Chapter 4
Nahahapong sumandal si Monina sa maliit nilang sofa. Kakarating niya pa lang mula sa hotel. Dumiretso muna siya ng bahay upang makapagpalit ng damit at mamaya ay pupunta na siya kaagad ng hospital.
Napalaban siya sa trabaho ng buong maghapon. Pagkatapos niyang maglinis sa kuwarto ni Mister Zaire ay naglinis pa siya ng ibang kuwarto dahil maraming dumating na bisita. Hindi siya nakatanggi nang utusan siya ni Miss Tessie. Pakiramdam ni Monina ay hihiwalay na ang kaluluwa sa kanyang katawan dahil sa pagod. Minsan ay napapanghinaan na siya ng loob at gusto nang sumuko ngunit sa tuwing maiisip ang ina ay bumabalik ang kanyang lakas. Bakit naman siya susuko agad kung ang ina niya ay inilaban siya noon at hindi sinukuan. Alam niyang umaasa pa rin ito na makita ang totoo niyang ama, ramdam niya iyon lalo na kapag dinadalhan niya ito ng paborito nitong biko. Mukhang malaki ang kinalaman ng biko sa buhay nito, kaya minsan ay hindi na siya bumibili.
Biglang tumunog ang kanyang cellphone. Nang makita na si Helen ang caller ay agad niya itong sinagot. Napatulala siya sa sinabi nito at tila wala sa sariling umalis.
Pagdating ng hospital ay nanghihinang napaupo siya sa tabi ng ina. Awang-awa siya sa itsura nito.
“Kailangan na raw maoperahan ni Aling Rosita, Monie. Dahil lumalala na ang sakit niya,” ani Helen na nasa tapat niya lang.
“Magkano ba raw ang kailangan ko, para sa pagpapaopera kay nanay?” nakayuko niyang tanong. Hindi niya matagalan ang pagtitig sa ina. Parang tinutusok ng mga karayom ang puso niya.
“Two hundred thousand daw para sa paunang bayad,” sagot ni Helen.
Biglang dumating ang doktor at nilapitan siya.
“Miss Agapito kailangan nang maoperahan ang nanay mo sa mas lalong madaling panahon, dahil unti-unti nang lumalaki ang butas ng atay niya na nagiging sanhi sa kanyang panghihina,” paliwanag ng doktor.
“Kung sakali pong may pambayad na, ma-ooperahan po ba siya kaagad?”
“Ok lang naman kahit kalahati lang muna. Basta't ang importante maisagawa ang unang procedure.”
Muli ay sinulyapan niya ang ina na animo'y wala nang buhay dahil sa pamumutla nito. Halata ang hirap na pinagdaanan sa sakit.
“Ganyan po ba talaga dok kapag pinapainom ng pain killer?” nag-aalala niyang tanong sa doktor.
“Oo, makakatulog lang siya ng maayos kapag naka pain killer. Kailangan niya iyon upang makapagpahinga ng kaunti, ngunit hindi pa rin sapat dahil sa sakit niya. Mayamaya ay bumabalik ang sakit na nagiging dahilan sa iba upang mawalan ng. . .” hindi naituloy ng doktor ang sasabihin nito nang mapasulyap sa kanya. Alam niya kung ano iyon. Kaya't malungkot siyang ngumiti.
“Dok, puwede niyo na po ba siyang operahan? At sa pagbalik ko na po ang bayad, dahil may kailangan lang po akong kausapin,” pakiusap niya.
“Puwede naman. As much as marunong kang tumupad sa protocol ng hospital,” nakangiting sabi ng doktor. Buti na lang ay hindi ito istrikto, mayroon kasi sa iba na kapag wala kang pambayad, hindi talaga ooperahan ang pasyente.
Matapos mag-iwan ng pagkain at pera kay Helen ay muling umalis si Monina. Bitbit ang calling card na bigay ni Mister Zaire at kumpyansa sa sarili. Wala na siyang magagawa pa kung hindi ang tanggapin ang alok nito. Ibababa niya ang sarili para sa minamahal na ina.
Sa bahay siya nito sa Makati dumiretso dahil wala raw ito sa hotel sabi ni Darlene ng tawagan niya kanina. Hanggang ngayon ay naka duty pa rin ito. Mag-aalas-nueve na ng gabi at hiling niya lang na sana gising pa si Mister Zaire sa mga oras na iyon.
Biglang napaunat sa kinauupuan si Lourd nang matanaw ang isang babae sa harap ng gate nila mula sa terrace na kinaroroonan. Hindi niya masyado maaninag ang mukha nito dahil sa medyo madilim na parte ito nakatayo. Agad niyang tinawag si Manang Mila upang ipasuri kung sino ang babaeng nasa labas. Dali-dali naman itong tumalima.
Biglang kaba naman ang sumalakay kay Monina nang matanaw ang isang babaeng may edad na. Patungo ito sa kanyang kinaroroonan.
“Magandang gabi. Ano pong kailangan nila?” magalang nitong tanong sa kanya.
“N-nariyan po ba si Mister Zaire? May kailangan lang po sana,” pilit ang ngiti niyang sagot. Parang tinatambol sa kaba ang kanyang dibdib sa mga oras na iyon.
“Ano po ang pangalan mo, Ma'am?”
“Pakisabi po si Monina,” halos pabulong niyang tugon.
Muli ay bumalik ito sa loob ng bahay at ilang minuto lang ang nakalipas ay agad din itong bumalik. Pinagbuksan siya nito ng gate.
“Pasok ka, Ining,” nakangiti nitong sabi.
“Salamat po,” nakangiti niya ring tugon.
Sinamahan siya nito hanggang sa kuwarto kung saan naroroon si Lourd.
“Nasaan po si Mister Zaire?” tanong niya nang akmang papasok na sila ng kuwarto.
“Nasa loob, hinihintay ka niya,” sagot nito. Mas lalo pang lumakas ang kabang nadarama. Bakit kailangan sa kuwarto pa nito sila mag-uusap? Napakalaki naman ng sala nito at walang ibang tao maliban sa nag-iisang katulong nito.
Bumungad sa kanya ang maluwang at napakalaking kuwarto na puno ng mga libro at iba't ibang uri ng mga antique na flower vase. Napasulyap siya sa gawing bintana malapit sa terrace at doon niya nakita si Lourd. Nakaupo ito sa swivel chair habang titig na titig sa kanya. Nakasampay ang isang balikat nito sa gilid ng upuan bitbit ang basong may lamang alak. Napalunok siya dahil sa kaakit-akit nitong itsura. Mga mapupungay na mata, gulo-gulo na buhok, at ang bigote nitong ilang araw na yatang hindi naaahit. Mukha itong barumbado ngunit napaka hot nitong tingnan.
“Come in!” saad nitong hindi maalis ang titig sa kanyang mukha.
Dahan-dahan siyang lumapit dito nang tuluyang iwan ni Manang Mila.
“Pumunta ka rito ng dis-oras ng gabi. Ibig sabihin napakaimportante ng sadya mo, right?” usisa nito sa kanya habang nanatiling nakakatitig pa rin. Gusto niya nang matunaw sa kahihiyan, sa paraan ng pagtitig nito ay para siyang call girl na bigla na lang sumulpot sa bahay nito ng dis-oras ng gabi para lang sa pera.
“Pasensiya na po kung nakaistorbo ako. . . At tama, importante po ang kailangan ko,” hindi tumitingin niyang tugon.
Lihim namang napangiti si Lourd. Alam niyang hindi magtatagal ay kusang lalapit sa kanya si Monina. Hindi lingid sa kanya ang pinagdadaanan nito ngayon dahil sa inang may sakit. Ilang araw niya na itong sinusundan at nasaksihan niya mismo ang pagsugod ng ina nito sa hospital. Hindi niya alam kung bakit nagugulo ni Monina ang kanyang sistema, simula noong una niya pa lang itong makita sa hotel.
“Ano'ng kailangan mo?”
Lakas-loob na lumapit si Monina kay Lourd at walang salitang naghubad siya sa harap nito. Nabigla man ay hindi iyon ipinahalata ni Lourd. Sa pangalawang pagkakataon ay muli niyang nasilayan ang magandang katawan nito.
“Stop that!” pigil niya rito na akmang magtatanggal na ito ng dalawa pang natirang saplot.
Sandaling natigil si Monina sa ginagawa at nahihiyang sumulyap kay Lourd. Tumayo ito sa kinauupuan at dahan-dahan lumapit sa kanya bitbit pa rin ang basong may lamang alak.
“I don't need that! Kung gusto ko ng maikakama, anytime makakahanap ako,” saad nito habang isa-isang pinupulot ang mga damit niyang nahubad. Saglit nitong inilagay ang baso sa mesang naroon. Nagulat siya nang ito mismo ang nagpasuot sa kanya ng blouse. Parang nanigas ang buo niyang katawan, hindi makagalaw habang patuloy si Lourd sa pagbibihis sa kanya, nagmukha siyang bata na binibihisan nito.
“There!” anito matapos maisuot ang lahat ng saplot niya. “Now tell me. Ano'ng kailangan mo?”
“Pera!” diretso niyang tugon. Ayaw niya nang magpaligoy-ligoy pa kung hindi naman pala ang kaniyang katawan ang kailangan nito.
“Maaari ko bang malaman ang dahilan kung bakit kailangan mo ng pera?” tanong ni Lourd na muling bumalik sa kinauupuan.
Napakagat-labi si Monina dahil anumang oras ay babagsak na ang pinipigilang luha.
“Kailangan ng nanay kong maoperahan, kaya kailangan ko ng malaking halaga,” halos pabulong niyang sabi, nag-uumpisa na kasing pumatak ang kanyang mga luha. “Wala akong ibang malapitan. . . Maliban sa ‘yo.”
Hindi nakapagsalita si Lourd. Kitang-kita niya ang lungkot sa mukha ni Monina at parang may malamig na mga kamay ang humaplos sa kanyang puso. Muli ay lumapit siya rito bitbit ang sobreng naglalaman ng malaking halaga na palihim niyang kinuha sa drawer.
Dahil nakayuko si Monina ay hindi niya napansin ang muling paglapit sa kanya ni Lourd.
“Here! Katulad nang ipinangako ko sa 'yong pera, sana hindi mo rin makalimutan ang magiging kapalit nito.” Naaamoy ni Monina ang hiningang amoy alak nito at pakiramdam niya ay nalalasing din siya.
“Ang tumira rito?” mahina niyang tugon ngunit sapat na upang umabot sa pandinig ni Lourd.
“Yes! Pagkatapos ng operasyon ng nanay mo at kapag tuluyan na siyang gumaling, puwede ka nang tumira rito kasama siya.”
Muli siyang napakagat-labi. Papaano niya ipapaliwanag sa ina ang lahat. Alam niyang hindi siya nito titigilan sa pagtatanong, lalo na kapag kinailangan niya na itong dalhin doon. “Bahala na siguro, ang importante ay gumaling na siya,” bulong niya sa isip.
“Leave!” narinig niyang sabi ni Lourd. Ilang sandali siyang tumitig sa mga mata nito, tila doon hinahanap ang seryosong kasagutan sa sinabi. “Don't look at me like that, Monie!” anas nito na nagpabalik sa kanyang huwisyo. Bakit parang may nagliliparang paruparo sa paligid nang bigkasin nito ang pangalan niya. Para iyong musika sa kanyang pandinig. “Are you listening?” Sa pagkakataong iyon ay tila may bahid na inis ang boses nito. kaya't para siyang sinilihan na agad umalis. Baka bawiin pa ang perang ibinigay sa kanya.
Napabuntonghininga naman si Lourd. Alam niyang hindi ito tama, ngunit kailangan niyang gawin, upang makalimot at para na rin kay Angel.
Pagbalik sa hospital ay naabutan ni Monina si Helen na naghihintay sa labas ng operating room, isinasagawa na pala ang operasyon sa kanyang ina.
“Kumusta na, Helen? May balita na ba mula sa loob? Hindi pa ba tapos ang operasyon?” sunod-sunod at kinakabahan niyang tanong. Habang mahigpit na nakahawak sa strap ng bag na naglalaman ng malaking halaga.
“Wala pa. Mukhang hindi pa tapos ang operasyon, dalawang oras na ang nakalilipas,” anito.
Nanghihina siyang naupo sa mahabang upuan na naroon at lihim na umusal ng dasal. Wala siyang ibang mahihingan ng lakas ng loob at kaligtasan ng ina kung hindi ang nasa itaas lamang.
Mga mahihinang pagtapik sa kanyang balikat ang nagpagising kay Monie. Namulatan niya si Helen na nakangiting nakatayo sa kanyang harapan.
“B-bakit?” agad niyang tanong dito, namumungay ang mga matang bumangon siya sa upuang natulugan.
“Nailipat na si Aling Rosita sa Recovery Room,” sagot nito.
Agad siyang tumayo at hindi man lang nag-abalang mag-ayos sa nagulong buhok na tinungo ang kuwartong pinagdalhan sa ina. Naabutan niya roon ang doktor kasama ang Nurse na nag-aasikaso rito.
“Dok, kumusta po ang nanay ko?”
“Good news, Miss Agapito! Ok na ang nanay mo, matagumpay ang operasyon na ginawa namin,” masayang tugon nito sa kanya. Tila nabunutan siya ng tinik sa dibdib sa sinabi ng doktor.
“Dok, dala ko na po ang pambayad,” nakangiti niyang sabi, habang napapasulyap sa inang walang malay.
“Mabuti naman at nakahanap ka ng pera. Pumunta ka na lang mamaya sa counter at doon na magbayad. Meron bang Philhealth ang nanay mo? Makakatulong iyon upang mabawasan ang bayarin niyo.”
“Meron naman po, pero hindi ko po alam kung saan niya itinago. Masiyado pong masinop 'yang nanay ko, kahit mga resibo na matagal nang gamit, itinatago pa.” Kahit papaano ay nagagawa nang magbiro ni Monie. Nakahinga na siya ng maluwag dahil tuluyan nang naoperahan ang ina. Iisipin niya na lang ngayon ay ang napipintong pagtira niya sa bahay ni Mister Zaire.
“Maiwan ko muna kayo, may pasyente pa kasi akong aasikasuhin sa kabilang kuwarto,” paalam ng Doktor sa kanila. Naiwan silang dalawa roon ni Helen.
“Monie, uuwi na muna ako, hindi pa kasi ako nakapagpalit ng damit. Bukas na lang ng umaga ako babalik dito,” paalam naman ni Helen.
“Sige, Helen. Salamat, ha!” Inabutan niya ito ng pera.
“Ano 'to? Kakabigay mo lang sa akin ng pera, ah!”
“Ok lang, kunin mo na, para may pandagdag ka sa panggastos mo bukas,” nakangiti niyang sabi. Malaking tulong din ang naibigay ni Helen sa kanya, kahit pa sabihin na binibigyan niya ito ng suhol. Hindi madaling iwan ang mga anak para lang magbantay sa ibang tao. Kahit papaano may kaunting pera pa naman siyang naitabi kaya't dinagdagan niya ang bayad dito.
“Salamat, Monie. Aalis na ako,” tuluyang paalam nito sa kanya. Nang mag-isa na lang ay mataman niyang tinitigan ang ina. Payapa na ang itsura nito matapos maoperahan. Sana nga ay magtuloy-tuloy na ang paggaling nito upang tuluyan na rin mawala ang kanyang pangamba.