Chapter 6

2103 Words
Chapter 6 Bago umuwi ay dumaan muna si Monina sa Head Quarter’s kung saan naroroon ang kaibigan na si Darlene. Busy ito sa pag-aayos ng mga gamit na ginamit nila kanina. “Uuwi ka na ba?” tanong nito. “Oo, pupunta pa ako mamaya ng hospital.” “Hindi ka pa ba pagod? Aba’y buong maghapon kang nagtrabaho, ah! Hindi ka na nga nag break time,” saad ni Darlene. “Napapagod din naman, ngunit kailangan kong kumayod. Alam mo na maraming gastusin,” tugon niya. Umupo siya sa harapan nito at tinulungan itong mag-ayos. “Huwag ka nang makialam dito, kaya ko na 'to. Umuwi ka na para makapagpahinga ka man lang kahit konti,” nakangiting sabi nito. “Sigurado ka ba? Kaya mo na 'to? Marami-rami pa 'tong aayusin mo.” “Ano ka ba! Ang dami kong puwedeng tawagin dito kung sakali. Na-riyan pa naman si Cristy magpapatulong na lang ako mamaya sa kanya.” Wala siyang nagawa kun'di ang umalis na lang dahil mapilit talaga si Darlene. Gusto na siyang pauwiin nito. “Sino pala ang magsusundo sa ‘yo mamaya, si Warren ba?” tanong niya na nagpatigil dito. “Bakit?” “W-wala! Baka nga si Warren ang susundo sa akin,” anito na ipinagpatuloy ang ginagawa. Umuwi muna si Monina upang makapagbihis. Pagkatapos ay agad siyang nagtungo sa hospital. Naabutan niyang gising ang ina. “‘Nay!” masigla niyang sambit nang makita ito. Agad niya itong niyakap ng mahigpit. “Kumusta na ang pakiramdam mo? Ok na po ba kayo?” tanong niya habang sinisipat ang katawan ng ina. “Ano ka ba. Ok lang ako, anak! Salamat dahil hindi mo ako pinabayaan,” naluluhang sabi nito. Gusto na ring maiyak ni Monina dahil sa tuwa. Medyo nagkakulay na ang mukha nito na ilang araw ring namutla dahil sa sakit. “Pero, anak. Kanino ka humingi ng tulong?” usisa nito. Bigla siyang natahimik, ito 'yung tanong na iniiwasan n'yang mangyari. Wala pa nga siyang maisip na isasagot dito. Hindi niya inasahan ang biglang pagtatanong nito, dahil wala naman iyon sa kanyang hinagap. “N-nakapanghiram po ako sa mga kasamahan ko,” pagsisinungaling niya. “Ganoon ba. Mabuti naman ay mababait ang mga kasama mo sa trabaho. Pinahiram ka ng pera para sa aking operasyon,” anito. Pilit ang ngiting humarap siya sa ina. “Magpagaling po kaagad kayo para makauwi na tayo sa bago nating titirhan,” saad niya. “Bakit, anak? Lilipat na tayo ng bahay?” “Opo! Mahabang paliwanagan po kasi, saka na lang siguro kapag tuluyan na po kayong gumaling at nakalabas na rito.” Hindi na muling nagtanong pa ito ngunit batid ni Monie na nagdududa ang ina sa kanya. Makalipas ang isang linggo ay tuluyan nang nakalabas si Aling Rosita sa hospital. umabsent muna si Monina ng isang araw upang ayusin ang lahat. Dumiretso muna sila sa kanilang bahay upang kumuha ng mga ilang gamit. “Saan ba tayo lilipat, anak?” muling tanong ng ina sa kanya. Nagkunwari siyang walang narinig at nagpatuloy lamang sa paglalagay ng mga gamit sa maleta. “Malalaman n’yo po mamaya,” tipid niyang tugon dito. Pagkatapos niyang mag-empake ay nagpahinga muna siya saglit. Alas-singko pa ng hapon, ang sabi sa kanya ni Mister Zaire ay alas-syete pa sila susunduin ng driver. Bago pa man sila tuluyang nakalabas ng hospital kanina ay tinawagan na siya ni Mister Zaire na ipasusundo sila ng driver nito at maghihintay na lamang ito sa kanila sa bahay. Hindi alam ni Monina kung ano ang mararamdaman sa mga oras na iyon. Bakit parang hawak yata sila sa leeg ni Mister Zaire. Nagdedesisyon ito nang hindi sila sinasabihan, hindi niya nga alam kung kanino nito nakuha ang number niya. Basta na lang tatawag sa kanya at pangungunahan siya. Bandang alas-otso ay dumating na ang driver na magsusundo sa kanila. Medyo natagalan daw ito dahil sa traffic. Pinagtulungan nilang binuhat ng driver ang ina papasok ng sasakyan. Nagtatanong ang mga matang sumulyap ito sa kanya ngunit nagpatay-malisya lamang siya. “Wala na po ba kayong nakalimutan?” nakangiting tanong ng driver sa kanila. “Wala na po, manong,” nakangiti niya ring tugon. Habang nagbabyahe ay hindi maiwasang maluha ni Monina. Pakiramdam niya ay nawala ang isang bahaging pagkatao niya. Ipinangako niya sa sarili noon na hindi magtitiwala sa mga lalaki dahil sa nangyari sa nanay niya pero parang isang parusa sa kanya ang nangyayari ngayon. Kinain niya ang lahat ng sinabi at mga ipinangako sa sarili noon. Naramdaman niyang may mga kamay na humaplos sa kanyang likod. Gusto niyang lingunin ito ngunit dahil alam niyang ang nanay Rosita niya iyon ay hindi niya ginawa. Ayaw niyang kaawaan nito kahit pa ito ang dahilan kung bakit kailangan nila ngayon tumira sa bahay ni Lourd Zaire. “Pag-usapan natin ito mamaya. Alam kung may itinatago kang lihim sa akin. Huwag mong kimkimin, anak. Handa naman akong makinig sa ‘yo.” Dahil sa sinabi nang ina ay mas lalo pa siyang naiyak. Ayaw niyang makita nito na nasasaktan siya, kailangan niya lang sigurong ilabas ang bigat na nararamdaman. Pagdating nila sa bahay ni Lourd ay agad naman silang sinalubong ni Manang Mila. “Masaya ako, Monina at muli kang nagbalik. Dito na ba kayo titira?” masayang tanong nito sa kanya. Tinulungan siya nitong magbuhat ng mga gamit nila dahil ang driver ang umagapay sa kanyang ina. ”Opo!” tipid niyang tugon. Hindi na siya nagtaka kung bakit alam nito na doon na sila titira, marahil ay nasabihan na ito ni Mister Zaire. Sinamahan sila nito sa kanilang magiging kuwarto. “Kapag may kailangan kayo huwag kayong mahihiyang magsabi sa akin,” magiliw nitong sabi sa kanya. “Salamat po ulit, Manang Mila. W-wala pa ba si Mister Zaire?” pasimple niyang tanong habang nag-aayos ng mga gamit. “Wala pa. Nagkaroon daw ng biglaang meeting sa hotel kaya't mala-late siya ng uwi ngayon.” Hindi na siya muling nagtanong kay Manang Mila upang hindi na humaba pa ang kanilang usapan. Nakikita niya kasi sa sulok ng mga mata ang mga titig ng ina sa kanya. Kaya naman pagkaalis ni Manang Mila ay agad siyang kinumpronta nito. “Maaari ko na bang malaman kung ano'ng kalukuhan itong pinasok mo, Monina!” galit nitong sabi sa kanya. “Patawarin n’yo po ako, ‘Nay. Hindi ko naman ginusto ito,” saad niya sa mahinang boses habang nakayuko. Hindi niya ito matingnan ng diretso. “Ang alin? Ang ibigay ang sarili mo!” May bahid na hinanakit sa boses nito. “Dapat hinayaan mo na lang akong mamatay sa sakit, kaysa lumapit ka sa Boss mo at humiram ng pera! Sa tingin mo ba magpapasalamat ako sa ‘yo dahil sa ginawa mo! Hindi! Dahil ayaw kong matulad ka sa akin, anak!” Sa mga oras na iyon ay hindi na mapigilan ng kanyang ina ang mapaluha. Ramdam niya ang hinanakit nito sa ginawa niya. “Nagkakamali ka sa iniisip mo, ‘Nay. Kapag hinayaan kitang mawala, paano naman ako, ‘Nay! Ikaw na nga lang ang mayroon ako.” Hindi niya na rin napigilan ang pag-iyak. Dapat inisip rin nito ang mararamdaman niya kung sakaling hinayaan niya itong mawala. “Alam n’yo bang napakahirap para sa akin ang lumapit sa taong hindi ko lubusang kilala? Pero ginawa ko iyon para mabuhay ka! Dahil gusto kong makasama ka pa!” patuloy niya. Ang kanyang ina ay hindi na nagsalita pa. Tahimik na lamang itong lumuluha sa isang tabi. Marahil naisip bigla ang kanyang pagsakripisyo. “Matulog na po kayo. Bawal sa inyo ang mapuyat,” malumanay na niyang saad rito. Nagpupunas ng mga luhang lumabas muna siya ng kuwarto. Tinungo niya ang kusina at tinulungan si Manang Mila maghanda ng hapunan. “Ano po ang ginagawa mo, manang?” tanong niya na nagpalingon dito. “Gumagawa ako ng fruit salad at fried chicken. Parating na kasi si sir Lourd,” nakangiting sabi nito. Nakaramdam siya ng excitement sa nalaman. Ngunit agad niyang nasaway ang sarili. “Puwede pong magtanong, Manang Mila?” “Oo naman. Ano ba 'yun?” “N-nasaan po ba ang asawa ni Mister Zaire.” Napahinto ito sa ginagawa at seryosong tumingin sa kanya. “Wala ka bang alam?” “Wala po. Bakit po?” takang usisa niya. “Naghiwalay na kasi sila ni Danica at LZ,” anito. “Sino pong LZ?” Natawa ito at napailing. “Ang