Chapter 2
Ang malakas na tunog ng alarm clock ang nagpagising kay Monina. Hudyat iyon na alas-kuwatro na ng madaling araw. Agad siyang bumangon at naghanda ng lulutuin. Habang nagluluto sa rice cooker ng kanin ay isinabay niya ang pagligo. Ilang minuto lang ay lumabas kaagad siya ng banyo. Nakatapis lang siya ng tuwalya at ang buhok ay binalutan ng hinubad niyang damit habang nagluluto ng ulam. Saktong alas-singko ay nailuto na niya lahat. Agad niyang ginising ang ina at pinaliguan sa maligamgam na tubig. Pagkatapos ay dinala sa kusina upang doon pakainin.
“Saluhan mo na ako, anak,” saad nito habang pinapatuyo ng labakara ang kamay.
“Sige lang, ‘nay. Magbibihis lang po muna ako. Mauna ka nang kumain dahil dapat alas-sais makainom ka na ng gamot mo,” saad niya habang nagbibihis. Hindi ito umimik at mukhang kay lalim ng iniisip. “Bakit po, ‘nay? May masakit ba sa ‘yo?”
“Wala, ‘nak. May iniisip lang ako.” Hindi na lang siya nagsalita dahil hindi rin naman ito magsasabi sa kanya kahit na anong pilit niya.
Pagkatapos magbihis ay kumain na rin siya dahil malapit nang mag-ala-syete.
“‘Nay, may pagkain na po sa kusina para po sa tanghalian. Iyong gamot naman po ay nasa ibabaw lang ng refrigerator, inumin mo po pagkatapos kumain,” bilin niya sa ina.
“Oo, anak. Mag-iingat ka sa biyahe,” saad nito bago kumaway sa kanya. Dali-dali na siyang umalis at kaunting minuto na lang ay alas-otso na. Sasakay pa siya ng isang sakayan bago makarating sa Zaire’s Hotel.
Halos takbuhin na ni Monina ang hotel para makarating kaagad. Panay ang sipat niya sa relong-pambisig. Ilang segundo na lang at alas-otso na.
Saktong nasa entrance na siya nang may mabundol na bata. Buti na lang at nakabalanse siya kaya nahawakan niya ang kamay ng bata upang hindi ito tuluyang mabuwal, ngunit napatid ang mga paa niya sa ikalawang baitang ng hagdanan. Napatili siya at akmang masusubsob nang biglang may mga kamay naman na humila sa kanya. Parang sa isang romantic movie na napayakap siya sa lalaking humila sa kanya. Napasubsob siya sa malapad na dibdib nito habang ang bata ay hawak pa rin ng isa niyang kamay. Dahan-dahan siyang nag-angat ng ulo at laking gulat nang makilala ang lalaki.
“S-Sorry po, Sir!” hinging paumanhin niya. Para siyang napapaso sa klase ng titig nito. Walang emosyon na makikita.
“Be careful next time. Hindi ikaw ang may-ari ng daanan, marami kang naaabala,” walang kangiti-ngiti nitong sabi. Namula siya sa sinabi nito, lalo na’t pinagtitinginan na sila ng mga katrabaho niya.
“Mommy!” sambit ng batang babaeng hawak niya sabay yakap sa kanya. Nanlalaki ang mga matang napatitig siya sa batang babae.
“Angel, she’s not your mommy,” saad ng babaeng kararating lang. Base sa uniporme nito ay isa itong yaya. Pinilit nitong tinatanggal ang mga kamay ng batang nakayakap sa kanya.
“No! She’s my Mommy!” Mas lalo pang humigpit ang yakap nito sa kanya kaya mas lalong hindi siya makagalaw.
“Angel, listen to me! Your mommy is in heaven, that’s why she’s not your mommy,” patuloy nitong pang-aalo sa bata. Lalo pa siyang nahiya, dahil nagtataasan na ang kilay ng mga kasamahang babae sa kanya. Baka kung ano na ang iniisip ng mga ito.
“Baka naman gusto mo kaming tulungan sa kanya,” saad ni Lourd sa kanya. Mukhang hindi kaya ng mga ito paamuin ang bata. Inakala talaga yata na siya ang mommy nito.
“Baby girl, listen to me. I’m not your mommy, but I am willing to be your friend,” malambing niyang sabi rito.
“Do you know where my mommy is?” inosente nitong tanong sa kanya.
“No, but I’m sure, she’s always by your side.” Unti-unti ay napangiti ito at saka lumabas ang magkabilang dimple sa pisngi.
“Really? Like guardian angel?” nakangiti na nitong tanong habang nakikinig lang sa kanila si Lourd at ang kasama nitong mga bodyguards at yaya.
“So, puwede na ba akong umalis, baby girl? Kailangan kasi ni Ate Monina mag-work,” saad niya habang sinusuklay ng mga daliri ang mahaba at malambot nitong buhok.
“Sure! But, can we play later?” pangungulit pa nito.
“Sure! But after my work, okay?” nakaluhod na siya sa harap ng bata upang ‘di na nito kailangang tumingala pa sa kanya.
Matapos ibigay sa yaya nito ang bata ay agad na siyang pumasok ng entrance.
“Galing mo naman, Monina,” saad ng guwardiya na may halong panunukso. Ngumiti lang siya rito at tuloy-tuloy nang pumasok sa loob.
“You are late, De Jesus!” salubong kaagad sa kanya ni Miss Tessie.
“I’m sorry, Ma’am, nagkaroon lang—”
“Miss Villa, inutusan ko pa siya kanina, kaya’t na-late si Miss De Jesus,” sabay silang napalingon sa pinanggalingan ng boses. Si Mister Zaire pala ang nagsalita. Pinagtakpan siya nito kay Miss Tessie.
“Ganoon po ba, Sir,” saad nitong tumingin sa kanya nang makahulugan.
“Yes. And, Miss De Jesus. Follow me in my office,” anito.
Nabigla man ay agad na sumunod si Monina kay Lourd. Wala siyang ideya kung ano ang kailangan nito sa kanya, o baka naman paaalisin na siya nito. Napakagat-labi siya sa naisip. Huwag naman sana. Paano pa siya makakaipon kung mawawalan siya ng trabaho?
Napasinghap si Monina pagkapasok sa opisina ni Lourd at nalanghap niya ang pabango nito. Nakita niyang naghubad ito ng suit at tanging ang puting panloob na lang nito ang natira. Niluwagan ang neck tie na hinayaan lang magulo sa leeg nito. Kumuha ito ng kopita at nagsalin ng alak mula sa maliit nitong ref.
“Sit down,” utos nito sa kanya. Umupo siya sa sofa bed na naroon at naghintay ng mga sasabihin nito. Gusto niyang magtanong dito, ngunit nahihiya siya. Inubos muna nito ang iniinom na alak bago siya nilapitan.
“Aside sa pagiging chambermaid, can you tell me what’s your other job—sideline or anything?” anito.
“Wala po, Sir. Ito lang po talaga ang trabaho ko.
“Gaano ba ka importante sa ‘yo ang trabaho? Are you willing to try another job? Iyong labas na rito sa hotel.” Bigla siyang napatabon sa kanyang katawan. Mukhang iba na ang ibig sabihin nito.
“What do you mean, Sir?” Humarap ito sa kanya at tumitig.
“I have a deal for you,” saglit na tumitig ito sa kanya. “For the cash . . . can you stay with me?” Napanganga si Monina sa sinabi nito.
“Po?”
“Don’t say, ‘po’. I’m not that old!”
“Pakiulit, hindi ko kasi ma-gets ang ibig mong sabihin.”
“Okay, lilinawin ko. Ayaw ko ng maraming tanong. Sa halagang one hundred thousand pesos, stay with me . . . live with me,” diretso nitong sabi.
“Nasisiraan ka na ba ng bait?” inis niyang tanong. “Ano ba’ng akala mo sa akin, bayaran?”
“I didn’t say anything like that!” Napasabunot ito ng ulo at marahas na napabuga ng hangin. “Leave!” utos nito.
Naguluhan man ay agad na lumabas ng opisina si Monina. Hindi niya naintindihan ang biglang inasal ni Lourd. Pinatawag-tawag siya nito sa opisina, tapos in-offer-an ng malaking halaga nang walang mabigat na dahilan tapos nang hindi siya pumayag ay pinalabas kaagad siya ng opisina. Daig pa ang babaeng nireregla.
“Oh, ba’t sambakol ‘yang mukha mo?” usisa ni Darlene nang masalubong siya sa hallway. May bitbit itong walis-tambo at dustpan.
“Wala! Iyong boss mo kasi, weather-weather!”
“Anong weather-weather? Saan ka ba galing?” takang tanong nito.
“Doon!” Ininguso niya ang opisina ni Lourd.
“Ha? Ano’ng ginawa mo roon? May kasalanan ka na naman ba?”
“Iyon nga ang iniisip ko kanina, pero nang malaman ko ang dahilan nawalan ako ng gana sa boss mo!” inis niyang sabi. Naalala niya na naman kasi ang napag-usapan nila kanina.
“Huwag kang madamot, i-share mo naman!” biro nito sa kanya. Nagdadalawang-isip siya kung sasabihin ba rito o hindi ang napag-usapan. Baka kasi ulanin siya ng tukso nito.
“Huwag na! Hindi naman mas’yadong importante,” aniya sabay talikod. Baka kasi mapansin nito ang pagsisinungaling niya.
“Bahala ka! Pero ingat ka kay Sir. Marami raw ‘yang pinaluhang babae,” paalala nito sa kanya.
“Ano naman sa tingin mo, na papatol sa akin si Sir?”
Sinuyod siya nito ng tingin at bumulong sa kanya. “Puwede na!” biro nito sa kanya.
“G*ga ka talaga!”
“Anong g*ga? Maganda ka naman at sexy—baduy lang!” anito sabay takbo. Hinabol niya ito at parang mga batang naghabulan sa hallway. Buti na lang at wala pa silang guests kaya walang tao at hindi mas’yadong nakahihiya.
