangan mong kumapit sa pag-ibig ng Diyos.” “E, ano ang dapat kong gawin?” “Simple lang. Gumising ka sa umaga. Matulog sa gabi. Kumain sa takdang oras. Maglaro kung may pagkakataon. Mag-aral at maging responsable sa mga obligasyon. Tumawa kung masaya. At umiyak kung kinakailangan.” “Nagbibiro ka naman yata Padre…” “Seryoso ako sa sinasabi ko. Ituloy mo lamang ang normal na buhay.” “Ganoon lang kasimple?” “Oo. Ngunit may mensahe ang bawat detalye. Maging mapanuri ka lamang. Pakinggan ang sarili.” “Fr. Dex, nariyan na po ang lahat ng miyembro ng Mission Team.” Ang ungkag ng kanyang sekretarya. “Sige, Anna, susunod na ako...” “Padre, mukhang may meeting ka pang aasikasuhin. Maraming salamat…” “Sandali Julian, gusto ko lang sabihin saiyo na isa ka sa mga napisil kong isali sa ‘Mission Team’. Iyan ay kung tatanggapin mo ang alok ko. Pag-isipan mo...” “Hindi na kailangan pang pag-isipan ‘yan. Tinatanggap ko ng buong puso. Kilala mo yata ako pagdating sa usaping misyon.” “Kung gano’n aasahan ko ang iyong presensiya sa susunod na meeting. Tatawagan na lamang kita. Bye!” Nang sumunod na mga araw, naging malalim ang kanyang pagninilay. ‘May mensahe ang bawat detalye...’ ito ang nagtulak sa kanya upang paglimi-limiin ang ugat ng kahungkagang nararamdaman magpatungkol sa bokasyon niya. Saksi ang puno ng santol, alam niyang dahil dito ay napagtagumpayan niya ang isang masalimuot na taon bilang nobisyado sa piling ng isang napakakumplikadong ‘novice master’. Sa taong yaon ay kasalukuyan din kasi itong nasa krisis, alalaong-baga’y hinahanapan nito ang sarili ng karampatang mga akomplisment. Ang kaso ni isa ay walang pag-aaring kanya. Walang pamilya, walang sariling bahay o kotse. At walang sariling kapasyahan, bagkus ay sunod-sunuran lamang sa kanilang Superior. Mga palpak sa buhay ang rumerehistro sa utak nito. Ito ang tinatawag na ‘crisis of 40’, natural kasi sa isang indibidwal na ibubuhos ang lahat ng kakayahan marating lamang ang rurok ng tagumpay. Kaso pagtuntong mo sa edad na kwarenta madalas ang reyalisasyon ay wala ka pang nararating, at ang nakakakabang isipin na sadyang mabilis ang pag usad ng taon at ilang birtdey na lang ay lalaos ka na. Kaya isang bakol na bunga ng santol araw-araw (marami kasi ang nagkakalaglagan) ang ipinipukol niya sa puno nito, upang sa pagsambulat ay mailabas niya ang poot na naiipon sa maghapong pagtitimpi laban sa aburidong pari. At sa araw ng kanyang ‘first profession’ buong puso niyang pinasalamatan ang puno ng santol sa pag aakalang napagtagumpayan na niya ang isang napakalaking hamon. Ngunit hindi pa pala. Patikim pa lamang pala iyon. Ngayon ang tunay na simula ng pakikipaghamok. “Bro. Julian, ano itong narinig ko na may tinutustusan kang estudyante sa haiskul?” Ito ang unang komprontasyon ng kanyang Superior sa kanya bilang isang relihiyoso. “Opo padre, totoo po. Siya po ‘yong sakristan natin sa Our Lady of Lourdes Chapel na naulila noong nakaraang taon. Namatay po ang kanyang ina sa panganganak, at makalipas ang tatlong buwan namatay din ang kanyang tatay sa sakit na tuberculosis...” “Gusto ko lamang ipaalala saiyo na bilang isang relihiyoso, ang lahat ng desisyon at ginagawa mo ay dapat alam at pinag uusapan ng buong komunidad.” “Pero, isang taon ko na po itong ginagawa at katunayan ay mula sa sarili kong alowans ang ibinibigay ko sa kanya...” “Malaya mong nagawa noon dahil seminarista ka pa lamang, pero ngayon ikaw ay isang relihiyoso na.” Mangangatwiran pa sana siya pero nahinuha niyang wala siyang lusot dahil ang sinabi ng kanyang Superior ay halos batay sa kanilang ‘constitution’. Idagdag pa dito ang kanyang ‘vow of obedience’. “Pero bakit tila nakakasakal yata ang maging relihiyoso?... it is suffocating!” Ang komento niya minsan sa isang pagpupulong nila. “Kung nahihirapan ka sa ‘religious life’ seguro dapat mo pang pag aralang maigi ang iyong sarili, baka naman hindi ito ang tunay mong bokasyon...” Gusto niyang maglingkod sa Diyos at sa kapwa, higit lalo sa mga aba. Para sa kanya ito ang bokasyon niya. Pero tila meron pang dapat isaalang-alang. Noong nakaraang linggo ay nasubok na naman ang kanyang pasensiya laban sa isa nilang pari. Tuwing Sabado at Linggo kasi bukas para sa mga bata ang kanilang seminaryo upang turuan sila ng katekesis. Kahapon nga, pagkatapos ng kanilang pag-aaral ay kagaya ng nakagawian, hinahayaan niya silang maglaro at mamitas ng mga prutas. Ngunit wala pang sampung minuto ay namumutlang nagsipagtakbuhan pabalik ang mga ito. Humahangos at takot na takot. “Bakit?” Usisa niya. “Ka-kasi po... pinagalitan kami ni Fr. Ber.....” Bago pa matapos ng bata ang kaniyang sasabihin ay nakita na niya ang nakabuntot na pari sa iba pang mga bata, si Fr. Bernardo. Sinalubong niya ito. Ngunit paasik agad na nagsalita ang huli. “Bro. Julian! Ora mismo pauwiin mo ang mga batang iyan at ibilin mo sa guwardiya na kahit kelan ay ‘wag na ‘wag na silang papasukin dito!” “Bakit po padre?” “E, huling huli ko sa akto ang mga iyan na nagnanakaw ng bayabas at mangga!” “Padre hindi po sila magnanakaw. Katunayan nanghingi po sila sa akin at pinahintulutan ko naman pong mamitas sila...” Ang malumanay na pagpapaliwanag niya. “At kailan ka pa nagkaroon ng karapatang magbigay-permiso?” “Ang pagkakaalam ko, noon pa man ay hinahayaan na natin silang manguha anumang bunga gusto nilang kainin basta’t wag lang na sasayangin...” “Napagdesisyunan last meeting naming mga ‘perpetually profess’ na hahanapan ng buyer ang mga prutas na’yan para naman maging pera.” “Hindi po ba pwedeng inform niyo naman kaming mga ‘temporary profess’ tungkol sa mga napagmitingan ninyong mga ‘perpetually profess’?” Medyo sarkastiko na ang tono ng kanyang pananalita dahil malinaw na pinalulutang ng kaharap ang diskriminasyon laban sa kanila at ipinamumukha sa kaniya ang ‘superiority’ nito. “Maaring nakaligtaang banggitin sa inyo pero bilang administrador kailangan kong ipatupad ang napagkasunduan...” “Pati ba karisma ng kongregasyon ay binago niyo na?” “Anong klaseng tanong yan?” “Ang tanong ko po... ay anong klaseng relihiyoso po kayo? Mas mahalaga pa ba ang pag aasikaso ng ari-arian kaysa paglilingkod sa mga tao?” At humulagpos na ang tinitiim niyang pagtitimpi. Kaya bago pa siya makasuntok ng tao ay pinili na lamang niyang bastusang talikuran ang kaharap na pari. “Mga bata, halina kayo! Pag-aralan natin ang wastong pag-uugali ayon sa utos ni Kristo...” Ngunit hindi pa doon natapos ang kwestiyonableng kalakaran sa loob ng seminaryo. Kahapon lamang ay may bago na naman siyang natuklasan. Galing siya ng Cavite, pagbaba niya ng bus sa Pasay napatda siya sa nakita. Si Fr. Carlo, ang bagong orden na pari nila, naka abresiyete ang sekretarya ng kanilang parokya. Naalala niya tuloy ang sumbong ng isang kabataan na aktibo sa isang kapilyang sakop ng kanilang parokya. “Bakit po ganu’n si Fr. Carlo? Parang hindi pari kung mag text sa akin, puro pambobola at madalas may ‘iloveyou’ sa dulo...” Kung anu-anong depensa pa ang isinagot niya, kesyo malambing lang talaga o baka naman ay nagbibiro lang o baka parte ng kanyang pastoral approach ang mga ganoong kataga. Pero sa nakita niya, ang tiyak ay hindi ‘pastoral work’ o ‘clergy meeting’ ang inatupag nito sa loob ng motel. Napapailing na napapangiti na lamang siya habang pinagmasdan ang dalawa. Pumara ng taksi ang una at pinasakay si babae at saka pa lamang sumakay sa kaniyang kotse ang huli. Mantakin mo, binansagan pa namang ‘padre perpekto’ ang nasabing pari dahil sa pagiging estrikto nito. Kaunting pagkakamali mo lamang ay katakot takot na sermon at pangaral ang aabutin mo sa kanya. Iyon pala ay kabaligtaran ng sariling gawi. Napagtanto niyang ito ang reyalidad ng mundong ginagalawan niya. Ito ang kabilaang pisngi ng kaparian. Kara o krus? Ito marahil ang dahilan at nagtatanong na siya ngayon, ‘magpapari ba talaga ako?’ Bagamat nanlulumo siya sa namalas na katotohanan, ibinabalanse na lamang niya sa paniniwalang marami din sa kanila ay naroon ang pagsusumikap na maging banal. Isa rito ang kanyang bestfriend, si Fr. Dexter.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD