Chapter 3
Pinakiusapan muna ni Monina ang kapit-bahay nilang si Helen upang magbantay sa ina sa ospital. Pinangakuan niya lang ito na bibigyan ng suhol pagdating.
Wala pang alas-otso ay nakarating na siya sa pinapasukang hotel. Nasalubong niya si Agatha, ang bago niyang makasasama roon.
“Good morning, Monina!” nakangiting bati nito sa kanya. Saglit siyang napatulala sa kagandahan nito. Matangkad, maputi, at mahaba ang itim na itim nitong buhok. Mukha itong flight attendant kung titingnan.
“Good morning,” tugon niya nang magbalik sa kamalayan.
“Hinahanap ka na ng kaibigan mo,” anito.
Bahagyang napakunot ang kanyang noo at tila nakalimutan niya saglit kung sino ang kaibigan na sinasabi nito.
“Si Darlene,” nakangisi nitong sabi nang mapuna ang kanyang pagkawala sa sarili.
Pagak siyang natawa rito. “Pasensya na kung wala ako sa sarili ko ngayon,” hinging paumanhin niya habang isinusulat ang pangalan sa log book nila.
“Okay lang. May problema ka ba?” Hindi siya nakapagsalita sa tanong nito. “So, may problema ka nga?” ulit nito.
“Nasa ospital ang nanay ko,” tipid niyang sagot. Si Agatha naman ang natahimik. Ramdam niya ang mabigat na problema ni Monina. “Mauuna na muna ako. Baka kasi maabutan ako ni Miss Tessie at ma-principal office pa ako,” aniya na iniwan na si Agatha. Iba kasi ang trabaho nito. Mas mataas ang posisyon nito sa kanila. Pero dahil mabait ito ay madali nilang nakasundo.
Pagdating niya sa Quarter’s Area ay agad siyang nilapitan ni Darlene at binulungan.
“Pinapupunta ka ni Miss Tessie sa opisina niya,” bulong nito.
“Bakit daw?”
“May ipagagawa yata sa ‘yo kaya bilisan mong magpalit ng uniporme.”
Matapos magpalit ng uniporme ay agad na tinungo ni Monina ang opisina ng supervisor nila. Hindi kaagad siya nito napansin dahil may kausap pa ito sa kabilang linya. Malakas siyang kumatok sa pintuan na ikinalingon nito sa kanya. Sumenyas ito sa kanya na maghintay nang sandali. At pagkaraan ng ilang minuto lang ay tapos na itong makipag-usap.
“Come in!” saad nito. Agad siyang pumasok.
“Good morning, Miss Tes. Pinapatawag niyo po raw ako,” nakangiti niyang tanong.
“Well, yes dahil mayroon akong ipalilinis sa ‘yo na kuwarto,” saad nitong hindi tumitingin sa kanya.
“Anong room po ito?”
“Sa Private Room. Sa kuwarto ni Mister Zaire,” anito habang nag-aayos ng mga folders na naroon.
Nagulat siya ngunit hindi ipinahalata rito. “B-Bakit po ako, Miss Tes? ‘Di ba may naka-assign naman pong tagalinis sa mga Private Room?”
“And why not? ‘Di ba trabaho ninyo ito as a chambermaid dito sa hotel? Bakit ka nagrereklamo?” mataray nitong tanong.
Hindi niya ugaling magsasagot sa mas mataas sa kanila kaya’t nanahimik na lang siya.
“Okay po,” tipid niyang tugon sabay talikod.
“Be careful sa paglilinis sa kuwarto ni Mister Zaire. Masyadong istrikto iyon pagdating sa paglilinis,” pahabol nito sa kanya. Ngunit hindi na siya nag-abala pang lumingon.
Matapos makuha ang mga kakailanganin sa paglilinis ay agad siyang nagtungo sa kuwarto ng CEO. Sana lang ay wala ito roon.
Gamit ang sarili nilang susi ay maingat niyang binuksan ang kuwarto nito. Tahimik ang buong kuwarto at mukhang walang tao. Napasulyap siya sa higaan nito at maayos iyon—mukhang hindi nagalaw. Lihim siyang napangiti. Atleast, makapapaglinis siya nang maayos dahil wala ito. Diretso siya sa malaking sliding window at binuksan ito upang makapasok ang mataas nang sikat ng araw.
Inilibot niya ang paningin, mukha namang wala na siyang lilinisin dahil malinis naman at maayos naman ang kuwarto nito. Napansin niya lang sa may mini kitchen na parang nakabukas ang refrigerator. Agad siyang lumapit upang usisain kung bakit bukas ito, ngunit wala ring tao.
“Ay, pusang gala!” gulat niyang sambit nang bumulaga sa harap niya ang isang batang babae. Ito ‘yong batang nakasalubong niya noong isang araw at ngayon ay nasa harapan niya na naman. Puno ng chocolate ang bunganga nito at ang buong mukha, tila hinilamos nito ang chocolate. Gulo-gulo ang buhok na animo’y nilipad ng malakas na hangin.
“Are you scared?” nakangisi nitong tanong. Imbis na mainis ay natawa na lang siya. Paano ka nga naman maiinis sa cute na batang ito.
“Teka, baby. Ano’ng ginagawa mo rito? May kasama ka ba?” taka niyang sabi.
“She’s with me. And she is my daughter.”
Bigla siyang napasulyap sa may bandang pintuan. Naroroon na si Lourd, nakatayo habang may bitbit na mga damit.
“Come to me, Angel,” baling nito sa bata. Ngunit nagtago ito sa likod ng refrigerator.
“Don’t be stubborn, Angel! I said, come to me,” may pagbabanta nitong sabi sa anak.
“Ako na ang magbibihis sa kanya,” agad niyang sabi na kinuha ang mga damit mula rito.
“Come here, baby. Let’s change your clothes,” malambing niyang sabi. Agad itong lumapit sa kanya. “Sa tingin ko, kailangan mo munang maligo,” natatawa niyang sabi sa bata. Dinala niya ito sa banyo at pinaliguan. Pagkatapos ay binihisan.
Si Lourd naman ay tahimik lang na pinagmamasdan si Monina habang inaasikaso nito ang anak niya. Kahit saang anggulo niyang tingnan si Monina ay hindi maipagkakailang kamukha ito ni Danica. Mas matangkad nga lang ito at morena. Habang si Danica naman ay maputi at hindi mas’yadong katangkaran.
“Two hundred thousand,” narinig ni Monina na saad nito.
Tiim siyang tumitig dito. Bigla ay naalala ang inang nasa ospital.
“Cash?” pagdaka’y tanong niya.
Bigla itong napaunat sa kinauupuan nito nang marinig ang tanong niya.
“Tama ba ako sa narinig ko?”
“Sabihin mo muna sa akin ang gagawin ko sa halagang two hundred thousad. At kung kaya ko ang ipagagawa mo . . . I’m willing,” saad niyang pinipigilan ang paghinga. Walang choice si Monina kung hindi ang tanggapin ang offer nito kung kapalit ay ang malaking halaga na puwede niyang ipagamot sa inang may sakit.
“Simple lang. Live with me until Angel’s . . .” Hindi nito maituloy ang sasabihin. Marahas itong napabuga sa hangin. “Tumira ka sa bahay ko,” seryoso nitong sabi.
Hindi siya nakapagsalita. Naglalaro na kasi sa isip niya ang sasabihin ng mga kasamahan niya sa trabaho.
“Bibigyan kita ng dalawang araw para mag-isip. Ibibigay ko sa ‘yo mamaya ang paunang bayad. Alam kong kailangan mo ng pera.”
Hindi siya nakapagsalita. Pakiramdam niya kasi ay isa siyang bayarang babae. Parang kinain niya lang iyong sinabi niya noon na hindi magtitiwala sa lalaki.
“Ano’ng iniisip mo?” tanong nito nang mapansin na tahimik siya.
“Wala.”
“Aalis pa kami kaya ikaw na ang bahala rito. And thanks, by the way,” pasimple nitong itinuro si Angel na ngayon ay naglalaro na ng puzzle.
Naghanap siya nang lilinisin dahil wala namang kalat na dapat niyang linisin. Napakaayos ng kuwarto nito.
“Sige po, ako na ang bahala rito,” aniya na inayos ang pagkakalagay ng picture frame na nasa ibabaw ng round table.
“Will you come with us?” tanong ni Angel sa kanya.
“No, baby girl. May trabaho pa si Ate Monie,” malambing niyang sabi, habang nilalaro ng kamay ang mahaba nitong buhok.
“Okay. But promise me, we will play,” nakangiti nitong sabi. Nililipad ng hangin mula sa bintanang bukas ang bangs nito.
“Yes, I promise,” nakangiting sabi niya sabay taas ng kaliwang kamay tanda ng pangako niya rito.
“Let’s go, baby!” ani Lourd ngunit ang mga mata ay sa kanya nakatuon. Agad na lumapit dito si Angel at humawak sa kamay ng ama.
“Make sure na pagdating namin ay tapos ka na rito. Gusto ko pagbalik ay malinis na itong kuwarto para matutulog na lang kami ni Angel.”
Tango lang ang tanging naging tugon niya dahil nagsimula na siyang maglinis.
Nang umalis na ang mag-ama ay medyo nakahinga siya nang maluwag. Sandali siyang umupo sa sofa na naroroon at hinilot ang sentido na kanina pa sumasakit. Hindi pumasok sa hinagap niya na papasok siya sa ganitong sitwasyon. Ang gusto niya lang naman ay maipagamot ang inang may sakit. Bakit kailangan pa ng mga kondisyon na labag sa kanyang kalooban?
Mahigit kalahating oras din siyang nag-ayos sa kuwarto ni Lourd. Nag-arrange siya ng mga gamit nito, ang lamesa na malapit sa pintuan ay inilipat niya malapit sa bintana, at ang mga sofa naman ay iniba niya rin ng puwesto para lang may nagawa siya sa kuwarto nito at hindi masabing nagsarap-buhay lang siya roon.
Nagpahinga muna siya sandali. Sumandal sa sofa at naka-de-kuwatrong nakaharap sa bintana. Ipinatong niya ang mga paa sa dulo ng bilog na lamesa at saglit na nag-isip. Maaga pa naman at isang oras pa lang ang nakalilipas buhat nang umalis si Lourd at ang anak nito.
“Hindi pa naman siguro darating si Sir Lourd,” kausap niya sa sarili. Ipinikit niya ang mga mata at sandaling naidlip. Kulang siya sa tulog dahil sa magdamagang pagbabantay sa ina kaya’t hindi na niya mapigil ang antok.
Matapos mamasyal at ihatid sa bahay ng mga magulang si Angel ay bumalik si Lourd sa hotel. Doon muna siya maglalagi ng ilang araw upang matutukan niya pa ang pagpapatakbo ng hotel. Hindi biro ang magpatakbo ng negosyo lalo na’t hindi niya pa ito mas’yadong gamay. Kakaunti lang naman ang guest nila ngayon dahil hindi naman season, kaya’t makapagpapahinga siya nang kaunti habang pinag-aaralan ang iba pang gagawin.
“Good afternoon, Sir,” bati sa kanya ng ilang tauhan na nasasalubong. Ang iba ay halatang nagpapa-cute sa kanya na hindi na naman bago, dahil nasanay na siya.
Sa pagpasok niya ng elevator ay nakasalubong niya naman ang mga teenager na naka-check in din yata roon. Panay ang pa-cute ng mga ito ngunit deadma lang siya. Buti na lang ay nakasuot siya ng eye glasses, hindi nahahalata ang kasungitan niya. Wala kasi siya sa mood makipag-flirt ngayon. Hanggang sa makarating na siya ng fifth floor kung nasaan ang kanyang kuwarto.
Maaliwalas at malaking espasyo ang agad na bumungad sa kanya pagkapasok ng kuwarto. Inikot niya ang paningin sa kabuuan. Walang tao, marahil ay tapos nang maglinis si Monina.
Sa pag-aakalang wala na si Monina sa kuwarto ay kampanteng naghubad siya ng mga damit at tanging maliit na lamang na saplot ang natira. Nagtungo siya sa banyo nang naka-brief lang at nagbukas ng shower, ngunit nakalimutan niya ang tuwalya kaya’t lumabas siya ulit ng banyo.
Nanlaki ang mga matang napatitig siya sa namumutlang si Monina na nasa harapan niya na ngayon.
“What are you doing here?”
“Sorry po, Sir nakatulog po kasi ako,” nahihiyang sabi ni Monina habang pinipilit iiwas ang mga mata sa maumbok nitong harapan. Gusto niyang magtakip ngunit mas’yado namang obvious kapag ginawa niya iyon.
Humakbang si Lourd papalapit sa kanya na parang wala lang. Hindi man lang ito nag-abalang magtakip ng pang-ibaba.
“Can you please get my towel?” utos nito sa kanya.
Halos hindi maihakbang ni Monina ang mga mata. Para siyang ipinako sa harap ni Lourd. Talagang ipinagyayabang sa kanya ang sandata nito. Ano naman ang laban niya rito, ni hindi pa nga siya nakatitikim ng isang halik ng lalaki.
“Make it fast. Giniginaw na ako,” narinig niyang sabi nito kaya naman inilang hakbang niya ang pagkuha ng towel nito.
“S-Sir, puwede na po ba akong lumabas?”
“Are you done?”
“Opo,” aniya na hindi tumitingin dito.
“Hihintayin ko ang desisyon mo,” saad nito. Ngunit hindi na nag-abalang lumingon pa si Monina. Alam niya na kasi kung ano ang ibig nitong sabihin.