Matapos ang kulitan nila Darlene ay balik trabaho sila ulit. Maghapon siyang nagkuskos ng mga inodoro at nangulit sa iba pang crew. Minsan lang silang magkulitan tuwing lunch time. Pagdating ng gabi ay hinay-hinay na nilang tinatapos ang mga gawain dahil saktong alas-otso ay uwian na rin.
Dating gawi.
Nag-aabang na naman siya ng masasakyan pauwi at pagkatapos ay sasaglit sa botika upang bumili ng gamot. Ganito palagi ang kanyang routine.
Pagdating niya sa bahay ay nadatnan niya ang inang inaatake ng ubo. Agad siyang kumuha ng tubig upang painumin ito. Pinainom niya ito ng gamot at marahang hinahagod ang likod nitong basa na sa pawis. Agad siyang kumuha ng damit pamalit.
“Anak, mukhang hindi na yata ako magtatagal sa mundo,” mahina nitong saad.
“Huwag po kayong magsalita ng ganyan,” saad niya. Pinipilit na hindi gumaralgal ang boses.
“Mas okay na iyon, anak upang hindi ka na mahirapan pa. Pabigat na lamang ako sa ‘yo. Wala tayong pera.” Gusto nang maluha ni Monina. Pakiramdam niya ay isa siyang inutil na walang magawa upang gumaling ang ina sa sakit nito.
“Huwag po kayong mag-alala, hahanap po ako ng paraan upang maipagamot kayo.”
“Kung may magagawa lang sana ako, anak,” naluluhang sabi nito.
“Okay lang po, ‘nay. Ang importante magpakatatag po kayo at magpagaling. Ako na po ang bahalang maghanap ng paraan upang maipagamot kayo.”
Ngunit mas lalo pang lumala ang ubo ng ina, kaya’t isinugod na niya ito sa ospital. Ang kaunting perang naipon ay ipinambayad niya. Partial pa lang daw iyon kaya kailangan niyang humanap pa nang mas malaking halaga.
Habang natutulog ang ina ay hindi niya maiwasang maluha. Naaawa siya sa kalagayan nito. Naka-oxygen na ito ngayon dahil nahirapan itong huminga kanina dahil sa walang humpay na pag-ubo. Saan siya hihingi ng tulong? Sigurado siyang wala ring pera ang mga kakilala niya. Gusto niyang manghiram kay Darlene ngunit nahihiya na siya dahil malaki-laki na rin ang utang niya rito. Sasabog na ang kanyang ulo sa pag-iisip ng paraan. Kahit mag-overtime siya nang mag-overtime sa hotel ay kulang pa rin.
Bigla niyang naisip si Mister Zaire. Malaking halaga ang ino-offer nito sa kanya. Puwede niyang tanggapin, ngunit hindi niya alam kung ano ang magiging kapalit nito. Hindi niya pa ito lubusang kilala, kaya’t paano siya magtitiwala rito?
Tumayo siya sa kinauupuan at lumapit sa bintana. Mula sa apat na palapag ng ospital na iyon ay tanaw niya ang paligid. Ang mga iba’t-ibang kulay ng mga ilaw na nagmumula sa kabahayan. Sinulyapan niya ang orasan na nakasabit sa pader malapit sa pintuan. Mag-aalas-onse na ng gabi ngunit ayaw na siyang dalawin ng antok. Gusto niya sanang umuwi muna upang kumuha ng ibang gamit, ngunit walang magbabantay sa kanyang ina. Ayaw niyang iasa ito sa ibang tao. Ang gusto niya ay maalagaan pa rin ito hanggang sa huli nitong hininga. Ito lang ang mayroon siya at ayaw niya iyong sayangin.
Nilapitan niya ang ina at hinawakan ang kamay nito. “‘Nay, lumaban ka pa. Narito lang ako sa tabi mo,” saad niya sa punong tainga nito. Alam niya namang hindi rin nito kayang iwanan siyang mag-isa. Hanggang sa nakatulugan na lang ni Monina iyon habang nasa tabi ng ina.
KINABUKASAN, nagising siya sa mga kamay na humahawi sa buhok niyang tumakip sa kanyang mukha.
“‘Nay! Okay ka lang ba? May masakit ba sa ‘yo?” agad niyang tanong nang mamulatan ito.
“Wala, anak. Gusto lang kitang pagmasdan habang natutulog,” mahina nitong sabi. Bahagya itong umubo.
“Tama na ‘yan, magpahinga lang po kayo r’yan. Uuwi po muna ako saglit, hahanap po ako ng magbabantay muna sa ‘yo. Kailangan ko pong pumasok sa trabaho para may ipambili ng mga gamot niyo,” mahaba niyang saad.
“Mag-iingat ka, anak,” bilin nito sa kanya.
“Sige po at aalis na ako.” Muli niyang sinulyapan ang ina bago tuluyang umalis. Masakit man sa loob niya na iwan ito sa ganoong sitwasyon, ngunit wala siyang magagawa. Kailangan niyang kumayod upang may maipangtustos sila.