buong akala ko, matagal na kayong magkakilala ni LZ, hindi pala,” saad nito bago nagpatuloy sa ginagawa. “Mas mabuting kayo nang dalawa ang mag-usap, mukhang Marites naman ang labas ko niyan kung sakaling makialam ako.” Hindi na nangulit si Monina kay Manang Mila, sa mga sinabi nito ay mukhang may hindi magandang nangyayari sa mag-asawang Lourd at Danica. Malalim na ang gabi ngunit wala pa rin si Lourd, hindi magawang makatulog ni Monina dahil may gusto pa siyang gawin. “Ba‘t gising ka pa?” napapitlag siya at muntikan nang mabitawan ang hawak na tasa nang marinig ang baritonong boses ni Lourd. Hindi niya napansin ang pagdating nito. “Hindi kasi ako makatulog. Namamahay lang siguro,” aniya. Ngunit ang totoo ay hinintay niya talaga itong dumating. Gusto niyang malaman kung ano ang dahilan nito sa biglaang offer nito sa kanya. Ayaw niya namang isipin na may gusto ito sa kanya dahil hindi naman siya ang tipong babae na gugustuhin ng isang CEO. “Hindi na ako nakaabot ng dinner dahil tumagal ang meeting namin ng dalawang oras.” Tila ba isang asawa na nagpapaliwanag ito sa kanya ngayon. Hindi siya kumibo, hindi niya magawang magsalita dahil nagsimula na siyang kabahan. Baka hindi nito magustuhan ang sasabihin niya. “May gusto ka bang sabihin? Mukhang balisa ka,” tanong nito na dahan-dahang tinatanggal ang neck-tie. “Maaari ba akong magtanong?” iwas ang tingin niyang tugon dito. Nag-umpisa na kasi itong magtanggal ng saplot nito sa harapan pa niya mismo. “Sure! About what?” “Ano ang dahilan mo sa lahat ng ito?” Kunot-noong napatitig ito sa kanya. “What do you mean?” Huminga muna s'ya ng malalim at diretsong sinalubong ang mga titig nito na agad din namang naintindihan ni Lourd. dahan-dahan itong lumapit sa kanya. “So, iyan ba ang gumugulo sa iyong isipan?” saad nito habang patuloy sa paglapit sa kanya. “Mister Zaire. Hindi mo naman yata ako masisisi kung bakit gusto kong malaman ang lahat. Biglaan naman kasi ang mga pangyayari, bagong magkakilala pa lang tayo. Hindi pa kita lubusang kilala at ganoon ka rin sa akin!” mahaba niyang paliwanag. Nagiging eratiko na ang t***k ng kanyang puso dahil ilang dangkal na lang ang lapit nito sa kanya. Saglit itong tumigil sa paghakbang, at napapakamot sa ulong napatitig sa kanya. “I don't know. Nang makita kita ay hindi na ako pinatulog ng diwa ko. Parang may nag-uudyok palagi sa akin na. . . ” hindi nito maituloy ang sasabihin, Kaya't napabuntonghininga na lang itong napasandal sa naroong sofa bed. “Bukas na bukas din ay magre-sign ka na sa hotel. Puntahan mo si Miss Agatha and tell her na inutusan kita. Dito ka na lang sa bahay,” sa halip ay saad nito. “Ano?” paano naman ako makakabayad ng utang ko sa ‘yo kung hindi ako magtatrabaho?” inis niyang sabi, aba'y hindi na tama ang ginagawa nito sa kanya. “Work here! Tulungan mo na lang si Manang Mila sa mga gawain. Ayaw mo ba ’nun maaalagaan mo pa ng maayos ang nanay mo habang hindi pa ito masyadong magaling.” Hindi siya nakapagsalita sa sinabi nito. “Kung ang iniisip mo ay ang sasabihin ng mga kasamahan mo. Don't worry, ako nang bahala. Hindi naman ako tanga at iresponsableng tao upang ilagay ka sa kahihiyan.” Dahil sa sinabi nito ay nakaramdaman ng gaan sa kalooban si Monina. Medyo humanga siya sa mga sinabi nito sa kanya. At kahit magpumilit pa siya sa gusto niya ay wala pa ring mangyayari dahil hindi rin naman ito papayag. “Kung wala ka nang sasabihin, maaari ka nang matulog,” pagtataboy nito sa kanya. Kaya naman walang salitang iniwan niya ito at mabilis na pumasok sa kuwarto. Marahas namang napabuga sa hangin si Lourd at tumitig sa kawalan. Bigla siyang na hot seat ni Monina. Hindi niya inaasahan ang pagtatanong nito sa kanya na kahit siya ay hirap rin sagutin ang mga tanong sa sarili. Pumasok siya sa isang agreement na siya rin naman ang may gawa, kaya't kailangan handa siya sa mga susunod pa na mangyayari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD