Habang kumakaway ang ihip, sa mitsa ay
pansin ang rikit ng pagkaapula. Umiindayog paakyat ang usok, sa saliw nama’y sumasanib sa sarili ang kasarinlan ng ulap; ngunit nag-iiwan ng pangako.
Kaya may apoy na nanaog mula sa langit ang paraclete, at ang kimkim na titis ng ningas ay pinagliyab; nagkulay liwanag ang paligid
Sa sidhi ng pananampalataya; binuhay ay pag-ibig.
Ipinaliwanag ni Fr. Dex ang konsepto ng nasabing gawain.
“Saang lugar po ba tayo pupunta? Ito ang unang tanong ng karamihan sa inyo. Ang sagot ay dito. Dito tayo magsisimula. Marami pang komunidad na sakop ng ating parokya ang nananatiling tiwangwang, hindi nabubungkal at walang nagsasaboy ng pataba. Ang binhi ay matagal ng ikinalat ni Kristo, personal niyang inilagay sa bawat puso ng tao. Pero marami sa ating mga kapatid ang nanatiling mangmang, hindi pa nila nababatid na sila’y tinubos rin ni Kristo.”
Ang mga sumunod na araw ay ang masusing paghahanda. Nakipag-usap sa mga opisyales ng nasabing lugar. Nagbigay abiso sa mga tagaroon. Nagpaskel ng mga kalatas, at naghanda’t namili ng mga parapernalya. Hanggang sa dumating ang itinakdang araw ng pagmimisyon. Sending Mass. Sa loob ng Misa ay iginawad ng kura-paroko ang pagbabasbas sa bawat misyonero. Isinuot ang krus. At pinahayo sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo. Na sinang-ayunan ng sambayanan sa pagsagot ng malakas na Amen. Pagkatapos ng Misa, binagtas nila ang daan patungo sa lupang pagmimisyunan.
Sa umaga ay nagsimula silang magtawag ng mga bata. Pinahintulutan sila ng punong barangay na gamitin nila ang multi-purpose hall.Nagpalaro. May kantahan at sayawan. May kuwento. At sasamahan nila ito ng simpleng katekesis. Palibhasa masaya at nakaka-ingganyo ang mga gawain kaya sa unang araw pa lamang ay dagsa na ang dumating. Habang ang ‘Committee of Children’ ay abala sa pag-aasikaso ng mga bata, ang ‘Committee of Youth’ at saka ang ‘Committee of Adults’ naman ay nagbabahay-bahay. May masayang tinanggap sa loob ng tahanan, mayroon namang pinagsasarhan ng pintuan. Pagdating ng hapon, ang mga kabataan naman ang nagtitipun-tipon. At sa gabi ginagawa nila ang pinaka-puso ng pananampalatayang Romano-Katoliko, ang Banal na Eukaristiya. Ito’y susundan ng pagpupulong at pagbabahaginan ng mga karanasan, na binubuo ng grupo ng mga adults. Sa bawat pagdatal ng hapong katawan ay isang malalim na komitment at pagpaparaya sa kamay ng Diyos ang kanilang nararanasan. At sa bawat umaga ng pagising, nagsisimula silang bukas ang sarili at malayang naibabahagi ang pananampalataya. Hindi nila namamalayan na sila mismo ay dahan-dahang ding lumalago sa espiritwal na buhay. Naging makatotohanan ang halaga ng bawat sakramento.
Isang linggong karanasan. Katumbas naman ay pagyakap sa malawak na katotohanan. Napag-alaman nila na marami ang nagsasama sa iisang bubong na walang kasal (dahil hindi nila alam kung gaano kahalaga ang sakramento ng kasal). Marami ding mag-asawa ang nagkakaroon ng mga anak ngunit walang kumpil ni binyag, pati pagsimba ay taunan lang kung maalaala, tuwing sasapit ang pasko (dahil sa hirap ng buhay ay di na magkandaugaga sa gawaing materyal kaya ang buhay espiritwal ay walang puwang sa puso’t isipan). At ang makabagbag damdaming reyalidad, maraming maysakit na sipon at lagnat lamang ang simula, ngunit ni isang patak ng gamot ay wala, kaya lumala ng lumala hanggang sa mamatay na lamang (dahil isinantabi na lamang sila ng sosyedad). Idagdag pa rito ang bulwayan at sigawan sa loob ng pamamahay. Ang pagmumura ng mga lasenggerong tatay. Gayundin ang pagtatalak ng mga inang batugan na lahat-lahat, e sugal at tsismis pa ang inaatupag. Ito ang kulturang isinusubo sa murang isipan ng mga walang muwang. Ito ang isa sa pinakamabigat na hamon ng mundo sa Simbahan. Ito ay isang pagmulat. Sa huling gabi ng misyon, sa puso ni Julian ay lalong dumiin ang sidhi ng pagpapari.Sa huling gabi rin ng misyong iyon may isang pangyayari na yumanig sa pundasyon ng kanyang sarili. Nasa gitna sila ng mainit na talakayan ng may marinig silang malakas na pagsabog. Nagliwanag ang buong paligid.
“Sunog! Sunog! Sunog!...”
Nagpulasan ng takbo ang mga tao. Kaagad namang sumugod sa lugar si Fr. Dex, nakabuntot si Bro. Julian. Lumiliyab ang buong kabahayan ng dumating sila roon. Pumutok daw ang gasul. Ito ang sanhi ng apoy. Bigla. May nanakbong bata, nasa dose anyos ang edad, sumulpot mula sa nasusunog na bahay. Sumisigaw.
“Si mama! Si mama!... pati si neneng... si mama, si ne-neng... nasa kuwarto... tulong po kayo...”
Hinahabol nito ang paghinga ngunit pilit pa ring humihingi ng saklolo. Puno ng pasa at paso ang katawan. Mula sa karamihan, may isang taong mabilis at walang pagdili-diling pumasok sa bahay na nilalamon na ng apoy. Upang iligtas ang mag-ina.
“Sino ‘yon?”
Ang sabayang tanong ng karamihan.
“Hindi ko nakilala...”
“Hindi ko rin namukhaan...”
“Basta na lamang niya hinablot ang basang kumot, ibinalabal at... pero hindi ko napagsino...”
Kanya-kanyang tanungan at pag-uusyuso, ngunit wala ng iba pang nangahas sumunod upang tulungan ang nauna. Samantala, si Bro. Julian ay kanina pa balisa. May hinahanap. Si Fr. Dexter? Ang alam niya, katabi lamang niya ito. Pero biglang nawala. Eksaktong parating na ang bumbero ng may marinig silang palahaw ng bata at paanas na tinig, humihingi ng saklolo. Nanghihina ngunit nagpupumilit makalabas mula sa paguho ng bahay ang aninag ng tao. May talukbong na kumot at pa-histeryang sumigaw ang ale.
“Si Fr. Dexter! Si Fr. Dexter!... tulungan ninyo siya!... nasa loob… nakahandusay… nabagsakan ng kahoy na may apoy… bilis kayo! Saklolohan ninyo siya…”
Tila natulos sa pagkatayo si Julian. Nanginig ang buong katawan at nanlambot ang mga tuhod sa narinig. Pakiramdam niya ay nahupos siya ng tubig na may yelo. Tumagaktak ang pawis na malamig. Mabilis ang naging tugon ng bumbero. Organisado ang bawat kilos. Natupok man ang bahay, naagapan naman ang mga kanugnog bahay nito. Ngunit hindi naisalba ang buhay ni Fr. Dexter.
Sa burol ni Fr. Dexter.
“Siya ay isang martir…”
Isang tradisyon na sa tuwing may nakaburol ay may eulohiya. Isang papuri sa mga kabutihang ginawa ng yumao. Si Bro. Julian, bilang matalik na kaibigan ni Fr. Dexter ay isa sa mga hiningan ng mensahe.
“… iglap ang pangyayari. Halos hindi kapani-paniwala. Kahapon ay kasama pa natin siya, masigla, masaya at may buhay. Kilala natin siya. Naging saksi tayo sa ipinakita niyang kabaitan. Ang iba sa atin ay naging katuwang niya sa ipinamalas na kasipagan. At marami ang lumapit sa Simbahan, nagbalik-loob dahil nakita’t naramdaman sa katauhan niya ang presensiya ni Kristo…”
Lumalambong ang luha, kailangan niyang tumigil sandali upang pahirin ito. Umiiyak na rin ang mga nakikinig kaya hindi na siya nahiyang ipakita ang emosyong simula pa kanina ay pilit niyang kinikimkim.
“Lahat tayo ay nalulungkot, nagdadalamhati. Ang bawat isa ay nakikiramay, inaalo ang isa’t isa. Bakit? Dahil sa simpleng paraan, tinuruan niya tayong magmahalan bilang magkakapatid kay Kristo. Hindi mawawala sa atin ang manghinayang sa pagkawala niya sa ating piling. Ngunit kanina, habang pinagmamasdan ko ang maamo niyang mukha. Nasabi ko sa sarili, ‘nakakainggit siya’. At pinuri ko siya dahil ang galing-galing niya. Nagawa niyang ipahayag ang Salita ng Diyos sa konkretong paraan kesehodang buhay niya ang kabayaran.”
Ang mga taong matamang nakikinig ay napamaang. Ang dilim sa mukha ay unti-unting napalitan ng liwanag. Ito ay malinaw na ekspresyon ng isang reyalisasyon.
“Opo! Ang kanyang kamatayan ay isang tagumpay at hindi isang pighati. Ang huling kataga na mariin niyang sinabi sa huling gabi ng misyon bago siya namatay ay ang salitang enkarnasyon. Ang kahulugan aniya ay ang pagkakatawang tao ng salitang pag-ibig sa katauhan ni Kristo. Hinamon niya ang lahat pati ang kanyang sarili na gawing laman at dugo ang ebanghelyo sa pamamagitan ng kanya-kanyang pagkatao. Nagtagumpay siya!”
Ang pagbibigay tuldok ni Bro. Julian.